Marami, lalo na sa mga bata pa sa buhay Kristiyano, ang malimit na binabagabag ng mga isipang nagmumungkahi ng eseptisismo. Sa Biblia ay maraming bagay ang hindi nila maipaliwanag o maunawa man, at ginagamit ni Satanas ang mga ito upang sirain ang kanilang paniniwala na ang Kasulatan ay isang pahayag na buhat sa Diyos. Nangagtatanong sila: “Paano ko maaalaman ang tunay na daan? Kung tunay nga na ang Biblia ay Salita ng Diyos, paanong mawawala sa akin ang mga pag-aalinlangan at kagulumihanang ito?
Kailan man ay hindi hinihingi ng Diyos na tayo’y magsipaniwala ng hindi muna Siya nagbibigay ng sapat na katibayang mapagsasaligan ng ating pananampalataya. Ang pamamalagi ng Kanyang pagka-Diyos, ang Kanyang likas, at ang katotohanan ng Kanyang salita, ay pawang pinagtitibay ng patotoong kinikilala natin, at ang patotoong ito ay sagana. Gayon may hindi inaalis ng Diyos ang pagkaari ng pag-aalinlangan. Ang ating pananampalataya ay dapat mabatay sa katunayan, hindi sa pagpapakitang tao. Ang mga may ibig magalinlangan ay makapag-aalinlangan subali’t ang talagang naghahangad na makakilala ng katotohanan, ay makakasumpong ng saganang katibayang mapagsasaligan ng kanilang pananampalataya.
Hindi ganap na maaabot ng dahop na pag-iisip ang likas o ang mga gawa ng Isang Walang-hanggan. Sa la long matalas na pag-iisip, sa pinakamatalinong tao, ang Isang banal na iyan, ay dapat manatiling nababalot ng hiwaga. “Masusumpungan mo ba ang Diyos sa pagsasaliklik? Masusumpungan mo ba sa kasakdalan ang Makapangyarihan sa lahat? Mataas na gaya ng langit; anong iyong magagawa? Malalim kaysa Sheol; anong iyong malalaman?” Job 11:7, 8.
Ang sigaw ni apostol Pablo ay ganito: “Oh kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Oh, di matingkalang mga hatol Niya, at hindi malirip na Kanyang mga daan!” Roma 11:33. Bagaman at “mga ulap at kadiliman ay nasa palibot Niya, katuwiran at kahatulan ay patibayin ng Kanyang luk-lukan.” Awit 97:2. Maaaring maabot ng ating pagiisip ang Kanyang mga pagpapasunod sa atin, at ang mga layunin na ikabubuti natin kung ating maalaman; at ang hindi natin maabot ay dapat na nating ipagkatiwala sa kamay na may walang-hanggang kapangyarihan, at sa pusong puno ng pag-ibig.
DAKILANG HIWAGA
Ang salita ng Diyos, gaya ng likas Niya na nagsalita nito, ay nagpapakilala ng mga hiwagang hindi ganap na matatarok ng mga taong dahop sa kaalaman. Ang pagpasok ng kasalanan sa sanlibutan, ang pagkakatawang-tao ni Kristo, ang pagpapanibago ng pagkatao, ang pagkabuhay na mag-uli, at marami pang ibang mga paksang ipinakikilala sa loob ng Biblia, ay mga hiwagang napakalalim na hindi kayang ipaliwanag ng pagiisip ng tao, o maunawa mang lubusan. Datapuwa’t wala tayong katuwiran na ating pag-alinlanganan ang salita ng Diyos dahil sa hindi maabot ng ating pag- iisip ang mga hiwaga ng Kanyang banal na kalooban. Sa sanlibutang ito ay lagi tayong nasa gitna ng mga hiwagang hindi natin matarok. Ang pinakamaliit na anyo ng buhay ay naghaharap ng isang suliraning hindi kayang ipaliwanag ng mga lalong pantas na pilosopo. Saan mang dako ay may mga kagilagilalas na bagay na hindi abot ng ating pagkukuro. Dapat baga naman tayong magtaka kung tayo’y makasumpong sa sanlibutang ukol sa espiritu ng mga hiwaga na hindi natin maaaring maarok? Ang ikinahihirap ay nasa kahinaan at kakitiran ng pag-iisip ng tao. Sa loob ng Kasulatan ay binigyan tayo ng Diyos ng sapat na katibayan ng banal na likas nito, at hindi natin dapat pag-alinlanganan ang Kanyang salita dahil sa hindi maabot ng ating pag-iisip ang lahat ng hiwaga ng Kanyang banal na kalooban.
Sinasabi ni apostol Pedro na sa Kasulatan ay mayroong ilang “bagay na mahirap unawain, na isinisinsay ng mga di nakaaalam at ng mga walang tiyaga, … sa ikapapahamak din nila.” 2 Pedro 3:16. Ang mga talata sa Kasulatan na mahirap unawain ay siyang ipinipilit ng mga eseptiko, na anila’y isang katuwirang panglaban sa Biblia; nguni’t hindi gayon, manapa’y mga kabuuan ito ng isang matibay na patotoo na ang banal na Kasulatan ay kinasihan. Kung walang linalaman iyan na anumang salaysay na tungkol sa Diyos, kundi yaon lamang mga madaling unawain; kung ang Kanyang kadakilaan at karangalan ay matatarok ng mga isip na mahina ng mga tao, kung magkagayon ay hindi nagtataglay ang Biblia ng napakatibay na pa- totoo ng banal na kapangyarihan. Ang kadakilaan at pagkamahiwaga ng mga paksang ipinakikilala, ay siyang dapat bumuhay ng pananampalataya na ito nga ang salita ng Diyos.
GUMAGAYUMA SA ISIPAN NG MGA TAO
Ang Biblia ay naghahayag ng katotohanan sa isang simpling paraang at sa walang-pagkukulang na pagtugon sa pangangailangan at hangarin ng puso ng tao, na siyang nagpapanggilalas at gumagayuma sa mga may napakataas na pinag-aralan, at sa kabilang dako naman ay tumutulong sa mga mababa at hindi nagsipag-aral, upang kanilang makilala ang daan ng kaligtasan. Gayon may ang mga katotohanang ito na binigkas sa simpling mga pangungusap ay tumutukoy sa mga paksang napakadakila at napaka malawak, napakalayong maabot ng kapangyarihan ng pang-unawa ng tao, na anupa’t mapaniniwalaan lamang natin ang mga ito, sapagka’t Diyos ang nagpahayag. Sa ganya’y nalalahad sa atin ang panukala ng pagtubos, upang makita ng bawa’t tao ang mga hakbanging gagawin niya sa pagsisisi sa harapan ng Diyos at sa pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Kristo, upang siya’y maligtas sa paraang itinakda ng Diyos; datapuwa’t sa ilalim ng mga katotohanang ito, na napakadaling maunawa, ay nalalagay ang mga hiwagang lumulukob sa Kanyang kaluwalhatian—mga hiwagang dumadaig sa pag-iisip na nagsisiyasat, subali’t nagdudulot ng paggalang at pananampalataya sa taong taimtim ang pusong humahanap ng katotohanan. Kung kailan niya lalong sinasaliksik ang Biblia ay saka naman lalong nagtitibay sa kanyang pag-iisip na ito nga ay salita ng Diyos na buhay, at ang pagmamatuwid ng tao’y yumuyuko sa harap ng karangalan ng banal na pahayag.
Ang kilalaning hindi natin ganap na maaabot ang mga dakilang katotohanan ng Biblia ay pag-aming hindi malirip ng kapos nating pag-iisip ang walang-hanggan: na ang tao, sa kanyang maigsing pagkakilala, ay hindi makauunawa ng mga layunin ng Katalinuhang walang-hanggan.
ANG PANGANIB NG PAG-AALINLANGAN
Sa dahilang di maarok ang lahat ng mga hiwaga nito, ay tinatanggihan ng mga eseptiko at ng mga di kumikilala sa Diyos ang salita Niya; at hindi lahat na nagsasabing sumasampalataya sa Biblia ay ligtas na sa panganib na ito. Anang apostol: “Magsipag-ingat kayo, mga kapatid, baka sakaling mayroon sa kanino man sa inyo ng isang pusong masama na walang pananampalataya, na naghihiwalay sa inyo sa Diyos na buhay.” Hebreo 3:12. Matuwid ang pag-aralan ng masinop ang mga itinuturo ng Biblia at siyasatin ang “malalim na bagay ng Diyos,” ayon sa inihahayag sa Kasulatan. 1 Corinto 2:10. Bagaman “ang mga bagay na lihim ay nauukol sa Panginoon nating Diyos,” ang mga bagay na hayag (naman) ay nauukol sa atin.” Deuteronomio 29:29. Subali’t gawain ni Satanas ang isinsay ang mga kapangyarihan ng pag-iisip na sumisiyasat. Sa pag-aaral ng katotohanang ipinakikilala ng Biblia ay may kapalaluang napapalahok, kaya ang mga tao’y nayayamot at humihinto pagka hindi nila maipaliwanag ang bawa’t bahagi ng Kasulatan ng ayon sa kanilang ikasisiya. Totoong ikinahihiya nilang aminin na hindi nila napag-uunawa ang mga salitang kinasihan. Ayaw nilang maghintay ng matiyaga hanggang sa loobin ng Diyos na marapat ng ihayag sa kanila ang katotohanan. Ipinalalagay nilang sapat na ang sarili nilang karunungan upang kanilang mataho ang buong Kasulatan, at dahil sa kanilang pagkabigo ay tinalikdan na nila tuloy ang kapangyarihan nito. Tunay nga na ang marami sa mga kuru-kuro at aral na karaniwang ipinalalagay na mga hango sa Biblia ay walang pinagtitibayan sa mga iniaaral nito, at tunay nga na kasalungat pa ng buong patotoo ng kinasihang salita. Ang mga bagay na ito ang palaging pinagbubuhatan ng ipinag-aalinlangan at ikinababakla ng marami. Subali’t hindi maipararatang iyan sa salita ng Diyos kundi sa pilipit na pagpapaliwanag ng mga tao.
HINDI KASING DUNONG GAYA NG DIYOS
Kung maaari lamang maunawang lubusan ng tao ang Diyos at ang Kanyang mga ginawa, pag naabot na nila ang ganitong kalagayan, ay hindi na maaari pang makatuklas sila ng katotohanan, hindi na lalago sa pagkakilala, hindi na lulusog ang pag-iisip o ang puso man. Sa gayon, ang Diyos ay hindi na magiging kataastaasan; at yamang inabot na ng tao ang hangganan ng pagkatuto at pagkasulong, ay hindi na siya uunlad pa. Pasalamatan nga natin ang Diyos dahil sa iya’y hindi totoo. Ang Diyos ay walang-hanggan at Siya ang kinatataguan ng “lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” Colosas 2:3. At sa buong panahong walang katapusan ay magpapatuloy pa ang tao sa pagsasaliksik, at sa pagkatuto, subali’t di mauubos ang mga kayamanan ng Kanyang karunungan, ng Kanyang kabutihan, at ng Kanyang kapangyarihan.
Adhika ng Diyos na ngayon pa sa buhay na ito ay patuloy na mahayag sa Kanyang bayan ang mga katotohanan ng Kanyang salita, lisa lamang ang paraan upang matamo ang kaalamang ito. Mauunawa natin ang salita ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pagpapapaliwanag ng Espiritu na kumasi sa pagbibigay ng salita. “Ang mga bagay ng Diyos ay hindi nakikilala ng sinuman, maliban na ng Espiritu ng Diyos;” “sapagka’t nasisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, oo, ang malalalim na bagay ng Diyos.” 1 Corinto 2:11, 10. At ang pangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga alagad ay ito: “Kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: … sapagka’t kukuha Siya sa nasa Akin, at sa inyo’y ipahahayag.” Juan 16:13, 14.
Ibig ng Diyos na gamitin ng tao ang kapangyarihan niyang mangatuwiran; at ang pag-aaral ng Biblia ang magpapalakas at magpapadakila sa isip na hindi magagawa ng alin mang ibang pag-aaral. Datapuwa’t pakaingatan nating huwag gawing diyos ang pangangatuwiran, sapagka’t iyan ay may kahinaan at karupukan na likas ng katauhan. Kung ayaw tayo na ang Banal na Kasulatan ay maging malabo sa ating pang-unawa, na anupa’t hindi natin maunawaan ang napakalinaw na katotohanan, ay dapat tayong magkaroon ng kasimplihan at pananampalataya ng isang maliit na bata, handang mag-aral, at humingi ng tulong ng Banal na Espiritu. Ang ating pagkakilala sa kapangyarihan at karunungan ng Diyos, at sa ating kawalan ng kaya upang maunawa ang Kanyang kadakilaan, ay siyang dapat magbigay sa atin ng kapakumbabaan, at dapat nating buksan ang Kanyang salita na gaya ng tayo’y lumalapit sa Kanyang harapan na taglay ng banal na takot. Paglapit natin sa Biblia, ay dapat kumilala ang pangangatuwiran sa isang kapangyarihang mataas kaysa sarili, at ang puso at dunong ay dapat na lumuhod sa dakilang AKO NGA.
ILANG MGA BAGAY NA PINALINAW
Maraming bagay na talagang mahirap unawain at malabo ang kahulugan, nguni’t gagawin ng Diyos na malinaw at magaan sa nangagsisikap na makakilala. Subali’t kung hindi tayo aakayin ng Espiritu ng Diyos ay palagi tayong mabibingit sa pagpilipit sa Kasulatan at sa di-tumpak na pagpapakahulugan sa mga salita nito. Marami ang pagbasa ng Biblia na hindi pinakikinabangan, at sa maraming pangyayari, ay nakasasama pa. Pagka binubuksan ang salita ng Diyos na walang paggalang at walang panalangin; pagka ang pag-iisip at kalooban ay hindi napapalagay sa Diyos, o naayon sa Kanyang kalooban, ang pag-iisip ay pinalalabo ng alinlangan; at sa ganyang pag-aaral ng Biblia ay lalong nagtitibay ang pag-aalinlangan. Ang pag-iisip ay hahawakan ng kaaway, at nagpapasok siya ng mga isipang hubad sa katotohanan. Kailan ma’t sa salita at sa gawa ay talagang hindi pinagpipilitan ng mga tao na maging kasang-ayon ng Diyos, kung gayon, maging gaaano man ang kanilang karunungan, ay malamang na sila’y magkamali sa pag-unawa ng Kasulatan, at hindi panatag ang magtiwala sa kanilang mga paliwanag. Yaong mga bumabasa ng Kasulatan upang humanap lamang ng mga pagkakasalungatan, ay walang pagkaki- lalang ukol sa espiritu. Dahil sa lisyang pagkakilala ay marami silang makikita na ipag-aalinlangan at hindi ipananampalataya sa mga bagay na napakalinaw at napakasimple.
ANG DAHILAN NG KAWALANG PANINIWALA
Pagtakpan man nila gaya ng maaari nilang gawin, sa maraming pangyayari ang tunay na dahilan ng pagaalinlangan at eseptisismo ay pag-ibig sa kasalanan. Hindi tinatanggap ng pusong mapagmataas at maibigin sa kasalanan ang mga iniaaral at mga pagbabawal ng salita ng Diyos, kaya nga’t nakalaang mag-alinlangan sa kapangyarihan nito yaong mga tumatangging sumunod sa mga itinagubilin nito. Upang maabot ang katotohanan, ay dapat tayong magkaroon ng isang maalab na hangad na maalaman ang katotohanan, at pagkukusa ng pusong sumunod. At lahat ng nag-aaral ng kasulatan na taglay ang ganitong diwa, ay makakatagpo ng saganang katunayan na ito nga ang salita ng Diyos, at mauunawa nila ang mga katotohanang linalaman nito na siyang sa kanila’y magpapapantas sa ikaliligtas.
SUNDIN ANG LIWANAG NA NASA IYO
Ang sabi ni Kristo: “Kung ang sinumang tao ay nagiibig gumawa ng Kanyang kalooban ay makikilala niya ang turo.” Juan 7:17. Sa halip na pag-alinlanganan at tutulan ng pabaluktot na katuwiran ang hindi ninyo naaalaman, ay tanggapin ninyo ang liwanag na sumisilang na sa inyo, at tatanggap kayo ng lalo pang malaking liwanag. Sa pamamagitan ng biyaya ni Kristo, ay ganapin ninyo ang bawa’t tungkuling pinalinaw na sa inyong pang-unawa, at mauunawa rin at magagawa ninyo ang mga pinag-aalinlanganan ninyo ngayon.
May isang patotoo na lantad sa lahat—sa pinakamarunong at sa pinakamangmang—ang patotoo ng karanasan. Inaanyayahan tayo ng Diyos na subukin ang katunayan ng Kanyang salita at katotohanan ng Kanyang mga pangako. Sinasabi Niya na ating “tikman at tingnan … na ang Panginoon ay mabuti.” Awit 34:8. Sa halip na umasa na lamang sa salita ng ibang tao, ay tikman natin sa ganang ating sarili. Ipinahayag Niya na: “Kayo’y magsihingi at kayo’y tatanggap.” Juan 16:24. Matutupad ang Kanyang mga pangako. Kailan may hindi pa nagkakabula ang mga iyan; talagang hindi magkakabula. At paglapit natin kay Jesus na nagagalak tayo sa kapuspusan ng Kanyang pagibig, ang ating alinlangan at pag-aalapaap ay mangapaparam sa liwanag ng Kanyang pakikiharap.
KAMANGHA-MANGHANG KARANASAN
Sinabi ni apostol Pablo, na ang Diyos ang “nagligtas sa atin sa kaharian ng Anak ng Kanyang pag-ibig.” Colosas 1:13. At lahat ng naalis sa kamatayan at nalipat sa kabuhayan ay “naglalagay rito ng kanyang tatak, na ang Diyos ay totoo.” Juan 3:33. Masasabi niya na: “Nangailangan ako ng tulong at ibinigay sa akin ni Jesus. Bawa’t kailangan ko ay Kanyang ipinagkaloob, at binusog Niya ang nagugutom kong kaluluwa; at sa ganang akin ngayon, ang Biblia ay isang pahayag ni Jesu-Kristo. Itinatanong ba ninyo kung bakit ako sumasampalataya kay Jesus?—Sapagka’t sa ganang akin ay isa Siyang Diyos na Tagapagligtas. Bakit ako naniniwala sa Biblia?—Sapagka’t nasumpungan kong ito ang tinig ng Diyos na nagsasalita sa aking kaluluwa.” Tayo na rin ang makakasaksi na ang Biblia ay totoo, at si Kristo ay Anak ng Diyos. Napag-aalaman natin na ang ating sinusunod ay hindi mga katha-kathang ginawang mainam.
Pinapayuhan ni Pedro ang kanyang mga kapatid na “magsilago sa biyaya, at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” 2 Pedro 3: 18. Pagka lumalago sa biyaya ang bayan ng Diyos, ay patuloy silang tatanggap ng lalo at lalong malinaw na pagkaunawa sa Kanyang salita. Makakakita sila ng bagong liwanag at kagandahan sa mga banal na katotohanan nito. Ito’y nagkatotoo na sa kasaysayan ng iglesiya sa buong panahon at magpapatuloy pa ito hanggang sa wakas. “Ang landas ng matuwid ay parang maliyab na liwanag, na sumisilang higit at higit sa sakdal na araw.” Kawikaan 4:18.
Sa pamamagitan ng pananampalataya ay makatitingin tayo sa panahong hinaharap at mapanghahawakan natin ang pangako ng Diyos na lalago ang ating karunungan, ang pag-iisip ng tao ay mapapaugnay sa pagiisip ng Diyos, at ang bawat kapangyarihan ng kaluluwa ay mapapalapit sa Pinagmumulan ng liwanag. Ikagagalak natin na ang lahat ng bagay na gumulo sa ating pag-iisip ayon sa kalooban ng Diyos ay pawang ipaliliwanag sa panahong yaon; ang mga bagay na mahirap unawain ay paliliwanagin, at sa mga bagay na ngayo’y wala kundi kaguluhan at pagkabigo ang natutuklasan ng ating kapos na pag-iisip, ay makikita natin ang pinakasakdal at pinakamagandang pagkakaayos sa panahong iyon. “Ngayo’y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni’t pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo’y nakikilala ko ng bahagya, nguni’t pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin.” 1 Corinto 13:12.