Paanong magiging matuwid ang tao sa Diyos? Paanong magagawang matuwid ang makasalanan? Sa pamamagitan lamang ni Cristo maaring makaayon tayo ng Diyos, at ng kabanalan; nguni’t papaano tayo lalapit kay Cristo? Marami ang nangagtatanong ng gaya rin nang isinigaw ng maraming tao noong kaarawan ng Pentekostes, nang sila’y masumbatan sa kanilang mga kasalanan: “Anong gagawin namin;” Gawa 2:37. Ang unang salita sa isinagot ni Pedro ay: “Mangagsisi kayo.” Gawa 2:38. Sa ibang pagkakataon, hindi pa naluluwatan pagkaraan nito, ay ganito ang kanyang sinabi: “Mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan.” Gawa 3:19.
Saklaw din ng pagsisisi ang pagkalungkot dahil sa kasalanan, at pagtalikod dito. Hindi natin tatalikdan ang pagkakasala, malibang nakikita natin ang pagkamakasalanan nito; hanggang hindi natin iyan tinatalikdang buong puso, ay hindi tayo magkakaroon ng tunay na pagbabago sa ating buhay.
Marami ang hindi nakauunawa ng tunay na likas ng pagsisisi. Marami ang nangalulungkot na sila’y nagkasala, at gumagawa rin sila ng panlabas na pagbabago sapagka’t nangangamba silang magdurusa dahil sa paggawa nila ng kamalian. Datapuwa’t ito’y hindi pagsisisi, ayon sa pakilala ng Biblia. Ikinalulungkot nila ang pagdurusa ngunit hindi ang pagkakasala. Ganyan ang hinagpis ni Esau, nang makita niyang nawala na sa kanya ang karapatan ng pagkapanganay magpakailan man. Si Balaam, takot sa anghel na nakatindig sa kanyang dinadaanan habang may nakabunot na tabak, ay kumilala ng kanyang pagkakasala, kaysa mapahamak ang kanyang buhay; datapuwa’t walang tunay na pagsisisi sa pagkakasala, walang pagbabago ng layunin, at walang poot sa kasamaan. Nang maipagkanulo na ni Judas Escariote ang kanyang Panginoon, ay sumigaw siya ng ganito: “Nagkasala ako sa aking pagkakanulo sa dugong walang kasalanan.” Mateo 27:4.
HINDI TAPAT NA PAGHAYAG NG KASALANAN
Napilitan lamang ang kanyang nagkasalang kaluluwa na ipagtapat ang kanyang kasalanan dahil sa kakila-kilabot na isipan ng paghatol at pagkakita niya sa nakapanghihilakbot na kaparusahan. Ang mga kinahinatnan niyaon ay siyang sa kanya’y pumuno ng pangingilabot, datapuwa’t sa kanyang kaluluwa ay wala niyaong malalim at makadurog-pusong pagdadalamhati sa kanyang kaluluwa, na kanyang naipagkanulo ang walang dungis na Anak ng Diyos at naitakwil niya ang Banal ng Israel. Si Paraon, nang nagdurusa sa ilalim ng mga hatol ng Diyos, kinilala niya ang kanyang kasalanan upang makaiwas siya sa iba pang kaparusahan, datapuwa’t muling hinamon niya ang Langit sa sandaling ang mga salot ay nagsitigil. Nangahapis silang lahat sa mga ibinunga ng kasalanan, datapuwa’t hindi ikinalungkot ang talagang pagkakasala.
NAPUKAW ANG KONSENSYA
Datapuwa’t kapag ang puso ay sumuko sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, ay mapupukaw ang konsensya, at mababatid ng makasalanan ang tungkol sa lalim at kabanalan ng banal na kautusan ng Diyos, ang pundasyon ng Kanyang pamahalaan sa langit at sa lupa. Ang “Ilaw na lumiliwanag sa bawa’t tao na pumaparito sa sanlibutan” (Juan 1:9), ay tumatanglaw sa mga lihim na silid ng kaluluwa, at ang mga nakukubling bagay ng kadiliman ay nahahayag. Juan 1:9. Ang kombiksyon ay nangyayari sa isip at puso. Nababatid ng makasalanan ang Katuwiran ni Jehova, at nangingilabot siyang humarap sa Sumasaliksik ng mga puso, na taglay niya ang kasalanan at karumihan. Nakikita niya ang pag-ibig ng Diyos, ang kagandahan ng kabanalan, at ang ligaya sa kadalisayan; kinasasabikan niyang maging malinis at maisauli sa pakikiisa sa langit.
Ang panalangin ni David pagkatapos na siya’y magkasala, ay nagpapakilala ng uri ng tunay na kalungkutan dahil sa pagkakasala. Ang kanyang pagsisisi ay tapat at taimtim. Walang anumang pagsisikap na pangatuwiranan ang kanyang pagkakasala; ang kanyang panalangin ay hindi nauudyokan ng pagnanasang makaiwas sa nagbabantang kahatulan. Nakita ni David ang laki ng kanyang pagsalansang; nakita niya ang karumihan ng kaniyang kaluluwa; kinasusuklaman niya ang kanyang kasalanan. Hindi lamang kapatawaran ang kanyang hiningi sa panalangin, kundi kalinisan din naman ng puso. Kinasabikan niya ang kaligayahan ng kabanalan—na maibalik sa pagkakaisa at pakikipag-isa sa Diyos. Ito ang wika ng kanyang kaluluwa:
“Mapalad siyang pinatawad ng pagsalansang,
na tinakpan ang kasalanan.
Mapalad ang tao na hindi paratangan
ng kasamaan ng Panginoon.
At walang pagdaraya ang diwa niya.” Awit 32:1, 2.
“Maawa Ka sa akin, Oh Diyos,
ayon sa Iyong kagandahang-loob:
Ayon sa karamihan ng Iyong malumanay
na kaawaan ay pinapawi Mo ang aking mga pagsalansang.
Hugasan Mo akong lubos sa aking kasamaan,
at linisin Mo ako sa aking kasalanan.
Sapagka’t kinikilala ko ang aking mga pagsalansang:
at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.
Laban sa Iyo, sa Iyo lamang ako nagkasala,
at nakagawa ng kasamaan sa Iyong paningin:
upang Ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita Ka.
At maging malinis pag humahatol Ka.
Narito, ako’y inanyuan sa kasamaan;
at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.
Narito, Ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa mga loob na sangkap:
at sa kubling bahagi ay Iyong ipakikilala sa akin ang karunungan.
Linisin Mo ako ng hisopo, at ako’y magiging malinis:
hugasan Mo ako, at ako’y magiging lalong mabuti kaysa niyebe.
Pagparinggan Mo ako ng kagalakan at kasayahan;
upang ang mga buto na Iyong binali ay mangagalak.
Ikubli Mo ang Iyong mukha sa aking mga kasalanan,
at pawiin Mo ang aking lahat na mga kasamaan.
Likhaan Mo ako ng isang malinis na puso,
Oh Diyos; at magbago Ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.
Huwag Mo akong paalisin sa Iyong harapan:
at huwag Mong bawiin ang Iyong Santong Espiritu sa akin.
Ibalik Mo sa akin ang kagalakan ng Iyong pagliligtas:
at alalayan ako ng kusang espiritu.
Kung magkagayo’y ituturo ko
sa mga mananalansang ang Iyong mga lakad;
at ang mga makasalanan ay mangahihikayat sa Iyo.
Iligtas Mo ako sa salang pagbububo ng dugo,
Oh Diyos, Ikaw na Diyos ng aking kaligtasan;
at ang aking dila ay aawit ng malakas
tungkol sa Iyong katuwiran.” Awit 51:1-14.
Ang ganitong pagsisisi ay hindi kaya ng sarili nating kapangyarihan; ito’y natatamo sa pamamagitan lamang ni Cristo, na umakyat sa kaitaasan, at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.
Sa bahaging ito’y marami ang nagkakamali, at dahil dito’y hindi nila tinatamo ang tulong na ibig ni Cristong ibigay sa kanila. Inaakala nilang hindi sila makakalapit kay Cristo kung hindi muna sila mangagsisi, at ang pagsisisi ang nagbibigay daan upang sila’y mapatawad sa kanilang mga kasalanan. Totoo nga na ang pagsisisi ay una kay sa pagpapatawad ng mga kasalanan; sapagka’t bagbag at nagsisising puso lamang ang makadarama ng pangangailangan para sa isang Tagapagligtas. Datapuwa’t dapat bang hintayin ng makasalanan na siya’y makapagsisi muna bago siya lumapit kay Jesus? Ang pagsisisi ba ay magiging isang hadlang sa pagitan ng makasalanan at Tagapagligtas?
Hindi itinuturo ng Biblia na dapat munang magsisi ang makasalanan bago niya matanggap ang paanyaya ni Cristo, “Magsiparito sa Akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.” Mateo 11:28. Ang kabutihang nagmumula kay Cristo, ang umaakay sa tunay na pagsisisi. Ipinaliwanag ni Pedro ang bagay na ito ng malinaw nang kanyang sabihin sa mga Israelita na: “Siya’y pinadakila ng Diyos ng Kanyang kanang kamay upang maging Prinsipe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan.” Gawa 5:31. Hindi tayo makapagsisisi kung hindi gigisingin ng Espiritu ni Cristo ang ating budhi, gaya rin naman ng tunay na hindi tayo mapatatawad kung wala si Cristo.
ANG PINAGMUMULAN NG MAGANDANG HANGARIN
Si Cristo ang pinagmumulan ng bawa’t matuwid na hangarin. Siya lamang ang makapagtatanim sa puso ng poot sa kasalanan. Bawa’t pagnanais sa katotohanan at kadalisayan, bawa’t pagkakilala sa ating sariling pagkamakasalanan, ay katibayang kinikilos ng Kanyang Espiritu ang ating puso.
Sabi ni Jesus: “Ako, kung Ako’y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin Ko sa Akin din.” Juan 12:32. Dapat ipakilala si Cristo sa makasalanan bilang Tagapagligtas na namatay dahil sa mga kasalanan ng sanlibutan; at habang tinitingnan natin ang Kordero ng Diyos sa krus ng Kalbaryo, ay unti-unti namang nalaladlad sa ating mga pag-iisip ang hiwaga ng pagtubos, at ang kabutihan ng Diyos ay mag-aakay sa atin sa pagsisisi. Sa pagkamatay ni Cristo dahil sa mga makasalanan, ay nagpakita Siya ng isang pag-ibig na hindi malirip; at sa pagtingin ng makasalanan sa pag-ibig na iyan, ay lumalambot ang kanyang puso, nakikilos ang kanyang pag-iisip, at nauudyukan ang kanyang kaluluwa na magsisi.
HUWAG LABANAN
Tunay ngang paminsan-minsan ay ikinahihiya ng mga tao ang kanilang mga masasamang gawa, at dahil dito’y iniiwan na nila ang ilan sa masasama nilang kaugalian, bago nila malamang sila’y napapalapit kay Cristo. Datapuwa’t tuwing sila ay nagsisikap na magbagong buhay, mula sa isang tapat na pagnanasang gumawa ng matuwid, ang kapangyarihan ni Cristo ang sa umaakit sa kanila. Isang impluwensiyang hindi nila nahahalata ang gumagawa sa kaluluwa, at nakikilos ang konsensya, at nabago ang panlabas na buhay. At sa pag-akit sa kanila ni Cristo upang tumingin sa Kanyang krus, masdan Siyang inulos ng kanilang mga kasalanan, ay sumisilid sa kanilang isipan ang kautusan. Ang katampalasanan ng kanilang pamumuhay, ang kasalanang nag-ugat sa kaluluwa, ay nahahayag sa kanila. Nakikilala nila ang katuwiran ni Cristo, at napapasigaw sila, “Ano nga ba ang kasalanan, at ito’y nangailangan ng ganitong paghahain upang matubos ang nagkasala? Ang buong pag-ibig, ang buong paghihirap, at ang buong pagpapakadustang ito kaya ay kinakailangan upang huwag tayong mangapahamak, kundi mangakaroon ng buhay na walang-hanggan?”
Maaaring tumutol ang makasalanan sa pag-ibig na ito, maaari siyang tumutol na lumapit kay Cristo; datapuwa’t kung hindi siya magmamatigas ay mapapalapit siya kay Jesus; ang pagka-alam niya sa panukala ng kaligtasan ang aakay sa kanya sa paanan ng krus upang magsisi sa kanyang mga kasalanan, na nagdulot ng mga kahirapang dinanas ng minamahal na anak ng Diyos.
Ang parehas na banal na kaisipang gumagawa sa mga bagay ng kalikasan ay siya ring nagsasalita sa mga puso ng mga tao at lumilikha ng napakalaking paghahangad na matamo nila ang hindi pa nila nakakamtan. Ang mga bagay ng sanlibutan ay hindi makapapawi ng kanilang pananabik. Namamanhik ang Espiritu ng Diyos sa kanila na hanapin yaong mga bagay na tanging makapagbibigay ng kapayapaan at kapahingahan—ang biyaya ni Cristo, ang ligaya ng kabanalan. Sa pamamagitan ng mga impluensiyang nakikita at hindi nakikita, ang ating Tagapagligtas ay patuloy sa paggawa upang ilayo ang pag-iisip ng mga tao sa mga pagkakasalang hindi nakapagbibigay kaligayahan ng patungo sa mga pagpapalang hindi kumukupas kailan man, na nagiging kanila sa pamamagitan Niya. Sa lahat ng mga taong ito, na walang kabuluhang naghahanap ng maiinom sa mga sirang sisidlan ng sanlibutang ito, ay ganito ang pabalitang ipinadala ng Diyos: “Ang nauuhaw ay pumarito; ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.” Apokalipsis 22:17.
ANG TINIG NG DIYOS NA NAGSASALITA SA KALULUWA
Ikaw na may pusong nauuhaw sa bagay na lalong mabuti kay sa maibibigay ng sanlibutang ito, kilalanin mo na ang kauhawang ito ay siyang tinig ng Diyos na nagsasalita sa iyong kaluluwa. Humingi kayo sa Kanya na bigyan kayo ng pagsisisi, ihayag sa inyo si Cristo sa Kanyang walang hanggang pag-ibig, sa Kaniyang sakdal na kadalisayan. Sa buhay ng Tagapagligtas ang mga simulain ng kautusan ng Diyos—ang pag-ibig sa Diyos at sa tao—ay ganap na naihayag. Ang kagandahang-loob at mapagbigay na pag-ibig ang siyang buhay ng Kanyang kaluluwa. Sa tuwing minamasdan natin Siya, gaya ng pagtama sa atin ng liwanag na nagmumula sa ating Tagapagligtas, ay nakikita natin ang kasamaan ng ating sariling mga puso.
Maaaring, tulad ni Nicodemo, ay tinapik-tapik natin ang ating sarili, na sinasabi nating matuwid ang ating buhay at wasto ang ating asal, na inaakala nating hindi na kailangang papagpakumbabain pa ang ating mga puso sa harapan ng Diyos, gaya ng marapat gawin ng karaniwang makasalanan; datapuwa’t pagka sumisilay sa loob ng ating puso ang liwanag na nagmumula kay Cristo, ay makikita natin kung gaano karumi nga tayo; mapagkikilala natin ang kasakiman ng ating layunin, at ang pakikialit natin sa Diyos, na siyang dumungis sa bawa’t kilos sa buhay. Kung magkagayo’y makikilala nating katulad lamang ng maruruming basahan ang ating sariling katuwiran, at ang dugo lamang ni Cristo ang makahuhugas sa dungis ng ating mga kasalanan, at baguhin ang ating mga puso katulad ng sa Kanyang sarili.
Ang isang sinag ng kaluwalhatian ng Diyos, at ang isang kislap ng kadalisayan ni Cristo, na tumagos sa kaluluwa, ay mahapding naglalantad ng bawa’t patak ng karumihan, at nagbibilad ng kapintasan at buktot na likas ng tao. Pinalilitaw ang mga walang kabanalang pita, ang kataksilan ng puso, at ang karumihan ng mga labi. Ang pagtataksil ng makasalanan sa pagwawalang kabuluhan sa kautusan ng Diyos, ay nakikita niya, at ang espiritu niya ay nahihirapan at nasasaktan sa ilalim ng masaliksik na impluwensiya ng Espiritu ng Diyos. Kinasusuklaman niya ang kanyang sarili, samantalang tinitingnan niya ang dalisay at walang dungis na karakter ni Cristo.
ANG KARANASAN NI DANIEL
Nang mamasdan ni propeta Daniel ang kaluwalhatiang pumapaligid sa makalangit na sugo na ipinadala sa kanya, nanghina siya dahil sa nakilala niya ang kanyang kahinaan at kakulangan. Nang isalaysay niya ang nagawa sa kanya ng kahanga-hangang tagpo, ay ganito ang kanyang sinabi: “Nawalan ako ng lakas; sapagka’t ang aking kagandahan ay umuwi sa kasiraan at walang nanatiling lakas sa akin.” Daniel 10:8. Ang kaluluwang nakilos ng gayon ay mapopoot sa kanyang kasakiman, masusuklam sa kanyang pagkamakasarili at sa pamamagitan ng katuwiran ni Cristo, ay magsisikap na magtamo ng malinis na pusong umaayon sa kautusan ng Diyos at ng karakter ni Kristo.
Sinasabi ni Pablo, na “tungkol sa kabanalan na nasa kautusan”—kung ang pag-uusapan ay ang mga gawang nahahayag lamang—siya ay “walang kapintasan” (Filipos 3:6); datapuwa’t nang matanaw niya ang espirituwal na likas ng kautusan, ay nakita niyang siya’y isang makasalanan. Hinuhusgahan ng titik ng kautusan gaya ng ginagawang paggamit dito ng mga tao sa panlabas na buhay, siya ay umiwas mula sa kasalanan; datapuwa’t nang tingnan niya ang mga kalaliman ng banal na kautusang ito, at nang makita niya ang kanyang sarili gaya ng pagkakita sa kanya ng Diyos, siya’y tumungong nagpapakumbaba at nagpahayag ng kanyang kasalanan. Ganito ang kanyang sinasabi: “Nang isang panahon, ako’y nabubuhay na walang kautusan: datapuwa’t nang dumating ang utos ay muling nabuhay ang kasalanan, at ako’y namatay.” Roma 7:9. Nang makita niya ang espirituwal na likas ng kautusan, ay lumitaw ang kasalanan ayon sa tunay na kasuklam-suklam na kalagayan, at nawala ang kanyang pagmamapuri.
IBA’T-IBANG BIGAT NG KASALANAN
Hindi ipinalalagay ng Diyos na magkakasimbigat ang lahat ng kasalanan; sa Kanyang palagay ay may iba’t-ibang timbang ang kasalanan, na gaya ng sa tao; nguni’t maging gaano man kaliit ito at ang masamang gawain ‘yan sa paningin ng mga tao, ay walang kasalanang maliit sa paningin ng Diyos. Ang hatol ng tao ay may kinikilingan at hindi ganap; subali’t ibinibilang ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa tunay nilang kalagayan. Hinahamak ng tao ang manglalasing, at pinagsasabihan na ang kasalanan niya ang maglalabas sa kanya sa langit; habang ang kapalaluan, kasakiman, at pag-iimbot ay madalas na pinababayaang hindi sinasaway. Ngunit ang mga kasalanan ito ay talagang labang-laban sa Diyos; sapagka’t ang mga ito laban sa Kanyang mapagbigay na karakter, ng pagibig na di mapag-imbot, na siyang malayang pinaiiral sa sandaigdigang hindi nagkasala. Siyang nahuhulog sa nakahihiyang kasalanan ay maaaring makaramdam ng kahihiyan at karalitaan at ng pangangailangan niya sa biyaya ni Cristo; subali’t ang kapalaluan ay hindi nakakaramdam ng anumang pangangailangan, kaya’t isinasara nito ang kanyang puso upang huwag makapasok si Cristo, at ang walang katumbas na mga pagpapalang ipinarito Niya upang ibigay.
Yaong kaawa-awang maniningil ng buwis na dumalangin, “Diyos, Ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan” (Lukas 18:13), ay nagpalagay na ang kanyang sarili ay napakasamang tao, at gayon din ang pagpapalagay sa kanya ng mga iba; ngunit nadama niya ang kanyang pangangailangan, at pasan ang kanyang kasalanan at kahihiyan ay humarap siya sa Diyos, at humingi ng awa. Bukas ang kanyang puso para sa mapagmahal na paggawa ng Espiritu ng Diyos, at mapalaya siya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Ang palalo at mapag-aring matuwid na panalangin ng Pariseo ay nagpapakitang nakasara ang kanyang puso laban sa impluensya ng Banal na Espiritu. Dahil sa kalayuan niya sa Diyos, hindi niya nakilala ang kanyang karumihan, na kaiba ng sakdal na kabanalan ng Diyos. Wala siyang naramdamang anumang pangangailangan, at wala siyang tinanggap na anuman.
Kung nakitkia mo ang iyong pagiging makasalanan, huwag maghintay na mas maging mabuti ka muna. Kayrami ng nag-aakalang hindi pa sila mabubuti para makalapit kay Cristo! Inaasahan mo bang bumuti sa pamamagitan ng iyong sariling mga pagsisikap? “Makapagbabago baga ang Etiope ng kanyang balat, o ang leopardo ng kanyang batik? kung magkagayo’y mangakagagawa naman kayo ng mabuti, na mga bihasang gumawa ng masama?” Jeremias 13: 23. Nasa Diyos lamang naroroon ang tulong para sa atin. Huwag na nating hintayin pa ang lalong malakas na panghihikayat, ang lalong mabuting pagkakataon, o ang lalong banal na pagpipigil. Wala tayong magagawa sa ganang ating sarili. Dapat tayong lumapit kay Cristo sa kung ano talaga ang ating kalagayan.
Datapuwa’t huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili sa pag-aakalang dahil sa dakila ang pag-ibig at habag ng Diyos, ay ililigtas na Niya pati ang nangagsitakwil sa Kanyang biyaya. Ang lubhang kasamaan ng kasalanan ay nasusukat sa liwanag lamang ng krus. Kapag iginigiit ng mga tao, na ang Diyos ay lubhang napakabuti na anupa’t hindi Niya babayaang mapahamak ang makasalanan, tumingin sana sila sa Kalbaryo. Sapagka’t liban doon ay wala ng paraan pang magagawa upang mailigtas ang tao, sa dahilang kung walang ganitong hain, ay hindi makaiiwas ang sangkatauhan sa nakapagpapahamak na kapangyarihan ng kasalanan, at hindi rin maibabalik sa kalipunan ng mga banal na nilalang—hindi mangyayaring sila’y muling tumanggap ng espirituwal na buhay —dahil nga dito, kung kaya pinasan ni Cristo ang kasalanan ng masuwayin, at nagbatang kahalili ng makasalanan. Ang pag-ibig, pagbabata, at pagkamatay ng Anak ng Diyos, ay pawang nagpapatotoo ng kakila-kilabot na kasamaan ng kasalanan, at nagpapahayag na walang paraan upang katakas sa kapangyarihan nito, at walang pag-asa sa lalong mataas na pamumuhay, kundi sa pamamagitan nga lamang ng pagpapakupkop ng kaluluwa kay Cristo.
WALANG KABULUHANG DAHILAN
Maminsan-minsan ay nagdadahilan ang mga ayaw magsisi sa pagsasabi ng ganito, tungkol sa mga taong nagbabansag na Kristiyano: “Ako man ay kasimbuti nila. Sila’y hindi hihigit sa akin kung sa pagpipigil, sa kahinahunan, o sa pagkamaingat sa kabuhayan. Sila’y maibigin sa kalayawan at mga mapagmalabis na gaya ko rin.” Sa gayo’y ang mga pagkukulang ng mga iba ay ginagawa nilang dahilan sa hindi nila pagganap ng kanilang tungkulin. Subali’t ang mga kasalanan at mga kapintasan ng mga iba ay hindi nagbibigay-laya sa kanino man; sapagka’t hindi tayo binigyan ng Panginoon ng isang nagkakamali at makataong huwaran. Ang walang dungis na Anak ng Diyos ang ibinigay na huwaran natin, at ang mga tumututol dahil sa mga maling gawa ng mga taong nagbabansag na Kristiyano, ay siyang mga dapat magpakita ng lalong mabubuting kabuhayan at mararangal na halimbawa. Kung malaki ang kanilang pagkakilala tungkol sa kung ano ang dapat asahan sa isang Kristiyano, hindi baga lalong mabigat ang kanilang kasalanan? Naaalaman nila ang matuwid, datapuwa’t ayaw nilang gawin.
Mag-ingat kayo sa pagpapaliban. Huwag ninyong ipagpaibang araw ang pagwawaksi ng inyong mga kasalanan, at paglilinis ng inyong puso, sa pamamagitan ni Jesus. Dito nagkakamali ang libu-libo, pagkakamaling ikinawawaglit nila magpakailan man. Hindi ko na pag-uukulan dito ang kaiklian at di-kapanatagan ng buhay; subali’t may isang kakila-kilabot na kapanganiban—isang kapanganibang hindi ganap na nauunawa—sa pagpapaliban ng pagpapasakop sa mga panawagan ng Banal na Espiritu ng Diyos, at pagpili sa kabuhayang makasalanan; sapagka’t iyan nga ang kinauuwian ng ganiyang pagpapaliban. Ang kasalanan gaano mang liit sa ating palagay, ay maaari lamang pagpasasaan sa ikapapahamak magpakailan man. Ang hindi natin dinadaig ang dadaig sa atin, at siyang sa atin ay magpapahamak.
Pinapaniwala ni Adan at ni Eva ang kanilang sarili, na sa napakaliit na bagay lamang na gaya ng pagkain ng bungang ipinagbawal ay hindi daraling ang gayong mga kakila-kilabot na kapahamakang ipinahayag ng Diyos. Datapuwa’t ang maliit na bagay na iyon ay paglabag sa hindi mababago at banal na kautusan ng Diyos, at iyon ang naghiwalay sa tao sa Diyos, at nagbukas ng malalaking pinto ng kamatayan at di mabilang na kahirapan sa ating sanlibutan. Sa bawa’t panahon ay umiilanglang mula sa ating sanlibutan ang isang patuloy na daing ng kadalamhatian at ang buong nilalang ay dumadaing at nagdaramdam sa sakit na bunga ng pagsuway ng tao. Ang langit man ay nakaramdam ng mga nagawa ng paghihimagsik ng tao sa Diyos. Ang Kalbariyo ay tumatayong pinaka-alaala ng napakalaking paghahaing kinailangan upang malunasan ang bunga ng pagkasalansang sa kautusan ng Diyos. Huwag nga nating ipalagay na isang maliit na bagay lamang ang kasalanan.
Bawa’t gawang pagsalansang, bawa’t pagwawalang bahala o pagtanggi sa biyaya ni Kristo, ay may pagtauli sa inyong sarili; pinatitigas ang inyong puso, ipinanganganyaya ang inyong kalooban, pinapamamanhid ang inyong pagkakilala, at hindi lamang pinipigil kayo sa hangad na pakupkop, kundi pinapanghihina rin na- man kayo upang hindi ninyo magawa ang pakupkop sa malumanay na pamamanhik ng Banal na Espiritu ng Diyos.
Pinatatahimik ng marami ang kanilang budhing dimapalagay sa pag-aakalang mababago nila ang sariling hilig na masama, kailan ma’t kanilang ibigin, inaakala nilang mangyayaring mapaglaruan na muna ang ipinag-aanyayang awa, at sa dakong huli, kung makilos ang puso’y saka magsisisi. Inaakala nilang pagkatapos na mapighati ang Espiritu ng biyaya, pagkatapos na maipanig ang kanilang kapangyarihan kay Satanas, ay mababago pa nila ang kanilang daan pagdating ng isang sandali ng mapanganib na kagipitan. Datapuwa’t iyan ay hindi napakadaling gawin. Ang naranasan at ang natutuhan sa buong buhay, ay siyang ganap na humuhugis ng likas, na anupa’t iilan na lamang ang magnanasa pang tumanggap ng wangis ni Jesus.
Kahit isang masamang likas, o isang makasalanang hangad, pagka palaging kinikimkim sa puso, ay siyang nagpapawalang-anuman sa kapangyarihan ng ebanghelyo. Bawa’t kasalanang ulit at ulit na ginagawa ay nagpapatabang ng loob ng tao sa Diyos. Ang taong nagpapakita ng katigasan ng loob gaya ng isang walang pananampalataya, o nagpapakilala ng makunat na pagwawalang bahala sa banal na katotohanan, ay nag-aani lamang ng bunga ng kanyang inihasik. Sa buong Biblia ay wala ng lalong nakahihilakbot na babalang laban sa pakikipaglaro sa kasamaan, kay sa mga pangungusap ng pantas, na ang makasalanan ay “matatalian ng mga panali ng kanyang kasalanan.” Kawikaan 5:22.
HANDA NIYA TAYONG PALAYAIN
Si Kristo’y nahahandang magpalaya sa atin mula sa kasalanan, nguni’t hindi Niya pinipilit ang ating kalooban. Kung sa pamimihasa sa pagsalansang ay nahihilig na pati ang ating kalooban sa paggawa ng kasamaan, at hindi na natin ninanasang lumaya, kung ayaw na nating tanggapin ang Kanyang biyaya, ano pa ang magagawa Niya? Tayo na rin ang nagpahamak sa ating sarili dahil sa matigas nating pagtanggi sa Kanyang pag-ibig. “Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng pagliligtas.” 2 Corinto 6:2. “Ngayon kung marinig ninyo ang Kanyang tinig, huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.” Hebreo 3:7, 8.
“Ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (1 Samuel 16:7), sa puso ng taong kinapapalooban ng nagpapangagaw na tuwa at lungkot, pusong lagalag at naliligaw na pinamamahayan ng napakaraming karumihan at pagdaraya. Alam ng Diyos ang mga nasa, adhika at layunin ng pusong ito. Dumulog nga kayo sa Kanya, kahi’t na marumi ang inyong kaluluwa. Gaya ng mang-aawit ay buksan ninyo ang mga pitak ng inyong puso sa matang hindi mapagkukublihan ng anumang bagay, at inyong sabihin: “Siyasatin Mo ako, Oh Diyos, at alamin Mo ang aking puso; subukin Mo ako at alamin Mo ang aking mga pag-iisip; at tingnan Mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin at patnubayan Mo ako sa daang walang-hanggan.” Awit 139:23,24.
Marami ang tumatanggap ng relihion sa isipan, na isang anyo ng kabanalan, samantala’y ang puso ay hindi nalilinis. Ganito ang inyong idalangin: “Likhaan Mo ako ng isang malinis na puso, Oh Diyos: at magbago Ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.” Awit 51:10. Tapat na pakitunguhan ninyo ang inyong sariling kaluluwa. Kayo’y maging masigasig at mapilit gaya ng inyong gagawin kung nabibingit sa panganib ang inyong buhay. Ilo’y isang bagay na dapat pasiyahan ng inyong kaluluwa at ng Diyos, mabigyang pasiya magpakailan man. Ang ipinalalagay na pag-asa, at hindi hihigit sa palagay lamang, ay siyang magpapahamak sa inyo.
PAG-ARALANG MAY PANALANGIN
Pag-aralan ninyo ang salita ng Diyos na may pananalangin. Sa pamamagitan ng kautusan ng Diyos at ng kabuhayan ni Kristo ay inihaharap sa inyo ng salitang iyan ang mga dakilang simulain ng kabanalan, na kung wala ng mga iyan “sinuman ay di makakikita sa Panginoon.” Hebreo 12:14. Ipinakikilala nito [ng salita ng Diyos] ng maliwanag ang kasalanan sa nagkasala, malinaw na itinuturo ang daan ng kaligtasan. Pakinggan nga ninyong tulad sa tinig ng Diyos na nagsasalita sa inyong kaluluwa.
Pagkakita ninyo sa laki ng inyong kasalanan, pagkakita ninyo sa tunay ninyong kalagayan, ay huwag kayong mawalang-pag-asa. Mga makasalanan ang pinarituhan ni Kristo upang iligtas. Hindi natin pinakikipagkasundo ang Diyos sa atin, kundi—Oh kagila-gilalas na pag-ibig!—“Ang Diyos kay Kristo ay pinakipag kasundo ang sanlibutan sa Kanya rin.” 2 Corinto 5:19. Sa pamamagitan ng Kanyang malumanay na pag-ibig ay sinusuyo Niya ang mga puso ng namamali Niyang mga anak. Dito sa lupa ay walang pagtitiis ng magulang sa mga pagkukulang at mga pagkakamali ng Kanyang mga anak, na matutulad sa pagtitiis ng Diyos sa mga taong pinagsisikapan Niyang iligtas. Wala sinumang makatutulad sa Kanyang banayad na panunuyo sa mananalansang. Walang labi ng tao na pinamutawihan kailan man ng mga maibiging pagsuyo sa naliligaw ng higit sa Kanya. Ang lahat Niyang pangako at ang lahat Niyang babala, ay mga pahayag lamang ng kanyang di-mabigkas na pag-ibig.
Pagka sa inyo’y lumapit si Satanas upang sabihing kayo’y napakasamang makasalanan, tumingala kayo sa inyong Manunubos, at sabihin ninyo ang mga kagalingan Niya. Ang pagtingin sa Kanyang liwanag ang tutulong sa inyo. Kilalanin ninyo ang inyong kasalanan, nguni’t sabihin ninyo sa kaaway na: “Si Kristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan” (1 Timoteo 1:15), at upang kayo’y mailigtas ng Kanyang walang kapantay na pag-ibig. Tinanong ni Jesus si Simon tungkol sa dalawang may utang. Ang una ay may utang sa kanyang panginoon na maliit na halaga, at ang ikalawa ay malaking halaga; datapuwa’t kapuwa niya pinatawad, at ngayo’y itinanong ni Kristo kay Simon kung sino sa dalawang may utang ang iibig ng malaki sa kanyang panginoon. Sumagot si Simon: “Yaong pinatawad niya ng lalong malaki.” Lukas 7:43. Tayong lahat naman ay totoong makasala- nan nguni’t namatay si Kristo upang tayo’y mapatawad. Ang mga karapatan ng Kanyang sakripisiyo ay sapat nang iharap sa Ama patungkol sa atin. Ang mga pinatawad Niya ng malaki ay siyang iibig sa Kanya ng malaki at magiging pinakamalapit sa Kanyang luklukan upang magpuri sa Kanya, dahil sa malaki Niyang pag-ibig at walang katumbas na pagpapakasakit. Kung kailan ganap nating nauunawa ang pag-ibig ng Diyos ay saka naman natin malinaw na napagkikilala ang kasamaan ng kasalanan. Pagka nakikita natin ang haba ng tanikalang ilinalawit para sa atin, pagka nauunawa natin ang hindi matutumbasang pagpapakasakit na ginawa ni Kristo patungkol sa atin, pinalalambot ang ating puso ng pagkahabag at pagsisisi.