“Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsalansang ay hindi giginhawa: nguni’t ang nagpapahayag at nag-iiwan ng mga yaon ay magtatamo ng kaawaan.” Kawikaan 28:13.
Ang mga kondisyon upang matanggap ang awa ng Diyos ay magaan at naaayon sa matuwid. Hindi tayo pinagagawa ng Panginoon ng mabibigat na bagay upang tamuhin natin ang kapatawaran ng kasalanan. Hindi na kinakailangang magpakapagod tayong maglakbay sa malayo o gumawa ng malaking penitensiya, upang maipagtagubilin ang ating mga kaluluwa sa Diyos ng langit o matubos kaya ang ating pagsalansang; kundi siyang nagpapahayag at nag-iiwan ng kanyang kasalanan ay magtatamo ng awa.
Anang apostol: “Mangagpahayagan nga kayo sa isa’l isa ng inyong mga kasalanan, at ipanalangin ng isa’t isa ang iba, upang kayo’y magsigaling.” Santiago 5:16. Ipagtapat ninyo sa Diyos ang inyong mga kasalanan, na siya lamang ang makapagpapatawad, at pagkatapos ay ang inyong mga kamalian sa isa’t isa. Kung kayo’y nakagawa ng ikinatisod ng inyong kaibigan o kapitbahay, ay dapat ninyong kilalanin ang inyong kamalian, at tungkulin naman niyang kayo’y patawarin. At pagkatapos ay humingi kayo sa Diyos ng kapatawaran, sapagka’t ang kapatid na inyong sinugatan ay ari ng Diyos, at sa pagsugat ninyo sa kanya ay nagkasala kayo sa Lumalang at Tumubos sa kanya. Ang ganyang kalagayan ay napapaharap sa tanging tunay na Tagapamagitan, na siya nating Dakilang Saserdote, na “Tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayon may walang kasalanan,” at “nahahabag sa ating mga kahinaan” (Hebreo 4:15), at makalilinis ng bawa’t dungis ng katampalasanan.
Ang mga hindi nagpapakababa sa harapan ng Diyos sa pagkilala sa kanilang kasalanan, ay hindi pa nakatutupad sa unang kondisyon upang sila’y matanggap. Pagka hindi natin naranasan yaong pagsisising hindi natin pagsisisihan, at hindi tayo nagpahayag ng ating mga kasalanan, na taglay ang tunay na pagpapakababa at pagkabagbag ng kalooban at nasusuklam sa kasamaan natin, ay hindi pa tunay na hinihingi natin ang kapatawaran ng ating kasalanan; at pagka hindi pa natin hinihingi ay hindi pa natin natatagpuan ang kapayapaang buhat sa Diyos. Ang tanging kadahilanan, kung kaya hindi natin tinamo ang kapatawaran sa ating nagawang mga kasalanan ng nakaraan ay dahil sa ayaw nating papagpakumbabain ang ating mga puso ni ganapin ang mga kondisyong itinatadhana ng salita ng katotohanan. Tungkol sa bagay na ito ay malinaw ang itinuturo. Ang pagpapahayag ng kasalanan, maging sa hayag o sa lihim man, ay dapat na maging taos-puso, at sabihin ng malaya. Ito’y hindi dapat ipilit sa nagkasala. Hindi dapat gawin sa isang pabiro at walang ingat na paraan, o ipilit man kaya roon sa mga hindi nakababatid ng kamuhi-muhing likas ng kasalanan. Ang pagpapahayag na siyang pagbubuhos ng buong lina- laman ng puso, ay umaabot sa Diyos na walang-hanggan ang kaawaan. Ganito ang sabi ng mang-aawit: “Ang Panginoon ay malapit sa kanila na may bagbag na puso, at inililigtas ang mga may pagsisising diwa.” Awit 34:18.
MAGING TIYAK SA PAGPAPAHAYAG NG IYONG MGA KASALANAN
Ang tunay na pagpapahayag ng kasalanan ay palaging tapat at tiyak, na inaaming isa-isa ang mga kasalanan. Maaaring ang mga kasalanang iyan ay may uring sa Diyos lamang dapat sabihin; maaari namang iyan ay mga kasalanang dapat ipahayag sa bawa’t taong pinagkasalanan; o kaya’y may kinalaman sa madla, at sa gayon ay kailangang ipahayag sa harap ng marami. Datapuwa’t ang lahat ng pagpapahayag ay dapat maging malinaw at tiyak, na inaamin ang bawa’t kasalanang nagawa.
Nang mga kaarawan ni Samuel, ay lumayo sa Diyos ang angkan ni Israel. Nangagbata sila ng mga ibinunga ng kanilang kasalanan; sapagka’t nawala ang kanilang pananampalataya sa Diyos, nawala ang kanilang pagkakilala sa Kanyang kapangyarihan at karunungang magpuno sa bansa, nawala ang kanilang pagtitiwala sa Kanyang kakayahang ipagtanggol at ipakitang matuwid ang Kanyang gawain. Tinalikdan nila ang dakilang Hari ng santinakpan, at hinangad na sila’y paghariang gaya ng mga kalapit-bansa. Bago sila nagkaroon ng kapayapaan, ay ganito muna ang tiyak nilang ipinahayag: “Aming idinagdag sa lahat ng aming mga kasalanan ang kasamaang ilo, na humingi kami para sa amin ng isang hari.” 1 Samuel 12:19. Ang kasalanang kinikilala nila ay dapat nilang ipahayag. Ang di nila pagkilala sa utang na loob ang siyang nagpahirap sa kanilang mga kaluluwa, at naghiwalay sa kanila sa Diyos.
KATANGGAP-TANGGAP NA PAGPAPAHAYAG NG KASALANAN
Ang pagpapahayag ng kasalanan ay hindi tatanggapin ng Diyos kung walang wagas na pagsisisi at pagbabago. Kinakailangang magkaroon ng maliwanag na mga pagbabago sa kabuhayan; ang lahat ng bagay na kapoot-poot sa Diyos ay kailangang iwaksi. Iyan ang ibubunga ng tunay na pagkalungkot dahil sa kasalanan. Ang kinakailangan nating gawin ay malinaw na ipinakikilala sa ganitong mga pangungusap sa atin: “Mangaghugas kayo, mangaglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa harap ng aking mga mata; mangaglikat kayo ng paggawa ng kasamaan; mangatuto kayong magsigawa ng mabuti; inyong hanapin ang kahatulan, inyong saklolohan ang napipighati, inyong hatulan ang ulila, ipagsanggalang ninyo ang babaeng bao.” Isaias 1:16,17. “Kung isauli ng masama ang sangla, ibigay uli ang kinuha sa pagnanakaw, lumakad sa palatuntunan ng buhay, na di gumagawa ng kasamaan; siya’y walang pagsalang mabubuhay, siya’y hindi mamamatay.” Ezekiel 33:15. Nang salitain ni apostol Pablo ang tungkol sa nagagawa ng pagsisisi, ay ganito ang sinabi niya: “Ito rin ang inyong ikinalulumbay ayon sa Diyos, gaanong sikap na pag-iingat ang sa inyo’y ginawa, oo’t gaanong pagtatanggol ng inyong sarili, oo’t gaanong pagkagalit, oo’t gaanong katakutan, oo’t gaanong pananabik, oo’t gaanong pagmamalasakit, oo’t gaanong paghihiganti! Sa lahat ay napakita kayong dalisay sa mga bagay na ito.” 2 Corinto 7:11.
PINAPATAY ANG PAKIRAMDAM
Pagka nabulag na ng kasalanan ang pagkakilala ng tao sa magaling at sa masama, ay hindi na nakikita ng nagkasala ang mga kapintasan ng kanyang likas, o nakikilala man niya ang laki ng nagawa niyang kasamaan; at malibang siya’y pahinuhod sa sumusumbat na kapangyarihan ng Banal na Espiritu, ay mananatili siya sa malabong pagkabatid sa kanyang kasalanan. Ang kanyang pagpapahayag ng kasalanan ay hindi tapat at hindi taos sa kanyang puso. Sa tuwi niyang aaminin ang kanyang kasalanan ay may iminamatuwid kung bakit siya nakagawa ng gayon, at kanyang sinasabing kung hindi lamang sa gayon o ganitong mga pangyayari, sana’y hindi niya nagawa ang gayo’t ganito, na dahil dito’y sinaway siya.
PAKIRAMDAM NG HIYA AT TAKOT
Nang makain na ni Adan at ni Eva ang bunga ng kahoy na ipinagbawal ay napuno sila ng hiya at takot. Ang una nilang naisip ay kung paano nila mapangangatuwiranan ang kanilang kasalanan upang sila’y makaiwas sa nakahihilakbot na hatol na kamatayan. Nang sila’y tanungin ng Panginoon tungkol sa kanilang pagkakasala, ay tumugon si Adan, na ipinaratang niya sa Diyos ang isang bahagi ng kasalanan at sa kanyang kasama ang isang bahagi, na sinabi: “Ang babaeng ibinigay Mong aking kasamahin, ay siyang nagbigay sa akin ng bunga ng punong-kahoy, at aking kinain.” Ang sisi ay ibinabaw naman ng babae sa ahas, na sinabi: “Dinaya ako ng ahas, at ako’y kumain.” Genesis 3:12, 13. Bakit Mo ginawa ang ahas? Bakit Mo pinahintulutan siyang makaparito sa Eden? Ito ang mga katanungang nakapaloob sa kanyang mga ikinatuwiran sa kanyang pagkakasala sa gayo’y binubuhatan ang Diyos na may kasalanan sa pagkapahamak na nangyari sa kanila. Ang diwa ng pag-aaring-ganap sa sarili ay nanggaling sa ama ng mga kasinungalingan, at inihayag naman ng lahat ng lalaki at babaeng anak ni Adan. Ang ganitong mga pagpapahayag ng kasalanan ay hindi udyok ng Banal na Espirilu, at hindi magiging kalugud-lugod sa Diyos. Ang tunay na pagsisisi ay siyang aakay sa tao na kanyang pasanin ang sariling kasalanan, at kilalanin ito ng walang daya o pagpapaimbabaw. Tulad niyaong kaawa-awang maniningil ng buwis, na hindi man lamang makatingin sa langit, sisigaw siya ng wikang: “Diyos, Ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan,” at lahat ng kumikilala ng kanilang mga kasalanan ay aariing matuwid; sapagka’t ihaharap ni Jesus ang Kanyang dugo patungkol sa taong nagsisisi.
WALANG SARILING PAG-AARING GANAP ANG KATANGGAP-TANGGAP SA HARAPAN NG PANGINOON
Ang mga halimbawang natatala sa salita ng Diyos tungkol sa tunay na pagsisisi at pagpapakababa ay nag papakilala ng isang diwa ng pagpapahayag ng kasalanan, na hubad sa pagdadahilan sa pagkakasala, o pagsisikap na ariing ganap ang sarili. Hindi sinikap ni Pablo na ipagtanggol ang kanyang sarili; iginuhit niya ng napakaitim ang kanyang kasalanan, na hindi man lamang niya sinikap na ariing maliit ang kanyang pagkakasala. Ang wika niya: “Kinulong ko sa mga bilangguan ang marami sa mga banal, pagkatanggap ko ng kapamahalaan sa mga pangulong saserdote, at nang sila’y ipinapapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsang- ayon laban sa kanila. At madalas sa pagpaparusa ko sa kanila sa lahat ng sinagoga, ay pinipilit ko silang magsipamusong; at sa totoong pagkagalit ko sa kanila, ay sila’y pinag-uusig ko hanggang sa mga bayan ng ibang lupain.” Gawa 26:10, 11.
Hindi siya nag-atubiling magsabi na: “Si Kristo ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang una sa kanila.” 1 Timoteo 1:15.
Ang nagpapakumbaba at bagbag na puso, na pinapangayupapa ng tapat na pagsisisi, ay magpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos at sa pagpapakasakit ni Kristo sa Kalbariyo; at kung paano na ang isang anak ay nagpapahayag ng kanyang kasalanan sa magiliwin niyang ama, gayon din ang gagawin ng lahat ng tunay na nagsisisi sa harap ng Diyos. At nasusulat: “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal Siya na tayo’y patatawarin sa ating mga kasalanan at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan.” 1 Juan 1:9.