KABANATA 5

Ang pangako ng Diyos ay: “Inyong hahana-pin Ako, at masusumpungan Ako, pagka inyong sisiyasatin Ako ng inyong buong puso.” Jeremias 29:13. 

Ang buong puso ay kailangang ipakupkop sa Diyos, kung dili ay hindi mangyayari sa atin ang pagbabago na sa pamamagitan niyao’y masasauli tayo sa Kanyang wangis. Sa katutubo ay mga hiwalay tayo sa Diyos. Inilalarawan ng Banal na Espiritu ang ating kalagayan sa ganitong mga pangungusap: “Mga patay dahil sa inyong mga pagsalansang at mga kasalanan;” “ang buong ulo ay masakit, at ang buong puso ay nanglulupaypay;” “walang kagalingan.” Huling-huli tayo ng mga pakana ni Satanas; “na bumihag … ayon sa kanyang kalooban.” Efeso 2:1; Isaias 1:5,6; 2 Timoteo 2:26. Ninanais ng Diyos na tayo’y pagalingin, at tayo’y palayain. Subali’t dahil sa ito’y nangangailangan ng isang ganap na pagbabago, pagbabago ng ating buong pagkatao, ay nararapat na lubos nating ipakupkop sa Kanya ang ating mga sarili. 

Ang pakikibaka sa sarili ay siyang pinakamalaki sa lahat ng pakikipaglaban. Ang pagpapakupkop ng sarili, na isinusuko ang lahat sa kalooban ng Diyos, ay nangangailangan ng isang pakikipagpunyagi; nguni’t dapat sumuko sa Diyos ang kaluluwa bago ito magkaroon ng kabanalan.

Ang pamahalaan ng Diyos ay hindi gaya ng ipinaki- lala ni Satanas, na nasasalig sa isang bulag na pagsunod at walang katuwirang pamamahala. Ito’y tumatawag sa pag-iisip at sa budhi. “Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan” (Isaias 1:18), ang paanyaya ng Diyos sa mga taong nilikha Niya. Hindi pinipilit ng Diyos ang kalooban ng Kanyang mga nilalang. Hindi Niya matatanggap ang isang pagsambang hindi bukal sa puso at hindi iniisip. Ang hamak na pagpapakupkop na pilit lamang ay siyang pipigil sa lahat ng tunay na paglusog ng pag-iisip o ng likas; gagawin niyan ang tao na isang makina. Hindi ganyang ang adhika ng Maykapal. Ninanais Niyang ang tao, na siyang pinaka mabuting bunga ng Kanyang kapangyarihang paglalang, ay makaabot sa tugatog ng pagkasulong. Iniharap Niya sa atin ang taas ng pagpapala na ninanais Niyang maabot natin sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. Inaanyayahan Niya tayong ibigay natin sa Kanya ang ating mga sarili, upang magawa Niya sa atin ang Kanyang kalooban. Tayo ang pinapamimili Niya kung ibig nating lumaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan, at magtamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. 

HINDI MAAARI ANG PANININDIGANG WALANG KINIKILINGAN

Sa pagbibigay natin ng ating mga sarili sa Diyos ay kinakailangang iwan natin ang lahat ng bagay na sa atin ay maghihiwalay sa Kanya. Kaya’t ang sabi ng Tagapagligtas: “Sino man sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko.” Lukas 14:33. Ano mang bagay na maglalayo ng puso sa Diyos ay dapat na talikdan. Salapi ang diyusdiyusan ng marami. Ang pag-ibig sa salapi, ang pagha- hangad na yumaman, ay siyang gintong tanikala na nakatali sa kanila kay Satanas. Ang kabantugan at karangalang makasanlibutan ay sinasamba naman ng mga iba. Ang katamaran at pagpapabaya ang dinidiyos naman ng mga iba. Datapuwa’t ang mga tanikalang ito ng pagkaalipin ay dapat patirin. Di maaaring tayo’y maging kalahati sa Panginoon at kalahati sa sanlibutan. Kung hindi lubusang tayo’y sa Diyos ay hindi Niya tayo mga anak. May mga taong nagbabansag na sila’y naglilingkod sa Diyos, samantalang nangagtitiwala sa kanilang sariling mga pagsisikap upang matupad ang Kanyang kautusan, magkaroon ng isang matuwid na likas, at magtamo ng kaligtasan. Ang kanilang puso ay hindi nakikilos ng anumang malalim na pagkadama sa pag-ibig ni Kristo, gayon ma’y sinisikap nilang maganap ang mga tungkulin ng buhay-Kristiyano na para bagang iniuutos sa kanila ng Diyos upang kamtin nila ang langit. Ang kanyang relihiyon ay walang anumang halaga. Kung si Kristo ang tumatahan sa puso ay mapupuno ang kaluluwa ng Kanyang pag-ibig at ng katuwaan na makipag-usap sa Kanya, na anupa’t ito’y hindi na hihiwalay sa Kanya; at sa pagbubulaybulay tungkol kay Jesus, ay malilimutan ng tao ang sarili. Pag-ibig kay Kristo ang magbubunsod sa bawa’t kilos. Yaong nakadarama ng umaakit na pagibig ng Diyos ay hindi nagtatanong kung gaano kaliit ang iiwan upang matugunan ang mga kahilingan ng Diyos; hindi nila hinihingi ang pinakamababang pamantayan, kundi minimithi nila ang ganap na pagayon sa kalooban ng sa kanila’y tumubos. Taglay ang maalab na hangad ay ipinasasakop nila ang lahat, at ipinakikita nila ang isang pag-ibig na katumbas ng halaga ng bagay na kanilang hinahanap. Ang pagpapanggap na Kristiyano na hubad sa taimtim na pag-ibig, ay bukang-bibig lamang, isang tuyong kapormalan, at mabigat na gawain.

MAHAHALAGANG TANONG NA DAPAT MONG ISAALANG-ALANG

Ipinalalagay ba ninyo na napakalaking pagsasakripisiyo ang ipakupkop ninyo kay Kristo ang lahat ng bagay? Itanong ninyo ito sa inyong sarili: “Ano ang ibinigay ni Kristo dahil sa akin?” Lahat ay ibinigay ng Anak ng Diyos—ang buhay at pag-ibig at pagbabata—sa ating ikatutubos. Maaatim ba nating ikait ang ating mga puso sa Kanya, tayong mga hindi karapat-dapat sa ganyang napakalaking pag-ibig. Sa tuwi-tuwina ay tumatanggap tayo ng mga pagpapala ng Kanyang biyaya, at dahil dito’y hindi natin ganap na nakikilala ang lalim ng kamangmangan at kadustaang pinaghanguan sa atin. Matitingnan baga natin Siyang inulos ng ating mga kasalanan, at gayon man ay hamakin pa ang buo Niyang pag-ibig at paghahandog ng Kanyang sarili? Sa harap ng walang kapantay na pagpapakababa ng Panginoon ng kaluwalhatian, ay magbubulungbulungan baga tayo, sapagka’t sa pamamagitan lamang ng pakikilaban at pagpapakumbaba maaaring makapasok tayo sa buhay? 

Ang katanungan ng maraming mapagmataas na puso ay ito: “Bakit pa ba kailangang magpenitensiya ako at mangayupapa bago ko kamtin ang pangakong ako’y tatanggapin ng Diyos?” Itinuturo ko sa inyo si Kristo. Siya’y walang kasalanan, at, higit pa sa rito’y Siya ang Pangulo ng sangkalangitan; datapuwa’t inari Siyang salarin dahil sa sangkatauhan. Siya’y “ibinilang na kasama ng mga mananalansang, … dinala Niya ang kasalanan ng marami, at namagitan sa mga mananalansang.” Isaias 53:12. 

Nguni’t ano ang ibinibigay natin, kung ipagkaloob natin ang lahat?—Isang pusong dinumhan ng kasalanan, upang dalisayin ni Jesus, upang linisin ng Kanyang dugo, at iligtas ng Kanyang walang kahambing na pag-ibig. At gayon may inaakala ng mga tao na mahirap talikdan ang lahat! Ikinahihiya kong ito’y mapakinggan, ikinahihiya kong ito’y isulat. 

PARA SA ATING PINAKAMABUTING KAPAKANAN

Hindi hinihingi ng Diyos na ating iwaksi ang ano mang bagay na ikabubuti natin kung ating tangkilikin. Sa lahat ng Kanyang ginagawa ay inaalaala Niya ang ikabubuti ng Kanyang mga anak. Makilala nawa ng lahat ng hindi pa tumatanggap kay Kristo na mayroon Siyang iniaalay sa kanila na lalong mabuti kay sa sinisikap nilang matamo para sa kanilang mga sarili. Napakalaking kasiraan at kapahamakan ang ginagawa ng tao sa kanyang sariling kaluluwa, kung ang kanyang iniisip at ginagawa ay kalaban ng kalooban ng Diyos. Walang tunay na katuwaang matatagpuan sa landas na ipinagbabawal Niya na nakakaalam kung ano ang pinakamabuti at nagpapanukala ng ikabubuti ng Kanyang mga kinapal. Ang landas ng pagsalansang ay siyang landas ng kahirapan at pagkapahamak. 

Kamalian ang akalaing nalulugod ang Diyos na makitang naghihirap ang Kanyang mga anak. Ang buong sankalangitan ay nagnanais na lumigaya ang tao. Hindi ipinipinid ng ating Amang nasa langit ang mga daan ng katuwaan sa alin mang nilalang Niya. Ang hinihingi sa atin ng Diyos ay talikdan natin yaong mga gawang pagmamalabis na magdudulot sa atin ng hirap at pagkabigo, at magpipinid ng pinto ng kaligayahan at ng kalangitan. Tinatanggap ng Manunubos ng sanlibutan ang mga tao anuman ang kanilang kalagayan, dala ang lahat nilang kakulangan, kapintasan, at kahinaan; at hindi lamang linilinis Niya sila sa kanilang kasalanan at nagbibigay ng katubusan sa pamamagitan ng Kanyang dugo, kundi bibigyan din naman Niya ng kasiyahan ang nasasabik na puso niyaong mga laang magpasan ng Kanyang pamatok, at magdala ng Kanyang pasanin. Ang Kanyang layunin ay magbigay ng kapayapaan at kapahingahan sa lahat ng lumalapit sa Kanya at humihingi ng tinapay ng buhay. At hinihingi Niyang ganapin natin yaon lamang mga tungkuling aakay sa ating mga hakbang sa mataas na dako ng kaligayahan na hindi maabot kailan man ng masuwayin. Ang tunay at maligayang kabuhayan ng kaluluwa ay ang mabuo si Kristo sa kalooban, na siyang pag-asa ng kaluwalhatian. 

PAANO ANG PAGSUKO?

Marami ang nagtatanong: “Paano ko isusuko sa Diyos ang aking sarili?” Ibig ninyong ibigay sa Kanya ang inyong sarili, datapuwa’t mahina ang inyong kalooban, naaalipin kayo ng pag-aalinlangan, at pigil-pigil ng pinagkamihasnan ng inyong likong kabuhayan. Ang inyong mga pangako at kapasiyahan ay tulad sa mga lubid na buhangin. Hindi ninyo mapigil ang inyong mga pag-iisip, ang mga udyok ng inyong kalooban at ang inyong mga pagnanasa. Pagka naalaala ninyo ang nasira ninyong mga pangako at napabayaang mga panata ay humihina ang inyong pagtitiwala sa inyong sariling katapatan, at ipinalalagay ninyo na kayo’y hindi matatanggap ng Diyos; datapuwa’t huwag kayong mawalan ng pag-asa. Ang kinakailangan ninyong maalaman ay ang tunay na lakas ng loob. Iyan ang kapangyarihang naghahari sa katutubo ng tao, ang kapangyarihan ng pagpapasiya o ng pamimili. Lahat ay nasasalig sa matuwid na pagkilos ng kalooban. Ang kapangyarihan ng pamimili ay ibinigay ng Diyos sa mga tao; ito ay kanila upang gamitin. Hindi ninyo mababago ang inyong puso, at sa ganang inyo lamang ay hindi ninyo maibibigay sa Diyos ang pag-ibig ng pusong iyan, datapuwa’t mapipili ninyo ang maglingkod sa Kanya. Maibibigay ninyo sa Kanya ang inyong kalooban, at kung magkagayo’y gagawa Siya sa inyo upang kayo’y magkusang gumawa ng ayon sa Kanyang mabuting kalooban. Sa ganya’y ang buo ninyong pagkatao ay sasa ilalim ng kapamahalaan ng Espiritu ni Kristo; Siya ang magiging hantungan ng inyong pagibig, at ang inyong mga pag-iisip ay magiging kasangayon Niya. 

Ang mga pagnanasang bumuti at maging banal ay matuwid; datapuwa’t pagka huminto na kayo rito, ay wala kayong mapapalang anuman. Marami ang mawawaglit, samantalang sila’y umaasa at nagnanasang maging mga Kristiyano. Hindi sila dumarating doon sa dako na isuko nila sa Diyos ang kanilang kalooban. Hindi nila pinipiling maging mga Kristiyano. 

Sa pamamagitan ng matuwid na paggamit sa kalooban, ay lubos na mababago ang inyong kabuhayan. Sa pagpapasakop ng inyong kalooban kay Kristo, ay iniaanib ninyo ang inyong sarili sa kapangyarihan na mataas sa lahat ng pamunuan at kapangyarihan. Magkakaroon kayo ng lakas na buhat sa itaas na sa inyo’y hahawak upang kayo’y matatag at sa pamamagitan ng palaging pagpapasakop ng inyong sarili sa Diyos ay makapamumuhay kayo ng bagong kabuhayan, samakatuwid ay ang kabuhayan ng pananampalataya.