Ang Diyos ay siyang bukal ng buhay at liwanag at kaligayahan ng santinakpan. Tulad sa mga sinag ng liwanag na nagbubuhat sa araw, tulad sa mga agos ng tubig na nagmumula sa isang buhay na batis, ay dumadaloy mula sa Kanya ang mga pagpapala para sa lahat Niyang kinapal. Saan mang dako at ang buhay na galing sa Diyos ay tumatahan sa puso ng mga tao, ay dadaloy naman ito na patungo sa mga iba sa mga daloy ng pag-ibig at pagpapala.
Ang kaligayahan ng ating Tagapagligtas ay nasa pagangat at pagtubos sa sangkatauhang lugami sa pagkakasala. Dahil dito ay hindi Niya ibinilang na mahalaga sa Kanya ang Kanyang buhay, kundi binata Niya ang krus, at winalang bahala ang kahihiyan. Ang mga anghel man ay palaging gumagawa rin sa ikaliligaya ng mga iba. Ito ang kanilang kaligayahan. Yaong ipalalagay ng sakim na puso, na isang paglilingkod na nagpapababa ng karangalan, palibhasa’y paglilingkod lamang sa mga kaawa-awa at sa lahat ng bagay ay mababa sa uri at sa tayo ng kabuhayan, ay siyang gawain ng mga anghel na hindi nagkasala. Ang diwa ng mapagsakripisiyong pag-ibig ni Kristo ay siyang diwang naghahari sa langit, at siyang pinaka kakanggata ng kaligayahan at kasayahan doon. Ito ang diwang tatangkilikin ng mga nagsisisunod kay Kristo; ito ang gawang gagawin nila.
Pagka ang pag-ibig ni Kristo ang siyang namamahay sa ating puso ay hindi ito maikukubli na gaya ng isang mabangong samyo. Ang banal na kapangyarihan nito ay mararamdaman ng lahat nating makakasama. Ang diwa ni Kristo na nasa loob ng puso ay nakakatulad ng isang batis sa ilang, na ang kanyang tubig ay walang patid ng pag-agos upang pasariwain ang lahat na pananim, at sa mangamamatay na lamang ay lumilikha pa ng kasabikang makainom ng tubig ng buhay.
Ang pag-ibig kay Jesus ay mahahayag sa pagnanasang gumawa na katulad ng paggawa ni Jesus, upang maiangat at mapagpala ang sangkatauhan. Ito ang aakay sa tao na ibigin, kahabagan, at mahalin ang lahat ng nilikha, na mga inaalagaan ng ating Ama na nasa langit.
Ang kabuhayan ng Tagapagligtas, noong siya’y narito sa ibabaw ng lupa ay hindi isang pagpapaginhawa at pagmamahal sa sarili, kundi Siya’y gumagawang may kasipagan at katapatan sa ikaliligtas ng nawaglit na mga tao. Mula roon sa sabsaban ng hayop hanggang sa Kalbariyo ay tinunton Niya ang landas ng pagkakait sa sarili, at hindi Niya sinikap na makawala sa mabigat na gawain, mahihirap na paglalakbay, at nakapanghihinang pag-aalaala at paggawa. Ang wika Niya: “Ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang Kanyang buhay sa pagtubos sa marami.” Mateo 20:28. Ito ang namumukod na dakilang layunin ng Kanyang buhay. Ang iba pa ay pangalawa na lamang at sumasa ilalim nito. Ang Kanyang pagkain at inumin ay ang gawin ang kalooban ng Diyos at tapusin ang Kanyang gawain. Ang sarili at ang kapakanan ng sarili ay walang bahagi sa kanyang paggawa.
HANDA PARA MAGSAKRIPISYO
Kaya nga’t yaong mga kabahagi ng biyaya ni Kristo ay magiging laan sa anumang pagsasakripisiyo upang ang mga iba na pinagkamatayan Niya ay makabahagi ng kaloob na buhat sa langit. Gagawin nila ang lahat nilang makakaya upang lalong mapabuti ang sanlibutan sa pamamagitan ng kanilang paninirahan dito. Ang diwang ito ay siyang tunay na bunga ng isang kaluluwang tapat na nagbalik-loob sa Diyos. Kapagkarakang lumapit kay Kristo ang isang tao ay sumusupling sa kanyang puso ang isang pagnanasa na ipakilala sa mga iba kung gaano kabuting kaibigan si Jesus na kanyang natagpuan; ang nagliligtas at nagpapabanal na katotohanan ay hindi maaaring masarahan sa kanyang puso. Pagka tayo’y nararamtan ng katuwiran ni Kristo, at nangapupuspos ng tuwa dahil sa paninirahan ng Kanyang Espiritu sa ating kalooban, ay hindi tayo matatahimik. Mayroon tayong masasabi sa mga iba kung talagang ating natikman at nakita na ang Panginoon ay mabuti. Gaya ni Felipe, noong makita niya ang Tagapagligtas, ay aanyayahan natin ang mga iba na sa Kanya’y lumapit. Pagsisikapan nating maipakilala sa kanila ang mga kagandahan ni Kristo, at ang nakukubling mga katotohanan ng sanlibutang darating. Magkakaroon ng maningas na hangad na lumakad sa landas na linakaran ni Jesus. Magkakaroon ng masidhing pananabik na makita naman niyaong nangasa ating palibot “ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Juan 1:29.
At ang pagsisikap na mapagpala ang mga iba ay gagantihin naman ng pagpapala rin sa atin. Ito ang adhika ng Diyos sa pagbibigay Niya sa atin ng bahagi na makatulong sa panukala ng pagtubos. Pinagkalooban Niya ng karapatan ang mga tao na maging kabahagi sa banal na likas at bilang kapalit nito, ay ipamahagi naman nila ang mga pagpapalang ito sa kanilang kapuwa. Ito ang kataas-taasang karangalan, ang pinakadakilang kaligayahan, na maaaring ibigay ng Diyos sa mga tao. Yaong nangagsisitulong sa mga gawa ng pag-ibig ay nangapapalapit sa Lumikha sa kanila.
ANG TANGING KARAPATAN NA GUMAWA NA KASAMA SIYA
Maaaring ipinagtiwala sana ng Diyos sa mga anghel sa langit ang pagbabalita ng ebanghelyo, at ang buong gawain ng malingap na pangangasiwa. Maaaring ginamit sana Niya ang ibang mga paraan upang maganap ang Kanyang adhika. Datapuwa’t dahil sa kanyang hindi matingkalang pag-ibig ay hinirang Niya tayong maging mga katulong Niya, kasama si Kristo at ng mga anghel, upang makabahagi tayo sa pagpapala, sa ligaya, sa karangalang ukol sa espiritu, na nagmumula sa pangangasiwang ito na hubad sa kasakiman.
Tayo’y nangakikiramay kay Kristo sa pamamagitan ng ating pakikiisa sa Kanyang mga pagbabata. Bawa’t paghahandog ng sarili sa ikabubuti ng mga iba ay nagpapalakas sa diwa ng kagandahang-loob na nasa puso ng nagbibigay, na siyang lalong mahigpit na nag-uugnay sa kanya sa Manunubos ng sanlibutan, na “mayaman, gayon ma’y nagpapakadukha dahil sa inyo, upang sa pamamagitan ng Kanyang karukhaan ay magsiyaman kayo.” 2 Corinto 8:9. At sa ganyan lamang pagtupad natin sa hangarin ng Diyos sa paglalang Niya sa atin, magiging isang pagpapala sa atin ang mabuhay.
Kung kayo’y yayaon upang gumawa ng ayon sa pinanukala ni Kristo ukol sa paggawa ng mga alagad Niya, at maglalapit kayo sa Kanya ng mga kaluluwa, ay mararamdaman ninyo ang pangangailangan ng isang malalim na karanasan at malaking kaalaman sa mga bagay na banal, at kayo’y magugutom at mauuhaw sa katuwiran. Kayo’y mamamanhik sa Diyos, at lalakas ang inyong pananampalataya, at ang inyong kaluluwa ay iinom ng masagana sa balon ng kaligtasan. Ang pagtuligsa ng kaaway at pagsubok na inyong natatagpuan ay siyang sa inyo’y mag-uudyok na manalangin at pagaaralan ang Banal na Kasulatan. Lalago kayo sa biyaya at sa pagkakilala kay Kristo, at tuloy magkakaroon ng mayamang karanasan.
PAGLINANG NG KARAKTER
Ang paglilingkod sa mga iba na walang diwang makasarili ay siyang nagpapalalim, nagpapatibay, at nagpapaganda ng likas na gaya ng sa kay Kristo, at nagbibigay ng kapayapaan at katuwaan sa mayroon nito. Marangal ang mga hangarin. Walang kalagayan ang katamaran o kasakiman. Ang nagsisigamit ng mga biyayang Kristiyano sa ganyang paraan ay magsisilaki at lalakas upang gumawa para sa Diyos. Magkakaroon sila ng malinaw na pag-unawang ukol sa espiritu, isang matatag at umuunlad na pananampalataya, at malaking kapangyarihan sa pananalangin. Ang Espiritu ng Diyos, na kumikilos sa kanilang diwa, ay tumatawag sa banal na pakikitugma ng kaluluwa bilang tugon sa banal na pagsagid ng Panginoon. Yaong, sa ganyang paraan ay nangagtatalaga ng kanilang sarili sa isang paglilingkod na walang halong pag-iimbot para sa ikabubuti ng mga iba, ay tiyak na gumagawa sa kanilang ikaliligtas.
Ang paraan lamang upang lumago sa biyaya ay ang gawin ng walang bahid kasakiman yaong ipinagagawa sa atin ni Kristo—gumawa ng ayon sa ating kakayahan sa pagtulong at pagpapala roon sa mga nangangailangan ng ating maitutulong. Ang lakas ay tinatamo sa pamamagitan ng pagbabatak; ang paggawa ang siya ngang kondisyon ng buhay. Yaong mga nagsisikap na mapamalagi ang buhay-kristiyano sa pamamagitan ng palagi na lamang na pagtanggap ng mga pagpapalang dala ng biyaya, at walang anumang ginawa para kay Kristo, ay ibig mabuhay na lamang upang kumain na di gumagawa. At sa mga bagay na ukol sa espiritu, kung paano sa mga bagay ng kalikasan, ang di paggawa ay palaging nagbubunga ng panghihina at pagkakasakit. Ang isang taong ayaw magbatak ng kanyang mga kamay at mga paa ay hindi magluluwat at hindi na niya magagamit pa ang mga ito. Ganyan din naman, ang Kristiyanong hindi gumagamit ng mga kapangyarihang sa kanya’y ibinigay ng Diyos, hindi lamang di siya aabot kay Kristo, kundi naaalis pa ang lakas na nasa kanya.
ISANG PANANAGUTAN NA NAKAATANG SA ATIN
Ang iglesiya ni Kristo ay siyang hinirang ng Diyos upang gamitin sa pagliligtas sa mga tao. Ang gawain niya ay ang maglaganap ng ebanghelyo sa sanlibutan. At sa lahat ng Kristiyano ay nabababaw ang tungkulin. Bawa’t isa, ayon sa naaabot ng kanyang talento at panahon, ay kailangang umalinsunod sa bilin ng Tagapagligtas. Ang pag-ibig ni Kristo, na nahahayag sa atin, ay siyang dahil ng pagkakautang natin sa lahat ng hindi nakakakilala sa Kanya. Binigyan tayo ng ilaw ng Diyos, hindi para sa atin lamang, kundi upang itanglaw din naman sa kanila.
Kung ginaganap lamang ng mga sumusunod kay Kristo ang kanilang tungkulin, sana’y libu-libo ang nangangaral ngayon ng ebanghelyo sa pinangangaralan ng iisa lamang sa lupain ng mga pagano. At ang lahat ng hindi makasama sa paggawa ay tutulong din sa pamamagitan ng salapi, pakikiramay, at panalangin. Dahil dito’y lalong aalab ang kasipagan ng mga bayang Kristiyano upang umakit ng mga kaluluwa para sa Diyos.
Hindi na kinakailangang magsitungo pa tayo sa lupain ng mga pagano, o lisanin ang sariling tahanan kung sa sarili’y mayroon pa tayong mga tungkuling nararapat gampanan para kay Kristo. Ang tungkuling iyan ay magagawa natin kahi’t sa ating tahanan, sa iglesiya, sa mga kakaumpok natin, at sa mga nakikipagkalakalan sa atin.
Lalong malaking bahagi ng kabuhayan ng ating Tagapagligtas dito sa ibabaw ng lupa ang ginugol Niya sa matiyagang pag-aanluwagi sa Nasaret. Mga anghel na naglilingkod ang umakbay sa Panginoon ng buhay, sa Kanyang paglalakad na kasabay-sabay ng mga magbu- bukid at mga manggagawa na hindi Siya nakikilala at di pinararangalan. Maging Siya’y gumagawa sa Kanyang mababang hanap-buhay o Siya man ay nagpapagaling ng mga maysakit o lumalakad sa ibabaw ng maunos na dagat ng Galilea, ay matapat Niyang ginanap ang layuning kanyang ipinarito. Kaya nga, sa mga abang tungkulin at lagay ng pamumuhay, ay maaaring tayo’y lumakad at gumawang kasama ni Jesus.
LAHAT AY KAKATAWAN SA KANYA
Sinasabi ng apostol: “Bawa’t isa’y manatili sa Diyos sa kalagayang itinawag sa kanya.” 1 Corinto 7:24. Ang mangangalakal ay maaaring makapangalakal sa isang kaparaanang makaluluwalhati sa Kanyang Panginoon, dahil sa kanyang pagtatapat. Kung siya’y tunay na alagad ni Kristo, ay dadalhin niya ang kanyang pananampalataya sa lahat niyang ginagawa, at ihahayag niya sa mga tao ang espiritu ni Kristo. Ang mekaniko ay maaaring maging isang masipag at tapat na kinatawan Niya na gumawa ng mababang mga gawain sa gitna ng mga gulod ng Galilea. Bawa’t isang nagtataglay ng pangalan ni Kristo ay dapat gumawa ng gayon na lamang, na anupa’t sa pagkakita ng mga iba sa kanyang mabubuting gawa, ay luluwalhatiin nila yaong Lumalang at Tumubos sa kanila.
Marami ang nangagdadahilan na sapagka’t ang mga iba ay may tinatangkilik na mataas na kakayahan at malaking kabutihan kay sa kanila, kaya hindi na kailangan pa ang kanilang tulong sa paglilingkod kay Kristo. Laganap ang paniniwala na iyon lamang may mga tanging katangian ang kinakailangang magtalaga ng kanilang mga kakayahan upang ipaglingkod sa Diyos. Naging pagkakilala na ng marami na ang mga talento ay ipinagkaloob sa isang uri lamang ng mga taong mapapalad na tanging ibinukod sa mga iba, na hindi tinawagan upang makibahagi sa mga paghihirap o sa mga gantimpala man. Datapuwa’t hindi ganyan ang ipinakikilala ng talinhaga. Nang tawagin ng puno ng sambahayan ang kanyang mga alipin, ay binigyan niya ang bawa’t isa ng kanyang gawain.
MGA PINAKAMABABANG TUNGKULIN SA BUHAY
Taglay ang diwang maibigin, ay magagawa natin ang pinakamababang mga tungkulin sa kabuhayan, “na gaya ng sa Panginoon.” Colosas 3:23. Kung sa ating puso’y namamahay ang pag-ibig ng Diyos, ay mahahayag ito sa pamumuhay. Ang masamyong bango ni Kristo ang sasa paligid natin, at ang impluensiya natin ay siyang magpaparangal at magpapala sa mga iba.
Huwag na ninyong hintaying dumating pa muna ang malaking pagkakataon o umasa kaya sa di-pangkaraniwang mga kakayahan bago kayo tumungo sa paggawa para sa Diyos. Huwag ninyong isipin kung ano kaya ang ipalalagay sa inyo ng sanlibutan. Kung ang kabuhayan ninyo sa araw-araw ay isang patotoo ng kalinisan at katapatan ng inyong pananampalataya, at napag-uunawa ng mga iba na nais ninyong sila’y matulungan, ang inyong pagsisikap ay hindi masasayang na lahat.
MAGING PAGPAPALA SA IBA
Ang pinakamababa at pinakadukha sa mga alagad ni Jesus ay maaaring maging isang pagpapala sa iba. Mangyayaring hindi nila mapagkilalang sila’y gumagawa ng isang tanging bagay na mabuti, datapuwa’t sa palaging paggawa nila niyaon ay makapagpapasimu- la sila ng mga alon ng pagpapala na lalawak at lalalim, at lilitaw ang mga banal na bunga nito na maaaring hindi nila maalaman hanggang sa hilling araw ng pagbibigay ng kagantihan. Hindi nila nararamdaman o nauunawa mang sila’y gumagawa ng anumang bagay na dakila. Hindi sila pinagbibilinang pagurin nila ang kanilang mga sarili sa pag-aalaala ng tungkol sa tagumpay. Ang kailangan lamang ay ang sila’y magsiyaong tahimik, na matapat na ginagawa ang gawaing itinatagubilin ng Diyos, at kung magkagayon, ang kanilang kabuhayan ay hindi mapapalungi. Ang kanilang sarili ay mapaparis na lubos kay Kristo; sila’y mga manggagawang kasama ng Diyos sa buhay na ito, at sa ganito’y iniaangkop nila ang kanilang mga sarili sa lalong mataas na gawain at sa lubos na kaligayahan ng kabilang buhay.