Sa Biblia, ang isang babae ay kumakatawan sa bayan ng Diyos (Jer. 6:2; Isa. 51:16). Ang iglesia (bayan ng Diyos) ay binubuo ng mga tunay, tapat, at sumusunod na mga anak ng Diyos – mga lalaki’t babae. Kaya nga, parehong lalaki’t babae ang tutukuyin sa pag-aaral na ito.
Jeremias 6:2 Ang maganda at maayos na babae, ang anak na babae ng Sion, ihihiwalay ko.
Isaias 51:16 At inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig, at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay, upang aking mailadlad ang mga langit, at mailagay ang mga patibayan ng lupa, at magsabi sa Sion, Ikaw ay aking bayan.
1. Paano nararapat gayakan ng mga babae ang kanilang mga sarili ayon sa sinasabi ng Biblia?
1 Timoteo 2:9 Gayon din naman, na ang mga babae ay magsigayak ng mahinhing damit na may katimtiman at hinahon; hindi ng mahalagang hiyas ng buhok, at ginto o perlas o damit na mahalaga.
Kung pag-aaralan ang salitang “mahinhin” sa Strong’s Concordance, ito ay nangangahulugan ng “may kaayusan, may kabutihang asal.”
2. At sa talata ring ito ay ipinagpatuloy ni Apostol Pablo na itala ang ilan sa mga bagay na di-nararapat gamiting panggayak sa sarili, ano-ano ang mga ito?
1 Timoteo 2:9 Gayon din naman, na ang mga babae ay magsigayak ng mahinhing damit na may katimtiman at hinahon; hindi ng mahalagang hiyas ng buhok, at ginto o perlas o damit na mahalaga.
Karagdagang pag-aaral:
1 Pedro 3:3 Na huwag sa labas ang kanilang paggayak na gaya ng pagpapahiyas ng buhok, at pagsusuot ng mga hiyas na ginto, o pagbibihis ng maringal na damit.
Kung patuloy na pag-aaralan ang mga salitang ginamit dito, ating makikita na ang “katimtiman” ay nangangahulugang “kasimpehan, pagka-kagalang-galang”; at ang “hinahon” naman ay nangangahulugang “katinuan ng kaisipan, tamang pag-iisip o pagpipigil sa sarili.”
3. Kung gayon paano nararapat gumayak ang isang Kristiyano?
1 Timoteo 2:10 Kundi (siyang nararapat sa mga babae na magpakabanal) sa pamamagitan ng mabubuting gawa.
1 Pedro 3:4 Kundi ang pagkataong natatago sa puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at payapa, na may malaking halaga sa paningin ng Dios.
4. Ang kaamuan ba ay isa sa mga bunga ng Banal na Espiritu?
Galacia 5:22-23 Datapuwa’t ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, Kaamuan, pagpipigil; laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan.
5. Paano ba nararapat manamit ang bayan ng Diyos?
Apocalipsis 19:8 At sa kaniya’y ipinagkaloob na damtan ang kaniyang sarili ng mahalagang lino, makintab at tunay; sapagka’t ang mahalagang lino ay siyang mga matuwid na gawa ng mga banal.
Karagdagang Pag-aaral
Job 29:14 Ako’y nagbibihis ng katuwiran, at sinusuutan niya ako: ang aking kaganapan ay parang isang balabal at isang diadema.
6. Sa kabaliktaran, paano isinasalarawan ng Biblia ang kasuotan ng babaeng kumakatawan sa kaharian ni Satanas?
Apocalipsis 17:4 At nararamtan ang babae ng kulay-ube at ng pula, at nahihiyasan ng ginto at ng mga mahalagang bato at mga perlas, na sa kaniyang kamay ay may isang sarong ginto na puno ng mga kasuklamsuklam, at ng mga bagay na marurumi ng kaniyang pakikiapid.
Sa Isaias 1:8, ang pula ay ang kulay ng kasalanan. Ihalintulad sa “malaking dragong mapula” sa Apocalipsis 12:3.
Isaias 1:8 At ang anak na babae ng Sion ay naiwang parang balag sa isang ubasan, parang pahingahan sa halamanan ng mga pepino, parang bayang nakukubkob.
Apocalipsis 12:3 At ang ibang tanda ay nakita sa langit: at narito, ang isang malaking dragong mapula, na may pitong ulo at sangpung sungay, at sa kaniyang mga ulo’y may pitong diadema.
7. At dahil sa pagtalikod ng bayan ng Diyos, paano pinuna ng Diyos ang mga anak na babae ng Sion?
Isaias 3:16 Bukod dito’y sinabi ng Panginoon, Sapagka’t ang mga anak na babae ng Sion ay mga mapagmataas, at nagsisilakad na mga may kapalaluan at mga matang nakairap, na nagsisilakad at nagsisikendeng habang nagsisiyaon, at nagpapakalatis ng kanilang mga paa:
Isaias 3:18 Sa araw na yaon ay aalisin ng Panginoon ang kagayakan ng kanilang mga hiyas ng paa, at ang mga hiyas ng ulo, at ang mga pahiyas na may anyong kalahating buwan;
Isaias 3:19 Ang mga hikaw, at ang mga pulsera, at ang mga lambong na pangmukha;
Isaias 3:20 Ang mga laso ng buhok, at ang mga kuwintas sa bukong-bukong, at ang mga pamigkis, at ang mga sisidlan ng pabango, at ang mga amuleto;
Isaias 3:21 Ang mga singsing, at ang mga hiyas na pang-ilong.
Ang mga bansang nakapaligid sa Israel na sumasamba sa mga dios-diosan ay gumagamit ng ganitong mga uri ng hiyas na naka-impluwensiya sa kanila. Ang mga tao sa bahaging ito ng sanlibutan ay patuloy na ginagayakan ang mga sarili nila ng mga hiyas.
8. Nang hatulan ng Diyos ang sinaunang Israel, ano ang sinabi Niyang gawin sa mga kagayakang ginaya sa mga bansang nasa paligid nila?
Exodo 33:5 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Kayo’y isang bayang may matigas na ulo: kung ako’y sumampa sa gitna mo na sangdali, ay lilipulin kita: kaya’t ngayo’y alisin mo ang iyong mga pahiyas sa iyo upang aking maalaman kung anong aking gagawin sa iyo.
Exodo 33:6 At ang mga anak ni Israel ay naghubad ng kanilang mga pahiyas mula sa bundok ng Horeb.
9. Marami ng taon ang lumipas, ano ang ibinaon ni Jacob kasama ang mga dios-diosan ng kaniyang sambahayan, bago siya makipag-tagpo sa Diyos?
Genesis 35:4 At kanilang ibinigay kay Jacob ang lahat ng ibang pinaka dios na nasa kamay nila, at ang mga hikaw na nasa kanilang mga tainga; at itinago ni Jacob sa ilalim ng punong encina na malapit sa Sichem.
10. Ano ang ginagawa ng patutot na asawa ni Oseas kapag isinusuot niya ang kaniyang mga alahas?
Oseas 2:13 At aking dadalawin sa kaniya ang mga kaarawan ng mga Baal, na siya niyang pinagsusunugan ng kamangyan, nang siya’y nagpaparanya ng kaniyang mga hikaw at kaniyang mga hiyas, at sumusunod sa mga mangingibig sa kaniya, at kinalilimutan ako, sabi ng Panginoon.
11. Ating nalaman sa ika-limang tanong na ang bayan ng Diyos ay nararapat na mabihisan ng pino, malinis, at puting lino na siyang katuwiran ng mga banal. Sino ang magkakaloob ng damit na ito ng katuwiran?
Zacarias 3:1At ipinakita niya sa akin si Josue na pangulong saserdote na nakatayo sa harap ng anghel ng Panginoon, at si Satanas na nakatayo sa kaniyang kanan upang maging kaniyang kaaway.
Zacarias 3:2At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Sawayin ka nawa ng Panginoon, Oh Satanas; oo, ang Panginoon na pumili ng Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo: di baga ito’y isang dupong na naagaw sa apoy?
Zacarias 3:3Si Josue nga ay nabibihisan ng maruming kasuutan, at nakatayo sa harap ng anghel.
Zacarias 3:4 At siya’y sumagot at nagsalita sa mga yaon na nangakatayo sa harap niya, na nagsabi, Hubarin ninyo ang mga maruming suot sa kaniya. At sa kaniya’y kaniyang sinabi, Narito, aking pinaram ang iyong kasamaan, at aking susuutan ka ng mainam na kasuutan.
12. Saan maitutulad ang ating mga kasuotan kapag sinisikap nating bihisan ang ating sarili ng katuwiran?
Isaias 64:6 Sapagka’t kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi: at nalalantang gaya ng dahon kaming lahat; at tinatangay kami ng aming mga kasamaan, na parang hangin.
13. Ano ang naging tugon ng Diyos sa ating maruruming mga kasuotan.
Apocalipsis 3:18 Ipinapayo ko sa iyo na ikaw ay bumili sa akin ng gintong dinalisay ng apoy, upang ikaw ay yumaman: at ng mapuputing damit, upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiyahiyang kahubaran; at ng pangpahid sa mata, na ipahid sa iyong mga mata, upang ikaw ay makakita.
Ang ating karakter ay nararapat na maging malinis at dalisay, nabibihisan ng katuwiran ni Cristo (Apoc. 19:8); kaya nga, ang ating pisikal na pananamit ay nararapat din namang maging maayos at malinis kapag tayo’y makikipagtagpo sa presensiya ng Diyos sa pagsamba (Ex. 19:10; Bil. 8:21).
Apocalipsis 19:8 At sa kaniya’y ipinagkaloob na damtan ang kaniyang sarili ng mahalagang lino, makintab at tunay; sapagka’t ang mahalagang lino ay siyang mga matuwid na gawa ng mga banal.
Exodo 19:10 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pumaroon ka sa bayan at papagbanalin mo sila ngayon at bukas at labhan nila ang kanilang mga damit.
Bilang 8:21 At ang mga Levita ay nagsipaglinis ng kanilang sarili sa kasalanan, at nagsipaglaba ng kanilang mga damit; at inihandog ni Aaron sila na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon; at si Aaron ay naggawa ng pangtubos sa kanila upang linisin sila.
14. Ano ang kahihinatnan ng walang halagang mga palamuti ng sanlibutan?
1 Juan 2:15 Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama.
1 Juan 2:16 Sapagka’t ang lahat na nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan.
1 Juan 2:17 At ang sanglibutan ay lumilipas, at ang masamang pita niyaon; datapuwa’t ang gumagawa ng kalooban ng Dios ay nananahan magpakailan man.
Karagdagang pag-aaral:
Santiago 4:4 Kayong mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipagaway sa Dios? Sinoman ngang magibig na maging kaibigan ng sanglibutan ay nagiging kaaway ng Dios.
15. Sa halip na ituon ang pansin sa ating mga sarili, sa pamamagitan ng mga palamuti, ano ang sinabi ni Jesus na marapat nating gawin?
Lucas 9:23 At sinabi niya sa lahat, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa arawaraw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.
Juan 12:32 At ako, kung ako’y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin ko sa akin din.
16. Paano natin maitataas at maluluwalhati si Cristo?
Roma 12:1 Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba.
Roma 12:2 At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios.
Karagdagang pag-aaral:
Juan 17:15 Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanglibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.
Matapos na ang mga anak ni Israel ay mailabas sa Ehipto, sila’y inutusang maglagay ng asul na tirintas sa laylayan ng kanilang mga damit, na mapagkakakilalanlan nila mula sa mga bansang nakapaligid sa kanila, na nangangahulugan na sila ang natatanging bayan ng Diyos (Bilang 15:38-41). Ang bayan ng Diyos ngayon ay hindi na kinakailangang maglagay ng tanda sa kanilang mga kasuotan; gayunman, sa Bagong Tipan ay madalas tayong tumutukoy sa Israel bilang mga halimbawa. Ginagamit ng Diyos ang pananamit upang kumatawan sa ating pagka-tao; at kung ang Diyos ay nagbigay ng tiyak na mga panuto sa Kaniyang sinaunang bayan na may kinalaman sa kanilang pananamit, hindi ba ang pananamit ng Kaniyang bayan sa panahong ito ng kasaysayan ng lupa ay nararapat din namang bigyan Niya ng pansin? Hindi ba nararapat na ang pananamit nila ay magkaroon ng pagkakaiba sa mga taga-sanlibutan? Hindi rin ba nararapat na ang bayan ng Diyos na tangi Niyang yaman, ay sikapin na kahit sa kanilang pananamit ay maluwalhati ang Diyos? At diba nararapat na sila’y maging halimbawa sa paraan ng pananamit, at sa kanilang payak, mahinhing estilo ay masumbatan ang pagmamataas, pagka-walang kabuluhan, at labis na pag-gastos ng makasanlibutan, mahilig sa kalugurang nagsisipag-angkin? Nananawagan ang Diyos sa bawat Kristiyano na mabago, maging ang kalooban (espirituwalidad) at panlabas (pangkatawan). Ninanais Niya na tayo’y magdamit ng may mabuting panlasa at nararapat, sa pamamaraan na makatatawag pansin kay Jesus sa halip na sa ating sarili. Ipinagbabawal ng Diyos ang mga panlabas na mga palamuti na humihikayat ng pagmamataas, sa dahilang ang pagmamataas ay sinasaway sa Kaniyang salita (Kaw. 16:5; Mal. 4:1; Sant. 4:6). Ang sakdal na karakter ni Cristo ang tanging palamuting kinakailangan ng tunay na Kristiyano.
Bilang 15:38 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila na sila’y gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit sa buong panahon ng kanilang mga lahi, at kanilang patungan ang tirintas ng bawa’t laylayan ng isang panaling bughaw:
Bilang 15:39 At sa inyo’y magiging isang tirintas, upang inyong mamasdan, at inyong maalaala ang lahat ng mga utos ng Panginoon, at inyong tuparin; at upang huwag kayong sumunod sa inyong sariling puso at sa inyong sariling mga mata, na siya ninyong ipinangaapid:
Bilang 15:40 Upang inyong maalaala at gawin ang lahat ng aking mga utos, at maging banal kayo sa inyong Dios.
Bilang 15:41 Ako ang Panginoon ninyong Dios, na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, upang maging inyong Dios: ako ang Panginoon ninyong Dios.
Kawikaan 16:5 Bawa’t palalo sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: bagaman maghawakan sa kamay ay walang pagsalang parurusahan.
Malakias 4:1 Sapagka’t, narito, ang araw ay dumarating, na nagniningas na parang hurno; at ang lahat na palalo, at ang lahat na nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami, at ang araw na dumarating ay susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, na anopa’t hindi magiiwan sa kanila ng kahit ugat ni sanga man.
Santiago 4:6 Nguni’t siya’y nagbibigay ng lalong biyaya. Kaya’t sinasabi ng kasulatan, Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa’t nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.