Ang isa bang mapagmahal na Diyos, kagaya ng ating pinag-aralan ay nagpapahirap ng walang katapusan sa mga tao sa apoy ng impierno magpakailanman? Pagmamahal ba at patas na sunugin magpakailanman yaong mga tumanggi na tanggapin si Jesus bilang Tagapagligtas dahil lamang sa kanilang paghihimagsik laban sa Diyos sa loob ng maikling mga taon sa planetang ito? Nakakalungkot na ang maling kaisipang ito ang itinuturo ng maraming mga denominasyong Kristiyano ngayon. Ang isa pang maling kaisipan ay ang paniwalaan na ang Diyos ay lubhang mapagmahal at napakabuti na hindi Niya parurusahan ang sinuman – at ang lahat ay maliligtas sa katapusan.
Makapagpapasalamat tayo na ang Diyos na ating pinaglilingkuran ay makatuwiran at patas sa Kaniyang pakikitungo sa mga masasama kagaya ng ating matutuklasan sa pagpapatuloy ng pag-aaral sa leksyong ito.
1. Ano ang ninanais ng Diyos para sa bawat taong isinilang sa sanlibutang ito?
2 Pedro 3:9 Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi.
Karagdagang pag-aaral:
Ezekiel 33:11 Sabihin mo sa kanila, Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, wala akong kasayahan sa kamatayan ng masama; kundi ang masama ay humiwalay sa kaniyang lakad at mabuhay: manumbalik kayo, manumbalik kayo na mula sa inyong masasamang lakad; sapagka’t bakit kayo mangamamatay, Oh sangbahayan ni Israel?
2. Para kanino inihanda ang walang hanggang apoy?
Mateo 25:41 Kung magkagayo’y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel.
Mateo 25:46 At ang mga ito’y mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan: datapuwa’t ang mga matuwid ay sa walang hanggang buhay.
Mabuting bigyang pansin na hindi sinabi ni Jesus na ang mga masasama ay maghihirap ng “walang hanggang pagpaparusa.” Ang sinabi Niya ay “walang hanggang kaparusahan”. Ano ba ang kaparusahan sa kasalanan? “Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon” 2 Tesalonica 1:9. Narito – napakasimpleng binanggit. Ang parusa ay kapahamakan, at ito’y walang hanggang kapahamakan. Sa ibang pananalita, ito ay kapahamakan na walang katapusan, sa dahilang wala ng pagkabuhay na mag-uli pa mula sa kapahamakang iyon.
Sinasabi ni Pablo, “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” Roma 6:23. Isinasalarawan ni Juan ang kamatayang iyon bilang “ikalawang kamatayan” sa Apocalipsis 21:8. Ang kamatayang iyon o kapahamakan ay walang hanggang.
3. Paano winasak ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomora, at saan sila nagdusa?
Genesis 19:24 Nang magkagayo’y nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng azufre at apoy mula sa Panginoon na buhat sa langit;
Genesis 19:25 At ginunaw niya ang mga bayang yaon, at ang buong Kapatagan at ang lahat ng nangananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.
Judas 1:7 Gayon din ang Sodoma at Gomorra, at ang mga bayang nasa palibot ng mga ito, na dahil sa pagpapakabuyo sa pakikiapid at sa pagsunod sa ibang laman, ay inilagay na pinakahalimbawa, na sila’y nagbabata ng parusang apoy na walang hanggan.
Karagdagang pag-aaral:
Apocalipsis 20:9 At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila’y nasupok.
Apocalipsis 20:10 At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila’y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.
Nakatutuwang sinasabi ng Biblia na ang Sodoma at Gomora ay nagdusa ng paghihiganti ng “walang hanggang apoy”, subalit hindi na sila nananatiling nasusunog hanggang sa ngayon.
4. At sa katapusan, ano ang mangyayari sa kanila na nagdurusa ng paghihiganti sa apoy na walang hanggang?
Malakias 4:1 Sapagka’t, narito, ang araw ay dumarating, na nagniningas na parang hurno; at ang lahat na palalo, at ang lahat na nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami, at ang araw na dumarating ay susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, na anopa’t hindi magiiwan sa kanila ng kahit ugat ni sanga man.
Sinabi ni Jesus, “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga” (Juan 15:5). Kung paanong si Jesus ang puno ng ubas at ang Kaniyang mga tagasunod ang sanga, sa Malakias 4:1, si Satanas ang ugat at ang kaniyang mga tagasunod ang sanga.
Awit 37:20 Nguni’t ang masama ay mamamatay, at ang mga kaaway ng Panginoon ay magiging gaya ng taba ng mga kordero: sila’y mangapupugnaw: sa usok mangapupugnaw sila.
5. Ang parusa ba ng masasama ay pareho lamang, gaano man kabigat ang kanilang mga kasalanan?
Mateo 16:27 Sapagka’t ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel; at kung magkagayo’y bibigyan ang bawa’t tao ayon sa kaniyang mga gawa.
Apocalipsis 22:12 Narito, ako’y madaling pumaparito; at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa’t isa ayon sa kaniyang gawa.
Karagdagang pag-aaral:
Hebreo 2:1 Kaya’t nararapat nating pagkatantuin ang mga bagay na narinig, baka sakaling tayo’y makahagpos.
Hebreo 2:2 Sapagka’t kung ang ipinangusap na salita sa pamamagitan ng mga anghel ay nagtibay, at ang bawa’t pagsalangsang at pagsuway ay tumanggap ng matuwid na parusa na kabayaran;
Hebreo 2:3 Paanong makatatanan tayo, kung ating pabayaan ang ganitong dakilang kaligtasan? na ipinangusap ng Panginoon noong una ay pinatunayan sa atin sa pamamagitan ng mga nakarinig.
Apocalipsis 20:13 At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila’y hinatulan bawa’t tao ayon sa kanikaniyang mga gawa.
Sa liwanag ng mga talatang ito ay walang kabuluhang isipin na ang lahat ng masasama ay sama-samang nasusunog ng walang katapusan; anong klaseng gantimpala o katarungan ito?
6. Maraming mga Kristiyano ang naniniwala na sa kamatayan ay tatanggapin na nila ang kanilang gantimpala – langit o impierno. Ang masasama ba na namatay noon ay nasusunog pa sa ngayon?
Mateo 13:30 Pabayaan ninyong magsitubo kapuwa hanggang sa panahon ng pagaani: at sa panahon ng pagaani ay sasabihin ko sa mga mangaani, Tipunin muna ninyo ang mga pangsirang damo, at inyong pagbibigkisin upang sunugin; datapuwa’t tipunin ninyo ang trigo sa aking bangan.
Mateo 13:38 At ang bukid ay ang sanglibutan; at ang mabuting binhi, ay ito ang mga anak ng kaharian: at ang mga pangsirang damo ay ang mga anak ng masama;
Mateo 13:39 At ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diablo: at ang pagaani ay ang katapusan ng sanglibutan; at ang mga mangaani ay ang mga anghel.
Mateo 13:40 Kung paano ang pagtipon sa mga pangsirang damo at pagsunog sa apoy; gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan.
Mateo 13:41 Susuguin ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nangakapagpapatisod, at ang nagsisigawa ng katampalasanan,
Mateo 13:42 At sila’y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.
Hindi mababakas ang katotohanan sa salita ng Diyos para sa sinuman na tumanggap ng kaparusahan bago pa masumpungang may sala. Bagamat sila’y masumpungang may sala, hindi makatarungan para sa sinuman na namatay libong mga taon na ang lumipas na masunog ng mas mahaba kaysa sa sinumang namatay ngayon.
2 Pedro 2:9 Ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal, sa tukso at maglaan ng mga di matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom.
Makikita natin mula sa talatang ito na ang masasama ay nakalaan hanggang sa araw ng paghuhukom.
7. Marami ang sumasang-ayon na ang katawan ay mawawasak sa apoy ng impierno, subalit ang kaluluwa ay magdurusa ng walang hanggang kaparusahan. Ano ang sinasabi ng Biblia?
Mateo 10:28 At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno.
8. Paano naman ang katagang “magpakailan-kailanman” na may kaugnayan sa parusa ng masasama?
Apocalipsis 14:11 At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila’y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan.
Ang salitang “kailanman” ay di kinakailangang mangahulugan na “walang katapusan”. Sa katunayan, ginagamit ng Biblia ang salita ng 56 beses na may kaugnayan sa mga bagay na natapos na. Sa Exodo 21:1-6 ang aliping Hebreo ay kinakailangang maglingkod sa kaniyang panginoon “magpakailanman”, maliwanag na ang ibig sabihin nito ay habang siya ay nabubuhay. Dinala ni Ana ang kaniyang anak na si Samuel sa bahay ng Diyos upang tumahan doon “magpakailanman” (1 Samuel 1:22) subalit maliwanag na kaniyang binigyang hangganan ito sa talatang 28, “habang siya’y nabubuhay”.
Exodo 21:1 Ito nga ang mga hatol na igagawad mo sa harap nila.
Exodo 21:2 Kung ikaw ay bumili ng isang aliping Hebreo, ay anim na taong maglilingkod siya; at sa ikapito ay aalis siyang laya na walang sauling bayad.
Exodo 21:3 Kung siya’y pumasok na magisa, ay aalis na mag-isa: kung may asawa ay aalis nga ang kaniyang asawa na kasama niya.
Exodo 21:4 Kung siya’y bigyan ng kaniyang panginoon ng asawa, at magkaanak sa kaniya ng mga lalake, o mga babae; ang asawa at ang kaniyang mga anak ay magiging sa kaniyang panginoon, at siya’y aalis na magisa.
Exodo 21:5 Datapuwa’t kung maliwanag na sabihin ng alipin, Aking iniibig ang aking panginoon, ang aking asawa, at ang aking mga anak; ako’y hindi aalis na laya:
Exodo 21:6 Kung magkagayo’y dadalhin siya ng kaniyang panginoon sa Dios, at dadalhin siya sa pinto, o sa haligi ng pinto; at bubutasan ng kaniyang panginoon ang kaniyang tainga ng isang pangbutas; at paglilingkuran niya siya magpakailan man.
1 Samuel 1:22 Nguni’t si Ana ay hindi umahon; sapagka’t sinabi niya sa kaniyang asawa, Hindi ako aahon hanggang sa ang bata’y mahiwalay sa suso; at kung magkagayo’y aking dadalhin siya, upang siya’y pakita sa harap ng Panginoon, at tumahan doon magpakailan man.
1 Samuel 1:28 Kaya’t aking ipinagkakaloob naman sa Panginoon habang siya’y nabubuhay ay ipinagkakaloob ko siya sa Panginoon. At siya ay sumamba sa Panginoon doon.
Ang katawagan ay maliwanag na binigyang kahulugan sa Awit 48:14, “Sapagka’t ang Dios na ito ay ating Dios magpakailan-kailan man: siya’y magiging ating patnubay hanggang sa kamatayan.” Ang pagkasira ng Edom ay nagpapatuloy “magpakailanman” Isaias 34:10. Si Cristo ay tinawag na “saserdote magpakailanman” (Hebreo 5:6) datapuwa’t matapos na ang kasalanan ay mapawi na, ang gawain ni Cristo bilang saserdote ay magtatapos.
Sang-ayon sa mga kahulugang ito ng salitang “kailanman” ang mga masasama ay magdurusa habang sila’y nananatiling buhay sa naglalagablab na apoy. Samakatuwid, kagaya ng sinasabi sa Biblia: “Ang masasama…ay mangangalipol magpakailan-man” Awit. 92:7.
9. Ang Diyos ng Biblia, ang ating Manlalalang, ay Diyos ng pag-ibig at katarungan, sakdal na nalakip kay Jesucristo, Isa na pinahihintulutan tayong pumili ng ating sariling kapalaran. Sa katapusan anong dalawang mga pangyayari ang magaganap at sa alin kaya tayo matatagpuan?
2 Pedro 3:10 Datapuwa’t darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.
2 Pedro 3:13 Nguni’t, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran.
Ang lupang ito ay kung saan ang pagsunog magaganap. Kapag ikaw ay naiwan dito sa pagbabalik ni Jesus, ikaw ay mawawasak na kasama nito. Ang aming payo at panalangin para sa iyo ay ang nasa 2 Pedro 3:14, na nararapat nasain ng iyong puso. “Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo’y nagsisipaghintay ng mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong masumpungan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya.”
Ang salitang IMPIERNO ay makikita ng 54 na beses sa Biblia. 31 beses sa Lumang Tipan, ito ay ang salitang Hebreo na Sheol na nangangahulugan ng libingan. Ito ay makikita naman ng 23 beses sa Bagong Tipan at may tatlong iba’t-ibang kahulugan. 10 beses sa salitang Griyego na Hades na nangangahulugang libingan. 1 beses naman sa salitang Griyego na Tartarus na tumutukoy sa lugar kung saan ang masasamang mga anghel ay nakalaan hanggang sa araw ng paghatol (2 Pedro 2:4; Judas 6).
2 Pedro 2:4 Sapagka’t kung ang Dios ay hindi nagpatawad sa mga anghel nang mangagkasala ang mga yaon, kundi sila’y ibinulid sa impierno, at kinulong sa mga hukay ng kadiliman, upang ilaan sa paghuhukom.
Judas 1:6 At ang mga anghel na hindi nangagingat ng kanilang sariling pamunuan, kundi iniwan ang kanilang sariling tahanan, ay iniingatan niya sa mga tanikalang walang hanggan sa paghuhukom sa dakilang araw.
12 beses sa salitang Griyego na Gehenna na ang kahulugan ay isang lugar ng walang hanggang kaparusahan. Ito’y tumutukoy sa isang lugar sa labas ng Jerusalem na tinatawag na “lambak ng Hinnom” Sa lugar na ito ginagawa ng mga nasa paligid na bansa ang pagsusunog ng mga bata bilang handog sa diyos-diyosang si Molech. At sapagkat pinahintulutan at ginawa din ng Israel ang kasalanang ito, ito’y nakilala bilang “lambak ng Patayan” na kung saan ang mga katawan ng nangamatay na Israelita ay inililibing, hanggang wala ng dako para pa sa kanila at ang natitirang mga bangkay ay naging pagkain ng mga ibon sa himpapawid (Jeremias 7:32-33). At sa panahon ni Jesus, ito’y ginawang tambakan kung saan patuloy na pinagsunugan ng mga bangkay at basura, at ito ang tinutukoy ni Jesus sa Marcos 9:43-44.
Jeremias 7:32 Kaya’t, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Topheth, o ang libis ng anak ni Hinnom man, kundi Ang libis ng Patayan: sapagka’t sila’y mangaglilibing sa Topheth, hanggang sa mawalan ng dakong mapaglilibingan.
Jeremias 7:33 At ang mga bangkay ng bayang ito ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga yaon.
Marcos 9:43 At kung ang kamay mo ay makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw, kay sa may dalawang kamay kang mapasa impierno, sa apoy na hindi mapapatay.
Marcos 9:44 Na doo’y hindi namamatay ang kanilang uod, at hindi namamatay ang apoy.
“Lubhang kasuklam-suklam sa bawat damdaming may pag-ibig at awa, at maging sa pagpapahalaga natin sa katarungan, ang doktrina na ang mga patay na makasalanan ay pinahihirapan nang maigi ng apoy at asupre sa isang impiernong walang-katapusang naglalagablab; na dahil lamang sa mga kasalanan ng isang maikling pamumuhay sa lupa ay magdadanas sila ng labis na pahirap hangga’t ang Diyos ay nabubuhay. Subalit ang aral na ito’y malawakan pa ring itinuturo, at kabilang pa rin sa karamihan ng mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan…
“Saan sa mga pahina ng Salita ng Diyos makikita ang ganyang turo? Ang mga natubos ba sa langit ay mawawalan na ng lahat ng damdamin ng awa’t kahabagan, at pati ng mga pakiramdam na karaniwan sa sangkatauhan? Ang mga ito ba ay mapapalitan ng kawalang-malasakit ng mga taong parang bato o ng kalupitan ng mga taong hindi sibilisado? Hindi, hindi; hindi ganyan ang turo ng Aklat ng Diyos.
“Anong pakinabang sa Diyos kung tatanggapin natin na Siya’y natutuwang makita ang walang-tigil na pagpapahirap; na Siya’y naaaliw sa mga daing at mga tili at mga pagmumura ng mga nagdurusang nilalang na Kaniyang pinipigilan sa impiyerno? Ang mga nakapangingilabot bang ingay na ito ay magiging isang musika sa pandinig ng Walang-Hanggang Pag-ibig? May mga naggigiit na ang pagpaparusa raw ng walang-katapusang paghihirap sa mga masasama ay magpapakita sa galit ng Diyos sa kasalanan bilang kasamaang nakakapinsala sa kapayapaa’t kaayusan ng sansinukob. O, nakakapangilabot na kalapastanganan! Na para bang ang galit ng Diyos sa kasalanan ay siyang dahilan kung bakit ito’y pamamalagiin. Sapagkat, ayon sa mga turo ng mga teologong ito, ang tuloy-tuloy na paghihirap na walang pag-asa sa kahabagan ay nagpapagalit nang labis sa mga hamak na biktima nito, at habang ibinubuhos nila ang kanilang galit sa pamamagitan ng mga pagmumura’t kalapastanganan, ay lalo raw nilang dinadagdagan magpakailanman ang kanilang pasan na kasalanan. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay hindi nadaragdagan sa ganyang pamamalagi ng patuloy na dumaraming kasalanan hanggang sa walang-katapusang panahon.
“Higit pa sa kakayahan ng isipan ng tao ang matantiya ang kasamaang nagawa ng maling paniniwala sa walang hanggang pagpapahirap. Ang relihiyon ng Biblia, na punong-puno ng pag-ibig at kabutihan, at sagana sa kaawaan, ay pinadidilim ng pamahiin at dinadamtan ng kilabot. Kung iisipin natin kung anong mga maling kulay ang ipinipinta ni Satanas sa karakter ng Diyos, magtataka pa ba tayo kung bakit ang ating maawaing Manlalalang ay kinakatakutan, pinangingilabutan, at kinamumuhian pa nga? Ang mga nakapanghihilakbot na paniniwala tungkol sa Diyos na kumakalat sa buong sanlibutan mula sa mga itinuturo sa pulpito ay gumagawa ng libo-libo, oo, milyun-milyun pa ngang mapag-alinlangan at walang relihiyon…
“Ang malaking grupo ng mga tao na para sa kanila’y kasuklam-suklam ang aral ng walang-hanggang pagpapahirap ay napadpad naman sa kabilang kamalian.Nakikita nila na inilalarawan ng mga Kasulatan ang Diyos bilang isang Diyos ng pag-ibig at kahabagan, at hindi nila mapapaniwalaan na ibibigay Niya ang Kaniyang mga nilalang sa apoy ng impiyernong walang-hanggang nagniningas. Ngunit dahil naniniwalang ang kaluluwa ay likas na walang-kamatayan, wala silang mapagpiliian kundi ang pagtibayin na ang lahat ng tao sa bandang huli ay maliligtas. Ipinalalagay ng marami na ang mga pagbabanta ng Biblia ay ginawa lamang upang takutin ang mga tao para sumunod, at hindi literal na matutupad. Kaya ang makasalanan ay maaaring mamuhay sa pansariling kalayawan, na binabale-wala ang mga iniuutos ng Diyos, pero makaka-asa pa rin na sa bandang huli ay tanggap sa Kanyang kabutihang-loob. Ang ganyang doktrina, na lubhang pinagsasamantalahan ang kahabagan ng Diyos, subalit winawalang-bahala ang Kanyang katarungan ay nakakalugod sa pusong makalaman, at pinalalakas ang loob ng mga makasalanan sa kanilang kasamaan.” -The Great Controversy, pages 535 -537.