Lesson 28:

1. Paano pinili ng Diyos na ihayag ang Kaniyang kalooban sa atin?

Amo 3:7 Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta. 

2. Paano naman pinili ni Satanas na gawing huwad ang pamamaraan ng Diyos?

Mateo 7:15 Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila. 

Karagdagang pag-aaral:

2 Corinto 11:4 Sapagka’t kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo’y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo. 

2 Corinto 11:13 Sapagka’t ang mga gayong tao ay mga bulaang apostol, mga magdarayang manggagawa, na nangagpapakunwaring mga apostol ni Cristo. 

2 Corinto 11:14 At hindi katakataka: sapagka’t si Satanas man ay nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan. 

2 Corinto 11:15 Hindi malaking bagay nga na ang kaniyang mga ministro naman ay magpakunwari na waring ministro ng katuwiran; na ang kanilang wakas ay masasangayon sa kanilang mga gawa. 

Tinukoy ng Strong’s Concordance ang isang huwad na propeta bilang isang relihiyosong impostor. Kahit sino ay maaaring maging isang relihiyosong impostor, kaya kahit sino ay maaaring maging isang huwad na propeta.

3. Dahil ang mali ay malapit na kahawig ng totoo, paano natin malalaman ang pagkakaiba?

Isaias 8:20 Sa kautusan at sa patotoo! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila. 

Ang salitang “Kautusan” sa talatang ito ay tumutukoy sa unang limang aklat ng Biblia (ang Pentateuch). Ang Sampung Utos ang pinakapuso ng Pentateuch at ayon sa Strong’s Concordance ang salitang “kautusan” ay maaaring tumukoy sa alinman o sa pareho. Ang isang tunay na propeta ay hindi dapat magsalita o mamuhay nang salungat sa mga kautusan at sa “patotoo” ng lahat ng iba pang mga propeta ng Biblia.

4. Ano ang isa pang paraan na masusubok natin ang isang propeta?

Mateo 7:20 Kaya’t sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila. 

5. Anong uri ng bunga ang makikita sa isang tunay na propeta?

Galacia 5:22 Datapuwa’t ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, 

Galacia 5:23 Kaamuan, pagpipigil; laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan. 

Karagdagang pag-aaral:

Roma 8:9 Datapuwa’t kayo’y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo’y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Dios. Datapuwa’t kung ang sinoma’y walang Espiritu ni Cristo, siya’y hindi sa kaniya. 

6. Ano ang isa pang katibayan na ang isang propeta ay tunay?

Jeremias 28:9 Ang propeta, na nanghuhula ng tungkol sa kapayapaan, ay makikilala nga siyang propeta, na tunay na sinugo ng Panginoon siya, pagka ang salita ng propeta ay mangyayari. 

7. Maaari bang maging kondisyonal ang mga propesiya (mga hula na para sa hinaharap)?

Jeremias 18:7 Sa anomang sandali ay magsasalita ako ng tungkol sa isang bansa, at tungkol sa isang kaharian, upang bunutin at upang ibagsak at upang lipulin; 

Jeremias 18:8 Kung ang bansang yaon, na aking pinagsalitaan, ay humiwalay sa kanilang kasamaan, ako’y magsisisi sa kasamaan na aking inisip gawin sa kanila. 

Jeremias 18:9 At sa anomang sangdali ay magsasalita ako ng tungkol sa isang bansa, at tungkol sa isang kaharian, upang itayo at upang itatag; 

Jeremias 18:10 Kung gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi sundin ang aking tinig, ay pagsisisihan ko nga ang kabutihan, na aking ipinagsabing pakikinabangan nila. 

Kapag nabago ang mga kondisyon, iba ang gagawin ng Diyos, maaring ito ay para sa gantimpala o parusa. Ang kondisyonal na propesiya ay naaangkop kapag ang mga desisyon at pag-uugali ng mga tao ay nasasangkot, dahil ang kanilang katuparan ay nakasalalay sa tugon ng tao sa Diyos. Dahil sa mga pangyayari na may kinalaman sa mga isyung pangkaligtasan ang pagsubok na ito lamang ay hindi sapat. Ang Jonas 3:4-5, 9-10 ay isang magandang halimbawa ng kondisyonal na propesiya.

Jonas 3:4 At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsasabi, Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak. 

Jonas 3:5 At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila. 

Jonas 3:9 Sino ang nakaaalam kung manumbalik ang Dios at magsisisi, at hihiwalay sa kaniyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay. 

Jonas 3:10 At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila’y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kanila; at hindi niya ginawa. 

8. Paano sinabi ni apostol Juan na dapat nating subukin ang isang propeta?

1 Juan 4:1 Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawa’t espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila’y sa Dios: sapagka’t maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan. 

1 Juan 4:2 Dito’y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa’t espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios: 

1 Juan 4:3 At ang bawa’t espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Dios: at ito ang sa anticristo, na inyong narinig na darating; at ngayo’y nasa sanglibutan na. 

Karagdagang pag-aaral:

2 Juan 7 Sapagka’t maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo. 

2 Juan 9 Ang sinomang nagpapatuloy at hindi nananahan sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Dios: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak. 

2 Juan 10 Kung sa inyo’y dumating ang sinoman, at hindi dala ang aral na ito, ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin: 

2 Juan 11 Sapagka’t ang bumabati sa kaniya ay nararamay sa kaniyang masasamang gawa. 

Ayon sa Strong’s Concordance ang salitang “laman” sa mga talatang 2 at 3 ay nangangahulugang “kalikasan ng tao na may mga kahinaan at hilig nito, makalaman”. Ang isang tunay na propeta ay hindi lamang magtuturo na si Jesus ay naging isang tao, ngunit Siya ay ipinanganak na may makasalanang kalikasan tulad ng sa atin. Si Jesus ay hindi lamang ang ating kahalili sa kaparusahan ng kasalanan, ngunit ang ating halimbawa sa pagtatagumpay laban sa kasalanan. Ang pagiging tao ni Cristo ay tinalakay nang detalyado sa isa pang aralin.

9. Iniisip ng karamihan sa mga tao na ang salitang propeta ay isang taong hinuhulaan ang mga mangyayari sa hinaharap. Ano ang sinasabi sa atin ni apostol Pablo tungkol sa tatlong pagkakakilanlan ng isang tunay na propeta?

1 Corinto 14:3 Datapuwa’t ang nanghuhula ay nagsasalita sa mga tao sa ikatitibay, at sa ikapangangaral, at sa ikaaaliw. 

1 Corinto 14:4 Ang nagsasalita ng wika, ay nagpapatibay sa sarili; nguni’t ang nanghuhula ay nagpapatibay sa iglesia. 

1. Ang ibig sabihin ng “sa ikatitibay” ay magpatibay o magtatag, magturo ng kaalamang pangmoral at pangrelihiyon.

2. Ang “sa ikapapangaral” ay nangangahulugan ng pagbibigay ng babala o payo, at makapagpapasigla.

3. Ang ibig sabihin ng “sa ikaaaliw” ay paginhawahin ang mga nababagabag at ang mga nagdadalamhati.

Ang isang tunay na propeta ay gagawa ng lahat ng tatlong bagay na ito, sila ay magiging balanse sa kanilang gawain para sa Panginoon at sa kanilang paglapit sa bayan ng Diyos.

10. Ang kaloob ba ng propesiya ay makikita sa panghuling araw na iglesia ng Diyos?

Apocalipsis 12:17 At nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang bumaka sa nalabi sa kaniyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Jesus.

Apocalipsis 12:9 At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanglibutan; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya. 

Jeremias 6:2 Ang maganda at maayos na babae, ang anak na babae ng Sion, ihihiwalay ko. 

Isa 51:16 At inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig, at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay, upang aking mailadlad ang mga langit, at mailagay ang mga patibayan ng lupa, at magsabi sa Sion, Ikaw ay aking bayan. 

Tatalakayin natin ito ng higit pa sa susunod na aralin.

11. Ano ang patotoo ni Jesus?

Apocalipsis 19:10 At ako’y nagpatirapa sa kaniyang paanan upang siya’y aking sambahin. At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako’y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus: sumamba ka sa Dios: sapagka’t ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula. 

Ang espiritu ng propesiya o ang espiritu na nagbigay pagkasi sa mga propeta ay ang saksi ni Jesus sa pamamagitan at sa pamamaraan ng propetikong kaloob.

12. Anong pangako ang ibinibigay ng Diyos sa mga sumasampalataya sa sinabi Niya sa pamamagitan ng isinulat ng mga propeta?

2 Cronica 20:20 At sila’y nagsibangong maaga sa kinaumagahan, at nagsilabas sa ilang ng Tecoa: at habang sila’y nagsisilabas, si Josaphat ay tumayo, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Juda, at ninyong mga taga Jerusalem; sumampalataya kayo sa Panginoon ninyong Dios, sa gayo’y matatatag kayo; sumampalataya kayo sa kaniyang mga propeta, sa gayo’y giginhawa kayo. 

Walang anuman sa sanlibutang ito ang makapagbibigay ng higit na pagtitiwala at katiwasayan para sa isang tao kaysa ang sumampalataya sa Panginoon. Walang sinuman ang tunay na naitatag o nakatatag sa isang matibay na saligan hangga’t hindi niya natitiyak ang kaniyang kaugnayan sa Panginoong Jesucristo. Imposible ang paglagong espirituwal sa taong nagsasawalang bahala sa payo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kaniyang piniling mga kasangkapan.

“Si Satanas ay may kahusayang makipaglaro sa buhay ng maraming mga kaluluwa, at siya ay kumikilos sa isang pailalim at mapanlinlang na pamamaraan upang sirain ang pananampalataya ng bayan ng Diyos at papanghinain ang loob nila. . . Gumagawa siya ngayon kung paanong gumawa siya sa langit, upang bahaginin ang bayan ng Diyos sa pinakahuling yugto ng kasaysayan ng sanlibutang ito. Hinahangad niyang lumikha ng hindi pagkakaunawaan, at pumukaw ng pagtatalo at pagtalakay, at kung maaari ay alisin ang mga lumang muhon ng katotohanan na ipinagkatiwala sa bayan ng Diyos. Kaniyang sinisikap na ipakita na para bang sinasalungat ng Panginoon ang Kaniyang sarili.

“Ito ay kapag si Satanas ay nagpakita bilang isang anghel ng kaliwanagan na kaniyang kinukuha ang mga kaluluwa sa kaniyang silo, na dinaraya sila. Ang mga taong nagkukunwaring tinuruan ng Diyos, ay gagamit ng mga maling teorya, at sa kanilang pagtuturo ay papalamutian ang mga kamalian upang dalhin ang mga maling haka ni Satanas. Sa gayon si Satanas ay ipakikilala bilang isang anghel ng kaliwanagan at magkakaroon ng pagkakataong itanghal ang kaniyang nakalulugod na mga katha.

“Ang mga huwad na propetang ito ay kailangang makatagpo. Magsisikap silang linlangin ang marami, sa pamamagitan ng pag-akay sa kanila na tanggapin ang mga huwad na teorya. Maraming mga talata sa Kasulatan ang ilalapat ng may kamalian sa paraang ang mapanlinlang na mga teorya ay lumitaw na batay sa mga salita na binigkas ng Diyos. Ang mahalagang katotohanan ay iaangkop upang patibayin at itatag ang kamalian. Ang mga huwad na propetang ito, na nagsasabing sila ay tinuruan ng Diyos, ay kukuha ng magagandang talata ng Kasulatan na ibinigay upang palamutihan ang katotohanan, at gagamitin ang mga ito bilang isang balabal ng katuwiran upang takpan ang mga huwad at mapanganib na mga teorya.” -Evangelism, 359-360.