Ang araling ito ay tumutukoy sa bautismo sa tubig at hindi sa bautismo ng Banal na Espiritu. Dapat na maunawaan na kapag ang isang tao ay ipinanganak na muli sila ay nabautismuhan din ng Banal na Espiritu, sapagkat kung hindi, hindi nila nanaisin na mabautismuhan sa tubig.
1. Anong dakilang atas ang ibinigay ni Jesus sa Kaniyang mga tagasunod?
Mateo 28:19 Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
Mateo 28:20 Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.
Hindi pinatutunayan ng talatang ito ang pagbabautismo sa sanggol dahil hindi mo matuturuan ang isang sanggol ng “lahat ng bagay”. Dapat na maunawaan ng mga bata ang pangunahing mga pangangailangan sa kaligtasan at magkaroon ng pagnanais na sumunod kay Jesus. Subalit ang paghahandog ng sanggol ay pinatutunayan ng Biblia.
Mateo 19:13 Nang magkagayon ay dinala sa kaniya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at ipanalangin: at sinaway sila ng mga alagad.
Mateo 19:14 Datapuwa’t sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin: sapagka’t sa mga ganito ang kaharian ng langit.
Mateo 19:15 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at umalis doon.
Lucas 2:22 At nang maganap na ang mga araw na kanilang paglilinis alinsunod sa kautusan ni Moises, ay kanilang dinala siya sa Jerusalem, upang iharap siya sa Panginoon
1 Samuel 1:11 At siya’y nanata ng isang panata, at nagsabi, Oh Panginoon ng mga hukbo, kung tunay na iyong lilingunin ang pagkapighati ng iyong lingkod, at aalalahanin mo at hindi mo kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalake, ay akin ngang ibibigay sa Panginoon sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay, at walang pangahit na daraan sa kaniyang ulo.
2. Mahalaga ba ang bautismo?
Marcos 16:16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.
3. Ano ang layunin ng bautismo?
Mateo 3:5 Nang magkagayo’y nilabas siya ng Jerusalem, at ng buong Judea, at ng buong lupain sa palibotlibot ng Jordan;
Mateo 3:6 At sila’y kaniyang binabautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan.
Lucas 3:3 At siya’y napasa buong lupain sa palibotlibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
Gawa 22:16 At ngayon bakit ka tumitigil? magtindig ka, at ikaw ay magbautismo, at hugasan mo ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kaniyang pangalan.
Karagdagang pag-aaral:
Awit 51:2 Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan.
4. Binabago ba ng bautismo ang ating ugnayan kay Jesus?
Galacia 3:27 Sapagka’t ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.
Ang “ibinihis si Cristo” sa pagkakataong ito ay nangangahulugan ng hayagang pagtanggap sa buhay ni Cristo bilang kapalit ng sarili kong buhay. Ibig nitong sabihin ay ang tularan ang Kaniyang halimbawa, tanggapin ang Kaniyang tagubilin, sundin ang Kaniyang mga turo. Ang pagbibihis kay Cristo ay nagpapahiwatig ng paghubad sa sarili at sa lumang likas at ganap na pamumuhay ng isang bagong buhay.
5. Anong pangyayari sa buhay ni Jesus ang ginugunita ng bautismo?
Roma 6:3 O hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nangabautismuhan sa kaniyang kamatayan?
Roma 6:4 Tayo nga’y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo’y makalalakad sa panibagong buhay.
Roma 6:5 Sapagka’t kung tayo nga ay naging kalakip niya dahil sa kawangisan ng kaniyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo dahil sa kawangisan ng kaniyang pagkabuhay na maguli.
Maraming Kristiyano ngayon ang naniniwala at nagtuturo na ang pagsamba sa araw ng Linggo ay ang pag-alaala sa pagkabuhay na mag-uli, ngunit itinuturo ng salita ng Diyos na ito ay ang bautismo. Tayo ay binabautismuhan sa pamamagitan ng paglulubog dahil ito ay kumakatawan sa kamatayan natin sa sarili, at ating ibinabaon ang mga dating gawi ng kasalanan. Ang pag-ahon sa tubig ay kumakatawan sa ating pagkabuhay na mag-uli sa isang bagong paraan ng pamumuhay kay Jesus. Ang bautismo ay isang panlabas na tanda ng isang panloob na karanasan.
6. Dahil si Jesus ang ating halimbawa sa lahat ng bagay, sa anong paraan Siya nabautismuhan?
Marcos 1:9 At nangyari nang mga araw na yaon, na nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya’y binautismuhan ni Juan sa Jordan.
Marcos 1:10 At karakarakang pagahon sa tubig, ay nakita niyang biglang nangabuksan ang mga langit, at ang Espiritu na tulad sa isang kalapati na bumababa sa kaniya:
Marcos 1:11 At may isang tinig na nagmula sa mga langit, Ikaw ang sinisinta kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.
Karagdagang pag-aaral:
Mateo 3:13 Nang magkagayo’y naparoon si Jesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa ilog ng Jordan, upang siya’y bautismuhan niya.
Mateo 3:14 Datapuwa’t ibig siyang sansalain ni Juan, na nagsasabi, Kinakailangan ko na ako’y iyong bautismuhan, at ikaw ang naparirito sa akin?
Mateo 3:15 Nguni’t pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Payagan mo ngayon: sapagka’t ganyan ang nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katuwiran. Nang magkagayo’y pinayagan niya siya.
Mateo 3:16 At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka’y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya;
Mateo 3:17 At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.
Si Jesus ay hindi binautismuhan dahil Siya ay may kasalanan na dapat hugasan, ngunit upang bigyan tayo ng isang halimbawa na dapat nating tularan. Sinabi ni Jesus, “sapagka’t ganyan ang nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katuwiran.” (Mateo 3:15). Mayroong hindi bababa sa 3 posibleng mga dahilan kung bakit si Jesus ay binautismuhan: (1) Sinimulan ni Jesus ang Kaniyang pampublikong gawain pagkatapos ng Kaniyang bautismo. At hayagang pinahiran o inilagay ng Diyos ang Kaniyang pagsang-ayon sa Kaniya. (2) Dahil Siya ay naging kasalanan para sa atin (Roma 8:4 “Upang ang kahilingan ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi nangagsisilakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.”) Siya ay nilinis dahil inilagay ang ating mga kasalanan sa Kaniya. (3) Siya ay binautismuhan para sa mga hindi maaaring makaganap nito, tulad ng magnanakaw sa krus.
7. Gaano karaming tubig ang kinakailangan para sa bautismo?
Juan 3:23 At bumabautismo rin naman si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagka’t doo’y maraming tubig: at sila’y nagsiparoon, at nangabautismuhan.
8. Anong pamamaraan ang ginamit ng mga alagad sa pagbabaustismo?
Gawa 8:36 At sa pagpapatuloy sa daan, ay nagsidating sila sa dakong may tubig; at sinabi ng bating, Narito, ang tubig; ano ang nakahahadlang upang ako’y mabautismuhan?
Gawa 8:37 At sinabi ni Felipe Kung nanampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. At sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Dios.
Gawa 8:38 At ipinagutos niyang itigil ang karo: at sila’y kapuwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang bating; at kaniyang binautismuhan siya.
Gawa 8:39 At nang magsiahon sila sa tubig, ay inagaw si Felipe ng Espiritu ng Panginoon; at hindi na siya nakita ng bating, sapagka’t ipinagpatuloy niya ang kaniyang lakad na natutuwa.
9. May itinuturo ba ang Biblia na iba pang paraan ng bautismo?
Efeso 4:4 May isang katawan, at isang Espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pagasa ng pagtawag sa inyo;
Efeso 4:5 Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo,
Efeso 4:6 Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.
10. Ang bautismo ba ay isang hayagang pagpapakita na tinalikuran na ng isa ang sanlibutan, at naging kaanib na sa makaharing pamilya ng Diyos?
Mateo 10:33 Datapuwa’t sinomang sa aki’y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.
Mateo 10:34 Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak.
Ang bautismo ay isang paraan ng hayagang pagtanggap kay Cristo.
11. Anong pangako ang ibinigay para doon sa mga nagsisi at nabautismuhan?
Gawa 2:38 At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.
Sa pamamagitan ng pagpapabaustismo ay higit mong matatanggap ang Banal na Espiritu, na kung saan ay magbibigay-daan sa Diyos upang magamit ka nang lubusan.
12. Ano ang ilan sa mga kaloob ng Banal na Espirutu at sino ang tatanggap ng mga ito?
1 Corinto 12:7 Datapuwa’t sa bawa’t isa ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan naman.
1 Corinto 12:8 Sapagka’t sa isa, sa pamamagitan ng Espiritu ay ibinibigay ang salita ng karunungan; at sa iba’y ang salita ng kaalaman ayon din sa Espiritu:
1 Corinto 12:9 Sa iba’y ang pananampalataya, sa gayon ding Espiritu; at sa iba’y ang mga kaloob na pagpapagaling, sa iisang Espiritu.
1 Corinto 12:10 At sa iba’y ang mga paggawa ng mga himala; at sa iba’y hula; at sa iba’y ang pagkilala sa mga espiritu; at sa iba’y ang iba’t ibang wika; at sa iba’y ang pagpapaliwanag ng mga wika.
1 Corinto 12:11 Datapuwa’t ang lahat ng ito ay ginagawa ng isa at ng gayon ding Espiritu, na binabahagi sa bawa’t isa ayon sa kaniyang ibig.
13. Ano ang gagawin natin sa mga kaloob na ito matapos na tayo ay mabautismuhan?
Juan 15:8 Sa ganito’y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo’y magsipagbunga ng marami; at gayon kayo’y magiging aking mga alagad.
Habang naghahanda ang isang tao para sa bautismo ay dapat siyang manalangin na ipakita sa kaniya ng Diyos kung ano ang kaniyang mga kaloob at kung paano ito magagamit para sa ikabubuti ng iglesia at para sa kaluwalhatian ng Diyos.
14. Saan na nakalagak ang isipan ng isang Kristiyanong nabaustismuhan na?
Colosas 3:1 Kung kayo nga’y muling binuhay na kalakip ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Dios.
Colosas 3:2 Ilagak ninyo ang inyong pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas, huwag sa mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa.
Colosas 3:3 Sapagka’t kayo’y nangamatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Dios.
Colosas 3:4 Pagka si Cristo na ating buhay ay mahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian.
Ang pasiya na magpabautismo ay napakahalaga. Kung hindi mo pa hayagang nagagawa ang hakbang na ito, hinihimok ka naming bigyan ito ng mapanalanging pagninilay. Dahil ikaw ay dumaan na sa serye ng mga araling ito, ikaw ay mayroon ng sapat na kaalaman na magpasiya tungkol sa napakagandang seremonyang ito. Kung ikaw ay may pagnanais na maki-isa sa mga taong sumasampalataya sa mga bagay na iyong natutunan, mangyaring ipaalam sa amin at tutulungan ka namin sa abot ng aming makakaya. Pagpalain ka ng Diyos habang pinagninilayan mo ang mahalagang hakbang na ito.
“Matapos tanggapin ng sumasampalatayang kaluluwa ang ordinansa ng bautismo, dapat niyang isaisip na siya ay nakatalaga na sa Diyos, kay Cristo, at sa Banal na Espiritu. . . .
“Lahat ng nag-aaral ng buhay ni Cristo at nagsasakabuhayan ng Kaniyang turo ay magiging tulad ni Cristo. Ang kanilang impluwensya ay magiging tulad ng sa Kaniya. Ihahayag nila ang kagandahan ng pag-uugali. Sila ay natatag na sa pananampalataya, at hindi madadaig ng diyablo dahil sa kawalang-kabuluhan at pagmamataas. Hinahangad nilang tahakin ang hamak na landas ng pagsunod, na ginagawa ang kalooban ng Diyos. Ang kanilang pagkatao ay may impluwensya na nagsasalita para sa pagsulong ng gawain ng Diyos at ang malusog na kadalisayan ng Kaniyang gawain. . . .
“Sa mga kaluluwang ito na lubos na nagbalik-loob, may saksi ang sanlibutan sa nakapagpapabanal na kapangyarihan ng katotohanan sa pag-uugali ng tao. Sa pamamagitan nila ay ipinaalam ni Cristo sa sanlibutan ang Kaniyang katangian at kalooban. Sa buhay ng mga anak ng Diyos ay nahayag ang pagpapala ng paglilingkod sa Panginoon, at ang kabaligtaran ay makikita sa mga hindi sumusunod sa Kaniyang mga utos.
“Ang guhit na naghihiwalay ay lubhang naiiba. Lahat ng sumusunod sa mga utos ng Diyos ay iniingatan ng Kaniyang banal na kapangyarihan sa gitna ng masamang impluwensya ng mga lumalabag sa Kaniyang kautusan. Mula sa pinakamababang sakop hanggang sa pinakamataas sa mga posisyon ng pagkakatiwala, sila ay iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya tungo sa kaligtasan.
“Mula sa araw na iyon, nararapat isaisip ng mananampalataya na siya ay nakatalaga na sa Diyos, kay Cristo, at sa Banal na Espiritu. Sa bagong ugnayang ito, kinakailangan niyang gawing pangalawa lamang ang makasanlibutang kaisipan. Lantaran niyang ipinahayag na siya’y hindi na mamumuhay na may pagmamataas at pagpapasaya sa sarili. Siya’y hindi na nararapat pang mamuhay na may pagpapabaya at pagsasawalang bahala. Siya’y nakipagtipan sa Diyos. Siya ay namatay na sa sanlibutan. Kaya’t siya ay dapat mamuhay sa Panginoon, upang gamitin para sa Kaniya ang lahat ng ipinagkatiwala sa kaniyang mga kakayahan, na hindi nawawala ang pagkaunawang siya ay nagtataglay ng lagda ng Diyos, na siya ay isang sakop sa kaharian ni Cristo, isang kabahagi ng banal na likas. Dapat niyang isuko sa Diyos ang lahat ng kung ano siya at lahat ng mayroon siya, na ginagamit ang lahat ng kaniyang mga kaloob sa kaluwalhatian ng Kaniyang pangalan.
“Ang mga espirtuwal na tungkulin na pinasok sa bautismo ay tugunan. Habang ginagampanan ng mga tao ang kanilang bahagi nang may buong pusong pagsunod, may karapatan silang manalangin, ‘Hayaan mong malaman, Panginoon, na Ikaw ay Diyos sa Israel.’ Ang katunayan na ikaw ay nabautismuhan na sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu, ay isang katiyakan na kung aangkinin mo ang Kanilang tulong, ang mga kapangyarihang ito ay tutulong sa iyo sa bawat kagipitan. Diringgin at sasagutin ng Panginoon ang mga panalangin ng Kaniyang tapat na mga tagasunod na nagsusuot ng pamatok ni Cristo na natututo sa Kaniyang paaralan ng kaamuan at kababaan Niya.” -Evangelism, pages 315-317.