Sa ating panahon ngayon na masyado ng abala ang maraming mga tao sa iba’t-ibang pang-araw araw na gawain gaya ng trabaho, pag-aaral, dagdagan pa ng sari-saring libangan online, gaya ng games at social media. Kadalasan, ang mga ito ay nagdudulot ng matinding stress na siyang pangunahin namang sanhi ng iba’t-ibang mga sakit – maging sa katawan man o sa kaisipan. Kaya nga, kung may panahon na higit na kailangan ng tao ang kapahingahan, ito ay sa ating kasalukuyang panahon.
Ang ating Diyos, matapos ang anim na araw Niyang paggawa at Kaniyang nakita na ang lahat ng ito ay napakabuti (Gen. 1: 31). Siya ay nagpahinga ng ikapitong araw, Kaniya itong binasbasan at ginawang banal (Gen. 2:2,3). Hindi dahil Siya ay napagod, kundi para iwanan sa atin ang isang halimbawa na kinakailangan natin ng isang araw sa isang linggo para magpahinga. At dito, itinatag ng Diyos ang saligan ng pangingilin ng ikapitong araw.
Kailan ba ang ikapitong araw? Maging ang kalendaryo ay magtuturo sa atin na ang Sabado ang siyang ikapito! Sinasabi ng Biblia, “ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Diyos.” Exodo 20:10. Kaya nga, ang Sabbath ang patuloy na nagpapa-alala sa atin na ang Diyos ang Siyang Manlalalang at tanging sa pamamagitan ng kapangyarihan Niya nilalang ang lahat ng narito!
Mahabang panahon matapos ang paglalang, ang mga anak ni Jacob (Israel) ay naging alipin sa Ehipto sa loob ng 430 taon. Dahil dito, nawala sa kanilang isipan kung sino ang Diyos, at gayundin ang pagsamba sa Kaniya. Kaya nga, si Moises ang tinawagan upang ilabas sila doon at upang papanumbalikin sa kanilang kaalaman ang tungkol sa Kaniya at “upang kanilang ingatan ang kanyang mga tuntunin, at ang kanyang mga kautusan ay sundin.” Awit 105: 43-45. At bago sila pumasok sa lupang ipinangako sa kanila, ibinigay ng Diyos ang Kaniyang mga utos sa pandinig nilang lahat, at isinulat mismo ng Kaniyang daliri ang mga ito sa dalawang tapyas na mga bato at ibinigay kay Moises sa bundok ng Sinai. (Exodo 19, 20)
Ang ika-apat na utos ay nagsasabing, “Alalahanin mo ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal.” Exodo 20:8. Ginamit ng Diyos ang salitang “alalahanin” upang ipakita sa kanila na ang ikapitong araw, ang Sabbath, na itinatag sa panahon ng paglalang ay patuloy na umiiral.
Nang nagkatawang-tao at isilang ang ating Panginoong Jesus dito sa sanlibutan, ang kautusang ito ay patuloy pa ring umiiral. Sinasabi sa atin ng Biblia, tungkol sa nakagawian ni Jesus, “Dumating siya sa Nazaret na kanyang nilakhan. Siya’y pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabbath, tulad ng kanyang nakaugalian at tumindig siya upang bumasa.” Lucas 4:16. Ipinangilin mismo ng ating Panginoong Jesus ang araw ng Sabbath maging hanggang sa Kaniyang kamatayan! Hindi Niya binago ang Kaniyang utos!
At halos 30 taon naman matapos na Siya ay mamatay sa krus, muling mabuhay at umakyat sa langit. Patuloy nating makikita, sang-ayon sa tala ng Biblia na ang Kaniyang mga alagad ay nagpatuloy sa pangingilin ng araw ng Sabbath. Halimbawa, si Apostol Pablo (Gawa 17:2); si Apostol Juan ng siya na nasa isla ng Patmos (Apocalipsis 1:10). At marami pang ibang tala sa aklat ng Gawa.
Ang Sabbath ba ay para sa mga Judio lamang? Malinaw na sinasabi ng ating Panginoong Jesus na ang Sabbath ay para sa lahat ng tao! Pansinin ang wika Niya, “Ang Sabbath ay ginawa para sa tao, at hindi ang tao para sa Sabbath. Kaya’t ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath.” Marcos 2:27, 28. Atin ng nalaman na ang Sabbath ay natatag na sa panahon pa lang ng paglalang at wala pang Judio sa panahong iyon. Kung si Jesus ang Panginoon maging ng Sabbath, ang “Araw ng Panginoon” ay walang iba kundi ang ikapitong araw at bawat isang kumikilala sa Kaniya bilang Panginoon ay nararapat na ipangilin ito.
Bagamat sinasabi ng Exodo 31:16, “Kaya’t ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng Sabbath, na iingatan ang Sabbath sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, bilang isang palagiang tipan.” Ito ay naangkop din sa mga Kristiyanong tumanggap kay Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas, sapagkat, “kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.” Galacia 3:29. Hindi man tayo anak ni Abraham sa laman at sa dugo subalit sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus, tayo ay ibinilang na anak niya kung kaya’t ang utos na ito ay para rin sa atin.
Ang Sabbath ang magsisilbing pinaka-palagiang tipan sa pagitan ng Diyos at ng Kaniyang mga anak. Sinasabi sa atin ng Biblia na, “Bukod dito’y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga Sabbath, bilang isang tanda sa pagitan ko at nila, upang kanilang malaman na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila…Inyong ingatang banal ang aking mga Sabbath upang ang mga iyon ay maging tanda sa pagitan ko at ninyo, upang inyong malaman na akong Panginoon ang inyong Diyos.” Ezekiel 20:12,20. Ito ang tanda ng tipan na tanging kay Cristo, sa kabila ng ating pagiging makasalanan, ay maaari tayong maging banal sa pamamagitan ng Kaniyang katuwiran. Kaya nga, sa tuwing ipinapangilin natin ang ikapitong araw, patuloy nating kinikilala ang Kaniyang kapangyarihan na lumikha maging ng isang bagong puso na kung saan, “Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako’y magiging kanilang Diyos at sila’y magiging aking bayan.” Jeremias 31:33.
Maging sa bagong mga langit at bagong lupa, patuloy na ipangingilin ang araw ng Sabbath gaya ng sinasabi ng Isaias, “At mula sa bagong buwan hanggang sa isa pang bagong buwan, at mula sa isang Sabbath hanggang sa isa pang Sabbath, paroroon ang lahat ng laman upang sumamba sa harapan ko, sabi ng Panginoon.” 66:23.
Ang Biblia ay nagbigay ng natatanging propesiya na ang araw ng Sabbath ay sisikaping baguhin ng isang kapangyarihan na naglalagay sa kaniyang sarili sa puwestong tanging para sa Diyos lamang. “At siya’y magsasalita laban sa Kataas-taasan,at lilipulin niya ang mga banal ng Kataas-taasan; at kanyang iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan.” Daniel 7:25 Ang kapangyarihang ito ay tumutukoy sa “maliit na sungay” na nakita ni Daniel sa isang pangitain. Sinumang sumalungat sa kaniya ay tiyak na uusigin hanggang sa mamatay. Tumutukoy ang propesiyang ito walang iba kundi sa kapapahan at sa Iglesia Katolika Romana na kaniyang kinikilala ang pagbabagong ito, ang paglilipat sa kabanalan ng araw ng Sabbath patungo sa unang araw ng sanliggo. Sa panahon ng Dark Ages, milyong mga martir para kay Cristo ang inusig at namatay.
Kaya nga, sa mga huling araw, dahil sa Kaniyang habag at awa, muli tayong binibigyang babala ng Diyos sa pabalita ng ikatlong anghel sa Apocalipsis 14 laban sa hayop, na siya ring maliit na sungay, sa kaniyang larawan, at sa kaniyang tanda. At sinumang masumpungan na may ugnayan sa hayop na ito ay tatanggap ng takal ng poot ng Diyos.
Sa isang pangitain ay nakita naman ni Juan ang isang grupo na hindi nagpasakop sa kapangyarihan ng hayop kundi nasumpungang tapat sa Diyos, “Narito ang panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sa mga tumutupad sa mga utos ng Diyos, at humahawak ng matatag sa pananampalataya ni Jesus.” Apocalipsis 14:12.
Ang Sabbath ay hindi lamang isang kapahingahang pang-pisikal, ito’y kapahingahan ring pang-ispiritwal at ang kapahingahang ito ay tanging kay Jesus lamang matatagpuan, ang Kaniyang paanyaya, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.” Mateo 11:28.
Kaibigan, lumapit ka na ba kay Jesus? Tinanggap mo na ba ang Kaniyang katuwiran na tanging makapagpapabanal sa iyo? Tinanggap mo na ba Siya bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas? Handa ka bang sumunod sa Kaniyang utos na ipangilin ang Kaniyang banal na araw ng Sabbath?