SINAUNANG SULAT PARA SA MAKABAGONG PANAHON

Sinasabing ang Biblia ay isa sa mga lumang akda na patuloy na tinatangkilik ng maraming mga tao maging sa ating makabagong kapanahunan kung kaya’t ito ay tinaguriang isa sa mga best-selling na aklat saanmang bahagi ng sanlibutan. Ito’y naisulat sa loob halos ng 1,500 mga taon ng humigit kumulang na 40 iba’t-ibang mga manunulat na may iba’t-ibang background at status sa buhay. Gayunpaman, ang aklat na ito ay kakikitaan ng pagkaka-isa na ang tanging layunin ay magdala sa atin ng pag-asa, kasiyahan, at kaaliwan.

Kung may panahon sa kasaysayan ng ating sanlibutan na higit nating kailangan ang Biblia, na siyang salita ng Diyos, ito ay ang ating kasalukuyang panahon. Ang karahasan at kasamaan ay sagana saan man tayo tumingin, at para bang hindi natin mawari ang katiyakan ng bukas dahil sa mga natural na kalamidad na dumarating na hindi natin inaasahan. Tunay nga na mailalarawan ang kasalukuyang panahon bilang panahon ng matinding kadiliman. Kung kaya’t sa mga panahong gaya nito, ang salita ng Diyos ay magsisilbing “Ilawan sa aking mga paa ang salita mo, at liwanag sa landas ko.” ang wika ni David sa Awit 119:105.

Sa salita ng Diyos masusumpungan natin ang ilawan at ang liwanag na gagabay sa atin kung paano tayo nararapat mamuhay sa ganitong mga panahon na walang katiyakan! At dahil ang “mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita” Awit 12:6, tiyak na anumang katanungan patungkol sa ating buhay ay masasagot nito!

At higit sa lahat, ang salita ng Diyos ang siyang mag-aakay sa atin upang higit pa nating makilala ang ating Panginoong Jesucristo. Mula sa unang pahina nito, hanggang sa katapustapusan – lahat ay tungkol sa Kaniya, kaya nga ang wika Niya, “Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat iniisip ninyo na sa mga iyon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at iyon ang nagpapatotoo tungkol sa akin.” Juan 5:39. Atin nawang kilalanin at alalahanin ang Panginoong Jesus bilang Salita ng Diyos na naging tao (Juan 1:14).

Bagamat ang Biblia ay sinulat ng mga taong gaya rin natin, ang Diyos ang direktang nakipag-usap sa kanila upang iparating sa atin ang Kaniyang pabalita. “Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta.” Hebreo 1:1. Ang mga propetang ito naman ay kinilos ng Banal na Espiritu, anumang kanilang sinulat ay hindi nagmula sa kanilang sariling kalooban, ni hindi rin mula sa kanilang sariling kaalaman. “Sapagkat walang propesiya na dumating kailanman sa pamamagitan ng kalooban ng tao kundi ang mga taong inudyukan ng Espiritu Santo ay nagsalita mula sa Diyos.” 2 Pedro 1:21. Kaya nga, “Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” 2 Timoteo 3:16. Ang buong Biblia, magmula sa Genesis hanggang sa Apocalipsis ay ang hayag na salita ng Diyos para sa tao, at ang mga ito ay isinulat para sa ating kapakinabangan. Sinulat ni Apostol Pablo, “Sapagkat ang anumang mga bagay na isinulat noong una ay isinulat upang tayo ay matuto, upang sa pamamagitan ng pagtitiyaga at sa pagpapasigla ng mga kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” Roma 15:4.

Hindi lamang upang tayo ay matuto at magkaroon ng pag-asa kung kaya’t ang salita ng Diyos ay isinulat para sa atin, ito ay “mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran.” Hanggang sa tayo ay masumpungang “…ganap, nasasangkapang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.” 2 Timoteo 3:16, 17. At samantalang tayo ay nananatili pa sa sanlibutang ito, ang salita ng Diyos ang magsisilbing manual ng ating buhay na magtuturo sa atin patungkol sa “…kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.” Roma 12:2.

At dahil ninanais ng Diyos na ang Kaniyang mga anak ay maging banal kung paanong Siya ay banal, ang salita ng Diyos ang tanging may kapangyarihan upang matamo natin ito. “Pabanalin mo sila sa katotohanan; ang salita mo ay katotohanan.” Juan 17:17. Ang salita ng Diyos ay katotohanan at sa tuwing binabasa at pinag-aaralan natin ito, inilalagay natin ang ating mga sarili sa panig ng katotohanan. Sapagkat tanging “ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Juan 8:32. Mapalalaya tayo ng salita ng Diyos sa mga kamalian at kasinungalingan ng kaaway! Sa pamamagitan din ng salita ng Diyos, tayo ay maiingatan upang hindi magkasala at ito ang magbibigay sa atin ng pagtatagumpay. Malinaw na kinilala ni David ang katotohanang ito ng kaniyang sabihin, “Iniingatan ko ang iyong mga salita sa aking puso, upang huwag akong magkasala sa iyo.” Awit 119:11.

Nang ang ating Panginoong Jesus ay tuksuhin ng kaaway sa ilang matapos ang Kaniyang 40 araw at gabing pag-aayuno, ang salita ng Diyos ang Kaniyang naging kasangkapan upang labanan ang kaaway. At kung papaanong Siya ay nagtagumpay, gayun rin tayo kung ating gagamitin ang “…tabak ng Espiritu na siyang salita ng Diyos.” Efeso 6:17. Dahil ang ating pakikipaglaban ay hindi sa laman at dugo (Efeso 6:12), ang pagkakaroon ng malawak na kaalaman patungkol sa salita ng Diyos ang siyang mag-iingat sa atin hindi lamang sa mga tukso ng kaaway, gayun na rin sa kaniyang mga pandaraya. Dahil tayo ay nabubuhay na sa mga huling araw, tayo ay binigyang babala na ng ating Panginoong Jesus na bago Siya pumarito, “Maraming bulaang propeta ang lilitaw at ililigaw nila ang marami.” Mateo 24:11. Kaya nga, “Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw ng sinuman.” tal. 4.

Ang salita ng Diyos ay nararapat na maging bahagi ng ating pang-araw araw na pamumuhay, isang malaking pagkakamali na maglaan lamang tayo ng maikling panahon ukol dito minsan sa isang linggo, minsan sa isang buwan, minsan sa isang taon, o mas malala pa, sa panahon lamang na convenient para sa atin. Napapanahon ang bilin ni Josue sa mga Israeilita noon, “Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag aalisin sa iyong bibig, kundi ito ay iyong pagbubulay-bulayan araw at gabi, upang iyong masunod ang ayon sa lahat ng nakasulat dito…” Josue 1:8. Hindi rin sapat na umaasa na lang tayo sa mga tagapag-turo natin gaya ng mga pastor o ministro, sapagkat sila rin ay mga taong prone sa anumang anyo ng pagkakamali. Kinakailangan na tayo ay maging gaya ng mga taga-Berea na, “tinanggap nila ang salita ng buong pananabik na sinisiyasat araw-araw ang mga kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito.” Gawa 17:11.

Kung papaanong tayo ay nagpapakabusog sa pamamagitan ng literal na pagkain, nararapat din lamang na tayo ay mabusog sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Ang wika ng ating Panginoong Jesus, “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.” Mateo 4:4. Tumutukoy ito sa kabuuan ng salita ng Diyos na nagpapakita na hindi natin nararapat na piliin lamang ang mga turo nitong papabor sa atin, at tanggihan o baliwalain naman ang mga turo nitong hindi kasang-ayon sa ating pang-unawa at pamumuhay. Kaya nga tinatawag na “Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin.” Mateo 5:6. Ito ang Kaniyang pangako sa mga taong gutom at uhaw sa Kaniyang mga salita, at gayun din sa katotohanan! Katulad ni Job na ang kaniyang wika, “aking pinagyaman ang mga salita ng kaniyang bibig ng higit kay sa aking kailangang pagkain.” Job 23:12. Higit nawa nating kagutuman at kauhawan ang mga salita Niya ng higit sa ating literal na pagkain araw-araw! Maging gaya nawa tayo sa isang usa na “…nananabik sa batis na umaagos…” Awit 42:1.

Sa paglipas ng mga taon at iba’t-ibang mga sitwasyon, marami na ang mga akdang naluma, nasira, at nawala. Subalit ating alalahanin na ang salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman! Hindi ito naluluma sapagkat bawat turo nito ay kapakipakinabang sa lahat ng pagkakataon at ito ay para sa lahat ng tao anuman ang kanilang kalagayan sa lipunan. Ang salita ng Diyos ay sinubok na ng panahon, kaya nga’t ipinahayag ni David, “Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita, gaya ng pilak na sinubok sa hurno ng lupa, na pitong ulit na dinalisay.” Awit 12:6. Pilit mang itago ninoman ang salita ng Diyos, ito man ay baguhin o palitan upang umayon sa kalooban at kagustuhan ng tao, iingatan ng Diyos ang Kaniyang mga salita. “Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta; nguni’t ang salita ng ating Dios ay mamamalagi magpakailan man.” Isaias 40:8.

Kaibigan, tinanggap mo na ba ang salita ng Diyos, ang Biblia, bilang tanging pundasyon ng iyong paniniwala at mga gawa? Sumasampalataya ka ba na may kapangyarihan ito upang baguhin ka at akayin ka sa kabanalan, kaliwanagan at kaluwalhatian? Tulungan ka nawa ng Panginoon at buksan nawa Niya ang iyong mga mata sa pagtanggap nito!

“Mapalad ang bumabasa at ang nakikinig ng mga salita ng propesiya at tumutupad ng mga bagay na nasusulat dito, sapagkat ang panahon ay malapit na.” Apocalipsis 1:3