Ang Romanismo ay pinagpapakitaan ngayon ng mga Protestante ng lalong malaking paglingap kaysa nang mga panahong nakaraan. Doon sa mga bayang ang Katolisismo ay hindi lumalaki, at ang mga makapapa ay gumagawa ng pakikipagkasundo upang magkaroon sila ng impluensya ay lumalaki ang pagwawalang bahala hinggil sa mga aral na naghihiwalay sa mga iglesyang nagkaroon ng pagbabago mula sa kapapahan; lumalaganap ang paniniwala, na hindi rin pala naman tayo naiiba ng malaki tungkol sa mahahalagang bahagi ng pananampalataya gaya ng ipinalagay noong una, at sa pamamagitan ng bahagya lamang pakikipagkasundo natin ay dumarating tayo sa lalong mabuting pakikipagunawaan sa Roma. Nagkaroon ng panahon na malaki ang pahalaga ng mga Protestante sa kalayaan ng budhi na binili ng napakalaking halaga. Itinuro nila sa kanilang mga anak na kasuklaman ang kapapahan, at ipinakilala nilang ang makiayon sa Roma ay pagtataksil sa Diyos. Datapuwa’t kaylaki ng kaibahan ng mga ipinahahayag na mga damdamin ng mga tao ngayon!
Ipinahahayag ng mga tagapagtanggol ng kapapahan na ang iglesya ay nilapastangan, at ang mga Protestante ay nahihilig maniwala sa pahayag na ito. Marami ang nangangatuwiran na hindi matuwid na hatulan ang iglesya sa panahong ito sa pamamagitan ng mga karumalan at kabuktutan na siyang naging tatak ng kanyang paghahari noong mga panahon ng kamangmangan at kadiliman. Ipinagpapaumanhin nila ang kanyang kakila-kilabot na kabangisan at sinasabing yao’y bunga ng walang kabihasnang panahong yaon at nangangatuwiran sila na ang bisa ng kabihasnan sa ngayon ay nakabago sa kanyang mga damdamin.
Nalimutan na ba ng mga taong iyan ang inaangkin ng palalong kapangyarihang ito sa loob ng walong daang taon, na siya’y hindi nagkakamali? Ang pag-aaangking ito ay lalong tiyak na napagtibay nang ikalabing-siyam na dantaon higit kailan man noong una, kaya nga’t ito’y napakalayong mawasak. Ayon sa iginigiit ng Roma na ang iglesya “ay hindi nagkamali kailan man; ni hindi rin magkakamali kailan man alinsunod sa mga Kasulatan.”1* paano nga niya itatakwil ang mga simulaing kanyang sinunod nang mga panahong nagdaan?
Magpakailan man ay hindi tatalikdan ng iglesyang makapapa ang kanyang pag-aangkin na hindi siya nagkakamali. Ang lahat niyang ginawa sa kanyang pag-uusig sa mga tumanggi sa kanyang mga aral, ay pinagtitibay niyang matuwid; at hindi ba niya uuliting muli ang ganyang asal, sakaling magkaroon siya ng gayon ding pagkakataon? Alisin lamang ang pangpigil na inilalagay ng pamahalaan, at isauli ang Roma sa kanyang dating kapangyarihan, at biglang magpapanibago ang kanyang kalupitan at pag-uusig.
Ang pag-aakala ng kapapahan tungkol sa kalayaan ng budhi, at tungkol sa mga kapanganibang nagbabantang sumira sa maayos na pagpapatupad sa simulain ng Estados Unidos ay inihanay ng isang tanyag na manunulat sa ganitong pangungusap: “Nahihilig ang marami na ikapit sa pagkapanatiko o sa pangangatuwirang bata ang pagkatakot na ang Katolisismo Romano ay magiging mapanganib sa Estados Unidos. Ang mga taong iyan ay walan nakikitang anuman sa likas at kilos ng Romanismo na laban sa ating malayang kalagayan, ni makakasumpong inan kaya sila ng anumang panganib sa kanyang paglaki. Atin ngang ihambing muna ang ilang pinagtitibayang simulain ng ating pamahalaan sa Iglesya Katolika.
“Tinatayuan ng Konstitusyon ng Estados Unidos ang kalayaan ng budhi. Wala nang bagay na mahal o mahalaga pa kaysa rito. Si Papa Pio IX, sa kanyang Liham Ensiklika noong Agosto 15, 1854, ay nagsabi ng ganito: ‘Ang kabalintunaan at kamalian ng mga aral o katha na pagsasanggalang ng kalayaan ng budhi, ay napakalaking salot na kamalian—isang salot, na higit sa lahat, na dapat katakutan sa isang pamahalaan. Sinumpa ng papa ring iyan sa kanyang Liham Ensiklika ng Disyembre 8, 1846, yaong ‘mga mapilit na humihingi ng kalayaan ng budhi at ng kalayaan ng pagsamba ukol sa relihion,’ gayon din ‘ang lahat na nangangatuwiran na ang iglesya ay hindi nararapat gumamit ng lakas.’
“Ang banayad na tinig ng Roma sa Estados Unidos ay hindi nangangahulugan ng isang pagbabago ng puso. Siya ay mapagpasunod doon sa mga bayang siya ay walang magagawa. Ang wika ni Obispo O’Connor: ‘Ang kalayaan sa relihiyon ay pinagtitiisan lamang hanggang sa ang katuwas nito ay maisagawa na walang panganib sa sanlibutang Katoliko.’ . . . Minsan ang arsobispo ng San Luis ay nagsabi ng ganito: ‘Ang erehiya at di-pananampalataya ay mga krimen, at sa mga bayang Kristiyano, gaya ng Italya at ng Espanya, na roon ang relihiyong Katoliko ay isang mahalagang bahagi ng kautusan ng lupain, ay pinarurusahan ang mga ito gaya ng pagpaparusa sa mga ibang krimen.’. . .
“Ang bawa’t kardinal, arsobispo, at obispo sa Iglesya Katolika, ay nanunumpa sa papa, na sa sumpang ito’y makikita ang ganitong mga pangungusap: ‘Ang mga erehe, mga mapagbaha-bahagi’, at ‘ang mga naghihimagsik sa ating panginoon (sa papa), o sa sumusunod sa kanya, ay uusigin at lalabanan ko hanggang sa aking makakaya.’ ”2*
Tunay nga na may mga tapat na Kristiyano sa kapulungan ng Katoliko Romano. Libu-libo sa mga nasa iglesyang iyan ang nangaglilingkod sa Diyos alinsunod sa pinakamabuting liwanag na kanilang nakikilala. Tinutunghayan ng Diyos na may malaking habag ang mga kaluluwang ito na mga tinuruan sa isang pananampalatayang magdaraya at hindi nakasisiya. Magpapadala siya ng mga sinag ng liwanag upang lumagos sa makapal na dilim na sa kanila’y nakabalot. Ihahayag Niya sa kanila ang katotohanan gaya ng nasa kay Jesus, at marami pa ang makikisanib sa Kanyang bayan.
Datapuwa’t ang Romanismo sa kanyang buong kaayusan ay hindi kasang-ayon ngayon ng ebanghelyo ni Kristo gaya rin nang unang kapanahunan ng kanyang kasaysayan. Ang mga iglesyang Protestante ay nasa makapal na kadiliman, kung hindi ay makikilala sana nila ang mga tanda ng panahon. Ang Iglesya Romana ay may malalawak na panukala at paraan ng paggawa. Ginagamit niya ang lahat ng paraan upang mapalaganap ang kanyang impluensya at maragdagan ang kanyang kapangyarihan sa paghahanda sa isang mabangis at mahigpit na pakikibaka upang maibalik ang dating pamumuno niya sa sanlibutan. Ang Katolisismo ay nananagumpay sa lahat ng dako. Tingnan ninyo ang nagdadamihan niyang simbahan at kapilya sa mga bansang Protestante. Tingnan ninyo ang kabantugan ng kanyang mga kolehiyo at seminaryo sa Amerika, na pinapasukan ng maraming Protestante. Tingnan ninyo ang paglago ng ritualismo sa Inglatera, at ang malimit na pakikipanig sa hanay ng mga Katoliko. Ang mga bagay na ito ay dapat gumising ng pagkabalisa ng lahat na nagpapahalaga sa malinis na simulain ng ebanghelyo.
Ang mga Protestante ay nakikialam at tumatangkilik sa kapapahan; sila’y nangakipagkasundo at nangakibagay sa kanya na ipinagtakang makita ng mga makapapa na rin, at hindi nila maunawaan kung bakit. Ipinipikit ng mga tao ang kanilang mga mata sa tunay na likas ng Romanismo, at sa mga kapanganibang dapat pag-ingatan sa kanyang pangingibabaw. Kailangang sila’y pukawin upang salansangin ang mga pagsulong ng napakamapanganib na kalabang ito ng kalayaan sa pamahalaan at sa relihiyon.
Ipinalalagay ng maraming Protestante na ang relihiyong Katoliko ay hindi kaakit-akit, at ang mga gawain nito sa pagsamba ay patay at walang kahulugan. Dito’y nagkakamali sila. Ang seremonya ng iglesya Romana ay lubhang kaakit-akit na seremonya. Ang marilag na karangyaan, at ang makarelihiyong mga seremonya nito ay bumibihag sa mga pandama ng mga tao, at siyang nagpapatahimik sa tinig ng katuwiran at ng budhi. Nagagayuma ang mata. Ang magagandang simbahan, ang naglalakihang mga prusisyon, ang mga gintong dambana, ang nahihiyasang urna, ang mga piling dibuho, at ang sakdal gandang mga eskultura ay pawang umaakit sa pag-ibig sa ganda. Nabibihag din naman ang pakinig. Ang tugtugin ay walang kahambing. Ang maiinam na tugtog ng matutunog na organo na sumasaliw sa himig ng maraming mga tinig samantalang ito’y umaalingawngaw sa matataas at nakabalantok na bubong nito at mga pagitang dinadaanan na may malalaking haligi ng kanyang magagandang katedral, ay walang pagsalang magkikintal ng paghanga at paggalang sa pag-iisip ng tao.
Ang panglabas na karilagan, kagandahan, at seremonyang ito, na lumilibak lamang sa mga kauhawan ng kaluluwang lipos ng kasalanan, ay katunayan ng kasamaang nasa loob. Ang relihiyon ni Kristo ay hindi nangangailangan ng ganyang mga panghalina upang tanggapin ng mga tao. Sa liwanag na sumisilang mula sa krus, ang tunay na relihiyong Kristiyano ay lumilitaw na napakalinis at tunay na kaibig-ibig na anupa’t walang palamuting panglabas na makapagpapalaki ng tunay na kahalagahan nito. Ang kagandahan ng kabanalan ang isang maamo at tahimik na diwa, ay siyang mahalaga sa Panginoon.
Ang kaningningan ng ayos ay hindi lagi nang palatandaan ng malinis at dakilang pag-iisip. Ang matataas na pagkakilala sa sining, ang maselang na kakinisan ng panuri, ay malimit na naghahari sa mga isipang makalupa at mahalay. Ang mga ito’y madalas gamitin ni Satanas upang ipalimot sa mga tao ang pangangailangan ng kaluluwa, upang huwag nilang alalahanin ang hinaharap na walang-hanggang buhay, upang tumalikod sila sa Katulong nilang walang-hanggan, at upang mabuhay sila na ukol lamang sa sanlibutang ito.
Ang relihiyong may panglabas na kagandahan ay nakatatawag nga sa pusong hindi nababago. Ang karangyaan at seremonya ng pagsambang Katoliko ay mayroong kapangyarihang mapanlinlang at mapamihag, na siyang dumaraya sa marami; at inaakala nilang ang Iglesya Romana ay siyang pintuan ng langit. Wala kundi iyong nagsitungtung lamang sa patibayan ng katotohanan, at yaong ang mga puso’y nabago ng Espiritu ng Diyos, ang makatatayo laban sa kanyang impluensya. Libu-libo sa mga walang subok na pagkakilala kay Kristo ang maaakay tumanggap sa mga anyo ng kabanalan na wala naman ng kapangyarihan nito. Ang ganyang relihiyon ay siya ngang ninanasa ng karamihan.
Ang inaangkin ng iglesya na karapatang magpatawad ng kasalanan, ay siyang nag-akay sa Romanista sa malayang pagkakasala; at ang pagkukumpisal na kung wala ito’y hindi matatamo ang kanyang patawad, ay nakakatulong lamang sa kasamaan. Ang lumuluhod sa harap ng taong makasalanan, at nagbubukas ng mga lihim na isipan at tangka ng kanyang puso sa pamamagitan ng pagkukumpisal ay nagpapababa ng kanyang pagkatao, at humahamak sa bawa’t marangal na katutubo ng kanyang kaluluwa. Ang pagkakilala niya sa Diyos ay natutulad sa pagkakilala niya sa taong makasalanan, sapagka’t ang pari ay tumatayong kinatawan ng Diyos. Gayunma’y isang nagpapakabuyo sa hilig ng sarili, ay lalong nakalulugod ang magpahayag ng kasalanan sa kapuwa tao kaysa buksan sa Diyos ang laman ng puso. Sa katutubo ng tao ay lalong masarap ang magpenitensya kaysa magwaksi ng kasalanan; lalong magaan ang pahinain ang laman sa pamamagitan ng magagaspang na damit at panghampas na may tinik at mga tanikalang sumusugat kaysa ipako sa krus ang kahalayan ng laman. Ibig pa ng pusong laman ang magpasan ng mabigat na pasanin kaysa yumuko sa pamatok ni Kristo.
Walang tigil na sinisikap ni Satanas na pamaling ipakilala ang likas ng Diyos, ang likas ng kasalanan, at ang tunay na mga suliraning napapaloob sa malaking tunggalian. Ang kanyang pagdaraya ay nagbabawas sa hinihingi ng banal na kautusan, at ito ang nagbibigay ng lisensiya sa tao sa pagkakasala. Kanya din namang ipinaiimpok sa kanila ang maling pagkakilala sa Diyos, upang kanila siyang katakutan at kapootan, sa halip ng handugan ng pag-ibig. Ang kalupitan na sadyang katutubo niya ay ipinararatang niya sa Maylalang; ito’y ipinaloloob sa mga kayarian ng relihiyon, at ipinahahayag sa mga paraan ng pagsamba.
Sa mga nagsisisunod sa kanya ang pangdisiplina niya ay pamalo, paggutom, ang lahat ng maiisip at nakapagpapasakit sa pusong mahigpit na pagpapahirap sa katawan. Upang kamtin ang lingap ng Langit, ay sinusuway ng mga nagpipinitensya ang kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsuway sa batas ng kalikasan. Itinuturo sa kanila na patdin ang pagkakabigkis na Kanyang ginawa upang pagpalain at paligayahin ang paninirahan ng tao sa lupa. Sa looban ng iglesya ay naroon ang angawangaw na nasawi, na naggugugol ng kanilang buhay sa walang kabuluhang pagsisikap na pakipaglabanan ang katutubo nilang pag-ibig, na pigilin, sapagka’t kamuhimuhi sa Diyos, ang bawa’t isipan at damdaming may pakikiramay sa kapuwra nilalang.
Sa pamamagitan ng malaking kaayusang ito ng pagdaraya ay nagaganap ng prinsipe ng kasamaan ang kanyang layuning magdudulot ng di-pagpaparangal sa Diyos at ng kaabaan sa tao. Nananagumpay siya sa pagtatanyag sa kanyang sarili, at sa paggawa ng kanyang gawain sa pamamagitan ng mga nangungulo sa iglesya.
Kung binabasa ng isang tao ang Banal na Kasulatan, ay nahahayag sa kanya ang habag at pag-ibig ng Diyos; makikita niyang hindi ipinapataw ng Diyos sa mga tao ang mabibigat na pasaning ito. Ang hinihingi lamang Niya ay isang bagbag at nagsisising puso, isang mapagpakumbaba’t matalimahing diwa.
Sa kabuhayan ni Kristo ay hindi Siya nag-iwan ng halimbawa para sa mga lalaki’t babae na kulungin ang kanilang sarili sa mga monasteryo upang mahanda sa langit. Kailan man ay hindi Niya itinuro na ang pag-ibig at pakikiramay ay dapat timpiin. Ang puso ng Tagapagligtas ay inaapawan ng pag-ibig. Sa pagkalapit ng tao sa kasakdalang moral, ay lalo namang tumatalas ang kanyang pakiramdam, lalong tumatalas ang pagkakilala niya sa kasalanan, at lalong lumalaki ang pakikiramay niya sa nangapipighati. Hindi walang kadahilanan ang inaangkin sa mga lupaing Protestante, na ang Katolisismo ay kakaunti na ang pagkakaiba sa Protestantismo ngayon kaysa noong nagdaang panahon. Nagkaroon ng pagbabago; datapuwa’t ang pagbabago ay hindi sa kapapahan. Ang Katolisismo ay walang pinag-ibhan sa Protestantismo ngayon; sapagka’t ang Protestantismo ay malaki ang naging pagbabago sa ikasasama niya mula nang kaarawan ng mga Repormador.
Sa paghanap ng mga iglesyang Protestante ng pagtingin ng sanlibutan, ang kanilang mata ay binulag ng hindi tunay na kagandahang-loob. Wala silang makita kundi matuwid ang maniwala na may mabuti sa lahat ng masama; at sa wakas ay walang salang mauuwi ito sa paniniwalang masama ang lahat ng mabuti. Sa halip na ipagsanggalang nila ang pananampalatayang ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal. sila ngayon, mandin ay humihingi ng paumanhin sa Roma dahil sa walang kagandahang-loob na pagpapalagay sa kanya, at inihihingi ng tawad ang kasigasigan nila sa kanilang iglesya.
Marami, maging doon man sa mga ayaw kumilala sa Romanismo, ang nakakadama ng bahagya lamang panganib sa kanyang kapangyarihan at lakas. Marami ang nangangatuwiran na ang kadiliman sa pag-iisip at sa moral na naghari noong Madilim na Kapanahunan ay siyang tumulong sa paglaganap ng mga aral ng Romanismo, pamahiin, at pagpapahirap, at ang lalong malaking katalinuhan sa panahong ito, ang paglaganap ng kaalaman sa lahat ng dako, at ang kumakalat na kalayaan sa mga bagay tungkol sa relihiyon, ay nagbabawal ng pananauli ng pag-uusig at paniniil. Ang pag-iisip na makikita sa kapanahunang ito ng kaliwanagan ang ganyang kalagayan ng mga bagay-bagay ay tinatawanan. Tunay nga na ang malaking liwanag sa katalinuhan, sa moral, at sa relihiyon ay tumatanglaw sa saling ito ng lahi. Sa mga bukas na dahon ng banal na salita ng Diyos ay nagliwanag sa sanlibutan ang ilaw na galing sa langit. Nguni’t dapat nating alalahanin na kung kailan lalong malaki ang liwanag na ipinagkakaloob, lalong malaki naman ang kadiliman niyaong mga nagbabaligtad o tumatanggi dito.
Ang pag-aaral ng mga Protestante ng Banal na Kasulatan na may kalakip na panalangin ay magpapakilala sa kanila ng tunay na likas ng kapapahan; datapuwa’t marami ang nagpapakarunong sa kanilang sariling haka na anupa’t hindi nila maramdamang kailangan nilang hanapin ang Diyos na may mapagpakumbabang puso upang maakay sila sa katotohanan. Bagaman ipinagmamalaki nila ang kanilang kaalaman, mangmang din sila sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos. Nangangailangan sila ng ilang kaparaanan upang mapatahimik ang kanilang budhi, at hinahanap nila yaong mga kulang sa kahalagahang ukol sa espiritu at yaong hindi totoong nakapagpapababa. Ang kanilang ninanasa ay isang paraan upang malimutan nila ang Diyos, paraan na maaaring ituring na isang pag-alaala sa Kanya. Ang kapapahan ay bagay na bagay magdulot ng lahat ng mga pangangailangang ito. Ito’y handa sa dalawang uri ng tao, na siyang bumubuo halos sa buong sanlibutan—iyong mga nagnanais maligtas sa pamamagitan ng kanilang sariling kabutihan, at iyong nagnanais maligtas na nasa kanilang mga kasalanan. Narito ang lihim ng kanyang kapangyarihan.