Ang Katotohanan sa Likod ng Kamatayan

“Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay, ngunit hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay, at wala na silang gantimpala; sapagkat ang alaala nila ay nakalimutan na.” Eclesiastes 9:5

Nang ang tao ay nilalang ng Diyos sang-ayon sa Kaniyang larawan at wangis, ang panukala Niya ay ang mabuhay ang tao ng payapa, masaya, at higit sa lahat, mabuhay magpakailanman tulad ng kaniyang Manlalalang na walang kamatayan. Subalit ang malungkot na katotohanan, nawala ang lahat ng ito nang ang ating mga unang magulang ay nahulog sa kasalanan. Sinasabi ng Biblia, “Kaya’t kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan, kaya’t dumating sa lahat ng mga tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala.” Roma 5:12. Ganun pa man, sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesus, muling naging posible na ang tao ay mabuhay magpakailanman! (2 Timoteo 1:10)

Upang higit na maunawaan ang kamatayan, kailangan nating balikan ang kasaysayan kung paano nilalang ng Diyos ang tao. “At nilalang ng Panginoong Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging buháy na kaluluwa.” Genesis 2:7. Mula sa talatang ito, ating makikita ang mga sangkap na ginamit ng Diyos sa paglalang sa tao. ALABOK NG LUPA + HININGA NG BUHAY = BUHAY NA KALULUWA. Pansinin, ang kaluluwa ay hindi isang sangkap na mayroon ang tao, kundi ito ay tumutukoy sa isang taong buhay o humihinga – tayo mismo ay ang kaluluwa! Ang hininga ng buhay ay ang espiritu ng Diyos (Job 27:3) at ito ang siyang bumabalik sa Kaniya sa oras na ang tao ay mamatay. Kaya nga, ang simpleng katotohanan ay, ang kaluluwa ay namamatay. “Ang kaluluwa na nagkakasala, mamamatay…” Ezeliel 18:20. Tayong lahat na makasalanan ay mamamatay!

Si Adan at si Eva ay nahulog sa kasalanan sa paniniwala sa turo ng ahas (Genesis 3:4) – na sila ay maari pa ring mabuhay ng walang hanggan sa kabila ng paglabag sa malinaw na turo ng Diyos. At ito ang kasinungalingan na pilit pa rin niyang itinuturo ngayon – na ang kaluluwa ay walang kamatayan!

Sa oras na ang tao ay mamatay, bumabalik sa Diyos ang hininga ng buhay o ang espiritu na Kaniyang ibinigay at ang tao ay babalik sa pagka-alabok kung saan siya nagmula. “At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang diwa ay mababalik sa Dios na nagbigay sa kaniya.” Eclesiastes 12:7. BUHAY NA KALULUWA – HININGA NG BUHAY = ALABOK NG LUPA.

Kaya nga, kapag ang tao ay namatay, tunay na wala na siyang nalalamang anuman. “…hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka’t ang alaala sa kanila ay nakalimutan.” Eclesiastes 9:5. “…sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip.” Awit 146:4. Pansinin na maging ang kanilang damdamin ay nawawala na rin, “Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.” Eclesiastes 9:6. Hindi na rin sila maaring sumamba at magpuri, “Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinomang nabababa sa katahimikan.” Awit 115:17. Silang mga nasa libingan na ay hindi na babalik pa hanggang sa sa araw ng pagkabuhay na mag-uli, “…gayon siyang bumababa sa Sheol ay hindi na aahon pa.

Siya’y hindi na babalik pa sa kaniyang bahay, ni malalaman pa man niya ang kaniyang dako.” Job 7:9,10. Sa mga talatang ito, malinaw na itinuturo ng Biblia na ang tao ay wala ng kamalayan pa sa oras na siya ay mamatay. Isang pandaraya ng kaaway ang papaniwalain tayo sa kasinungalingang walang kamatayan ang isang kaluluwa. Kaya nga hanggang sa ikalawang pagparito ng ating Panginoong Jesus, mananatili ang mga namatay sa kani-kaniyang libingan, mabuti man o masama (Juan 5:28,29.) At sila ay hindi babangon doon hanggang sa araw na iyon, “Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon: hanggang sa ang langit ay mawala, sila’y hindi magsisibangon, ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog.” Job 14:12.

Sa Biblia, malinaw ding itinuturo na ang kamatayan ay tulad lamang sa isang pagtulog. Sinabi ni David, “Iyong bulayin, at sagutin mo ako, Oh Panginoon kong Dios: liwanagan mo ang aking mga mata, baka ako’y matulog ng tulog na kamatayan.” Awit 13:3. Kaya nga sa araw ng pagkabuhay na mag-uli, silang mga nasa libingan ay inilalarawan bilang mga “nangatutulog sa alabok ng lupa ay mangagigising.” Daniel 12:2. Maging sa Bagong Tipan, ang katotohanang ito ay binanggit, “Nguni’t hindi namin ibig na kayo’y di makaalam, mga kapatid, tungkol sa nangatutulog…” 1 Tesalonica 4:13. Kaya nga, kung paanong sa pagtulog tayo ay naghihintay na muling magising, gayun din sa kamatayan at ito ay magaganap lamang hanggang sa dakilang araw na mahayag na ang ating Panginoong Jesus sa Kaniyang ikalawang pagparito. “Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man.” 1 Tesalonica 4:16, 17.

Mayroong pagkabuhay na mag-uli para sa mga namatay. Sa katunayan, may dalawang uri nito. Sa Juan 5:29, may tinatawag na “pagkabuhay na maguli sa buhay” at “pagkabuhay na maguli sa paghatol”. Ang unang pagkabuhay na ito ay para lamang sa mga tumanggap at sumampalataya sa ating Panginoong Jesus, sapagkat “Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay hindi kinaroroonan ng buhay.” 1 Juan 5:12. At ang katunayang muling nabuhay ang ating Panginoong Jesus ay ang katiyakan ng mga mananampalataya. “Kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan, kayo’y nananatili pa rin sa inyong mga kasalanan. Kung gayon, ang mga namatay kay Cristo ay napahamak. Subalit ngayon, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, na siya ang unang bunga ng mga namatay.” 1 Corinto 15:17, 18, 20.

Kaibigan, isang bagay ang tiyak – ang kamatayan. Hindi natin alam kung kailan ito darating sa buhay natin subalit kung si Cristo ay nasa mga puso na natin, ito’y isang bagay na di dapat katakutan. Kaya nga ang tanong, tinanggap mo na ba Siya bilang iyong Panginoon at personal na Tagapagligtas? May katiyakan ka na ba na kung ikaw ay mamatay, ikaw ay muling mabubuhay sa Kaniyang ikalawang pagparito? Ang desisyong tanggapin at sampalatayanan Siya ay mahalaga!

Ang wika ni Job, “Sapagkat nalalaman ko na ang aking Manunubos ay nabubuhay, at sa wakas siya’y tatayo sa lupa; at pagkatapos na masira nang ganito ang aking balat,gayunma’y makikita ko ang Diyos sa aking laman, na aking makikita sa aking tabi, at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba. Ang aking puso ay nanghihina sa loob ko!” 19:25-27. Kaibigan, may ganito ka na rin bang pag-asa? Tanging kay Cristo lang masusumpungan ang pagkabuhay na maguli at buhay na walang hanggan! Ang Kaniyang pangako, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, ay mabubuhay.” Juan 11:25.

“Ngayon na ang panahong kanais-nais; ngayon na ang araw ng kaligtasan.” 2 Corinto 6:2.