WHAT WE BELIEVE

1. Ang tunay at buhay na Diyos, ang unang persona ng Kadiyosan, ay ang ating makalangit na Ama, at Siya, sa pamamagitan ng Kaniyang Anak, si Cristo Jesus, ang lumikha ng lahat ng mga bagay. (Mateo 28:18-19; 1 Corinto 8:5-6; Efeso 3:9; Jeremias 10:10-12; Hebreo 1:1-3; Gawa 17:22-29; Colosas 1 :16-18.)

2. Si Jesucristo, ang ikalawang persona ng Kadiyosan, ang walang hanggang Anak ng Diyos, ang tanging Tagapagligtas mula sa kasalanan; at ang kaligtasan ng tao ay tanging sa pamamagitan ng biyaya lamang at tanging sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa Kaniya. (Mateo 28:18-19; Juan 3:16; Micas 5:2; Mateo 1:21; 2:5-6; Gawa 4:12; 1 Juan 5:11-12; Efeso 1:9- 15; 2:4-8; Roma 3:23-26.)

3. Ang Banal na Espiritu, ang ikatlong persona ng Kadiyosan, ay kinatawan ni Cristo sa lupa, at umaakay sa mga makasalanan sa pagsisisi at sa pagsunod sa lahat ng mga kautusan ng Diyos. (Mateo 28:18–19; Juan 14:26; 15:26; 16:7–15; Roma 8:1–10; Efeso 4:30.)

4. Sa pamamagitan ni Cristo, ang mga mananampalataya ay tumatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanang tinalikuran, pinagsisihan at ipinahayag, at kung saan, hangga’t nasa kanilang kapangyarihan, ang pagsasauli ay ginawa. (Efeso 1:7; Colosas 1:14-15; 1 Juan 1:7-9; Isaias 55:6-7; Ezekiel 33:15; Mateo 5:23-24; 6:14-15.)

5. Ang Biblia ay ang kinasihang salita ng Diyos, at ito ay ganap na maaasahan, sapat, at hindi nagkakamaling alituntunin ng pananampalataya at ng anumang gawa. (2 Timoteo 3:15-17; 2 Pedro 1:19-21; Awit 119:9, 11, 105, 130; 1 Tesalonica 2:13; Isaias 8:20; Jeremias 15:16; Hebreo 4:12.)

6. Lahat ng papasok sa kaharian ng langit ay tiyak na nakaranas ng pagbabagong loob, o ng bagong kapanganakan, kung saan ang tao ay tumatanggap ng bagong puso at nagiging isang bagong nilalang. (Mateo 18:3; Juan 3:3; 2 Corinto 5:17; Ezekiel 36:26–27; Hebreo 8:10–12; 1 Pedro 1:23; 2:2.)

7. Si Cristo ay tumatahan sa isang pusong binago, na isinusulat dito ang mga prinsipyo ng kautusan ng Diyos, at inaakay ang mananampalataya na sumunod ng may kasiyahan sa mga tuntunin nito, at nagbibigay ng kapangyarihan upang makasunod ng gayon. (2 Corinto 6:16; Awit 40:8; Hebreo 8:10-12; Juan 14:15; Colosas 1:27; 3:16; Galacia 2:20; Efeso 3:14-21.)

8. Sa Kaniyang pag-akyat sa langit ay sinimulan ni Cristo ang Kaniyang gawain bilang mataas na saserdote sa banal na dako ng makalangit na santuwaryo, ang santuwaryong ito ay ang dakilang orihinal na kung saan ang santuwaryo na itinayo ni Moises ay isang kopya lamang. Gaya ng santuwaryo sa lupa, nagsimula ang isang gawain ng pagsisiyasat na paghuhukom nang pumasok si Cristo sa ikalawang yugto ng Kaniyang gawain, sa kabanal-banalang dako, na naglalarawan sa makalupang paglilingkod sa Araw ng Pagtubos. Ang gawaing ito ng pagsisiyasat na paghuhukom sa makalangit na santuwaryo ay nagsimula noong Oktubre 22, 1844, sa pagtatapos ng 2300 taon, at malapit nang magwakas sa pagsasara ng palugit na panahong ibinigay sa tao. (Hebreo 4:14; 8:1-2; Levitico 16:2, 29; Hebreo 9:23-24; Daniel 8:14; 9:24-27; Apocalipsis 14:6, 7; 22:11.)

9. Ang ikalawang pagparito ni Cristo ay ang pag-asa ng iglesia, ang rurok ng ebanghelyo, at ang layunin ng plano ng pagtubos, kapag si Jesus ay darating na nang literal, personal, at nakikita, kasama ang lahat ng Kaniyang mga banal na anghel, at halos lahat ng mga propesiyang natutupad na ay nagpapahiwatig na “siya’y malapit na, nasa mga pintuan nga.” (Juan 14:1-3; Tito 2:11-14; Hebreo 9:28; Gawa 1:9-11; Apocalipsis 1:7; Mateo 25:31; Lucas 9:26; 21:25- 33; Mateo 24:14, 36-39, 33, margin.)

10. Ang mga patay na matuwid ay bubuhayin sa ikalawang pagparito ni Cristo. Kasama ng mga matuwid na nabubuhay, sila ay aagawin upang salubungin ang Panginoon sa hangin, at aakyat kasama Niya sa langit, upang doon lumagi ng isang libong mga taon na kilala bilang milenyo. (Apocalipsis 1:7; Juan 5:25, 28-29; Oseas 13:14; 1 Corinto 15:51-55; 1 Tesalonica 4:13-18; Juan 11:24-25; 14:1- 3; Apocalipsis 20:4-6; Isaias 25:8-9.)

11. Ang masasamang nabubuhay sa panahon ng ikalawang pagparito ni Cristo ay mamamatay sa pamamagitan ng ningning ng Kaniyang kaluwalhatian. Ang mga ito, kasama ng masasamang namatay sa lahat ng panahon, ay maghihintay sa ikalawang pagkabuhay na mag-uli, sa pagtatapos ng isang libong mga taon. (2 Tesalonica1:7-10; 2:8; Judas 14-15; Apocalipsis 20:5, 12, 15; Juan 5:28-29; Gawa 24:15; Isaias 24:21-22.)

12. Sa pagtatapos ng isang libong mga taon, ang mga sumusunod na pangyayari ay magaganap: #1 Si Cristo at ang mga matuwid ay bababa mula sa langit, kasama ang Banal na Lungsod, ang Bagong Jerusalem (Apocalipsis 21:2, 10); #2 ang mga patay na masama ay bubuhaying muli para sa huling paghatol (Apocalipsis 20:11, 12); #3 tatanggapin ng masasama ang huling kabayaran ng kasalanan kapag ang apoy ay bumaba na galing sa Diyos mula sa langit upang sunugin sila (Apocalipsis 20:7-10, 14-15); at #4 ang apoy na ito, na sisira sa mga gawa ng kasalanan, ay ang magpapadalisay o maglilinis sa lupa (2 Pedro 3:10-14; Malakias 4:1, 3; Apocalipsis 20:4, 8.)

13. Ang lupa, na nilinis ng apoy at binago ng kapangyarihan ng Diyos, ay ang magiging walang hanggang tahanan ng mga tinubos. (2 Pedro 3:9-13; Isaias 65:17-25; 35:1-10; 45:18; Mateo 5:5; Malakias 4:1-3; Kawikaan 11:31.)

14. Ang ikapitong araw ng sanlinggo ay ang walang hanggang tanda ng kapangyarihan ni Cristo bilang Manlalalang at Manunubos, at samakatuwid ay ang araw ng Panginoon, o ang Kristiyanong Sabbath, na bumubuo sa tatak ng buhay na Diyos. Dapat itong ipangilin mula sa paglubog ng araw ng Biyernes hanggang sa muling paglubog ng araw ng Sabado. (Genesis 2:1-3; Exodo 16:23-31; 20:8-11; Juan 1:1-3, 14; Ezekiel 20:12, 20; Marcos 1:21-32; 2:27 -28; Isaias 58:13; Lucas 4:16; 23:54-56; 24:1; Gawa 17:2; Hebreo 4:9-11; Isa. 66:22-23; Levitico 23:32.)

15. Ang ikapu ay banal sa Panginoon, at ito ay ang pamamaraan Niya upang tustusan ang Kaniyang gawain. Ang mga kusang handog ay bahagi rin ng plano ng Diyos para tustusan ang Kaniyang gawain sa buong sanlibutan. Ang mga ikapu at mga handog ay dapat dalhin sa kamalig ng Diyos (gawain ng Diyos), kung saan ang pagkain sa kapanahunan o ang kasalukuyang katotohanan ay ipinapangaral. (Levitico 27:30-32; Malakias 3:8-12; Bilang 18:20-28; Deuteronomio 14:23; Mateo 23:23; Kawikaan 3:9, 10; 1 Corinto 9: 13-14; 2 Corinto 9:6-7; Awit 96:8.)

16. Ang imortalidad o ang kawalang kamatayan ay dumarating lamang sa pamamagitan ng ebanghelyo, at ipinagkaloob bilang kaloob mula sa Diyos sa ikalawang pagparito ni Cristo. (1 Corinto 15:21-22, 51-55; Awit 146:3-4; Eclesiastes. 9:5-6, 10; 1 Timoteo 6:15-16; 2 Timoteo 1:10; 1 Juan 5:11-12.)

17. Ang kalagayan ng tao pagka siya ay namatay ay isang kawalan ng malay. Lahat ng tao, mabuti man o masama, ay mananatili sa libingan mula sa panahon ng kamatayan hanggang sa pagkabuhay na maguli. (Eclesiastes 9:5-6; Awit 115:17; 146:3-4; Job 14:10-12, 21-22; 17:13; Juan 11:11-14; 1 Tesalonica 4:13; Juan 5:28-29.)

18. Ang Kristiyano ay tinawag sa pagpapakabanal o kabanalan, at ang kaniyang buhay ay dapat na kakitaan ng pagiging maingat sa pag-uugali, may kahinhinan at pagiging simple sa pananamit. (1 Tesalonica 3:13; 4:3, 7; 5:23; 1 Pedro 2:21; 3:15, 3-5; Isaias 3:16-24; 1 Corinto 10:31; 1 Timoteo 2:9, 10.)

19. Nararapat kilalanin ng isang Kristiyano ang kaniyang katawan bilang templo ng Banal na Espiritu. Samakatuwid, dapat niyang parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng pangangalaga sa kaniyang katawan; gaya ng pag-iwas sa mga bagay na tulad ng mga inuming nakalalasing, tabako sa lahat ng anyo nito, at lahat ng maruruming pagkain; pagsunod sa walong mga batas ng kalusugan at paggamit ng mga natural na pamamaraan hangga’t maaari. (1 Corinto 3:16-17; 6:19-20; 9:25; 10:31; 2 Corinto 6:16-18; 7:1; Galacia 5:17-21; 6:7-8; 1 Pedro 2:9–12; 1 Cor. 10:1–11; Roma 12:1–2; Levitico 11:1–8.)

20.  Ang iglesia ay hindi dapat iwanang walang kaloob, at ang pagkakaroon ng kaloob ng espiritu ng propesiya ay isa sa mga palatandaan ng nalabing iglesia. (1 Corinto 1:5-7; 12:1-28; Amos 3:7; Oseas 12:10, 13; Isaias 8:20; Apocalipsis 12:17; 19:10.) Kinikilala ng mga kaanib sa nalabing iglesia ng Diyos na ang kaloob na ito ay makikita sa buhay at gawain ni Ellen G. White.

21. Ang mga kaanib ng iglesia ni Cristo ay nasa ilalim ng banal na tungkulin na magpasakop sa isa’t isa, matapat na tangkilikin ito, makibahagi sa pagpapanatili nito, at pinapayuhan na huwag pabayaan ang pagtitipon sa kanilang mga sarili kasama ng iba pang mga katulad na mananampalataya. (Mateo 16:16-18; Efeso. 1:10-23; 2:19-22; 1 Corinto 14:33, 40; Tito 1:5-9; Mateo 18:15-18; 1 Corinto 12:12-28; 16:1-3; Hebreo 10:25; Gawa 4:32-35; 6:1-7.)

22. Ang bautismo sa pamamagitan ng paglulubog ay sumisimbolo sa kamatayan, paglilibing, at muling pagkabuhay ni Cristo, at hayagang pagpapakita ng pananampalataya sa Kaniyang nagliligtas na biyaya, ang pagtalikod sa kasalanan at sa sanlibutan, at kinikilala bilang isang batayan sa pagpasok at pagiging kaanib sa isang lokal na iglesia. (Mateo 3:13-17; 28:19; Gawa 2:38, 41-47; 8:35-39; 16:32-33; 22:16; Roma 6:1-11; Galacia 3:27; Colosas 3:1-3.)

23. Ang ordinansa ng Banal na Hapunan ay ang paggunita sa kamatayan ng Tagapagligtas, at ang pakikilahok ng mga kaanib ng katawan ay mahalaga sa paglago at pagsasama-samang Kristiyano. Ito ay dapat pangunahan ng ordinansa ng paghuhugasan ng paa bilang paghahanda para sa taimtim na gawaing ito.  (Mateo 26:26-29; 1 Corinto 11:23-30; Juan 6:48-56; 13:1-17.)

24. Ang buhay Kristiyano ay nararapat na humiwalay sa lahat ng mga makasanlibutang gawain na may posibilidad na puksain at sirain ang buhay espirituwal. Kabilang sa mga halimbawa nito ay ang mga bagay tulad ng mga pelikula, videos, at DVDs na nagpapakita ng makasalanang mga gawa o pananalita, sekular na musika, sayawan, mga laro, atbp. (2 Corinto 6:15-18; 1 Juan 2:15-17; Santiago 4:4; 2 Timoteo 2:19-22; Efeso 5:8-11; Colosas 3:5-10.)

25. Ang Diyos ay nagsasalita sa atin sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kaniyang mga banal na Salita, na nagbibigay ng bagong liwanag at kalakasan; at sa pamamagitan ng panalangin ang kaluluwa ay nakikipag-isa sa Diyos. Ito ang mga itinalagang paraan ng langit upang makamit ang tagumpay sa pakikipaglaban sa kasalanan at sa pagpapaunlad ng katangiang Kristiyano. (Awit 19:7-8; 119:130; Juan 6:63; 17:17; 1 Pedro 2:2; 1 Tesalonica 5:17; Lucas 18:1; Awit 55:17; Isaias 50:4.)

26. Ang bawat kaanib ng iglesia ay nasa ilalim ng banal na utos ni Jesus na gamitin ang kanilang mga talento na ipinagkaloob ng Diyos sa pangpersonal na paggawa para sa pagliligtas ng mga kaluluwa at upang makatulong sa pagbibigay ng ebanghelyo sa buong sanlibutan. Kapag ang gawaing ito ay natapos na, kung magkagayon ay darating na si Jesus. (Mateo 25:14-29; 28:18-20; Apocalipsis 22:17; Isaias 43:10-12; 2 Corinto 5:17-20; Roma 10:13-15; Mateo 24:14.)

27. Alinsunod sa pantay na pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan, sila ay binibigyang babala sa mga darating na pangyayari na lubos na makakaapekto sa kanilang kahihinatnan, nagpadala Siya ng panawagan patungkol sa nalalapit na pagparito ni Cristo. Ang pabalitang ito ng paghahanda ay kumakatawan sa pabalita ng tatlong mga anghel sa Apocalipsis 14:6-12, at ito ay nagkaroon ng katuparan sa isang malaking kilusang kilala ngayon sa tawag na Great Second Advent Movement. At ang naging bunga nito ay ang nalabing iglesia ng Diyos na tumutupad sa mga utos Niya at may pananampalataya ni Jesus. (Amos 3:7; Mateo 24:29-34; Apocalipsis 14:6-10; Zefanias 3:13; Micas 4:7-8; Apocalipsis 14:12; Isaias 26:2; Apocalipsis 22:14.)