ANG WALANG HANGGANG KAUTUSAN NG DIYOS

Upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa isang lipunan, kinakailangan na may batas na umiiral upang gumabay sa mga mamamayan. Sapagkat kung wala ito, tiyak na magiging magulo at ang karahasan ay magiging isang pangkaraniwang bagay na lamang. Ang kautusan ang magsisilbing pinaka-rule of conduct para sa lahat at ito ang mag-iingat sa bawat isa sa loob ng pamayanan, sa iyong sariling buhay at gayun din sa mga taong nasa paligid mo.

Dahil ang Diyos ay Diyos ng kaayusan at ng kapayapaan, sa Kaniyang gobyerno ay may umiiral na kautusan. Sinulat ni David, “Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan, at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.” Awit 103:19. Bawat isa sa atin na Kaniyang nilikha ay saklaw ng Kaniyang kaharian kung kaya tayo ay may kautusan na nararapat ding sundin at lakaran! Sa Kaniyang kaharian, “Ang katuwiran at katarungan ang mga saligan…” Awit 89:14. Kung kaya, “lahat ng mga utos mo ay matuwid.” Awit 119:172.

Katuwiran – ito ang katangian na naglalarawan sa kaharian at sa kautusan ng Diyos! Sinasabi rin ng Biblia na, “Ang Panginoon ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya, at mabait sa lahat niyang mga gawa.” Awit 145:17. Kung anong likas ng Diyos ay siya ring likas ng Kaniyang gobyerno at ng Kaniyang kautusan!

Ang ating unang mga magulang, si Adan at si Eva, ay namuhay ng may kaayusan at kapayapaan sa halamanan ng Eden, ang katuwiran ng Diyos ang kanilang nilakaran at ito ang nagdulot sa kanila ng kasiyahan. Subalit nagwakas ang lahat ng ito ng pumasok ang kasalanan. Sinasabi sa atin ng Biblia na “ang kasalanan ay ang paglabag sa kautusan.” 1 Juan 3:4. Kung kaya, “…sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.” Roma 3:20. At dahil sa kanilang paglabag, pumasok naman ang kamayatan sapagkat ito ang “kabayaran ng kasalanan” ayon sa Roma 6:23.

Kautusan – Kasalanan – Kamatayan

Gayun pa man, ang kautusan ding ito ang siyang kasangkapan upang tayo ay maibalik sa Diyos! “Ang kautusan ay siyang naging tagapagturo natin upang ihatid tayo kay Cristo…” Galacia 3:24. Gaya sa isang salamin na ipinapakita sa atin ang anumang dumi sa ating mukha, ipinapakita at ipinapakilala rin sa atin ng kautusan na tayo ay makasalanan at tayo ay nangangailangan ng Tagapagligtas, ituturo nito tayo palapit sa ating Panginoong Jesus!

Ang kautusan, maging ang pagsunod dito ay hindi makapagliligtas, malinaw ang salita ng Diyos na “…sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing-ganap sa paningin niya.” Roma 3:20. Ang kaligtasan ay tanging sa biyaya lamang ng Diyos at ito ay ating tatanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya, hiwalay sa anumang gawa ng kautusan. Malinaw na itinuturo ng Biblia ang katotohanang ito, “Sapagkat sa biyaya kayo’y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito’y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki.” Efeso 2:8,9.

“Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan nang siya’y maging sumpa para sa atin…” Galacia 3:13. Ang kautusan ay may dalang sumpa sa sinumang lumalabag dito, ito ay ang kamatayan na siyang kabayaran ng kasalanan, subalit sa pamamagitan naman ng pananampalataya kay Cristo, mayroon tayong buhay na walang hanggan. Roma 6:23. Kaya nga sinasabi sa atin ng Biblia na, “wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya.” Roma 6:14.

At dahil sa katubusang ating tinanggap na mula sa ating Panginoong Jesus noong tayo ay sumampalataya sa Kaniya, ang tanong ngayon ay, “Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.” Roma 3:31. Ang kautusan at biyaya ay hindi nararapat tingnan na magkasalungat, bagkus ang mga ito ay palagiang magkasama at hindi mapaghihiwalay. Kung paanong tayo ay iniligtas sa pamamagitan ng biyaya, ang biyaya ring ito ang magbibigay sa atin ng kapangyarihan na sumunod sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng tulong ng Banal na Espiritu!

Nangako ang Diyos na “Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso.” Jeremias 31:33. At kapag ito ay nakasulat na sa ating mga puso, ang pagsunod sa Diyos ay isa ng kasiyahan. Ang kautusan ay hindi na magiging isang sumpa bagkus ito ay isa ng pagpapala. Wika ni David, “Kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko; ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.” Awit 40:8.

Ang pagsunod sa kautusan ay ang ating tugon sa pag-ibig ni Cristo. Kaya nga ang wika Niya, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.” Juan 14:15. Ang pag-ibig ay ipinapakita hindi sa salita lamang kundi sa gawa. “Sapagka’t ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.” 1 Juan 5:3. Tanging ang pag-ibig ang dapat na magtulak sa atin upang sumunod, hindi ang takot na mapahamak sa kahatulan o kaya naman ay ang pagnanasa na magtamo ng gantimpala sa kalangitan.

Kung paanong mananatili ang kaharian ng Diyos, gayun din mananatili ang Kaniyang kautusan, ito ay pang-walang hanggan sapagkat ang Diyos ay walang hanggan! Nang si Cristo ay naparito sa sanlibutan, malinaw na Kaniyang itinuro ang katotohanang ito, ang wika Niya, “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta; pumarito ako hindi upang sirain, kundi upang tuparin ang mga ito. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, hanggang sa mawala ang langit at lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa matupad ang lahat ng mga bagay.” Mateo 5:17,18. Ang ating Panginoong Jesus, sa Kaniyang anyo bilang isang tao, ay nag-iwan sa atin ng halimbawa sa pagsunod, ipinakita Niya na ito ay posible sa pamamagitan ng biyaya at kalakasan na Kaniyang ibinibigay! Kung kaya’t “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin.” Filipos 4:13.

Isinulat ni Haring Salomon, “Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao.” Ecclesiastes 12:13. Tayo ay nilikha at tinubos upang bigyan ng kaluguran ang Diyos na nagbigay ng lahat para sa atin, maging ang Kaniyang bugtong na Anak, hindi ba nararapat lamang na ibigay din natin ang ating buong puso sa Kaniya at may pagtatalagang sumunod sa Kaniyang kalooban na nakapaloob sa Kaniyang kautusan? Mapalad tayo kung tayo ay magiging masunurin Niyang mga anak! “…ngunit mapalad ang sumusunod sa kautusan.” Kawikaan 29:18. Sapagkat tanging yaon lamang masunurin ang “magkakaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan.” Apocalipsis 22:14.

Kaibigan, kinilala mo na ba ang iyong obligasyon sa gobyerno ng Diyos, ang pagsunod sa Kaniyang kautusan? Tinanggap mo na ba si Jesus bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas? Tinanggap mo na ba ang biyaya Niya na magbibigay sa iyo ng kapangyarihan upang sumunod?

Ang Sampung Utos (Exodo 20:1-17)

Pag-ibig sa Diyos

  1. Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap ko.
  2. Huwag kang gagawa para sa iyong sarili ng inukit na larawan o ng anumang kawangis ng anumang nasa langit sa itaas, o ng nasa lupa sa ibaba, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa.
  3. Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan.
  4. 4. Alalahanin mo ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal.

Pag-ibig sa Kapuwa

  • Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, upang ang iyong mga araw ay humaba sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
  • Huwag kang papatay.
  • Huwag kang mangangalunya.
  • Huwag kang magnanakaw.
  • Huwag kang magiging sinungaling na saksi laban sa iyong kapwa.
  • Huwag mong iimbutin ang bahay ng iyong kapwa; huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapwa, o ang kanyang aliping lalaki o ang kanyang aliping babae, o ang kanyang baka, o ang kanyang asno, o ang anumang bagay ng iyong kapwa.”

Sinabi ni Jesus:

“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo…Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” Mateo 22:37,39.