“Ako’y malapit nang dumating at dala ko ang aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa.”
Apocalipsis 22:12
Maraming tao sa ngayon ang punong-puno ng takot at pangamba dahil sa mga nakikita nating kaganapan sa ating kapaligiran – mga sakuna, malalakas na lindol, mga digmaan, pagkalat ng mga nakamamatay na sakit, pagbaba ng ekonomiya, mga krimen at iba pang di mailarawang mga pangyayari na nagaganap sa iba’t – ibang dako ng sanlibutan. Maaring ikaw mismo ay nagtatanong, “May katiyakan pa ba para bukas?” o kaya nama’y, “Malapit na nga ba ang katapusan?” Kaibigan, ang mga ito ay ilan lamang sa mga tandang ibinigay ng ating Panginoong Jesus patungkol sa nalalapit Niyang pagparito at sa katapusan ng sanlibutan! Mababasa mo ang kabuuan nito sa Mateo 24.
Dahil dito, sinabi ng ating Panginoong Jesus, “Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin naman kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sasabihin ko ba sa inyo na ako’y paparoon upang ihanda ko ang lugar para sa inyo? At kung ako’y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo, ako’y babalik at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon.” Juan 14:1-3. Ito ang matamis Niyang pangako na pinanghawakan ng maraming mga Kristiyano noon pa man at ito pa rin ang “…mapalad na pag-asa…” (Tito 2:13) na patuloy na hinahawakan ng mga mananampalataya ngayon. Kaibigan, ito rin ba ang iyong tanging pag-asa? Oo, muli Siyang paparito upang kunin tayo at mapasa-Kaniya ng piling magpakailanpaman na kung saan, ang wika ni David, “…sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan; sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.” Awit 16:11.
Gaano man kaganda ang balitang ito, karamihan ng mga tao sa sanlibutan ay nagsasawalang bahala bagamat nakikita na natin ang mga tanda. Sinasabi sa atin ng Biblia na bago ang ikalawang pagparito, ang mga tao ay maihahalintulad sa panahon ni Noe bago ang baha, “Kung paano sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao. Sapagkat kung paano sa mga araw na iyon bago bumaha, sila’y kumakain at umiinom, at nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko, at hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat, ay gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.” Mateo 24:37-39. Nakalulungkot isipin na sa pagparito ng ating Panginoong Jesus, marami ang masusumpungang hindi handa at sila ay tunay na mapapahamak sapagkat kanilang binaliwala ang Kaniyang paanyaya upang magsisi at tumanggap ng buhay na walang hanggan!
Sa Kaniyang pagparito tatanggapin ng bawat isa ang kaniyang ganti. “Sapagkat darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa.” Mateo 16: 27. Ang ganting ating tatanggapin ay nakasalalay sa kung paano tayo nabubuhay ngayon! Kaibigan, naghahanda ka na ba? Ang buhay na ito ang tanging panahon para maghanda, wala ng ikalawang pagkakataon pagkatapos nito. Sapagkat di natin alam ang tumpak na oras ng Kaniyang pagparito, nararapat lamang na tayo ay maging handa bawat saglit ng ating buhay. “Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak kundi ang Ama lamang. Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw[a] darating ang inyong Panginoon.” Mateo 24:36,42.
Ilang mahahalagang punto na dapat nating tandaan.
Una, ang Kaniyang pagparito ay isang literal na pangyayari, kung paanong literal Siyang umakyat sa langit, literal at personal muli Siyang darating. “…Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta niya sa langit.” Gawa 1:11. Pangalawa, Siya’y makikita ng lahat, malinaw na sinasabi ng Biblia, “Tingnan ninyo, siya’y dumarating na nasa mga ulap; at makikita siya ng bawat mata…” Apocalipsis 1:7. Hindi lihim ang Kaniyang pagparito, at hindi rin iilan lamang ang makakakita sa Kaniya! Pangatlo, maririnig natin ito, “Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna.” 1 Tesalonica 4:16. Ito ay magiging isang maingay na pagdating. Pang-apat, maluwalhti Siyang darating, “Kapag dumating na ang Anak ng Tao na nasa kanyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, siya’y uupo sa trono ng kanyang kaluwalhatian.” Mateo 25:31. At ikalima, darating Siya sa panahong hindi natin inaasahan kagaya ng nabanggit na sa itaas. Inihahalintulad ng Biblia ang Kaniyang pagparito gaya sa isang magnanakaw. “Sapagkat kayo rin ang lubos na nakakaalam na ang araw ng Panginoon ay darating na gaya ng magnanakaw sa gabi.” 1 Tesalonica 5:2.
Sa Kaniyang pagparito ay magaganap din ang ilang mahahalagang pangyayari na tiyak at lubos nating kinasasabikan. “Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna. Pagkatapos, tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman.” 1 Tesalonica 4:16, 17. Tanging sa pagparito pa lamang ni Cristo mabubuhay ang mga namatay na matuwid, at sa pagbangon nila mula sa kanilang mga libingan, tataglayin na nila ang isang katawang wala ng kasiraan. “Sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta, sapagkat ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira at tayo’y babaguhin.” 1 Corinto 15:52. At ang maaabutan namang matuwid sa Kaniyang pagparito ay aagawing kasama ng mga binuhay muli sa mga ulap upang salubungin ang Panginoon at sila ay dadalhin sa langit katulad ng nabasa na natin sa Juan 14:1-3. Ano namang mangyayari sa masasamang buhay pagparito Niya? “Ang mga ito’y tatanggap ng kaparusahang walang hanggang pagkapuksa at palalayasin sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kanyang kalakasan.” 2 Tesalonica 1:9. Sila ay mamamatay dahil sa kaluwalhatian ng Panginoon!
Tunay ngang kapanapanabik ang mga pangyayaring magaganap sa pagparito ng ating Panginoong Jesus. Subalit gaya ng sinabi Niya, tanging yaon lamang, “…may malinis na puso” ang makakakita sa Kaniya (Mateo 5:8). Kaibigan, isa ka ba doon sa mga tatawagin Niyang “mapalad”? Naghahanda ka na ba para sumalubong sa Kaniya? Tinanggap mo na ba Siya bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas? Masumpungan ka kayang nararapat sa buhay na walang hanggan?
Dalawang grupo lamang ng mga tao ang daratnan Niya, yaong mga ligtas at yaong mga mapapahamak. Sasabihin ng mga ligtas sa araw na iyon, “Ito’y ating Diyos; hinintay natin siya at ililigtas niya tayo. Ito ang Panginoon; ating hinintay siya, tayo’y matuwa at magalak sa kanyang pagliligtas.” Isaias 25:9. Subalit malungkot na tatangis naman ang mga mapapahamak, “Ang pag-aani ay nakaraan, ang tag-init ay tapos na, at tayo’y hindi ligtas.” Jeremias 8:20. Kaibigan, saan ka kayang grupo mapapabilang?