KABANATA 1:

Ang kalikasan at ang banal na pahayag ay kapwa nagpapatotoo sa pag-ibig ng Diyos. Ang Ama nating nasa langit ang siyang pinanggagalingan ng buhay, ng karunungan, at ng kaligayahan. Masdan ninyo ang kahangahanga at mainam na bagay ng kalikasan. Isip-isipin ninyo ang kagilagilalas na pagkakaangkop ng mga iyan sa mga pangangailangan at katuwaan, hindi lamang ng tao, kundi ng lahat ng nilalang na may buhay. Ang sinag ng araw at ang ulan, na nagpapagalak at nagpapaginhawa sa lupa, ang mga burol, dagat at kapatagan, ay pawang nagsasalita sa atin ng pag-ibig ng Lumalang. Ang Diyos ang nagbibigay ng mga kailangan ng lahat Niyang nilalang sa araw-araw. Narito ang mainam na pangungusap ng mang-aawit: 

“Ang mga mata ng lahat ay nangaghihintay sa Iyo;
At Iyong ibinibigay sa kanila ang kanilang pagkain sa ukol na panahon.
Iyong binubuksan ang Iyong kamay;
at sinasapatan Mo ang nasa ng bawa’t bagay na may buhay.” 
Awit 145:15,16. 

Ginawa ng Diyos ang tao na sakdal sa kabanalan at kasayahan; at ang magandang lupa, na mula sa kamay ng Lumalang, ay walang bakas ng kasiraan o anino man ng sumpa. Ang pagsalansang sa kautusan ng Diyos—sa kautusan ng pag-ibig—ay siyang nagdala ng hinagpis at kamatayan. Gayon man, sa gitna ng kahirapang ibinunga ng kasalanan, ang pag-ibig ng Diyos ay naihahayag pa rin. Nasusulat na sinumpa ng Diyos ang lupa sa kapakanan ng tao. Genesis 2:17. Ang tinik at ang dawag—mga kahirapan at mga pagsubok na siyang sanhi ng pagsusumakit at pag-aalaala sa buhay—ay itinalaga sa kanyang ikabubuti, bilang isang bahagi ng pagsasanay na kailangan sa panukala ng Diyos upang maiangat siya mula sa kasiraan at pagkaaba na ginawa ng kasalanan. Ang sanlibutan, nahulog man sa pagkakasala, ay hindi naman panay kalungkutan at kahirapan ang narito. Sa kalikasan mismo ay may mga pabalita ng pag-asa at aliw. May mga bulaklak sa mga dawag, at ang mga tinik ay nangatatakpan ng mga rosas. 

“Ang Diyos ay Pag-ibig” 1 Juan 4:8 ay nasusulat sa bawat bulaklak na namumukadkad, at sa bawat usbong ng damong sumisibol. Ang mga ibong kaibig-ibig na nagpapasaya sa himpapawid ng kanilang awit; ang may magagandang kulay na bulaklak na nagpapabango sa simoy ng hangin; ang matataas na punong-kahoy sa gubat na may luntiang mga dahon—lahat ay nagpapatoo ng pagmamahal at maka-amang pagkakalinga ng Diyos at sa Kanyang pagnanais na maging maligaya ang Kanyang mga anak. 

Ang salita ng Diyos ay inihahayag ang Kanyang likas. Siya na rin ang nagpahayag ng Kanyang hindi masukat na pag-ibig at habag. Noong idalangin ni Moises: “Ipakita Mo sa akin ang Iyong kaluwalhatian,” ay tumugon ang Panginoon: “Aking papangyayarihin ang Aking buong kabutihan sa harap mo.” Exodo 33:18, 19. Ito ang Kanyang kaluwalhatian. Ang Panginoon ay nagdaan sa harapan ni Moises, at nagpahayag: “Ang Panginoon, ang Panginoong Diyos na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan; na gumagamit ng kaawaan sa libu-libo, na nagpapatawad ng kasamaan, at ng pagsalansang.” Exodo 34:6, 7. Siya’y “banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob,” sapagka’t “Siya’y nalulugod sa kahabagan.” Jonas 4:2; Mikas 7:18

TAYO’Y NATATALI SA KANYA

Itinali ng Diyos ang ating mga puso sa Kanya sa pamamagitan ng di-mabilang na mga tanda ng Kanyang pag-ibig sa langit at sa lupa. Sa pamamagitan ng mga bagay ng kalikasan, at ng pinakamalalim at pinakamahalagang mga relasyon dito sa lupa na maaaring malaman ng puso ng mga tao ay sinikap Niyang ipakilala ang Kanyang sarili sa atin. Subali’t ang mga ito’y di-ganap na naglalarawan ng Kanyang pag-ibig. Bagaman naibigay na ang lahat ng katunayang ito, ay binulag ng kaaway ng kabutihan ay binulag ang mga pag-iisip ng mga tao, na anupa’t kinatakutan nila ang Diyos; ipinalagay na Siya’y mabagsik at hindi nagpapatawad. Dinala ni Satanas ang mga tao sa paniniwala na ang pangunang likas ng Diyos ay kabagsikan,—isang matigas na hukom, marahas at mahigpit na maniningil. Inilarawan niya ang Manglalalang na isang Diyos na laging nagbabantay ng mga kamalian at pagkukulang ng mga tao, upang lapatan Niya sila ng mga hatol. Kaya nga, upang maalis ang madilim na aninong ito, sa pamamagitan ng pagpapakita sa sanlibutan ng nag-uumapaw na pagibig ng Diyos, ay naparito si Jesus upang tumahan sa gitna ng mga tao. 

UPANG IPAKILALA ANG AMA

Bumaba ang Anak ng Diyos mula sa langit upang ipakilala ang Ama. “Walang taong nakakita kailan man sa Diyos; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, siya ang nagpakilala.” Juan 1:18. “Sino may hindi nakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.” Mateo 11:27. Nang hilingin ng isa sa mga alagad na: “Ipakita Mo sa amin ang Ama, ay tumugon si Jesus: “Malaon nang panahong ako’y inyong nakakasama, at hindi mo Ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama, bakit sinasabi mo: Ipakita Mo sa amin ang Ama?” Juan 14:8, 9

Nang ilarawan Niya ang Kanyang misyon sa lupa, ay sinabi ni Jesus: Ang Panginoon ay “pinahiran Ako upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha; Ako’y sinugo Niya upang pagalingin ang wasak na puso, at ipangaral sa mga bihag ang pagkaligtas, at sa mga bulag ang pagkakita, upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi.” Lukas 4:18. Ito ang Kanyang gawain. Siya’y naglibot na gumagawa ng mabuti, at pinagagaling ang lahat ng pinahihirapan ni Satanas. May mga nayong hindi nagkaroon sa isa mang bahay ng daing ng maysakit; sapagka’t nagdaan Siya roon at pinagaling Niya ang lahat ng may karamdaman. Ang Kanyang gawa ay nagpatunay na Siya’y pinahiran ng langis ng Diyos. Ang pag-ibig, habag, at pakikiramay ay nangahayag sa lahat Niyang ginawa; ang Kanyang puso ay may awang nakikiramay sa mga anak ng mga tao. Ibinihis Niya ang likas ng tao, upang maabot Niya ang mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ang pinakadukha at pinakamababa ay hindi nangilag na lumapit sa Kanya. Kahit na mga maliliit na bata ay naganyak na lumapit sa Kanya. Natutuwa silang sumampa sa Kanyang mga tuhod, at tumitig sa Kanyang mapag-isip na mukha, na nagliliwanag sa pag-ibig. 

PAANO NAGSALITA SI JESUS?

Hindi pinigil ni Jesus kahi’t isang salita ng katotohanan, bagkus lagi Niyang binibigkas ito sa pag-ibig. Siya ay nagpamalas ng paggalang at katalinuhan, maingat na atensyon sa Kanyang pakikipag-usap sa mga tao. Kailan man ay hindi Siya magaspang magsalita; hindi gumagamit ng marahas na pananalita, hindi nakakasakit ng damdamin sa isang mararamdaming kaluluwa. Hindi Niya pinagwikaan ang kahinaan ng tao. Nagsabi Siya ng katotohanan, nguni’t laging nabibilot ng pag-ibig. Hinamak Niya ang pagpapaimbabaw, kawalan ng pananampalataya, at kasamaan; datapuwa’t may luha ang Kanyang tinig sa pagbigkas Niya ng matatalas na pagsansala. Tinangisan Niya ang Jerusalem, ang bayan Niyang minamahal, na ayaw tumanggap sa Kanya, na siyang Daan, Katotohanan at Buhay. Kanilang tinanggihan Siya na Tagapagligtas, datapuwa’t pinagpakitaan Niya sila ng malumanay na kaawaan. Ang Kanyang buhay ay isang buhay na tumatanggi sa sarili, at pagkalingang umaalala sa ibang mga tao. Bawa’t kaluluwa’y mahalaga sa Kanyang paningin. Bagaman laging sumasa Kanya ang banal na karangalan, Siya’y yumukod na may malumanay na pag-ibig sa bawa’t kaanib ng sambahayan ng Diyos. Nakita Niya na ang lahat ng tao ay mga kaluluwang waglit, at gawain Niya ang sila’y iligtas. 

Iyan ang karakter ni Cristo na inihayag ng Kanyang buhay. Ito ang karakter ng Diyos. Mula sa puso ng Ama ay bumukal ang mga daloy ng banal na pagmamahal, na nahayag kay Cristo, at umagos sa mga anak ng mga tao. Si Jesus, ang mahabaging Tagapagligtas, ay Diyos na “nahayag sa laman.” 1 Timoteo 3:16. 

Upang tayo’y matubos, Si Jesus ay nabuhay, nagbata at namatay. Siya’y naging isang “Tao sa Kapanglawan,” upang makabahagi tayo sa walang-hanggang kaligayahan. Pinahintulutan ng Diyos na ang Kanyang sinisintang Anak, puspos ng biyaya at katotohanan, buhat sa isang sanlibutang hindi mailarawan ang kaluwalhatian, ay pumarito sa isang sanlibutang sinira ng kasalanan, at pinadilim ng kamatayan at ng sumpa. Pinahintulutan Niyang iwan ang sinapupunan ng Kanyang pag-ibig, ang pagsamba ng mga anghel, upang magbata ng kahihiyan, tuya, paghamak, poot, at kamatayan. “Ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa Kanya; at sa pamamagitn ng Kanyang mga latay ay nagsigaling tayo.” Isaias 53:5. Masdan mo Siya sa ilang, sa Getsemani, sa krus! Pinasan ng walang dungis na Anak ng Diyos ang bigat ng kasalanan. Siyang nakasama ng Ama ay nakaramdam sa Kanyang kaluluwa ng kakila-kilabot na pagkakahiwalay ng Diyos at ng tao, dahil sa gawa ng kasalanan. Ito ang naging dahilan kung kaya namutawi sa Kanyang mga labi ang kalungkut-lungkol na panambitan: “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?” Mateo 27:46. Ang bigat ng kasalanan, ang pagkadama sa nakapangingilabot na kalakihan nito, at ang paghihiwalay na ginawa sa tao at sa Diyos—ito ang nagwasak sa puso ng Anak ng Diyos. 

INIIBIG DIN TAYO NG AMA

Datapuwa’t hindi ginawa ang dakilang sakripisyong ito upang lumikha sa puso ng Ama ng isang pag-ibig sa tao, hindi upang pilitin Siyang magligtas. Hinding-hindi! “Gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak.” Juan 3:16. Iniibig tayo ng Ama, hindi dahil sa malaking pampalubag-loob, kundi naglaan Siya ng pampalubag-loob dahil sa iniibig Niya tayo. Si Cristo ang naging tagapamagitan upang maibuhos ng Ama ang Kanyang nag-uumapaw na pag-ibig sa isang nasawing sanlibutan. “Na kay Cristo ang Diyos na pinakipagkasundo ang sanlibutan sa Kanya rin.” 2 Corinto 5:19. Nagbata ang Diyos na kasama ng Kaniyang Anak. Sa paghihirap sa Getsemani, sa pagkamatay sa Kalbaryo, ang puso ng Walang-hanggang Pag-ibig ay siyang nagbayad ng halaga ng ating katubusan. 

Sinabi ni Jesus: “Dahil dito’y sinisinta Ako ng Ama, sapagka’t ibinibigay Ko ang Aking buhay, upang kunin Kong muli.” Juan 10:17. Sa maliwanag na sabi ay, “Gayon na lamang ang pagsinta sa inyo ng Aking Ama, na anupa’t iniibig Ako ng lalong higit dahil sa ibinigay Ko ang Aking buhay upang kayo’y matubos. Sa Aking pagiging Kahalili at pagiging Tagapanagot ninyo, sa pamamagitan ng pagsuko Ko ng Aking buhay, sa Aking pag-ako sa inyong mga pagkakautang at sa inyong mga pagsalansang, ay naging mahal Ako sa Aking Ama; sapagka’t sa pamamagitan ng Aking pag-aalay, ang Diyos ay nagiging matuwid at taga aring-ganap ng mga sumasampalataya kay Jesus.” 

SI CRISTO LAMANG ANG MAKAPAGLILIGTAS

Walang iba kundi ang Anak ng Diyos lamang ang makatutubos sa atin; sapagka’t Siya lamang na nagmula sa sinapupunan ng Ama ang siyang sa Ama’y makapagpapahayag. Siya lamang na nakakaalam ng taas at lalim ng pag-ibig ng Diyos ang siyang makapagpapakilala nito. Wala, maliban sa walang-hanggang paghahaing ginawa ni Cristo patungkol sa nagkasalang sanlibutan, ang makapagpapahayag ng pag-ibig ng Ama sa nawaglit na mga tao. 

“Gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay ang Kanyang bugtong na Anak.” Siya’y ibinigay ng Ama, hindi lamang upang mabuhay sa gitna ng mga tao, magpasan ng kanilang mga kasalanan, at mamatay na pinaka haing patungkol sa kanila. Siya’y ibinigay sa sangkatauhang nagkasala. Nakiisa si Cristo sa mga pangangailangan at mga kapakanan ng sangkatauhan. Siya na kasama-sama ng Diyos ay nakiugnay sa mga anak ng mga tao, sa pamamagitan ng mga ugnayang hindi malalagot kailan man. Hindi ikinahiya ni Jesus na “sila’y tawaging mga kapatid.” Heb. 2:11. Siya ang ating Hain, ang ating Tagapagtanggol, ang ating Kapatid, na taglay ang ating anyong-tao sa harapan ng luklukan ng Ama, at sa buong panahong walang katapusan ay magiging kaisa ng taong Kanyang tinubos—ang Anak ng tao. At ang lahat ng ito ay upang maiahon ang tao mula sa kasiraan at kaabaang likha ng kasalanan, upang mabakas sa kanya ang pag-ibig ng Diyos, at makabahagi sa ligaya ng kabanalan. 

Ang halagang ibinayad sa pagtubos sa atin, ang walang-hanggang sakripisyo ng ating Ama na nasa langit sa pagbibigay ng Kanyang Anak upang mamatay para sa atin, ay nararapat magdulot sa atin ng mararangal na pagkakilala sa maaaring abutin natin sa pamamagitan ni Cristo. Nang makita ng kinasihang apostol na si Juan, ang taas, lalim, at luwang ng pagibig ng Ama sa napapahamak na sangkatauhan, ay sumamba siyang lubos at gumalang; at palibhasa’y hindi siya makakita ng nararapat na pangungusap upang ipahayag ang kadakilaan at kagandahan ng pag-ibig na ito, ay tinawagan niya ang sanlibutan upang ito’y masdan. “Masdan ninyo kung gaanong pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo’y mangatawag na mga anak ng Diyos.” 1 Juan 3:1. Kaylaki ng pagpapahalaga nito sa tao! Sa pamamagitan ng pagsuway, ang mga anak ng mga tao ay naging mga alipin ni Satanas. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa tumutubos na alay ni Cristo ang mga anak ni Adan ay maaaring maging mga anak ng Diyos. Sa pagkakatawang-tao, ay itinaas ni Cristo ang katauhan. Ang nagkasalang mga tao ay napalagay sa lugar na maaari silang maging karapat-dapat sa pangalang “mga anak ng Diyos,” sa pamamagitan ng pakikiugnay kay Cristo. 

PAG-IBIG NA WALANG KATULAD

Ang ganitong pag-ibig ay walang katulad. Mga anak ng Hari ng langit! Mahalagang pangako! Isipang dapat bulaybulayin ng taimtim! Walang kahambing na pag-ibig ng Diyos sa isang sanlibutang hindi umibig sa Kanya! Ang isipang ito ay may kapangyarihang bumihag sa kaluluwa at umakay sa pag-iisip upang pasakop sa kalooban ng Diyos. Habang lalo’t lalo nating pinag-aaralan ang banal na karakter, sa liwanag ng krus, ay lalo’t lalo nating makikita ang kahabagan, pag-ibig, at pagpapatawad, na nakakalagum ng pagpapantay-pantay at katuwiran, at mas lalo naman nating malinaw na mauunawaan ang di mabilang na mga katunayan ng isang pag-ibig na walang-hanggan at mahabaging kaawaan na hinihigitan pa ang pananabik ng isang ina para sa kanyang suwail na anak.