KABANATA 10

Marami ang paraang ginagamit ng Diyos upang pakilala sa atin at tayo’y maihatid sa pakikipagkaisa sa Kanya. Ang katalagahan ay walang likat na nagsasalita sa ating mga sentido. Sa nakabukas na puso ay makikintal ang pag-ibig at kaluwalhatian ng Diyos na gaya ng nahahayag sa mga ginawa ng Kanyang mga kamay. Mauulinigan at mauunawa ng sinumang nakikinig ang mga pasabi ng Diyos sa pamamagitan ng mga bagay ng katalagahan. Ang mga luntiang kaparangan, ang matataas na punong-kahoy, ang mga buko at bulaklak, ang dumaraang alapaap, ang lumalagpak na ulan, ang lumalagaslas na batis, at ang mga luwalhati ng kalangitan, ay pawang nagsasalita sa ating mga puso, at inaanyayahan tayo, na makipagkilala sa Kanya na gumawa ng lahat ng ito. 

Binuo ng ating Tagapagligtas ang mahalaga Niyang mga aral sa pamamagitan ng mga bagay ng katalagahan. Ang mga punong-kahoy, ang mga ibon, ang mga bulaklak sa libis ng kabundukan, ang mga burol, ang mga dagat-dagatan, at ang magandang langit, at sampu ng mga nangyayari at nakalilibot sa kabuhayan sa araw-araw, ay mga iniugnay Niya sa mga salita ng katotohanan upang malimit na magunita ng mga tao ang Kanyang mga iniaral, maging nasa gitna man sila ng mga pag-aalaala sa araw-araw na pagpapagal. 

Nais ng Diyos na pahalagahan ng Kanyang mga anak ang mga ginawa Niya, at sila’y malugod sa simple at mahinhing kagandahan na ipinalamuti Niya sa ating tahanang lupa. Siya’y maibigin sa maganda, at higit sa lahat ng nasa labas na kagandahan, ay iniibig Niya ang magandang likas; ibig Niyang paunlarin natin sa ating kabuhayan ang kalinisan at kasimplihan, na siyang tahimik na mga kariktan ng mga bulaklak. 

Kung mangakikinig lamang tayo ay mahalagang mga aral ng pagtalima at pagtitiwala ang sa ati’y ituturo ng mga ginawa ng Diyos. Mula sa mga bituin, na sa buong panahon ay nagsisitunton sa itinadhanang daan nila sa kalawakang walang landas, hanggang sa kaliitliitang atomo, ang mga bagay ng kalikasan ay tumatalima sa kalooban ng Maykapal. Inaalagaan at inaalalayan ng Diyos ang lahat ng bagay na nilalang Niya. Siyang umaalalay sa di mabilang na mga sanlibutang nasa buong kalawakan, ay siya rin namang nagkakaloob ng mga kinakailangan ng maliit na maya na masiglang umaawit ng munti niyang awit na walang takot. Pagka nagsisitungo ang mga tao sa kanilang gawain araw-araw, gaya ng pagka sila’y nananalangin; pagka sila’y nahihiga kung gabi, at pagka bumabangon sila sa umaga; pagka ang mayaman ay nagpapasasa sa kanyang palasyo, o pagka tinitipon ng isang maralita ang kanyang mga anak sa palibot ng dulang na dahop sa mga pagkaing kinakailangan—bawa’t isa sa kanila ay magiliw na tinutunghayan ng Ama sa kalangitan. Walang tumutulong luha na di pansin ng Diyos. Walang ngiting hindi Niya tinatandaan. 

WALA NG PAGKABALISA

Kung lubos lamang na sasampalatayanan natin ang bagay na ito, ay mapapawi ang lahat ng hindi marapat na pag-aalaala. Ang ating mga kabuhayan ay hindi mapupuno ng pagkabigo, na gaya ngayon; sapagka’t ang lahat ng bagay, malaki o maliit man, ay malalagay sa mga kamay ng Diyos, na hindi nagugulumihanan dahil sa maraming pag-aalaala, o nanglulumo man dahil sa bigat ng mga ito. Sa gayon ay ating tatamasahin ang isang kapahingahan ng kaluluwa na malaon ng hindi dinaranas ng maraming tao. 

Pagka nalulugod ang inyong mga sentido sa nakagagayumang kagandahan ng lupang ito, ay isip-isipin ninyo ang sanlibutang darating, na hindi makakakilala ng dungis ng kasalanan at kamatayan sa buong panahong walang katapusan; na doo’y ang mukha ng katalagahan ay hindi na magtataglay ng anino ng sumpa. Ilarawan ninyo sa inyong pag-iisip ang tatahanan ng mga maliligtas, at alalahanin ninyong ito’y magiging lalong marilag kay sa mailalarawan ng pinakamatalino ninyong pagkukuro. Sa sari-saring kaloob ng Diyos na nalalagay sa katalagahan ay napakalabong sinag lamang ng Kanyang kaluwalhatian ang nakikita natin. Nasusulat: “Hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anumang mga bagay na inihanda ng Diyos sa nangagsisiibig sa Kanya.” 1 Corinto 2:9. 

Ang makata at ang nag-aaral ng mga bagay ng katalagahan ay may maraming sinasabi tungkol sa kalikasan, subali’t ang Kristiyano ay siyang nagtatamasang lubos sa kagandahan ng lupa, palibhasa’y nakikilala niya ang ginagawa ng kamay ng kanyang Ama, at kan- yang nakikita ang pag-ibig ng Diyos na nasusulat sa bulaklak, sa damo at sa punong-kahoy. Sinuman ay hindi ganap na makakakilala sa kahalagahan ng burol at libis, ng ilog at dagat, kung hindi niya titingnan ang mga iyon na tagapagpahayag ng pag-ibig ng Diyos sa tao. 

PAANO NANGUNGUSAP ANG DIYOS SA ATIN?

Nagsasalita sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng likha ng Kanyang kalooban, at sa pamamagitan ng paggawa ng Kanyang Espiritu sa ating puso. Sa ating sariling mga kalagayan, sa mga pagbabagong nangyayari sa araw-araw sa ating paligid-ligid, ay makasusumpong tayo ng mahalagang mga aral, kung nakalaan lamang ang ating mga puso upang unawain ang mga ito. Sa pagtalunton ng mang-aawit sa mga ginawa ng Diyos ay sinabi Niya: “Ang lupa ay puno ng kagandahang-loob ng Panginoon.” Awit 33:5. “Kung sino man ang pantas ay magbulay sa mga bagay na ito, at kanilang magugunita ang mga kagandahang-loob ng Panginoon.” Awit 107:43. 

Nagsasalita sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang salita. Nasa atin sa salitang ito ang lalong maliliwanag na hanay ng pagkahayag ng Kanyang likas, ang Kanyang pakikitungo sa mga tao, at ang malaking gawain ng pagtubos. Dito’y nalalahad sa harapan natin ang kasaysayan ng mga patiarka at ng mga propeta at iba pang mga banal na tao nang una. Sila’y may “mga pagkataong gaya rin ng atin.” Santiago 5:17. Nakikita natin kung paano sila nangakipaglaban sa panglulupaypay, na gaya ng sa atin, kung paanong sila’y nangahu log sa mga tukso na gaya rin ng nangyayari sa atin, ngu ni’t nagpakasiglang muli at nanaig sila sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos; at sa pagtingin sa kanila ay pinasisigla tayo sa ating pagsusumakit na umabot sa katuwiran. Pagka binabasa natin ang mahahalagang karanasang sa kanila’y ipinagkaloob, ang liwanag at pagibig at pagpapalang kanilang tinamasa, at ang gawain na kanilang ginawa sa pamamagitan ng biyayang sa kanila’y ibinigay, ang diwang sa kanila’y nagpasigla ay nagpapaalab sa atin ng isang apoy ng banal na pagpapakabuti, at isang pagmimithing makatulad nila sa likas: katulad nilang lumakad na kasama ng Diyos.

PAG-ARALAN ANG BANAL NA KASULATAN

Tungkol sa mga kasulatan ng Matandang Tipan, at lalo na ng Bagong Tipan, ay ganito ang sinabi ni Jesus: “Ang mga ito’y siyang nagpapatotoo tungkol sa Akin” (Juan 5:39), ang Manunubos, na gitna ng ating mga pag-asa sa buhay na walang-hanggan. Oo, si Kristo nga ang sinalita ng buong Biblia. Mula sa unang ulat na tungkol sa paglalang—sapagka’t “alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala Siya” (Juan 1:3)—hanggang sa kahuli-hulihang pangako: “Narito, ako’y madaling pumaparito” (Apokalipsis 22:12), ay binabasa natin ang tungkol sa Kanyang mga ginawa, at naririnig natin ang Kanyang tinig. Kung ibig ninyong makilala ang Tagapagligtas, pag-aralan ninyo ang mga Banal na Kasulatan. 

Punuin ninyo ang inyong buong puso ng mga salita ng Diyos. Iyan ang tubig ng buhay na nakapapawi ng matinding uhaw. Iyan ang tinapay ng kabuhayan na buhat sa langit. Sinabi ni Jesus: “Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang Kanyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili.” At ipinaliwanag Niya ang ibig Niyang sabihin, sa pananalitang ito: “Ang mga salitang sinalita Ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay.” Juan 6:53, 63. Binubuo ang ating mga katawan ng ating kinakain at iniinom; at kung ano ang totoo sa kabuhayang ukol sa laman, ay siya rin namang totoo sa kabuhayang ukol sa espiritu; ang ating binubulaybulay ang siyang umaanyo at nagpapalakas sa ating kabuhayang ukol sa espiritu. 

Ang paksang tungkol sa pagtubos ay isang suliraning ninanais na matunghayan ng mga anghel; ito ang pag-aaralan at aawitin ng mga tinubos sa walanghanggang panahon. Hindi baga nararapt na ito’y isipisipin at pag-aralan sa panahon ngayon? Ang walanghanggang awa at pag-ibig ni Jesus, ang hirap at sakit na Kanyang binata ng dahil sa atin, ay humihingi ng pinakamahigpit at pinakamahalagang pagbubulaybulay. Dapat nating isiping palagi ang likas ng sinisinta nating Manunubos at Tagapamagitan. Dapat nating bulaybulayin ang gawain Niya na naparito upang iligtas ang Kanyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan. At pagka binubulaybulay natin ang mga salaysaying makalangit, ay lalong lalakas ang ating pananampalataya at pag-ibig, lalo at lalong magiging karapatdapat sa Diyos ang ating mga panalangin, sapagka’t higit at higit na mararagdagan ng pananampalataya at pag-ibig. Sila’y magiging matalino at masigasig. Magkakaroon ng lalong mapagpatuloy na pagtitiwala kay Jesus at sa araw-araw ay mararanasan ang Kanyang ka- pangyarihang nagliligtas ng lubusan sa lahat ng nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan Niya. 

PAGNINILAY-NILAY KAY CRISTO

Pagka binubulaybulay natin ang mga kaganapan ng Tagapagligtas, ay ating nanaising mangabago tayo ng lubusan, at mawangis sa larawan ng Kanyang kadalisayan. Kagugutuman at kauuhawan ng kaluluwa ang matulad sa Kanya, na ating sinasamba. Kung kailan iniisip si Kristo ng higit at higit ay saka naman lalo at lalong sasalitain natin Siya sa mga iba, at kakatawan tayo sa Kanya sa sanlibutan. 

Ang Biblia ay hindi sinulat para sa pantas lamang, kundi ito ay iniukol sa mga taong karaniwan. Ang mga dakilang katotohanang kinakailangan sa ikaliligtas ay pinakaliwa-liwanag na gaya ng katanghaliang tapat; at walang magkakamali ni maliligaw liban sa mga sumusunod sa kanilang sariling haka sa halip na sa malinaw na nahahayag na kalooban ng Diyos. 

Hindi natin dapat tanggapin ang patotoo nino man tungkol sa kung ano ang itinuturo ng Kasulatan, kundi tayo na rin ang mag-aral ng salita ng Diyos. Kung pababayaan nating iba ang mag-isip para sa atin, ay malulumpo ang ating mga lakas at uurong ang ating mga kakayahan. Ang dakilang mga kapangyarihan ng pagiisip ay manghihina ng malaki dahil sa hindi paggamit sa mga salaysaying marapat pagtimuan ng pag-iisip, na anupa’t mawawala na tuloy ang kanilang kakayahang umunawa sa malalim na kahulugan ng salita ng Diyos. Lalawak ang pag-iisip pagka ginagamit sa pagaaral ng tungkol sa pagkakaugnay ng mga suliranin ng Biblia, na ipinaparis ang talata sa kapuwa tala- ta, at ang mga bagay na ukol sa espiritu sa mga bagay na ukol sa espiritu. 

Wala nang makapagpapalakas na mabuti sa pag-iisip ng tao na sadyang pinanukala na di gaya ng pag-aaral ng Kasulatan. Walang ibang aklat na katulad nito na may angking napakalaking kapangyarihan upang padakilain ang mga isipan, palusugin ang mga pagkukuro, na gaya ng mararangal at malalawak na katotohanang linalaman ng Biblia. Kung ang Salita ng Diyos ay pinag-aaralang gaya ng nararapat gawin, ay magkakaroon ang mga tao ng malawak na kaalaman, marangal na likas, at matibay na adhika, na bihirang makita sa panahong ito. 

Nguni’t sa nagmamadaling pagbasa ng Banal na Kasulatan ay maliit lamang ang pakinabang na natatamo. Maaaring mabasa ng isang tao ang buong Biblia ng tagpusan, at gayon pa man ay hindi niya makita ang kagandahan nito o maunawa kaya ang malalim at natatagong kahulugan. Ang isang talata na pinag-aralan hanggang sa mapag-unawang mabuti ang kahulugan, at mapagkilala ang kaugnayan niyaon sa panukala ng pagliligtas, ay lalong mahalaga kaysa matulin na pagbasa ng maraming pangkat na walang tiyak na layunin at walang malinaw na aral na nakuha. Dalhin ninyong lagi ang inyong Biblia. Pagka nagkaroon kayo ng panahon, basahin ninyo; itanim ninyo sa alaala ang mga talata. Kahi’t na kayo’y naglalakad sa mga lansangan, ay maaaring makabasa kayo ng isang talata at mabulaybulay, at sa gayo’y makikintal ito sa pag-iisip. 

Hindi tayo matututo kung wala tayo niyaong taim- tim na pagdidili-dili at pag-aaral na linalakipan ng panalangin. Ang ilang bahagi ng Kasulatan ay napakalinaw na at hindi mapagkakamalian; nguni’t may mga iba namang talata na ang kahulugan ay hindi agad matatarok sa minsang pagbasa, sapagka’t malalim. Ang isang talata ay kailangang iparis sa ibang talata. Dapat magkaroon ng maingat na pagsasaliksik at pagkukurong may panalangin. At ang ganyang pag-aaral ay gagantihin ng sagana. Kung paanong natutuklasan ng magmimina ang mga ugat ng mahalagang mina na natatago, ay gayon nakakasumpong ng mga katotohanang napakamahalaga ang matiyagang nagsasaliksik ng salita ng Diyos, na nakakubli sa paningin ng di maingat na naghahanap. Ang mga salitang kinasihan, pagka minumuni-muni, ay matutulad sa mga batis na umaagos mula sa bukal ng buhay. 

MANALANGIN PARA SA LIWANAG

Ang Biblia kailan man ay hindi nararapat na pag-aralan na walang kalakip na panalangin. Bago natin buksan ang mga dahon nito ay dapat muna nating hingin ang pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at ito’y ipagkakaloob. Nang lumapit si Natanael kay Jesus, ay sinabi ang ganito ng Tagapagligtas: “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya’y walang daya!” Ang wika ni Natanael: “Saan mo ako nakilala?” At sumagot si Jesus: “Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng higos, ay nakita kita.” Juan 1:47, 48. At makikita rin naman tayo ni Jesus sa mga lihim na dakong panalanginan, kung hihingan natin Siya ng liwanag, upang makilala natin kung alin ang katotohanan. Mga anghel na buhat sa sanlibutan ng kali- wanagan ay siyang sasa mga taong nagmamakaamong humingi sa Diyos ng Kanyang pamamatnugot. 

Ibinubunyi at niluluwalhati ng Banal na Espiritu ang Tagapagligtas. Tungkulin Niya ang iharap si Kristo, ang kadalisayan ng Kanyang katuwiran, at ang dakilang kaligtasan natin sa pamamagitan Niya. Ani Jesus: “Kukuha Siya sa nasa Akin, at sa inyo’y ipahahayag.” Juan 16:14. Ang Espiritu ng katotohanan ang siyang tanging magaling na tagapagturo ng banal na katotohanan. Oh anong laki ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, palibhasa’y ibinigay Niya ang Kanyang Anak upang mamatay dahil sa atin, at ibinibigay Niya ang Kanyang Espiritu upang maging guro at patnugot ng tao.