KABANATA 11

Sa pamamagitan ng kalikasan at banal na pahayag, sa pamamagitan ng Kanyang banal na kalooban, at sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, nagsasalita Siya sa atin. Subali’t hindi pa rin sapat ang mga ito; kailangan din namang sa Kanya’y ipahayag natin ang buong nilalaman ng ating puso. Upang magkaroon ng buhay at lakas na ukol sa espiritu ay kinakailangang tayo’y magkaroon ng tunay na pakikiugnay sa ating Ama na nasa langit. Maaaring matawag sa Kanya ang ating mga isip; mabubulaybulay natin ang Kanyang mga ginawa, ang Kanyang mga kahabagan, at ang Kanyang mga pagpapala; nguni’t sa tunay na kahulugan ay hindi ito ang pakikipag-usap sa Kanya. Upang makipag-usap sa Dios, ay dapat magkaroon tayo ng sasabihin sa Kanya hinggil sa lagay ng ating talagang kabuhayan. 

Ang panalangin ay ang pagbubukas ng puso sa Diyos na gaya ng sa isang kaibigan. Hindi sa iyan ay kailangan upang maipakilala sa Diyos kung ano ang lagay natin, kundi upang matanggap natin Siya. Ang panalangin ay hindi siyang nagbababa sa Diyos sa atin, kundi iyan ang nagtataas sa atin sa Kanya. 

Noong narito pa si Jesus sa ibabaw ng lupa, ay itinuro Niya sa Kanyang mga alagad kung paano ang pananalangin. Pinagbilinan Niya sila na iharap sa Diyos ang kanilang mga kinakailangan sa araw-araw, at ila- gak ang lahat nilang pag-aalaala sa Kanya. At ang ipinangako Niya sa kanila, na didinggin ang kanilang mga karaingan, ay ipinangangako rin naman sa atin. 

Si Jesus na rin, noong tumatahan pa Siyang kasama ng mga tao ay malimit manalangin. Nakiisa ang ating Tagapagligtas sa ating mga pangangailangan at mga kahinaan, sapagka’t Siya’y naging isang namamanhik at humihiling, na humihingi sa Kanyang Ama ng sariwang lakas, upang Siya’y makayaong laan sa tungkulin at pagsubok. Siya ang ating halimbawa sa lahat ng bagay. Siya’y kapatid natin sa ating mga kahinaan, “na tinukso sa lahat ng mga paraang gaya rin naman natin;” nguni’t palibhasa’y walang kasalanan, ay umurong ang Kanyang pagkatao sa kasamaan; binata Niya ang mga pakikilaban at pasakit sa Kanyang kaluluwa sa isang sanlibutang makasalanan. Dahil sa Kanyang pagkatao ay naging isang pangangailangan at isang karapatan sa ganang Kanya ang pananalangin. Nakasumpong Siya ng kaaliwan at kaligayahan sa pakikipag-usap sa Kanyang Ama. At kung ang Tagapagligtas ng mga tao, ang Anak ng Diyos, ay nakaranas na kailangan Niya ang panalangin, di lalo pang kailangan ng mahina at makasalanang tao ang maalab at palaging pananalangin. 

HINIHINTAY TAYO NG DIYOS

Ang Ama nating nasa langit ay nakalaang sa ati’y magbigay ng kapuspusan ng Kanyang pagpapala. Karapatan natin ang uminom ng marami sa bukal ng walang-hanggang pag-ibig. Nakapagtataka nga na bihirang-bihira tayong manalangin! Handa, at nalalaan ang Diyos na makinig sa taimtim na panalangin ng ka- liit-liitan sa Kanyang mga anak, subali’t hayag na hayag ang malaki nating pag-aatubili na ipaalam sa Diyos ang ating mga kailangan. Ano ang iisipin ng mga anghel sa langit sa kaawa-awa at mahinang mga tao, na sinasalakay ng mga tukso, yayamang ang puso ng Diyos na binubukalan ng walang-hanggang pag-ibig ay nasasabik sa kanila, handang magbigay ng higit sa kanilang mahihingi o maiisip, subali’t bahagya na silang manalangin at napakaliit ang kanilang pananampalataya? Ang mga anghel ay nagigiliw na yumukud sa harapan ng Diyos; ini-ibig nilang mapalapit sa Kanya. Itinuturing nila na ang pakikipag-usap sa Diyos ay siyang pinakamataas nilang kagalakan; subali’t ang mga taong taga lupa, na nangangailangan ng napakalaking tulong na walang ibang makapagbibigay liban sa Diyos lamang, ay waring nasisiyahang lumakad kahit wala sa kanila ang liwanag ng Kanyang Espiritu, na siyang pakikisama ng Kanyang pakikiharap. 

Ang kadiliman ng kasamaan ang lumiligid sa mga hindi nananalangin. Ang mga tuksong ibinubulong ng kaaway ay siyang humihila sa kanila sa pagkakasala; at ang lahat ng ito ay dahil sa hindi nila ginagamit ang mga karapatang sa kanila’y ibinibigay ng Diyos sa kanyang habiling sila’y manalangin. Bakit nga at ang mga lalaki at babaeng anak ng Diyos ay nag-aatubiling manalangin, gayong ang panalangin ay siyang susing nasa kamay ng pananampalataya, na nagbubukas ng kabang-yaman ng Diyos, na kinatataguan ng hindi nauubos na mga kayamanan ng Makapangyarihan sa lahat? Kung tayo’y hindi palaging nananala- ngin at matiyagang nagpupuyat, ay nanganganib tayo na mawalan ng ingat at lumihis tuloy sa matuwid na daan. Palaging sinisikap ng kaaway na hadlangan ang daang patungo sa luklukan ng awa, upang huwag nating matamo sa pamamagitan ng pananampalataya at maningas na panalangin ang biyaya at kapangyarihang dadaig sa tukso. 

ILANG MGA KONDISYON

May ilang mga kondisyon na kinasasaligan ng ating pag-asa na diringgin at sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin. Ang isa sa mga panguna rito ay ang ating madama ang pangangailangan ng tulong na buhat sa Kanya. Ipinangako Niyang: “Ipagbubuhos Ko ng tubig siya na uhaw, at ng mga bukal ang tuyong lupa.” Isaias 44:3. Yaong nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran, na nagigiliw sa Diyos, ay makaasang sila’y bubusugin. Dapat na maging bukas ang puso sa impluensiya ng Banal na Espiritu, kung dili ay hindi matatanggap ang pagpapala ng Diyos. 

Ang malaki nating pangangailangan ay isa na ring dahilan at mabisang namamanhik patungkol sa atin. Nguni’t dapat ding lapitan ang Panginoon upang gawin Niya ang mga bagay na ito para sa atin. Ang sabi niya “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan.” Mateo 7: 7. At Siya, na hindi ipinagkait ang kanyang sariling anak kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang bayad ang lahat ng bagay?” Roma 8:32. 

Kung sa ating puso ay iimpukin natin ang kasamaan, kung ginagawa pa rin nating parati ang anumang bagay na kilala nating kasalanan, ay hindi tayo diding- gin ng Panginoon; nguni’t ang panalangin ng nagsisisi at bagbag na puso ay palaging tinatanggap. Pagka naayos na ang lahat ng hayag na kamalian, ay maaasahan nating sasagutin ng Diyos ang ating mga karaingan. Ang sarili nating karapatan ay hindi makapagtatagubilin sa atin sa lingap ng Diyos; karapatan lamang ni Jesus ang sa ati’y magliligtas, at dugo Niya ang lilinis sa atin; gayon may mayroon pa rin tayong dapat gawin muna bago tayo matanggap. 

KAILANGAN ANG PANANAMPALATAYA

Ang ikalawang sangkap ng nagtatagumpay na panalangin ay ang pananampalataya. “Ang lumapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos, at Siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa Kanya’y nagsisihanap.” Hebreo 11:6. Ang wika ni Jesus sa kanyang mga alagad ay ganito: “Lahat ng mga bagay na inyong idinadalangin at hinihingi, ay magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin.” Marcos 11: 24. Tapat ba ang ating paniniwala sa Kanyang mga salita? 

Ang pangako ay malawak at hindi nahahangganan, at Siya na nangako ay tapat. Pagka hindi natin tinatanggap iyong mga bagay na ating hinihingi sa sandaling hingin natin, ay manampalataya pa rin tayo na dinirinig ng Panginoon ang ating pagsusumamo, at talagang sasagutin Niya ang ating mga dalangin. Napakadalas nating magkamali at napakaigsi ang abot ng ating tingin, na anupa’t kung magkabihira’y humihingi tayo ng mga bagay na hindi magiging isang pagpapala sa atin, at dahil sa pag-ibig ng ating Ama na nasa langit ay sinasagot Niya ang ating mga panala- ngin sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng ikabubuti natin—alalaong baga’y iyong talagang hihingin natin, kung taglay ang paninging pinapagliwanag ng Diyos, ay makikita natin ang tunay na lagay ng lahat ng bagay. Kung wari manding hindi sinasagot ang ating mga panalangin, ay panghawakan pa rin natin ang pangako; sapagka’t hindi sasala na darating ang panahon ng pagsagot, at tatanggap tayo ng pagpapala na lubhang kailangan natin. Datapuwa’t sa pagsasabi na palaging ibibigay sa atin ang ating idinadalangin, ayon sa paraang ibig natin, ay pagsasapantaha. Ang Diyos ay napakamatalino at hindi Siya mangyayaring magkamali, at napakabuti Niya kaya hindi Niya ipagkakait ang anumang mabuting bagay sa lumalakad ng matuwid. Kaya nga’t huwag kayong mangambang magkatiwala sa Kanya, bagaman hindi ninyo agad nakikita ang sagot sa inyong mga dalangin. Umasa kayo sa Kanyang tiyak na pangako: “Magsihingi kayo at kayo’y bibigyan.” Mateo 7:7. 

Kung diringgin natin ang ating mga alinlangan at pangamba, o kung sisikapin muna nating ayusin ang lahat ng bagay na hindi natin maliwanagan bago tayo magkaroon ng pananampalataya, ay lalo lamang kakapal at lalalim ang mga bagabag. Nguni’t paglumalapit tayo sa Diyos, na kinikilala nating tayo’y mahina at walang kaya, at sa pananampalatayang may kalakip na pagpapakumbaba at pagtitiwala ay sasabihin natin ang ating mga pangangailangan sa Kanya na ang karunungan ay walang-hanggan, na sa Kanya’y hayag ang lahat ng mga bagay sa sangnilalang, at pinamama- halaan Niya ang lahat ng bagay sa pamainagitan ng Kanyang kalooban at salita, ay Kanyang pakikinggan at diringgin ang ating daing, at pasisilangin Niya ang liwanag sa ating mga puso. Sa pamamagitan ng taimtim na panalangin ay napapaugnay tayo sa pag-iisip ng Walang-hanggan. Maaaring wala tayong makitang anumang kahanga-hangang katunayan sa sandaling nakatunghay sa atin ang mukha ng Manunubos na sa ati’y nahahabag at umiibig, gayon pa man ay tunay na ginagawa Niya ito. Maaaring hindi natin maramdaman ang hayag na dampi ng kanyang kamay, nguni’t totoong nakapatong sa atin ang Kanyang kamay na may pag-ibig at pagkaawa. 

DAPAT TAYONG MAGING MAPAGPATAWAD

Pag tayo’y lumalapit sa Diyos upang humingi ng habag at pagpapala, ay dapat suma ating mga puso ang isang diwa ng pag-ibig at pagpapatawad. Paano natin maidadalangin ang “ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin” (Mateo 6:12), kung tayo’y nag-iimpok ng pagtatanim ng loob laban sa iba? Kung inaasahan nating sasagutin ang ating mga panalangin, ay dapat na patawarin natin ang mga iba sa paraan at sukat na gaya ng inaasahan nating pagpapatawad naman sa atin. 

Ang pagtitiyaga sa pananalangin ay ginawang isang kondisyon ng pagtanggap. Dapat tayong manalanging palagi, kung ibig nating lumago sa pananampalataya at karanasang Kristiyano. Dapat tayong “magmatiyagain sa pananalangin,” at “manatili kayong palagi sa pananalangin, na kayo’y mangagpuyat na may pagpapasalamat.” Roma 12:12; Colosas 4:2. Pinapayuhan ni Pedro ang mga nanampalataya, na sila’y “mangagpuyat sa pananalangin.” 1 Pedro 4:7. Ipinagbilin ni Pablo, na sa “lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos.” Filipos 4:6. “Nguni’t kayo, mga minamahal,” ani Judas, “papagtibayin ninyo ang inyong sarili sa inyong lubhang banal na pananampalataya, na manalangin sa Espiritu Santo, na magsipanatili kayo sa pag-ibig sa Diyos.” Judas 20, 21. Ang panalanging walang patid ay siyang walang kasira-sirang pakikipagkaisa ng kaluluwa sa Diyos, na anupa’t ang buhay na mula sa Diyos ay dumadaloy sa ating kabuhayan: at mula sa ating kabuhayan ay dumadaloy namang pabalik sa Diyos ang kadalisayan at kabanalan. 

KASIGASIGAN AY KINAKAILANGAN

Kailangan ang sipag sa pananalangin; huwag kayong papigil sa anumang bagay. Gawin ninyo ang bawa’t pagsisikap upang mamalaging bukas ang pakikipagusap ng inyong kaluluwa kay Jesus. Samantalahin ninyo ang bawa’t pagkakataon, na kayo’y makaparoon sa dakong pinagdadausan ng panalangin. Yaong talagang nagsisihanap sa Diyos, ay makikita sa pulong-panalangin, tapat sa pagganap ng kanilang tungkulin, at masikap at sabik na makuha ang lahat ng kapakinabangang matatamo nila. Gagamitin nila ang lahat ng pagkakataon na lumagay sa lugar na katatanggapan nila ng mga sinag ng liwanag na nagmumula sa langit. 

Dapat tayong manalangin sa tahanan na kasama ang sambahayan; at higit sa lahat ay huwag nating kalilig- taan ang lihim na panalangin, sapagka’t iyan ang buhay ng kaluluwa. Hindi makalulusog ang kaluluwa pagka kinaliligtaan ang panalangin. Ang panalangin sa loob ng sambahayan o ang panalangin sa harapan ng madla, ay hindi sapat. Sa pag-iisa, ay buksan ninyo ang inyong puso sa sumisiyasat na paningin ng Diyos. Ang lihim na panalangin ay dapat marinig ng Diyos lamang na dumirinig ng panalangin. Walang mausisang tainga ang dapat makarinig ng dalahin ng ganyang panalangin. Sa lihim na pananalangin ang kaluluwa ay laya mula sa anumang impluensiya sa palibot, at laya rin sa anumang kagusutan. Banayad, nguni’t maalab na aabot ito sa Diyos. Masarap at namamalagi ang impluensiyang magmumula sa Kanya na nakakakita sa lihim, na bukas ang pakinig upang dinggin ang panalanging umiilanglang buhat sa puso. Sa pamamagitan ng mahinahon at malinis na pananampalataya, ay nakikipag-usap sa Diyos ang kaluluwa, at nagtitipon siya sa sarili ng mga sinag ng banal na liwanag upang sa kanya’y magpalakas at umalalay sa pakikilamas kay Satanas. Ang Diyos ang ating muog ng kalakasan. 

MGA LUGAR PANALANGINAN

Manalangin kayo sa inyong silid; at sa araw-araw na inyong paggawa, ay limitan ninyo ang pagtawag sa Diyos. Sa ganitong paraan lumakad si Enok na kasama ng Diyos. Ang ganyang mga lihim na dalangin ay pumapaitaas na tulad sa mabangong kamanyang na pumapailanglang sa harapan ng luklukan ng biyaya. Hindi madadaig ni Satanas ang tao na ang puso ay sumasa Diyos. 

Walang panahon o dako man, na roo’y hindi nababagay ang magpailanglang ng isang dalangin sa Diyos. Walang makapipigil sa atin sa pagpapailanglang sa Diyos ng isang maningas na panalanging nagmumula sa kaibuturan ng ating puso. Sa mataong lansangan, o sa gitna man ng pakikipagkalakalan, ay makapagpapailanglang tayo ng isang dalangin sa Diyos, at makahihingi ng banal na patnugot, gaya ng ginawa ni Nehemias, noong sabihin niya ang kanyang kahilingan sa haring si Artajerjes. Maaaring isagawa ang pananalangin saan man tayo naroon. Palagi nating buksan ang pintuan ng ating puso, at ipailanglang ang ating paanyaya na si Jesus ay pumasok at manirahan sa ating kaluluwa na isang panauhing mula sa langit. 

Bagaman at nalilibot tayo ng marumi at masamang hangin ng kasalanan, ay di kinakailangang sanghapin natin ang karumihan nito, kundi maaaring makapamuhay tayo sa malinis na hangin ng langit. Masasarhan natin ang bawa’t pintong pinapasukan ng maruruming haka at mga pangit na isipan, sa palagi nating paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim na dalangin. Yaong mga tao, na ang puso ay bukas upang tumanggap ng kandili at pagpapala ng Diyos, ay lalakad sa isang lalong banal na dako kaysa nasa lupa, at sila’y laging makakaugnay ng langit. 

Dapat tayong magkaroon ng lalong malinaw na pagkakilala kay Jesus, at lalong ganap na pagkaunawa ng kahalagahan ng mga katotohanang walang-hanggan. Ang kagandahan ng kabanalan ay siyang dapat pumuno sa puso ng mga anak ng Diyos; at upang ito’y maganap ay kailangan nating hanapin ang mga banal na pahayag tungkol sa mga bagay na banal. 

PANATILIHING TUMINGIN PAITAAS

Buksan natin at itaas ang ating kaluluwa upang tayo’y bigyan ng Diyos ng hangin ng langit na masasagap. Maaaring malapit na malapit tayo sa Diyos, na anupa’t sa tuwing darating ang pagsubok na hindi natin inaasahan ay pipihit agad sa Kanya ang ating mga isip, gaya ng katutubong pagpihit ng bulaklak sa araw. 

Lagi ninyong iharap sa Diyos ang inyong mga pangangailangan, mga katuwaan, mga kalungkutan, ang inyong pag-aalaala, at mga pangamba. Hindi siya marunong mabigatan, hindi siya marunong mapagod. Siyang nakakaalam ng bilang ng buhok ng inyong ulo ay hindi magwawalang-kibo sa mga pangangailangan ng kanyang mga anak. “Lubos ang pagkahabag at ang pagkamaawain ng Panginoon.” Santiago 5:11. Ang puso Niyang maibigin ay nakikilos ng ating mga kalumbayan, kahit na ng pagbigkas lamang natin sa mga ito. Dalhin ninyo sa Kanya ang lahat ng bagay na gumugulo sa inyong pag-iisip. Sa Kanya ay walang napakalaking dalahin, sapagka’t Siya ang umaalalay sa mga sanlibutan, at pinangangasiwaan Niya ang lahat ng kapakanan ng santinakpan. Pagkaliit-liit man ng alin mang bagay na may kinalaman sa ating ikapapayapa, ay napupuna niya. Walang napakadilim na pangkat sa ating karanasan na hindi Niya mababasa; walang kagulumihanang napakahirap na di niya mahuhusay. Walang kapahamakang sasapit sa kaliit-liitan sa Kanyang mga anak, walang pag-aala-alang makagugulo sa kaluluwa, walang kagalakang makapagpapasaya, walang taimtim na panalanging namumutawi sa mga labi, na hindi minamatyagan ng Ama nating nasa langit, o kaya’y hindi Niya agad pinapansin. “Kanyang pinagagaling ang mga may bagbag na puso, at tinatalian Niya ang kanilang mga sugat.” Awit 147:3. Ang mga pagkakaugnay ng Diyos at ng bawa’t kaluluwa ay napakalinaw at napakaganap, na anupa’t waring wala nang iba pang kaluluwang pinagbigyan Niya ng Kanyang Anak liban sa isang iyan. 

Ani Jesus: “Magsihingi kayo sa Aking pangalan: at sa inyo’y hindi Ko sinasabi, na kayo’y idadalangin Ko sa Ama; sapagka’t ang Ama rin ang umiibig sa inyo.” “Kayo’y hinirang Ko, … upang kayo’y magsiyaon at magsipagbunga, at manatili ang inyong bunga; upang ang anumang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maibigay Niya sa inyo.” Juan 16:26,27; 15: 16. Datapuwa’t ang manalangin sa pangalan ni Jesus ay hindi ang pagbanggit lamang sa pangalang iyan sa pasimula at sa katapusan ng panalangin. Iyan ay ang manalangin sa pag-iisip at sa diwa ni Jesus, samantalang sumasampalataya sa Kanyang mga pangako, umaasa sa Kanyang biyaya at gumagawa ng Kanyang mga gawa. 

HUWAG MAGING MALAYO SA MGA TAO

Hindi ang ibig sabihin ng Diyos ay ang maging ermitanyo o monghe ang sinuman sa atin, at lumayo na sa sanlibutan, upang maitalaga natin ang ating mga sarili sa pagsamba. Ang kabuhayan ay dapat na matulad sa kabuhayan ni Kristo—na nasa pagitan ng bundok na panalanginan at ng mga tao. Yaong walang gi- nagawa kundi manalangin ay madaling titigil sa pananalangin, o kaya’y magiging walang kabuluhang paulit-ulit ang mga panalangin niya. Pag lumalayo ang mga tao sa pakikisama sa mga iba, malayo sa naabot ng tungkuling Kristiyano at pagpapasan ng krus; pagka huminto na sila sa masipag na paggawa para sa kanila, ay nawawalan sila ng maidadalangin, at walang naguudyok sa kanila upang magtalaga. Ang mga panalangin nila ay magiging pansarili at sakim. Hindi nila maidalangin ang mga pangangailangan ng sangkatauhan, o ang pagtatayo man ng kaharian ni Kristo, at humingi ng lakas na magagamit sa paggawa. 

Tayo ang nawawalan pagka kinaliligtaan natin ang karapatang magsama-sama upang palakasin at pasiglahin ang isa’t isa sa paglilingkod sa Diyos. Ang mga katotohanan ng kanyang Salita ay nawawalan ng bisa at halaga sa ating mga pag-iisip. Hindi na naliliwanagan pa ang ating puso ni kinikilos man ng nagpapabanal na impluensiya ng Kanyang salita, at tayo’y nanghihina sa buhay Kristiyano. Sa ating samahang Kristiyano, ay malaki ang nawawala sa atin, dahil sa hindi natin pagdadamayan sa isa’t isa. Siya na naghihiwalay ng sarili para sa kanyang sarili lamang ay hindi gumaganap ng tungkuling itinakda ng Diyos na kanyang ganapin. Ang matuwid na pagpapaunlad sa mga katutubong hilig natin sa pakikisalamuha sa ating kapuwa tao ay siyang sa ati’y umaakay na makiisang damdamin sa mga iba, at iyan ay isang paraan ng pagpapabuti at pagpapalakas sa atin sa paglilingkod sa Diyos. 

PASIGLAHIN ANG BAWAT ISA

Kung magtitipon sana ang mga Kristiyano, at pag- uusapan nila ang pag-ibig ng Diyos, at ang mahahalagang katotohanan ng pagtubos, ay sisigla ang kanilang mga puso, at mapasisigla nila ang isa’t isa. Sa arawaraw ay mararagdagan ang ating pagkatuto sa ating Ama na nasa langit, at magtatamo tayo ng sariwang karanasan tungkol sa Kanyang biyaya; kung magkagayo’y kauuhawan nating ibalita ang Kanyang pag-ibig; at pagka ganito ang ginawa natin ay magagalak at sisigla ang ating mga puso. Kung si Jesus ang malimit nating iisipin at sasabihin at bihira ang ating sarili, ay mararagdagan ang Kanyang pakikiharap sa atin. 

Kung aalalahanin lamang natin ang Diyos sa tuwing magkakaroon tayo ng katunayan ng pagkakandili Niya sa atin, ay maiingatan natin Siyang palagi sa ating mga isip, at ikagagalak nating Siya’y pag-usapan at purihin. Pinag-uusapan natin ang mga bagay na makalupa, sapagka’t ito’y kinatutuwaan natin. Pinag-uusapan natin ang ating mga kaibigan, dahil sa mahal sila sa atin; ang ating mga kaligayahan at mga kalungkutan ay kabuklod ng sa kanila. Gayon may malaking di hamak ang ating katuwiran na umibig sa Diyos kaysa umibig sa ating mga kaibigan dito sa lupa; at dapat sanang maging isang baga’y na katutubo sa lahat sa buong sanlibutan na Siya ang maging una sa ating mga pagiisip, pag-usapan ang Kanyang kabutihan at salitain ang Kanyang kapangyarihan. Hindi Niya inadhika na ang mayamang mga pagpapalang ipinagkaloob Niya sa atin ay siya na lamang kaukulan ng ating mga pagiisip at pag-ibig, na anupa’t wala na tayong maiukol sa Diyos; iyan nga ang dapat na magpaalaala sa atin sa Kanya, at magtali sa atin sa mapagkandili nating Ama sa kalangitan sa pamamagitan ng mga panaling pagibig at pasasalamat. Totoong napakalapit sa kapatagan ng lupa ang ating kinaroroonan. Tumingala nga tayo sa langit, doon sa nakabukas na pinto ng santuariyo na roo’y nagliliwanag ang kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Kristo, na siyang “nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan Niya.” Hebreo 7:25. 

ANG PANGANGAILANGAN NA PUMURI

Dapat nating dagdagan ang pagpupuri sa Diyos “dahil sa Kanyang kagandahang-loob at dahil sa Kanyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao.” Awit 107:8. Ang ating mga pulong pagtatalaga ay hindi nararapat na mabuo na lamang sa paghingi at pagtanggap. Huwag nga nating isiping palagi ang sariling mga pangangailangan, at di na ginugunita ang mga kapakinabangang tinatanggap natin. Hindi rin naman napakalimit na tayo’y manalangin, gayon may babahagya ang ating pagpapasalamat. Palagi tayong tumatanggap ng awa ng Diyos, subali’t magpasalamat tayo dili at bahagya na nating purihin Siya sa lahat ng ginawa Niya sa atin. 

Noong unang panahon ay ganito ang ipinagbilin ng Panginoon sa bansang Israel, pagka sila’y nagkakatipon upang sumamba sa Kanya: “Doon kayo kakain sa harap ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo’y mangagagalak sa lahat na kalagyan ng inyong kamay, kayo at ang inyong mga sambahayan, kung saan kayo pinagpala ng Panginoon mong Diyos.” Deuteronomio 12:7. Yaong ginagawa sa ikaluluwalhati ng Diyos ay dapat ga- wing may kagalakan, may awit ng pagpupuri at pagpapasalamat, hindi sa kalungkutan at kapanglawan. 

Ang ating Diyos ay magiliwin at mahabaging Ama. Ang paglilingkod sa Kanya ay hindi dapat ituring na isang gawaing nakalulungkot ng puso at nakagugulo sa pag-iisip. Dapat maging isang kaluguran ang sumamba sa Panginoon at tumulong sa Kanyang gawain. Hindi ibig ng Diyos na ang Kanyang mga anak, na pinaglaanan Niya ng napakalaking kaligtasan, ay ituring Siya na tulad sa isang mahigpit, at mapaghanap na kapatas. Siya ang pinakamabuti nilang kaibigan; at pagka sila’y sumasamba sa Kanya ay maaasahang Siya’y sasa kanila, upang sila’y pagpalain at aliwin, na pinupuno Niya ng ligaya at pag-ibig ang kanilang mga puso. Nais ng Panginoon na ikaaliw ng Kanyang mga anak ang sila’y maglingkod sa Kanya, at magtamo ng lalong malaking kaligayahan kaysa kahirapan sa Kanyang gawain. Hangad Niya na ang mga lumalapit upang sumamba sa Kanya ay mag-uwi ng mahalagang mga isipang ukol sa Kanyang pagkakandili at pag-ibig, upang maaliw sila sa lahat nilang ginagawa sa arawaraw, at magkaroon ng biyaya upang magawang may pagtatapat at walang-daya ang lahat ng bagay. 

PAKSA PARA SA PAGNINILAY-NILAY

Dapat tayong magtitipon sa palibot ng krus. Si Kristong nabayubay sa krus ang dapat na maging paksa ng pagbubulaybulay, pag-uusapan, at ng ating pinakamasayang damdamin. Dapat nating itanim sa ating alaala ang bawa’t pagpapalang tinatanggap natin sa Diyos, at pagka nakikilala natin ang malaki Niyang pag-ibig, ay dapat na bukal sa kaloobang ipagkatiwala natin ang la- hat ng bagay sa kamay na napako sa krus dahil sa atin. 

Ang kaluluwa ay maaaring mapataas na lalong malapit sa langit sa pamamagitan ng mga pakpak ng pagpupuri. Sa mga tahanan sa kalangitan ay sinasamba ang Diyos na may awitan at tugtugan, at sa pagpapahayag natin ng ating mga pasasalamat ay natutulad ang ating pagsamba sa ginagawang pagsamba ng tanang mga anghel sa langit. “Ang naghahandog ng haing pasasalamat ay lumuluwalhati sa Diyos.” Awit 50:23. Magsiharap tayo sa ating Maykapal na may magalang na katuwaan, at may “pagpapasalamat at tinig na mainam.” Isaias 51:3.