KABANATA 13

Ang mga anak ng Diyos ay tinatawagan upang maging mga kinatawan ni Kristo, na naghahayag ng kabutihan at kahabagan ng Panginoon. Kung paanong inihayag sa atin ni Jesus ang tunay na likas ng Ama, ay gayon ding ihahayag natin si Kristo sa isang sanlibutang hindi nakakaalam ng Kanyang masintahin at mahabaging pag-ibig. “Kung paanong Ako’y Iyong sinugo sa sanlibutan,” ani Jesus, “sila’y gayon din sinusugo Ko sa sanlibutan.” “Ako’y sa kanila, at Ikaw ay sa Akin, … upang makilala ng sanlibutan, na Ikaw ang sa Akin ay nagsugo.” Juan 17:18,23. Ganito ang sinasabi ni apostol Pablo sa mga alagad ni Jesus: “Nahahayag na kayo’y sulat ni Kristo,” “na nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao.” 2 Corinto 3:3, 2. Bawa’t isa sa Kanyang mga anak ay isang liham na ipinadadala ni Jesus sa sanlibutan. Kung kayo ay alagad ni Kristo, kayo ay liham Niya sa mag-anakan, sa nayon, sa lansangan, at sa inyong tahanan. Si Jesus, na tumatahan sa inyo, ay nagnanasang magsalita sa mga puso ng mga hindi nakakikilala sa Kanya. Marahil ay hindi sila bumabasa ng Biblia o di nila naririnig man ang tinig na nagsasalita sa pamamagitan ng mga dahon nito; hindi nila nakikita ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. Datapuwa’t kung kayo’y isang tunay na kinatawan ni Jesus ay mangyayaring sa pamamagitan ninyo’y mapapaniwala sila sa Kanyang ka- butihan, at mangahikayat na umibig at maglingkod sa Kanya. 

Ang mga Kristiyano ay ilinalagay na mga tagapagdala ng ilaw sa daang patungo sa kalangitan. Dapat nilang ipasinag sa sanlibutan ang liwanag na sa kanila’y sumisilang na buhat kay Kristo. Ang kanilang kabuhayan at likas ay dapat maging nasa isang kaayusan upang sa pamamagitan nila’y magkaroon ang ibang mga tao ng isang matuwid na pagkakilala tungkol kay Kristo at sa paglilingkod sa Kanya. 

Kung tunay na kinakatawanan natin si Kristo, ay ipakikita nating kahali-halina ang paglilingkod sa Kanya, na siyang totoo. Ang mga Kristiyanong nagtitipon ng lungkot at kagulumihanan sa kanilang mga kaluluwa, at bulong-ng-bulong at daing-ng-daing, ay nagbibigay sa mga iba ng maling pagpapakilala sa Diyos at buhay Kristiyano. Nagdudulot sila ng pag-aakala na hindi ikinalulugod ng Diyos na maging magalak ang Kanyang mga anak, at dito ay sumasaksi sila ng di katotohanan sa ating Ama sa kalangitan. 

KATUWAAN NI SATANAS

Tuwang-tuwa si Satanas pagka naaakay niya ang mga anak ng Diyos na manglupaypay at huwag manampalataya. Ikinalulugod niyang makita na tayo’y hindi nagtitiwala sa Diyos, at ating pinag-aalinlanganan ang pagnanasa at kapangyarihan Niya upang tayo’y iligtas. “Ibig niyang ipalagay natin na kalooban na rin ng Panginoon na tayo’y mapasama. Gawain ni Satanas ang ipakilala na ang Panginoon ay kulang sa habag at pagkaawa. Isinisinsay niya ang katotohanan tungkol sa Diyos. Ang pag-iisip ng tao ay pinupuno niya ng mga maling paniniwala tungkol sa Diyos; at sa halip na gunam-gunamin natin ang katotohanan hinggil sa ating Ama sa kalangitan, ay napakalimit na ilinalagay natin ang ating mga isip sa mga paglinlang ni Satanas, at hinahamak natin ang Diyos dahil sa hindi pagtitiwala sa Kanya at pagbubulung-bulungan sa Kanya. Pinagpipilitan ni Satanas na mapapanglaw ang makarelihiyong kabuhayan. Ibig niyang ito’y lumitaw na nakapapagod at mahirap; at pagka ganito ang paniniwala ng tao sa relihiyon ay kinakatigan niya sa pamamagitan ng hindi pananampalataya ang kasinungalingan ni Satanas. 

Ang maraming lumalakad sa landas ng kabuhayan, ay lagi na lamang nag-aalaala ng kanilang mga kamalian at pagkabigo, at ang kanilang mga puso ay nangapupuno ng kapighatian at panglulupaypay. Noong ako’y nasa Europa, ang isang kapatid na babaeng gumagawa nito at nasa mapait na kapighatian, ay sumulat sa akin, na humihingi ng ilang salitang pampasigla. Nang kinagabihan, pagkabasa ko ng kanyang sulat, ay napanaginip kong ako’y nasa isang halamanan, at isang tao na waring siyang may-ari ng halamanan ay siyang nangunguna sa akin sa mga landas nito. Namimitas ako ng mga bulaklak at nasasamyo ko ang kanilang halimuyak nang ituro sa akin ng kapatid na ito, na kasabay ko sa paglakad, ang di-nakikitang mga tinik na humahadlang sa kanyang dinaraanan. Naroon siya, tumatangis at nahahapis. Hindi siya lumalakad sa landas at hindi sinusundan ang nangunguna, kundi siya’y lumalakad sa gitna ng mga dawagan at tinikan. “O,” anya na tumatangis, “hindi baga sayang ang magandang halamang ito na sinira ng mga tinik?” Nang magkagayo’y nagsalita ang nangunguna: “Pabayaan mo ang tinik, sapagka’t susugatan ka lamang. Pitasin mo ang mga rosal, ang mga liryo, at ang mga klabel.” 

Wala bang magagandang sandali sa inyong karanasan? Hindi baga dumating sa inyo ang mainam na mga panahon, nang ang inyong puso’y tumibok sa kagalakan sa pagtugon sa Espiritu ng Diyos? Kung binubuklat ninyo ang nakaraang mga pangkat ng karanasan ninyo sa kabuhayan, hindi baga kayo nakakatagpo ng maiinam na dahon? Hindi ba ang mga pangako ng Diyos ay katulad ng mabangong mga bulaklak, na tumutubo sa magkabilang tabi ng inyong dinaraanan? Hindi ba ninyo pababayaan na ang inyong puso ay mapuno ng kagandahan at kabanguhan ng mga bulaklak na iyan? 

HANAPIN ANG MAGANDANG BAHAGI!

Ang mga tinik at siit ay makasusugat at makasasakit lamang sa inyo; at kung ang mga ito lamang ang inyong titipunin at ipakikita sa iba, ay hindi baga ninyo pinipigil yaong nangasa palibot ninyo sa paglakad nila sa landas ng kabuhayan bukod pa sa hinahamak ninyo ang kabutihan ng Diyos? 

Hindi mabuting tipunin ang malulungkot na alaala ng lumipas na kabuhayan—ang mga kasamaan at pag kabigo—upang pagsalitaanan at ikalungkot hanggang sa tayo’y manganglumo sa panglulupaypay. Ang nanglulupaypay na kaluluwa ay puno ng kadiliman, hindi pinapasok ang kanyang loob ng liwanag Diyos, at dinidiliman niya ang dinaraanan ng mga iba. 

Salamat sa Diyos sa maliwanag na mga tanawing ipinakita Niya sa atin. Pagsama-samahin natin ang mga pinagpalang pangako ng Kanyang pag-ibig, upang matingnan nating palagi. Ang Anak ng Diyos na lumisan sa luklukan ng Kanyang Ama, nagkatawang tao upang mailigtas Niya ang tao mula sa kapangyarihan ni Satanas; ang tagumpay Niya alang-alang sa atin, na binuksan ang langit para sa mga tao at inihayag sa paningin ng tao ang tahanan na roon ang Diyos ay napakita sa buo niyang kaluwalhatian; ang nagkasalang sangkatauhan na hinango sa balon ng kapahamakang kinalubugan niya dahil sa kasalanan, at isinauli sa pakikiugnay sa walang-hanggang Diyos, at pagkatapos na mabata ang banal na pagsubok sa pamamagitan ng pananampalataya sa ating Manunubos, ay dinamtan ng katuwiran ni Kristo, at itinaas sa Kanyang luklukan—ito ang mga tanawing nais ng Diyos na ating bulaybulayin. 

IKAW BA AY HUMAHAPIS SA DIYOS?

Pagka waring pinag-aalinlanganan natin ang pagibig ng Diyos at nawawalan tayo ng pagkakatiwala sa Kanyang mga pangako, ay hinahamak natin Siya at hinahapis ang Kanyang Banal na Espiritu. Ano kaya ang daramdamin ng isang ina, kung palagi siyang idinadaing ng kanyang mga anak, na wari bagang sila’y kanyang inaapi, samantalang ang lahat niyang ginagawa ay sa ikabubuti ng kanilang kalagayan at upang mabigyan sila ng kaaliwan? Halimbawang hindi nila paniwalaan ang kanyang pag-ibig; ito ang dudurog ng Kanyang puso. Ano kaya ang magiging damdamin ng isang magulang kung ganyan ang ipakikita sa kanya ng kanyang mga anak? At ano naman kaya ang loloobin ng ating Ama na nasa langit kung hindi tayo nagtitiwala sa Kanyang pag-ibig, na siyang sa Kanya’y nagudyok na ibigay ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo’y mangagkaroon ng buhay? Ganito ang isinulat ng apostol: “Siya, na hindi ipinagkait ang Kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang-bayad ang lahat ng mga bagay?” Roma 8:32. At gayon ma’y kayrami, ang sa pamamagitan ng kanilang mga kilos, kung hindi man sa kanilang salita, ang nangagsasabi: Hindi ito iniuukol ng Panginoon para sa akin. Marahil ay iniibig Niya ang mga iba nguni’t hindi Niya ako iniibig.”

NAKASASAMA SA IYONG SARILI

Ang lahat ng ito ay nakasasama sa inyong kaluluwa: sapagka’t bawa’t salita ng pag-aalinlangan na inyong binibigkas ay nag-aanyaya ng mga tukso ni Satanas; ito ang nagpapalakas ng pagkahilig ninyo sa pag-aalinlangan, at sa inyo’y hapis na lumalayo ang mga anghel na tagapangasiwa. Pag tinutukso kayo ni Satanas, huwag kayong magsabi ng anumang salita ng pag-aalinlangan o kadiliman. Kung kukusain ninyong buksan ang pintuan upang pasukan ng kanyang mga tukso, ang inyong pag-iisip ay mapupuno ng hindi pagtitiwala at ng mapanghimagsik na pag-aalinlangan. Kung sasabihin ninyo sa iba ang inyong damdamin, ang bawa’t pagaalinlangan na inyong ipinahahayag ay hindi lamang nagkakaroon ng pagtauli sa inyo, kundi isa rin namang binhing tutubo at mamumunga sa kabuhayan ng mga iba, at mangyayaring hindi masugpo ang nagawa ng inyong mga pangungusap. Maaaring makabalikwas ka yo sa pagtukso at silo ni Satanas, nguni’t ang mga ibang natangay ng inyong kilos, ay mangyayaring hindi inakaiwas sa inyong iminungkahi sa kanila. Napakahalaga nga na salitain natin yaon lamang mga bagay na magbibigay ng lakas at buhay na ukol sa espiritu! 

Nangakikinig ang mga anghel upang mapakinggan kung anong uri ng ulat ang inyong ilinalaganap sa sanlibutan tungkol sa inyong Panginoon sa langit. Ang inyo sanang mga salitaan ay maging tungkol sa kanya na nabubuhay upang mamagitan patungkol sa inyo sa harapan ng Ama. Kung nakikikamay kayo sa isang kaibigan, suma inyong mga labi at puso sana ang pagpupuri sa Diyos. Ito ang magbabaling sa kanyang pagiisip kay Jesus. 

Lahat ay may mga pagsubok; mga dalamhating mahirap bathin, mga tuksong mahirap paglabanan. Huwag ninyong sabihin sa inyong mga kapuwa-tao ang inyong mga bagabag, kundi dalhin ninyo ang lahat ng bagay sa Diyos sa dalangin. Gawin ninyong isang tuntunin ang huwag bumigkas ng isa mang salita ng pagaalinlangan o panglulupaypay. Sa pamamagitan ng mga salitang nagbibigay ng pag-asa at banal na katuwaan ay malaki ang inyong magagawa upang mapagliwanag ang kabuhayan ng mga iba at mapasigla ang kanilang mga pagsisikap. 

TULUNGAN ANG NATUTUKSO

Maraming matapang na kaluluwa ang nadadagsaang lubha ng mga tukso, halos ay malugmok na lamang sa pakikilaban sa sarili at sa mga hukbo ng diyablo. Huwag ninyong papanglupaypayin ang ganyang tao sa mahigpit niyang pakikilaban. Palakasin ninyo ang kanyang loob sa pamamagitan ng matapang at masiglang mga pangungusap, na siyang sa kanya’y maguudyok na magpatuloy sa landas niyang linalakaran. Sa gayo’y maaaring sumikat sa inyo ang liwanag ni Kristo. “Ang sinuman sa atin ay hindi nabubuhay sa kanyang sarili.” Roma 14:7. Sa pamamagitan ng ating mga walang-malay na impluensiya ay mangyayaring ang mga iba ay mapasigla at mapalakas, at maaari din namang sila’y mapapanglupaypay at mailayo kay Kristo at sa katotohanan. 

Marami ang may maling pagkakilala sa kabuhayan at likas ni Kristo. Inaakala nilang Siya’y walang sigla at tuwa, na Siya’y mahigpit, mabagsik, at walang kasayahan. Sa maraming pangyayari ay nababahiran ng madilim na mga paniniwalang ito ang buong karanasan sa relihiyon. 

Malimit sabihin na si Jesus ay tumangis datapuwa’t kailan ma’y hindi nakitang ngumiti. Tunay nga na ang Tagapagligtas ay isang tao ng mga kalungkutan at bihasa sa kapanglawan, sapagka’t binuksan Niya ang Kanyang puso sa lahat ng kadalamhatian ng mga tao. Nguni’t bagaman ang Kanyang kabuhayan ay kabuhayan ng pagtanggi sa sarili at pinadilim ng hirap at pagaalaala, ay hindi rin nasira ang Kanyang loob. Ang Kanyang mukha ay hindi kinakitaan ng anumang anyong malungkot at masaklap, kundi ng palaging tahimik na kapayapaan. Ang Kanyang puso ay isang bukal ng buhay, at saan man Siya pumaroon ay dala-dala Niya ang katahimikan at kapayapaan, katuwaan at kagalakan. 

Ang ating Tagapagligtas ay napakapormal at lubos ang pagkamataimtim, nguni’t hindi Siya malungkot o masungit man. Ang kabuhayan ng mga tumutulad sa Kanya ay magiging puno ng mataimtim na hangarin; mangagkakaroon sila ng malalim na pagkakakilala sa kapanagutan ng bawa’t isa. Ang kagaslawan ay mapipigil; mawawala ang magulong katuwaan at magaspang na pagbibiruan; nguni’t ang relihiyon ni Jesus ay nagbibigay ng kapayaang katulad ng isang ilog. Hindi nito pinapatay ang ilaw ng katuwaan; hindi nito pinipigil ang kasayahan, o pinagdidilim man ang masaya at nakangiting mukha. Si Kristo ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod; at pagka sa ating puso ay naghahari ang Kanyang pag-ibig, ay susundin natin ang Kanyang halimbawa. 

TUMAHAN SA MAS MABUTING MGA BAGAY

Kung palagi na lamang nating aalalahanin ang mga pangit at di matuwid na gawain ng ibang mga tao, ay ating masusumpungang hindi natin maiibig sila na gaya ng pag-ibig sa atin ni Kristo; nguni’t kung ang ating mga isipan ay namamahay sa kahangga-hangang pag-ibig at habag ni Kristo sa atin, ay ganyan ding diwa o loobin ang dadaloy na buhat sa ating patungo sa mga iba. Dapat tayong mag-ibigan at magpitagan sa isa t isa, baga man hindi natin mapipigilang di makita ang mga pagkukulang at kapintasan. Dapat paunlarin ang kapakumbabaan at di-pagtitiwala sa sarili, at mahinahong kalooban sa mga pagkukulang ng mga iba. Ito ang papatay sa diwang makasarili at magpapaganda ng ating kalooban upang tayo’y maging mapagbigay. 

Sinasabi ng mang-aawit: “Tumiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupain, at gawin mong kumain sa kanyang pagkatapat.” Awit 37:3. “Tumiwala ka sa Panginoon.” Bawa’t araw ay may sariling suliranin, may mga alalahanin at kabagabagan; at pagka tayo ay nagkakatagpo ay kay dali nating pag-usapan ang ating mga kahirapan at mga pagsubok. Kayrami ng gusot ng ibang tao na bumabagabag sa atin, mga pangambang pinamamahay sa kalooban, at malaking pag-aalaala na sinasalita na anupa’t aakalain na tuloy ng isang tao na wala na tayong mahabagin at maibiging Tagapagligtas, na handang makinig sa lahat nating karaingan, at tumulong sa atin sa bawa’t sandali ng pangangailangan. 

HUWAG MAKIALAM SA KAGULUHAN

Ang ilan ay palaging nangangamba, at nakikialam sa kaguluhan. Araw-araw ay naliligid sila ng mga tanda ng pag-ibig ng Diyos; araw-araw ay tinatamasa nila ang kasaganaan na Kanyang ipinagkaloob; subali’t kinaliligtaan nila ang pangkasalukuyang mga pagpapalang ito. Ang kanilang mga isip ay laging namamahay sa mga bagay na hindi kawili-wili, na pinangangambahan nilang darating; o maaari namang may ilang mahihirap na bagay, na baga ma’t maliit, ay siyang bumubulag sa kanilang mga paningin upang huwag nilang makita ang maraming bagay na dapat pasalamatan. Ang mga kahirapang nasasagupa nila, sa halip na maglapit sa kanila sa Diyos, na tanging pinagmumulan ng kanilang tulong, ay siya pa ngang naglalayo sa kanila sa Kanya, sapagka’t ang mga ito ang gumigising ng kaligaligan at pagdaing. 

Mabuti ba ang tayo’y huwag manganiwala? Baki’t tayo walang utang na loob at walang tiwala? Si Jesus ang ating kaibigan; nais ng sangkalangitan na tayo’y bumuti. Huwag nga tayong pumayag na ang mga kagulumihan at mga pag-aalaala ng kabuhayan sa arawaraw ay gumulo sa ating pag-iisip at magpadilim ng ating noo. Kung pumayag tayo ay hindi tayo mawawalan ng ikagagalit at ikayayamot. Hindi dapat tayong magpakagumon sa anumang diwang nakagagalit at nakapapagod lamang, subali’t hindi naman nakatutulong upang mabata natin ang mga pagsubok. 

Maaaring nagugulo ang inyong pag-iisip sa pinagkakakitaan ninyo ng ikabubuhay; mangyayaring untiunting maluoy ang inyong mga pag-asa, at nanganganib na kayo’y malugi; datapuwa’t huwag kayong manglupaypay; ibigay ninyo sa Diyos ang inyong pag-aalaala, at manatili kayong payapa at masaya. Idalangin ninyong magkaroon kayo ng katalinuhan, upang inyong mapangasiwaan ang inyong mga kapakanan na may kaalaman, at sa ganito’y maiiwasan ang pangungulugi at kapahamakan. Gawin ninyo ang lahat ninyong magagawa upang mabuti ang maging bunga. Nangako si Jesus na tutulong, nguni’t hindi hiwalay sa ating sariling pagsisikap. Kung nagawa na ninyo ang lahat ninyong magagawa, pagkatapos na magtiwala sa ating Tagatulong ay tanggapin ninyong may kagalakan ang ibubunga. 

Hindi kalooban ng Diyos na ang Kanyang bayan ay manglupaypay dahil sa pagkabalisa. Nguni’t hindi tayo dinadaya ng ating Panginoon. Hindi Niya sinasabi sa atin: “Huwag kayong mangamba; walang panganib sa inyong daan.” Naaalaman Niyang may mga pagsubok at mga panganib, at pawang sa ati’y malinaw Niyang ipinakikilala. Hindi Niya binabalak na alisin ang Kanyang bayan mula sa isang sanlibutang na lulugami sa pagkakasala at kasamaan, datapuwa’t itinuturo Niya sa kanila ang isang kanlungang hindi maiguguho kailan man. Ganito ang Kanyang idinalangin patungkol sa Kanyang mga alagad: “Hindi ko idinalangin na alisin Mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.” “Sa sanlibuta” aniya, “ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob: Aking dinaig ang sanlibutan.” Juan 17:15; 16:33

MAHALAGANG ARAL

Sa sermon Niya sa bundok, ay itinuro ni Kristo sa Kanyang mga alagad ang mahalagang aral tungkol sa kailangang pagtitiwala sa Diyos. Ang mga aral na ito ay itinalagang magpasigla sa mga anak ng Diyos sa buong panahon, at umabot sa ating kapanahunan na puno ng mga pangaral at kaaliwan. Itinuro ng Tagapagligtas sa mga sumusunod sa Kanya ang ibon sa himpapawid samantalang umaawit ng mga pagpuri, na hindi binabagabag ng anumang pag-aalaala, sapagka’t “hindi sila nangaghahasik o nagsisigapas.” Gayon may ipinagkakaloob ng dakilang Ama ang kanilang mga kailangan. Itinatanong ng Tagapagligtas: “Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kay sa kanila?” Mateo 6: 26. Binububuksan ng dakilang Tagapagkaloob ang Kanyang kamay at pinagkakalooban ang lahat Niyang kinapal. Ang mga ibon sa himpapawid ay hindi Niya kinaliligtaan. Hindi Niya sila sinusubuan ng pagkain, subali’t inihahanda Niya ang kanilang mga kailangan. Kailangan nilang tipunin ang mga butil na Kanyang isinabog para sa kanila. Dapat nilang ihanda ang kanilang gagawing pugad. Dapat nilang pakanin ang kanilang mga inakay. Nagsisiyaon sila sa paggawa na nangag-aawitan, sapagka’t “sila’y pinakakain ng inyong Ama sa kalangitan.” At “hindi baga higit ang halaga ninyo kay sa Kanila?” Kayong mga may pag-iisip, at sumasamba ukol sa espiritu, hindi baga higit ang halaga ninyo kay sa mga ibon sa himpapawid? Kung magtitiwala lamang tayo ay hindi baga ibibigay ang ating mga kailangan ng Gumawa sa atin, na Tagapag-ingat ng ating buhay, at Isang nag-anyo sa atin ng ayon sa Kanyang sariling larawan. 

“WARIIN ANG MGA LIRIO”

Itinuro ni Kristo sa Kanyang mga alagad ang mga bulaklak sa parang, na nagdadamihan at nag-iinaman sa simpling kagandahang sa kanila’y ibinihis ng Ama, bilang isang pahayag ng Kanyang pag-ibig sa tao. Ang wika Niya: “Wariin ninyo ang mga liryo sa parang kung paanong nagsisilaki.” Ang kagandahan at kaayusan ng mga tunay na bulaklak na ito ay humigit pa sa karilagan ni Salomon. Ang pinakamainam na kasuutan na likha ng katalinuhan ng sining ay hindi maitutulad sa katutubong hubog at masanghayang ganda ng mga bulaklak na ginawa ng Diyos. Itinanong ni Jesus: “Kung pinararamtan ng Diyos ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasa’y iginagatong sa kalan, hindi baga lalong lalo na kayong pararamtan niya, oh kayong mga taong kakaunti ang pananampalataya?” Mateo 6:28,30. Kung ang Diyos, na banal na pintor, ay nagbibigay sa maiinam at iba’t ibang kulay na karaniwang mga bulaklak, na isang araw lamang ay nalalanta na, gaano kaya kalaki ang pag-iingat Niya roon sa mga linikha Niya ng ayon sa Kanyang sariling wangis? Ang aral na ito ni Kristo ay isang saway sa nangangambang kalooban, sa kagulumihanan at pag-aalinlangan ng pusong walang pananampalataya. 

Nais ng Panginoon na ang lahat Niyang anak na lalaki at babae ay maging masaya, payapa at masunurin. Sinasabi ni Jesus: “Ang Aking kapayapaan ay ibinibigay Ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinigay Ko sa inyo: huwag magulumihanan ang inyong puso ni matakot man.” “Ang mga bagay na ito ay sinalita Ko sa inyo, upang ang Aking kagalakan ay mapasa inyo, at upang ang inyong kagalakan ay malubos.” Juan 14:27; 15:11

HUWAD NA KALIGAYAHAN

Ang kasayahang nakukuha sa mga sakim na layunin, na labas sa landas ng tungkulin, ay tiwali, lumilipas at di panatag; ito ay nawawala at ang kaluluwa ay nangungulila at nalulungkot; subali’t may kaligayahan at kasiyahan sa paglilingkod sa Diyos; ang Kristiyano ay hindi pinababayaang mag-isang lumakad sa hindi tukoy na mga landas; hindi siya pinababayaan sa mga walang kabuluhang pagsisisi at pagkabigo. Kung hindi natin tinatanggap ang mga kaligayahan sa buhay na ito, ay maaari pa ring makaasa tayong may katuwaan sa kabilang buhay. 

Datapuwa’t dito pa man ay maaaring magkaroon ang mga Kristiyano ng kaligayahan sa pakikipag-usap kay Kristo; maaaring tanggapin nila ang liwanag ng Kanyang pag-ibig, ang hindi lumilipas na kaaliwan ng Kanyang pakikiharap. Bawa’t hakbang sa kabuhayan ay makapaglalapit sa ating lalo kay Jesus, makapagdudulot sa atin ng lalong taimtim na karanasan sa Kanyang pag-ibig, at mailalapit tayo ng isang hakbang sa pinagpalang tahanan ng kapayapaan. Kaya nga, huwag nating alisin ang ating pagtitiwala, kundi magkaroon tayo ng matibay na pag-asa, lalong matibay kay sa nakaraan. “Hanggang dito’y tinulungan tayo ng Panginoon,” at tutulungan Niya tayo hanggang sa wakas. 1 Samuel 7:12. Masdan natin ang mga haliging bantayog, mga tagapagpagunita ng mga ginawa ng Diyos upang tayo’y aliwin at iligtas sa kamay ng manglilipol. Ingatan nating sariwa sa ating alaala ang lahat ng masintahing kaawaan na ipinakita sa atin ng Diyos—ang mga luhang pinahid Niya, ang mga sakit na Kanyang inalis, ang mga pangambang Kanyang hinawi, ang mga kasalatang Kanyang nilunasan, at ang mga pagpapalang Kanyang ipinagkaloob—sa ganito’y napalakas ang ating sarili upang magpatuloy sa nalalabi pang bahagi ng ating paglalakbay. 

Di natin maiiwasan ang pagtingin sa mga bagong bagabag sa dumarating na paglalabanan, datapuwa’t makatitingin tayo sa nakaraan at gayon din sa darating at makapagsasabi: “Hanggang dito’y tinulungan tayo ng Panginoon.” “Kung paano ang iyong mga kaarawan ay magkagayon nawa ang iyong lakas.” Deuteronomio 33:25. Ang pagsubok ay hindi hihigit sa lakas na ibibigay sa atin upang ito’y mabata. Kung gayo’y gawin natin ang ating gawain saan man natin masumpungan ito, at sumampalataya tayong anuman ang dumating, ay bibigyan tayo ng lakas na kasukat ng pagsubok. 

ANG KAGALAKANG PARATING

At balang araw ay bubuksan ang mga pintuan ng kalangitan upang tanggapin ang mga anak ng Diyos, at mula sa mga labi ng Hari ng kaluwalhatian ay mamumutawi ang pagpapala na aabot sa kanilang mga pakinig, gaya ng pinakamasarap na himig: “Magsiparito kayo, mga pinagpala ng Aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanlibutan.” Mateo 25:34

Sa gayo’y magalak na tatanggapin ang mga tinubos sa tahanang inihahanda ngayon ni Jesus. Doon ang mangakakasama nila ay hindi ang mga hamak na tagalupa, mga sinungaling, mapakiapid, marurumi, at hindi sumasampalataya sa Diyos; kundi ang mangakakasama nila ay yaong mga dumaig kay Satanas, at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ay nangagkaroon ng sakdal na likas. Bawa’t hilig sa pagkakasala, bawa’t kapintasan na nagpapahirap sa kanila sa lupang ito, ay inalis na ng dugo ni Kristo, at ang kadahilanan at kaliwanagan ng Kanyang kaluwalhatian na lumalalo sa liwanag ng araw, ay ibinigay sa kanila. At ang kagandahang moral, ang kasakdalan ng Kanyang likas, ay nagliliwanag sa kanila, na sa kahalagaha’y lalong higit sa karilagan kay sa kanilang kaluwalhatian. Sila’y mga walang kapintasan sa harapan ng dakila at maputing luklukan, na nakikibahagi sila sa karangalan at karapatan ng mga anghel. 

Sa harap ng maluwalhating mana na matatamo ay “ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?” Mateo 16:26. Maaaring siya’y dukha, nguni’t siya ay may hawak na isang kayamanan at karangalang hindi kailan man maibibigay ng sanlibutan. Ang kaluluwang natubos at nalinis sa mga kasalanan, at ang mararangal niyang kapangyarihan na itinalaga na sa paglilingkod sa Diyos, ay walang kapantay ang kahalagahan; at may kagalakan sa langit sa harapan ng Diyos at ng mga banal na anghel, dahil sa isang kaluluwang natubos, isang kagalakang binibigkas sa pamamagitan ng mga awit ng banal na tagumpay.