KABANATA 2

Sa pasimula ay binigyan ang tao ng marangal na mga kapangyarihan at balanseng pag-iisip. Sakdal siya, at kaayon ng Diyos. Ang kanyang mga iniisip ay dalisay, ang kanyang mga layunin ay banal. Datapuwa’t dahil sa pagsuway, ang kanyang mga kapangyarihan ay napasama, at kasakiman ang humalili sa pag-ibig. Humina ng kanyang likas ng dahil sa pagsalansang kaya imposible para sa kanya, sa sarili niyang lakas, na labanan ang kapangyarihan ng masama. Siya’y nabihag ni Satanas, at mananatili sanang gayon magpakailan man kung hindi namagitan ang Diyos. Layunin ng manunukso na biguin ang panukala ng Diyos sa paglikha sa tao, at punuin ang lupa ng kadalamhatian at kasiraan. At itinuturo niya na ang lahat ng kasamaang ito ay bunga ng pagkalalang ng Diyos sa tao. 

Noong hindi pa nagkakasala ang tao, ay maligaya siyang nakikipag-usap sa Kanya na “kinatataguan ng lahat ng kayamanan, ng karunungan at ng kaalaman.” Colosas 2:3. Datapuwa’t nang siya’y magkasala na, hindi na siya nakasumpong ng ligaya sa kabanalan, at sinikap niyang magkubli mula sa harapan ng Diyos. Ganiyan hanggang sa ngayon ang kalagayan ng pusong hindi nababago. Hindi kaayon ng Diyos at hindi nakakasumpong ng kaligayahan sa pakikipagsanggunian sa Kanya. Ang makasalanan ay hindi masaya sa harapan ng Diyos; iiwas siya upang huwag makasama ng mga banal na anghel. Kung pahihintulutan siyang pumasok sa langit, ito ay walang maidudulot na kaligayahan sa kanya. Ang espiritu ng hindi makasariling pag-ibig na roo’y naghahari—na ang bawa’t puso ay tumutugon sa puso ng Walang-hanggang Pag-ibig—ay hindi masasagi ang kaibuturan ng kanyang kaluluwa upang tumugon. Ang kanyang pag-iisip, mga interes, mga motibo, ay ibang-iba sa mga di-nagkakasalang tumatahan doon. Siya’y magiging isang mapanirang nota na sisira sa malamig na himig ng sangkalangitan. Sa ganang kanya, ang langit ay magiging isang lugar ng pagpapahirap; iibigin niyang makubli mula sa Kanya na siyang liwanag doon, at sentro ng kagalakan. Hindi ang makaharing pasya ng Diyos ang naghihiwalay sa mga makasalanan sa langit; sila’y nangapalabas dahil din sa hindi sila naaangkop doon. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay magiging isang apoy na namumugnaw para sa kanila. Mas nanaisin pa nila ang kapahamakan, upang mangakubli lamang sila sa mukha Niya na namatay upang sila’y matubos. 

HINDI NATIN MAILILIGTAS ANG SARILI

Imposible para sa atin, kung tayo lamang, na makatakas sa balon ng kasalanang kinalulugmukan natin. Masama ang ating mga puso, at hindi natin ito mababago. “Sinong makakakuha ng malinis na bagay sa marumi? Wala.” Job 14:4. “Ang kaisipan ng laman ay pakikipag-away laban sa Diyos,: sapagka’t hindi napasasaklaw sa kautusan ng Diyos, at sa katotohanan man ay hindi nga mangyari.” Roma 8:7 Ang edukasyon, paglilinang, ang pagganap ng kalooban, pagsisikap ng tao, lahat ay may kanya-kanyang kinauukulan, datapuwa’t walang kapangyarihan ang lahat ng iyan. Mangyayaring magbunga ang mga iyan ng wastong panlabas na pag-uugali, datapuwa’t hindi nila mababago ang puso; hindi nila malilinis ang mga bukal ng buhay. Kailangan munang magkaroon ng isang kapangyarihang gumagawa sa kalooban, isang bagong buhay buhat sa itaas, bago mabago ang tao mula sa kasalanan patungong kabanalan. Ang kapangyarihang iyan ay si Cristo. Ang biyaya Niya lamang ang makabubuhay sa mga patay na sangkap ng kaluluwa, at makahahalina sa Diyos, sa kabanalan. Anang Tagapagligtas: Maliban na ang tao ay ipanganak mula sa itaas,” malibang siya’y tumanggap ng bagong puso, mga bagong naisin, adhikain, at layunin, na naghahatid sa isang bagong buhay, “ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” Juan 3:3. Ang paniniwala na kailangan lamang ay ang paunlarin ang kabutihang nasa likas ng tao, ay pandarayang nakapapahamak. “Ang taong ukol sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos; sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kanya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.” 2 Corinto 2:14. “Huwag kang magtaka sa aking sinabi sa inyo: Kinakailangan ngang kayo’y ipanganak na muli.” Juan 3:7. Tungkol kay Cristo ay ganito ang nasusulat: “Nasa Kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao,” ang tanging “pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” Juan 1:4; Gawa 4:12. 

MAGHANAP NG PAGLILIGTAS MULA SA KASALANAN

Hindi sapat ang unawain lamang ang kagandahangloob ng Diyos, at makita ang paglingap at maka-amang pag-ibig, ng Kanyang karakter. Hindi sapat ang makilala ang karunungan at katarungan ng Kanyang kautusan, ni makitang ito’y nakasalig sa walang-hanggang prinsipyo ng pag-ibig. Nakita ni apostol Pablo ang lahat ng ito, nang ipahayag niyang: “Sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan.” “Ang kautusan ay banal, at ang utos, ay banal, at matuwid, at mabuti.” Datapuwa’t dahil sa pait ng kanyang kapighatian, ay dinugtungan niya ng wikang: “Ako’y sa laman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.” Roma 7:16, 12, 14. Kinasabikan niyang maabot ang kadalisayan, at ang katuwiran, na hindi niya maabut-abot sa sarili niyang lakas, at dahil dito’y sumigaw siya: “Abang tao ako! sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan?” Roma 7:24. Iyan ang sigaw na, mula sa lahat ng lupain at sa lahat ng kapanahunan, ay naibulalas ng mga pusong nabibigatan. Iisa lamang ang tugon ng lahat: “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Juan 1:29

Maraming sagisag ang ginamit ng Espiritu ng Diyos upang ilarawan ang katotohanang ito, at upang ipaliwanag sa mga kaluluwang nananabik na maging malaya sa kasalanan. Noong si Jacob ay lumayas sa tahanan ng kanyang ama, pagkatapos na magkasala ng dayain niya si Esau, ay nanglumo siya dahil sa nagawa niyang kasalanan. Nag-iisa at palaboy-laboy, malayo sa lahat niyang minamahal, ang isipang bukod na gumugulo sa kanyang kalooban, ay ang pangambang siya ay inihiwalay ng kanyang kasalanan sa Diyos, at tinanggihan na siya ng Langit. Sa kalumbayan ay humiga siya sa lupa, nasa palibot niya ang mga burol, at sa itaas ay ang langit na maliwanag sa ningning ng mga bituin. Nang siya’y natutulog, isang kakaibang liwanag ang tumama sa kanyang paningin; at narito, buhat sa patag na lupang kanyang kinahihigan, isang mahabang hagdan ang mandi’y patungo sa pinto ng langit, at doo’y manhik-manaog ang mga anghel ng Diyos, samantalang mula sa kaluwalhatian sa itaas, ay narinig niya ang tinig ng Diyos na naghahatid sa kanya ng kaaliwan at pag-asa. Sa ganito’y nahayag kay Jacob yaong kinakailangan at pinananabikan ng kanyang kaluluwa—isang Tagapagligtas. Taglay ang tuwa at pasasalamat ay natanaw niyang nahayag ang isang paraan, na makapagsasauli sa kanya, na isang makasalanan, sa pakikipag-usap sa Diyos. Ang mahiwagang hagdan ng kanyang panaginip ay kumakatawan kay Jesus, na siyang tanging tagapamagitan sa pakikipag-ugnayan ng Diyos sa tao. 

ANG DAKILANG HAGDAN

Ito rin ang sagisag na tinukoy ni Cristo sa Kanyang pakikipag-usap kay Natanael, nang sabihin Niyang: “Makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog sa ulunan ng Anak ng tao.” Juan 1:51. Sa apostasya, ay inihiwalay ng tao ang kanyang sarili sa Diyos; naputol ang pagkakaugnay ng lupa at ng langit. Sa malaking pagitan na naghihiwalay, di maaaring magkaroon ng pagkakaugnay. Datapuwa’t sa pamamagitan ni Cristo, ang lupa ay muling naparugtong sa langit. Taglay ni Cristo ang sariling kasakdalan, Kanyang nilagyan ng tulay ang malaking pagitan na ginawa ng kasalanan, upang maaring makipagtalastasan ang mga naglilingkod na anghel sa tao. lniuugnay ni Kristo ang taong nagkasala, mahina’t walang kaya, sa Pinagmumulan ng walang-hanggang kapangyarihan. 

Datapuwa’t walang kabuluhan ang mga pag-unlad na pinapangarap ng mga tao, walang mararating ang lahat ng pagsisikap na maiangat ang sangkatauhan, kung pababayaan nila ang tanging Pinagmumulan ng pag-asa at tulong para sa sangkatauhang nagkasala. Ang bawa’t mabuting kaloob, at ang bawa’t sakdal na kaloob ay pawang buhat” sa Diyos.” Santiago 1:17. Walang tunay na mahusay na karakter na hiwalay sa Kanya. At ang tanging daan sa Diyos ay si Cristo. Ang sabi Niya: “Ako ang Daan, at ang Katotohanan, at ang Buhay: sino may hindi makalalapit sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko.” Juan 14:6

ANG DIYOS AY NANANABIK PARA SA ATIN

Ang puso ng Diyos ay nananabik sa Kanyang mga anak dito sa lupa taglay ang isang pag-ibig na makapangyarihan pa kaysa kamatayan. Sa pagbibigay ng Kanyang Anak, iginawad na Niya sa atin ang buong langit na maging isang kaloob. Ang buhay, kamatayan, at pamamagitan ng Tagapagligtas, ang paglilingkod ng mga anghel, ang pamamanhik ng Espiritu ng Diyos, ang Ama na gumagawa ng higit sa lahat at sa pamamagitan ng lahat, ang walang patid na pagbabantay ng mga nilalang sa sangkalangitang—ang lahat ng ito ay magkakasama para sa ikatutubos ng tao. 

Oh! Pagbulaybulayin nga natin ang kagilagilalas na pagpapakasakit na ginawa dahil sa atin! Pahalagahan nga natin ang paggawa at sikap na ginugugol ng Langit upang mabawi ang nawawala, at maiuwi sa bahay ng Ama. Mas mabuting hangarin, at mas makapangyarihang ahensya, na hindi madadala para kumilos; ang napakalaking mga gantimpala sa paggawa ng mabuti, ang kaluguran sa kalangitan, ang pakikisama ng mga anghel, ang pakikipag-usap at pagibig ng Diyos at ng Kanyang Anak, ang pagkabunyi at paglawak ng lahat nating kapangyarihan sa buong panahong walang katapusan—hindi baga mga pampasigla ang mga iyan upang sa ati’y mag-udyok na ibigay ang maibiging paglilingkod ng ating mga puso sa Lumalang at Tumubos sa atin? 

At, sa kabilang dako, ang mga kahatulan ng Diyos na ipinahayag laban sa kasalanan, ang hindi maiiwasang paghihiganti, ang pagbaba ng ating pagkatao, at ang pangwakas na pagkawasak, ay mga inihahayag sa salita ng Diyos upang babalaan tayo sa paglilingkod kay Satanas. 

Hindi baga natin pahahalagahan ang kahabagan ng Diyos? Ano pang higit sa rito ang magagawa Niya? Ilagay nga natin ang ating mga sarili sa tamang relasyon sa Kanya na umibig sa atin ng kahanga-hangang pag-ibig. Tanggapin natin ang paraang inilaan sa atin upang mangatulad tayo sa Kanyang wangis, at masauli sa pakikisama ng mga anghel na tagapangasiwa, sa pakikiisa at pakikipag-usap sa Ama at sa Anak.