KABANATA 6

Pagkatapos na mabuhay ng Banal na Espiritu ang inyong budhi, ay nakakita na kayo ng kasamaan ng kasalanan, ng kapangyarihan nito, karumihan, at kaabaan; at iya’y inyong kinasusuklaman na. Nararanasan ninyong ang kasalanan ay siyang sa inyo’y naglayo sa Diyos, at kayo’y inaalipin ng kapangyarihan ng masama. Kung kailan ninyo pinagsisikapang makaiwas ay lalo naman ninyong nakikilala ang inyong kahinaan. Ang inyong mga layunin ay hindi malinis; ang inyong puso ay marumi. Nakikita ninyong ang inyong kabuhayan ay napuno ng kasakiman at kasalanan. Nasasabik kayo na patawarin, linisin at palayain. Pakikiayon sa Diyos, pakikitulad sa Kanya—ano ang inyong magagawa upang iya’y kamtin? 

Kapayapaan ang inyong kinakailangan—kapatawaran ng Langit at kapayapaan at pag-ibig sa inyong kaluluwa. Iya’y hindi mabibili ng salapi, hindi makukuha ng pang-unawa, hindi maaabot ng karunungan; hindi ninyo maaasahang iya’y makukuha sa pamamagitan ng sarili ninyong pagsisikap. Datapuwa’t iniaabot sa inyo ng Diyos na tulad sa isang kaloob, na “walang salapi at walang bayad.” Isaias 55:1. Sa inyo ito kung inyo lamang aabutin at kukunin. Sinasabi ng Panginoon na, “bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niyebe; baga man maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng tupa.” Isaias 1:18. “Bibigyan Ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan Ko ang loob ninyo ng bagong diwa.” Ezekiel 36:26. 

Naipahayag na ninyo ang inyong mga kasalanan, at naalis na ninyo sa inyong puso. Naipasiya na ninyong ibigay ang inyong sarili sa Diyos. Ngayo’y lumapit kayo sa Kanya, at ipamanhik ninyong hugasan Niya ang lahat ninyong kasalanan, at bigyan kayo ng isang bagong puso. Sampalatayanan ninyong ito’y ginagawa Niya sapagkat Kanyang ipinangako. Ito ang aral na itinuro ni Jesus noong Siya’y narito sa ibabaw ng lupa; na ang kaloob na ipinangangakong ibibigay sa atin ng Diyos ay dapat nating sampalatayanang tinatanggap natin, at magiging atin. Pinagaling ni Jesus ang karamdaman ng mga tao, noong manampalataya sila sa Kanyang kapangyarihan; tinulungan Niya sila sa bagay na kanilang nakikita, na sa gayo’y pinasigla silang magtiwala sa Kanya tungkol sa mga bagay na di nila nakikita—inakay silang manampalataya sa Kanyang kapangyarihang magpatawad ng kasalanan. Ito’y malinaw Niyang ipinahayag nang Kanyang pagalingin ang lalaking lumpo: “Upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao’y may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi nga Niya sa lumpo,) Magtindig ka buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.” Mateo 9:6. Ganyan din naman ang sinabi ni Juan ebanghelista, nang saysayin niya ang mga kababalaghang ginawa ni Kristo: Ang mga ito’y nangasusulat, upang kayo’y mangagsisampalataya na si Jesus ay ang Kristo, ang Anak ng Diyos; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa Kanyang pangalan.” Juan 20:31. 

PAANO MANAMPALATAYA?

Mula sa malinaw na salaysay ng Biblia na kung paano nagpagaling si Jesus ng mga maysakit, ay matututuhan natin ang paraan ng pagsampalataya sa Kanya sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Balingan natin ang buhay ng lumpo sa Bethesda. Ang kaawaawang tao ay walang magawa; tatlumpu’t walong taon na hindi niya ginamit ang kanyang kamay at paa. Gayon ma’y sinabi sa kanya ni Jesus: “Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at ikaw ay lumakad.” Maaaring sinabi sana ng lumpo: “Panginoon, kung Iyo akong pagagalingin, susundin ko ang Iyong salita. Nguni’t hindi kundi sinampalatayanan niya ang salita ni Kristo, sinampalatayanan niyang siya’y pinagaling, at nagsikap siya agad; ipinasiya niyang lumakad, at siya’y nakalakad. Sinunod niya ang salita ni Kristo, at binigyan siya ng Diyos ng lakas. Siya’y gumaling. 

Gayon din ang inyong pagkamakasalanan. Hindi ninyo matutubos ang inyong nagawang mga kasalanan, hindi mababago ang inyong puso, at magagawang banal ang inyong sarili. Datapuwa’t nangangako ang Diyos na gagawin niya ang lahat ng ito para sa inyo sa pamamagitan ni Kristo. Manalig kayo sa pangakong iyan. Ipahayag ninyo ang inyong mga kasalanan, at ibigay ninyo sa Diyos ang inyong sarili. Ipasiya ninyong maglingkod sa Kanya. Kapagkarakang inyong magawa ito, tunay namang tutupdin ng Diyos ang Kanyang salita sa inyo. Kung pinaniniwalaan ninyo ang pangako—naniniwalang kayo’y pinatawad at nalinis na—ay ibinibigay ng Diyos ang pagkatupad; kayo’y gagaling, katulad naman ng lumpo na binigyan ni Kristo ng kapangyarihang makalakad, noong sampalatayanan niyang siya’y pinagaling. Mangyayaring gayon pagka inyong sinampalatayanan. 

Huwag na ninyong hintaying maramdaman pa ninyo na kayo’y pinagaling, kundi inyong sabihin: “Sinasampalatayanan ko; hindi sapagka’t naramdaman ko, kundi sapagka’t ipinangako ng Diyos.” 

AYON SA KALOOBAN NG DIYOS

Ani Jesus: “Lahat ng mga bagay na iyong idinadalangin at hinihingi, ay magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin.” Marcos 11:24. Isang bagay ang kailangan upang matupad ang pangakong ito—tayo’y manalangin ng ayon sa kalooban ng Diyos. Datapuwa’t kalooban ng Diyos ang tayo’y linisin sa kasalanan, gawin tayong mga anak Niya, at tulungang mamuhay ng isang banal na kabuhayan. Kaya nga’t mahihingi natin ang mga pagpapalang ito, at sampalatayanan nating tinanggap natin, at tuloy pasalamatan ang Diyos na tinanggap na natin. Karapatan natin ang lumapit kay Jesus at pahugas, upang makatayo sa harapan ng kautusan na walang ikahihiya o pagsinghal sa sarili. “Ngayon nga’y wala nang anumang hatol sa mga na kay Kristo Jesus, na hindi lumakad ng ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu.” Roma 8:1. 

Mula ngayon ay hindi na kayo sa inyong sarili; kayo’y binili sa halaga. “Kayo’y tinubos … hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto … kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, samakatuwid baga’y ni Kristo.” 1 Pedro 1:18,19. Sa pamamagitan ng simpleng pananampalatayang ito sa Diyos, ay naglagay ang Banal na espiritu ng isang bagong kabuhayan sa inyong puso. Kayo’y tulad sa isang sanggol, na isinilang sa sambahayan ng Diyos at kayo’y iniibig Niyang gaya ng Kanyang pag-ibig sa Kanyang Anak. 

Ngayong naibigay na ninyo kay Jesus ang inyong sarili, ay huwag kayong umurong, huwag ninyong llayo sa Kanya ang inyong sarili; kundi sa araw-araw ay sabihin ninyo ang ganito: “Ako’y kay Kristo; ibinigay ko na sa Kanya ang aking sarili;” at hilingin ninyo sa Kanya na ibigay sa inyo ang Kanyang Espiritu, at ingatan kayo ng Kanyang biyaya. Kung paanong sa pagbibigay ng inyong sarili sa Diyos at sa pananampalataya sa Kanya, kayo’y nagiging Kanyang mga anak, sa ganyan din namang paraan mabubuhay kayo sa Kanya. Anang apostol: “Kung paano nga na inyong tinanggap si Kristo Jesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa Kanya.” Colosas 2:6. 

ANGKININ ANG PAGPAPALA NGAYON

Ang akala mandin ng mga iba ay dapat silang mapalagay sa pagsubok at dapat nilang patunayan muna sa Panginoong sila’y nagsipagbago na, bago nila maangkin ang Kanyang pagpapala. Datapuwa’t ngayon paman ay maaangkin na nila ang pagpapala ng Diyos. Dapat silang magkaroon ng kanyang biyaya, at ng Espiritu ni Kristo upang umalalay sa kanilang mga kahinaan, kung hindi gayon ay di nila malalabanan ang masama. Nalulugod si Jesus na tayo’y lumapit sa Kanya, sa talaga nating kalagayan: makasalanan, mahina, at walang kaya. Makalalapit tayong dala ang lahat nating kahinaan, ang ating mga pagkakamali, ang ating pagkamakasalanan, at makapagpapatirapang nagsisisi sa Kanyang paanan. Ikinaluluwalhati Niya na yakapin tayo sa mga bisig ng Kanyang pag-ibig, at talian ang ating mga sugat, at linisin tayo sa lahat nating karumihan. 

Ito ang ipinagkukulang ng libu-libo: hindi sila naniniwalang pinatatawad ni Jesus ang bawa’t isa sa kanila. Hindi naniniwalang gagawin ng Diyos ang Kanyang sinabi. Subali’t karapatan ng lahat ng umaalinsunod sa mga hinihiling ng Diyos ang kanilang maalaman na sa lahat ng uri ng kasalanan ay malayang ipinagkaloob ang kapatawaran. Alisin ninyo ang hinala na sa inyo’y hindi ukol ang mga pangako ng Diyos. Magkatiwala kayo, na ang mga pangakong iyan ay para sa bawa’t nagsisising makasalanan. Sa pamamagitan ni Kristo ay nailaan na ang lakas at biyaya upang dalhin ng mga anghel na nangangasiwa sa bawa’t taong sumasampalataya. Walang mga napakamakasalanan na hindi makakasumpong ng lakas, kalinisan, at katuwiran kay Jesus, na namatay ng dahil sa kanila. Siya’y naghihintay upang hubarin ang kanilang mga kasuutang nadungisan at narumhan ng kasalanan at bihisan sila ng mapuputing damit ng katuwiran; Nais Niyang mabuhay sila, at huwag mamatay. 

Hindi tayo pinakikitunguhan ng Diyos gaya ng pakikitungo ng tao sa kapuwa niya. Ang Kanyang pagiisip ay pag-iisip ng kaawaan, pag-ibig, at masintahing kahabagan. Ganito ang sabi Niya: “Lisanin ng masama ang kanyang lakad, at ng liko ang kanyang mga pag-iisip; at manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan Niya siya; at sa aming Diyos, sapagka’t siya’y magpapatawad ng sagana.” “Aking pinawi na parang masingsing ulap ang inyong mga pagsalansang, at parang alapaap, ang inyong mga kasalanan.” Isaias 55:7; 44:22. 

PAANO SIYA NAKIKITUNGO SA ATIN?

“Wala akong kasayahan sa kamatayan niya na namamatay, sabi ng Panginoong Diyos; kaya’t magsipagbalik-loob kayo, at kayo’y mangabuhay.” Ezekiel 18: 32. Nakaabang si Satanas upang nakawin ang mapagpalang mga pangako ng Diyos. Ibig niyang alisin sa puso ng tao ang bawa’t badha ng pag-asa at bawa’t sinag ng liwanag niya. Huwag ninyong pakinggan ang manunukso, kundi inyong sabihin: “Si Jesus ay namatay upang ako’y mabuhay. Iniibig Niya ako at laban sa Kanyang kalooban ang ako’y mapahamak. Ako’y mayroong mahabaging Ama na nasa langit; at bagaman dinusta ko ang Kanyang pag-ibig bagaman inaksaya ko ang mga pagpapalang ibinigay sa akin, ay titindig din ako, at paroroon sa aking Ama at magsasabi: Nagkasala ako laban sa langit, at sa Iyong paningin: hindi na ako karapat-dapat tawaging anak Mo: gawin Mo akong tulad sa isa sa Iyong mga alilang upahan.” Sa inyo’y sinasabi ng talinhaga, kung paanong tinanggap ang naglagalag: “Samantalang nasa malayo pa siya ay natanawan na siya ng kanyang ama, at nagdalang habag, at tumakbo, at niyakap siya sa leeg, at siya’y hinagkan.” Lukas 15:18-20

Datapuwa’t maging ang talinhagang ito, na puno ng pag-ibig at kumikilos ng damdamin ay hindi sapat na makapaglarawan ng walang-hanggang pagmamahal ng Ama na nasa langit. Ganito ang inihahayag ng Panginoon, sa pamamagitan ng kanyang propeta: “Inibig kita ng walang-hanggang pag-ibig: kaya’t ako’y lumapit sa iyo na may kagandahang loob.” Jeremias 31:3. Noong ang makasalanan ay hindi pa umuuwi sa bahay ng Ama, at inaaksaya ang kanyang kayamanan sa ibang bayan, ang puso ng Ama ay uhaw na uhaw sa kanya; at bawa’t pananabik na bumabangon sa kanyang puso upang manumbalik sa Ama, ay malumanay na pamanhik lamang ng Espiritu ng Diyos, na sumusuyo at sumasamo, upang ilapit ang naglagalag sa maibiging puso ng kanyang Ama. 

WALANG DAHILAN PARA SA PAG-AALINLANGAN

Yamang nasa harap ninyo ang mayayamang pangako ng Biblia, mabibigyan pa ba ninyo ng daan ang pagaalinlangan? Mapaniniwalaan ba ninyo na pagka ang abang makasalanan ay nasasabik na magbalik sa Diyos ay mahigpit na hahadlangan siya ng Panginoon upang huwag makalapit na nagsisisi sa Kanyang paanan? Alisin ninyo ang ganyang akala! Wala ng lalong makasusugat sa inyong kaluluwa kay sa pagsasaloob ng ganyang paniniwala tungkol sa ating Ama na nasa langit. Kinapopootan Niya ang kasalanan, subali’t iniibig Niya ang nagkasala, at ibinigay Niya ang Kanyang sarili sa pamamagitan ni Kristo, upang ang lahat ng may ibig maligtas, ay magkaroon ng hindi kumukupas na mga pagpapala sa kaharian ng kaluwalhatian. Ano pang pangungusap ang masusumpungan na lalong mabisa o lalong masintahin kaysa pangungusap na pinili Niya, upang ipahayag ang Kanyang pag-ibig sa atin? Ipinahahayag Niyang: “Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin, na siya’y hindi mahahabag sa anak ng kanyang bahay-bata? Oo, ito’y makalilimot, nguni’t hindi kita kalilimutan.” Isaias 49:15. 

Tumingala ka, ikaw na nag-aalinlangan at nanginginig; sapagka’t si Jesus ay nabubuhay upang mamagitan para sa atin. Pasalamatan mo ang Diyos sa pagkakaloob ng Kanyang iniibig na Anak, at idalangin mong huwag sanang mawalan ng kabuluhan ang Kanyang pagkamatay dahil sa iyo. Inaanyayahan ka ngayon ng Espiritu. Lumapit ka kay Jesus ng buong puso mo, at maaangkin mo ang Kanyang pagpapala. 

Pagbasa mo ng mga pangako, alalahanin mong iyan ay mga pahayag ng di mabigkas na pag-ibig at habag. Di masukat ang pagkaawa ng Diyos sa makasalanan. “Mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng Kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan.” Efeso 1:7. Oo, manampalataya lamang kayo na ang Diyos ang sa inyo’y tutulong. Ninanais Niyang isauli sa tao ang banal na larawan. Paglapit ninyo sa Kanya na nagsisisi at nagpapahayag ng inyong mga kasalanan, ay lalapit Siya sa inyong may dalang habag at kapatawaran.