KABANATA 7

“Kung ang sinuman ay na kay Kristo, siya’y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila’y pawang naging mga bago.” 2 Corinto 5:17. 

Maaaring hindi masabi ng isang tao ang hustong panahon o lugar, o matunton man ang hanay ng mga pangyayari sa kanyang pagbabalik-loob sa Diyos; datapuwa’t ito’y hindi nagpapakilalang siya’y hindi pa nagbabalik-loob. Ang sabi ni Kristo kay Nikodemo: “Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kanyang ugong, nguni’t hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan naparoroon: gayon ang bawa’t ipinanganak ng Espiritu.” Juan 3:8. Katulad ng hangin, na hindi nakikita, nguni’t hayag na hayag at nararamdaman ang mga ginagawa, ang paggawa ng Espiritu ng Diyos sa puso ng tao. Iyang nagbibigay-buhay na kapangyarihang iyan, na hindi kita ng mata ng tao, ay lumalalang ng isang bagong kabuhayan sa kaluluwa; lumilikha ng isang bagong pagkatao na ayon sa wangis ng Diyos. Bagaman ang paggawa ng Espiritu ay tahimik at hindi nalalaman, ang mga ibinubunga ay hayag. Kung ang puso’y binago na ng Espiritu ng Diyos, makikita sa paraan ng pamumuhay. Bagaman at wala tayong magawang anuman upang mabago ang ating puso o maipagkasundo ang ating mga sarili sa Diyos; bagaman at tayo’y hindi dapat magtiwala sa ating mga sarili o sa ating mabubuting gawa, gayon ma’y ihahayag ng ating mga kabuhayan kung ang biyaya ng Diyos ay tumitira sa ating kalooban. Isang pagbabago ang makikita sa likas, sa mga kaugalian, at sa mga gawain. Malinaw at malaki ang magiging pagkakaiba ng dati at ng bagong kilos. Nahahayag ang likas, hindi sa paminsan-minsang paggawa ng mabuti at sa paminsanminsang paggawa ng masama, kundi sa talagang hilig ng mga sinasalita at mga ginagawa sa tuwi-tuwina. 

Tunay nga na maaaring mabago ang asal kahi’t wala ang bumabagong kapanyarihan ni Kristo. Ang pagibig na magkaroon ng impluensiya at pagnanasang kilalanin ng mga iba ay maaring lumilikha ng isang maayos na pamumuhay. Ang paggalang sa sarili ay mangyayaring sa ati’y umakay na lumayo sa anumang anyo ng kasamaan. Ang isang sakim na puso ay maaring magkawang-gawa. Dahil dito ay sa pamamagitan kaya ng ano mapagkikilala natin kung kangino tayo napapanig? 

SINO ANG MAY-ARI NG PUSO?

Sino ang may-ari ng puso? Kanino naroroon ang ating mga pag-iisip? Sino ang ibig nating pag-usapan? Sino ang pinag-uukulan natin ng pinakamaalab na pag-ibig at pinakamabuting paglilingkod? Kung tayo’y kay Kristo, ang ating mga pag-iisip ay sumasa Kanya, at ang pinakamasarap nating mga iniisip ay tungkol sa Kanya. Lahat ng tinataglay natin at pati tayo ay itinalaga na sa Kanya. Kinasasabikan nating taglayin ang Kanyang wangis, tamuhin ang Kanyang Espiritu, gawin ang Kanyang kalooban, at bigyan Siya ng kaluguran sa lahat ng bagay. 

Yaong naging mga bagong nilalang kay Kristo Jesus, ay magkakaroon ng mga bunga ng Espiritu: “pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, pagpipigil.” Galacia 5:22,23. Hindi na nila isasang-ayon pa ang kanilang sarili sa dati nilang masasamang pita, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos ay susundin nila ang Kanyang mga hakbang, ipakikita ang Kanyang likas, at maglilinis ng kanilang mga sarili na gaya naman Niyang malinis. Ang mga bagay na dating kinapopootan nila, ay ibig na nila ngayon; at ang mga bagay na dati-dati’y iniibig nila, ay kinapopootan na nila. Ang palalo at mapagmapuri ay nagiging maamo at mapagpakumbaba. Ang hambog at mapaghari-harian ay nagiging maingat at di pakialam. Ang maglalasing ay nagiging dalisay. Ang walang kabuluhang kaugalian at mga moda ng sanlibutan ay inaalis. Hindi na hahanapin ng mga Kristiyano ang kagayakang panlabas, kundi ang “pagkataong natatago sa puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at payapa.” 1 Pedro 3:3,4. 

Walang katibayan ang tunay na pagsisisi, malibang yao’y gumagawa ng pagbabago. Kung isauli ng makasalanan ang sangla, ibigay na muli ang kanyang ninakaw, ipahayag ang kanyang mga pagkakasala, at umibig sa Diyos at sa kanyang kapuwa tao, ay maaasahan niyang siya’y nakalampas sa kamatayan at nakarating sa buhay. 

Kung lumalapit kay Kristo tayong nagkakamali at nagkakasala at tumatanggap ng Kanyang nagpapata- wad na biyaya ay tumutubo ang pag-ibig sa ating puso. Magaan ang bawa’t dalahin, sapagka’t malambot ang pamatok na ipinapasan ni Kristo. Nagiging kaluguran ang ating gawain at kagalakan ang pagsasakripisiyo. Ang landas na nang una’y madilim, ay pinapagliliwanag ng sinag na nagmumula sa Araw ng Katuwiran. 

ANG KANYANG WANGIS AY SUMAATIN

Ang kaibig-ibig na likas ni Kristo ay makikita sa mga sumusunod sa Kanya. Naging kaluguran ni Kristo ang gawin ang kalooban ng Diyos. Ang pag-ibig sa Diyos, ang sikap na ikaluluwalhati ng Diyos, ay siyang kapangyarihang naghahari sa kabuhayan ng ating Tagapagligtas. Pag-ibig ang nagpaganda at nagparangal sa lahat Niyang mga kilos. Ang pag-ibig sa Diyos, ang sikap na ikaluluwalhati ng Diyos, ay siyang kapangyarihang naghahari sa kabuhayan ng ating Tagapagligtas. Pag-ibig ang nagpaganda at nagparangal sa lahat Niyang mga kilos. Ang pag-ibig ay sa Diyos. Ang pusong hindi natatalaga sa Diyos ay hindi makapagpapasimula o makalilikha ng pag-ibig. Natatagpuan ito sa puso lamang na pinaghaharian ni Jesus. “Tayo’y nagsisiibig, sapagka’t Siya’y unang umibig sa atin.” 1 Juan 4:19. Sa pusong pinapagbago ng banal na biyaya ay pag-ibig ang diwang nangingibabaw. Ito ang nagbabago ng likas, nangingibabaw sa mga simbuyo ng damdamin, nagpapasuko sa pakikialit at nagpapaging marangal sa pag-ibig. Ang pag-ibig na ito, pagka iniimpok sa puso, ang nagpapatamis sa kabuhayan, at nagdudulot ng lumilinang na impluensiya sa buong palibot. 

Mayroong dalawang kamalian na dapat pakalayulayuan ang mga anak ng Diyos—lalo na yaong mga bago pa lamang na nagtitiwala sa Kanyang biyaya—dapat silang magpakaingat. Ang una, na naipaliwanag na, ay ang pag-asa sa sarili nilang mga gawa, at pagtitiwala sa anuman nilang magagawa, upang maisang-ayon sa Diyos ang kanilang sarili. Ang nagsisikap na magbanal sa pamamagitan ng kanyang sariling mga gawang pagtupad ng kautusan, ay gumagawa ng isang bagay na hindi maaari. Lahat ng magagawa ng tao, kung siya’y hiwalay kay Kristo, ay nababalot ng dungis na kasakiman at kasalanan. Biyaya lamang ni Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya, ang makapagpapabanal sa atin. 

Ang kamaliang katuwas nito at kasing panganib din, ay ang paniniwalang ang pagsampalataya kay Kristo ay nagbibigay ng kalayaan sa tao upang huwag na nilang sundin ang kautusan ng Diyos; na yamang sa pamamagitan lamang ng pananampalataya ay tumtanggap na tayo ng biyaya ni Kristo, ang ating mga gawa ay walang anumang kinalaman sa pagtubos sa atin. 

HINDI LAMANG PANLABAS NA PAGGANAP

Subali’t inyong punahin sa bahaging ito, na ang pagtalima ay di pakitang tao lamang, kundi isang paglilingkod ng pag-ibig. Ang kautusan ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang likas; isang kabuuan ng dakilang simulain ng pag-ibig, at dahil dito’y siyang pinagsasaligan ng Kanyang pamahalaan sa langit at sa lupa. Kung nabago na ang ating mga puso at natulad na sa Diyos, kung ang banal na pag-ibig ay natanim na sa kalooban hindi baga natin isasakabuhayan ang kautusan ng Diyos? Pagka sa puso’y natanim na ang simulain ng pag-ibig, pagka nabago na ang pagkatao ayon sa wangis Niyang lumikha sa kanya, kung magkagayo’y natutupad ang pangako ng bagong pakikipagtipan: “Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang puso, at isusulat Ko rin naman sa kanilang pag-iisip.” Hebreo 10:16. At kung ang kautusan ay nasusulat sa puso, hindi baga ito ang aayos sa kabuhayan? Ang pagtalima—ang paglilingkod at pagtatapat ng pag-ibig—ay siyang tunay na tanda ng pagkaalagad. Kaya’t ganito ang sinasabi ng Kasulatan: “Ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang Kanyang mga utos.” “Ang nagsasabing Nakikilala ko Siya, at hindi tumutupad ng Kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya.” 1 Juan 5:3; 2:4. Sa halip na ilabas ang tao sa pagtalima, ang pananampalataya pa nga, oo, at pananampalataya lamang ang nakapagpapaaring tayo’y maging kabahagi ng biyaya ni Kristo na sa atin ay umaalalay upang sa Kanya’y tumalima. 

ANG KALIGTASAN AY ISANG REGALO

Hindi natin kikitain ang kaligtasan sa pamamagitan ng ating pagtalima; sapagka’t ang kaligtasan ay walang bayad na kaloob ng Diyos, na ating tatanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya. Datapuwa’t ang pagtalima ay bunga ng pananampalataya. “Nalalaman ninyo na Siya’y nahayag upang mag-alis ng mga kasalanan; at sa kanya’y walang kasalanan. Ang sinumang nananahan sa Kanya ay hindi nagkakasala; sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa Kanya, ni hindi man nakakilala sa Kanya.” 1 Juan 3:5, 6. Naririto ang tunay na pagsubok. Kung tayo’y namamalagi kay Kristo, at kung ang pag-ibig ng Diyos ay nananahan sa atin, ang ating mga damdamin at ang ating mga pag-iisip at sampu ng ating mga kilos, ay magiging kasang-ayon ng kalooban ng Diyos alinsunod sa sinasabi ng Kanyang mga banal na utos. “Mumunti kong mga anak, huwag kayong padaya kanimo man: ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya Niya na matuwid.” 1 Juan 3:7. Sinasabi ng patakarang banal na kautusan ng Diyos kung ano ang katuwiran, ayon sa ipinahahayag ng sampling utos na ibinigay sa Sinai. 

Yaong tinatawag na pananampalataya kay Kristo na nagsasabing hindi na tungkulin ng tao ang sumunod sa Diyos, ay hindi pananampalataya kundi pagsasapantaha. “Sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya.” Datapuwa’t “ang pananampalataya, na walang mga gawa ay patay.” Efeso 2: 8; Santiago 2:17. Bago naparito si Jesus sa lupa, ay ganito ang sinabi Niya tungkol sa Kanyang sarili: “Aking kinalulugurang sundin ang Iyong kalooban, Oh Diyos ko; oo, ang Iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.” Awit 40:8. At bago siya umakyat sa langil ay ipinahayag Niyang: “Aking tinupad ang mga utos ng Aking Ama, at Ako’y nananatili sa Kanyang pag-ibig.” Juan 15:10. Sinasabi ng Kasulatan na: “Sa ganito’y naaalaman natin na siya’y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang Kanyang mga utos. … Ang nagsasabing siya’y nananahan sa Kanya, ay nararapat din namang lumakad ng gaya ng ilinakad Niya.” 1 Juan 2:3-6. “Sapagka’t si Kristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang Niya.” 1 Pedro 2:21. 

ANG KONDISYON PARA SA BUHAY NA WALANG HANGGAN

Ang kondisyon ngayon upang matamo ang buhay na walang-hanggan ay gaya rin ng dati—gaya noong sa Paraiso bago nagkasala ang una nating mga magulang—sakdal na pagtalima sa kautusan ng Diyos, sakdal na katuwiran. Kung ang buhay na walang-hanggan ay ipagkakaloob sa anumang kondisyong sahol dito kung magkagayo’y mapapasa panganib ang kaligayahan ng buong santinakpan. Mabubuksan ang daang papasukan ng kasalanan, kasama ang buo niyang hukbo ng kahirapan at kadalamhatian na hindi mawawakasan magpakailan man. 

Noong si Adan ay hindi pa nagkakasala, ay maaaring magkaroon siya ng isang matuwid na likas sa pamamagitan ng pagtalima sa kautusan ng Diyos. Datapuwa’t hindi niya ginawa, at dahil sa kanyang pagkakasala ay naging makasalanan ang ating mga katutubo, at hindi natin magagawang matuwid ang ating mga sarili. Sapagka’t tayo’y makasalanan, walang kabanalan, ay hindi natin ganap na matatalima ang isang banal na kautusan, Wala tayong sariling katuwiran upang maitugon sa mga kahilingan ng kautusan ng Diyos. Datapuwa’t para sa atin ay gumawa si Kristo ng isang daang matatakasan. Nabuhay Siya rito sa lupa sa gitna ng mga pagsubok at tukso na kagaya ng nasasagupa natin. Namuhay siya ng isang kabuhayang walang bahid-kasalanan. Siya’y namatay dahil sa atin, at ngayo’y nagkukusa siyang kunin ang ating mga kasalanan at ibigay sa atin ang kanyang katuwiran. Kung ibibigay ninyo sa Kanya ang inyong sarili, at tatanggapin ninyo Siyang inyong Tagapagligtas, kung mag- kagayon, kahi’t na naging puno ng pagkakasala ang inyong kabuhayan, ay itinuturing kayo na matuwid alang-alang sa Kanya. Likas ni Kristo ang tumatayo sa lugar ng inyong likas, at kayo’y tinatanggap sa harapan ng Diyos na parang hindi kayo nagkasala. 

Higit sa rito, ay binabago ni Kristo ang puso. Tumatahan Siya sa inyong puso sa pamamagitan ng pananampalataya. Dapat ninyong ingatan ang pakikiugnay na ito kay Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya at patuloy na pagpapakupkop ng inyong kalooban sa Kanya; at habang ito’y inyong ginagawa, ay gagawa naman Siya sa inyo upang kayo’y magpasiya at gumawa ng ayon sa Kanyang mabuting kalooban. Kaya’t masasabi ninyong: “Ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito’y sa Anak ng Diyos, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang Kanyang sarili dahil sa akin.” Galacia 2:20. Ganito ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Hindi kayo ang mangagsasalila, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang sa inyo’y magsasalita.” Mateo 10:20. Kaya’t kung si Kristo ang gumagawa sa inyo, ay magpapakita kayo ng diwang gaya ng sa Kanya, at gagawa kayo ng mga gawang gaya ng ginawa Niya—mga gawa ng katuwiran, na siyang pagkamasunurin. 

WALA TAYONG MAIPAGMAMALAKI

Kaya nga’t sa ating mga sarili ay wala tayong anumang maipagmamalaki. Wala tayong katuwirang inagmataas. Ang pinagsasaligan lamang natin ng pag- asa ay ang ibinigay sa ating katuwiran ni Kristo, at iya’y gawa ng Kanyang Espiritu na gumagawa sa atin at sa pamamagitan natin. 

Pagka binabanggit natin ang pananampalataya, ay may pagkakaibang dapat alalahanin. May isang uri ng paniniwala na kaibang-kaiba sa pananampalataya. Ang pamamalagi at kapangyarihan ng Diyos, at ang katotohanan ng Kanyang Salita, ay mga katunayang hindi maikaila ni Satanas at ng kanyang mga kawal sa kanilang puso. Sinasabi ng Biblia, na “ang mga demonyo man ay nagsisisampalataya at nagsisipanginig” (Santiago 2:19), nguni’t iya’y hindi pananampalataya. Kung saan mayroong hindi lamang pananampalataya sa salita ng Diyos, kundi pagsuko din naman ng kalooban sa Kanya; kung saan ang puso ay ipinasakop sa Kanya, ang pag-ibig ay natatalaga sa kanya, roo’y may pananampalataya—pananampalatayang gumagawang may pag-ibig at lumilinis sa puso. Sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay nababago ang puso at nawawangis sa Diyos. At ang puso na noong hindi pa nababago ay hindi napasasaklaw sa kautusan ng Diyos at sa katotohanan ay hindi nga mangyari, ay nalulugod na ngayon sa mga banal na utos, at kasama ng Mang-aawit ay sumisigaw ng wikang: “Oh gaanong iniibig ko ang Iyong kautusan! Siya kong gunita buong araw.” Awit 119:97. Sa ganya’y ang katuwiran ng kautusan ay natutupad sa atin, “na hindi lumalakad ng ayon sa laman, kundi ng ayon sa Espiritu.” Roma 8:1. 

HUWAG NANG UMATRAS PA

May mga taong nakakakilala ng nagpapatawad na pag-ibig ni Kristo, at talagang hinahangad nilang maging mga anak ng Diyos, subali’t nakikilala nilang hindi sakdal ang kanilang likas, maraming kapintasan ang kanilang kabuhayan, at madali silang mag-alinlangan kung binago na nga o hindi ng Espiritu ng Diyos ang kanilang mga puso. Sa mga taong iyan ay ibig kong sabihin ang ganito: “Huwag kayong umurong sa kawalang-pag-asa. Kinakailangang tayo’y malimit na lumuhod at tumangis sa paanan ni Jesus dahil sa ating mga pagkukulang at kamalian; nguni’t hindi nararapat na tayo’y manglupaypay. Nadaig man tayo ng ating kalaban, ay hindi rin tayo itinatakwil, hindi tinatanggihan o pinababayaan man ng Diyos. Hinding-hindi; si Kristo ay nasa kanan ng Diyos, at namamagitan din naman patungkol sa atin. Ang sabi ni Juan na Kanyang iniibig: “Ang mga bagay na ito ay sinusulat ko sa inyo upang kayo’y huwag mangagkasala. At kung ang sinuman ay magkasala ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesu-Kristo, ang matuwid.” 1 Juan 2:1. Huwag din ninyong limutin ang mga pangungusap ni Kristo: “Ang Ama rin ang umiibig sa inyo.” Juan 16:27. Ibig Niyang ibalik kayo sa Kanyang sarili, upang makita Niyang nahahayag sa inyo ang Kanyang kadalisayan at kabanalan. At kung isusuko lamang ninyo ang inyong sarili sa Kanya, siyang nagpasimula ng isang mabuting gawa sa inyo ay magpapatuloy nito hanggang sa kaarawan ni Jesu-Kristo. Manalangin kayo ng lalong maningas; manampalataya kayo ng lalong lubos. Sa di pagtitiwala sa ating sariling kapangyarihan, ay magtiwala naman tayo sa kapangyarihan ng ating Manunubos, at papupurihan natin Siya na ating kagalingan. 

Kung kailan kayo lalong nalalapit kay Jesus ay saka naman ninyo makikitang kayo’y lalong makasalanan; sapagka’t magiging malinaw ang inyong pagkakilala, at ang inyong mga kapintasan ay maliwanag na makikita ang pagkakaiba sa Kanyang sakdal na likas. Ito’y katunayan na ang mga pandaya ni Satanas ay nawalan ng kanilang bisa; na ang nagbibigay-buhay na kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos ang kumikilos sa inyo. 

TINGNAN MO KUNG SINO KA

Sa puso na ayaw kumilala sa kanyang pagkamakasalanan ay hindi makapag-uugat ng malalim ang pagibig kay Jesus. Ang kaluluwang binago ng biyaya ni Kristo ay hahanga sa Kanyang banal na likas; subali’t kung hindi pa natin nakikita ang ating sariling kapinlasan ay isang napakaliwanag na katunayang hindi pa natin nakikita ang kagandahan at kasakdalan ni Kristo. 

Kung kailan lalong bahagya ang ating nakikitang ikapupuri sa ating sarili, ay saka naman lalong malaki ang ating makikitang ikapupuri sa walang-hanggang kadalisayan at kabanalan ng ating Tagapagligtas. Ang pagkakita natin sa ating pagka makasalanan ay siyang nagtalaboy sa atin sa Kanya na nakapagpapatawad; at pagka ang kaluluwa’y kumikilala sa sariling kahinaan, at nagpipilit na umabot kay Kristo, ay ihahayag naman Niya ang Kanyang sarili na may kapangyarihan. Sa pagtataboy sa atin ng ating pangangailangan sa Kanya at sa salita ng Diyos, ay lalong dadakila ang Kanyang likas sa ating paningin, at lalong ganap nating ihahayag ang Kanyang larawan.