Lesson 22:

Sa unang bahagi ng araling ito ay tinalakay natin ang tungkol sa “mabuting balita na walang hanggan”, kung ano ang ibig sabihin ng “matakot kayo sa Diyos, at magbigay ng kaluwalhatian sa Kaniya”, at kung paano tayo nararapat na “magsisamba” sa Kaniya. Habang tayo ay nagpapatuloy sa pag-aaral na ito, bigyan natin ng pansin ang “dumating ang panahon ng Kaniyang paghatol” sa Apocalipsis 14:7.

1. Ano ang “time setting” para sa pabalitang ito ng oras ng paghatol? Ito ba ay pangnakaraan?

Gawa 17:31 Sapagka’t siya’y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito’y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang siya’y buhayin niyang maguli sa mga patay. 

Gawa 24:25 At samantalang siya’y nagsasalaysay tungkol sa katuwiran, at sa sariling pagpipigil, at sa paghuhukom na darating, ay nangilabot si Felix, at sumagot, Ngayo’y humayo ka; at pagkakaroon ko ng kaukulang panahon ay ipatatawag kita. 

Karagdagang pag-aaral:

2 Tesalonica 2:1 Ngayon aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, tungkol sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo, at sa ating pagkakatipon sa kaniya: 

2 Tesalonica 2:2 Upang huwag kayong madaling makilos sa inyong pagiisip, at huwag din naman kayong mabagabag maging sa pamamagitan man ng espiritu, o sa pamamagitan ng salita, o sa pamamagitan ng sulat na waring mula sa amin, na wari bagang nalalapit na ang kaarawan ng Panginoon; 

2 Tesalonica 2:3 Huwag kayong padaya kanino man sa anomang paraan: sapagka’t ito’y hindi darating, maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan, 

2 Pedro 2:4 Sapagka’t kung ang Dios ay hindi nagpatawad sa mga anghel nang mangagkasala ang mga yaon, kundi sila’y ibinulid sa impierno, at kinulong sa mga hukay ng kadiliman, upang ilaan sa paghuhukom; 

2 Pedro 2:9 Ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal, sa tukso at maglaan ng mga di matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom.

Judas 6 At ang mga anghel na hindi nangagingat ng kanilang sariling pamunuan, kundi iniwan ang kanilang sariling tahanan, ay iniingatan niya sa mga tanikalang walang hanggan sa paghuhukom sa dakilang araw. 

Ang mga apostol ay hindi nagpahayag na “dumating ang panahon ng Kaniyang paghatol”. Itinuro nila ang isang panahon sa hinaharap para sa katuparan nito.

Sinabi ito ni Martin Luther (1483-1546), ang dakilang repormador noong ika-16 na siglo, “Sana, hindi na magtagal ang huling araw ng paghatol, hinihikayat ko ang aking sarili sa katotohanang hindi ito magtatagal nang buong tatlong daang mga taon pa.” Martin Luther, Familiar Discourses, pages 7-8.

2. Maaari bang mailapat ang pabalitang ito ng “panahon ng paghatol” sa hinaharap pagkatapos ng ikalawang pagparito ni Cristo?

Apocalipsis 14:9 At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay, 

Apocalipsis 14:10 Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya’y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero.

Ang pabalita ng ikatlong anghel ay hindi pa natutupad, sapagkat wala pang nakatanggap ng tanda ng hayop, o nakaranas ng poot ng Diyos na walang halong awa, o pinahirapan ng apoy at asupre. Dahil ang ikalawa at ikatlong pabalitang ito ng mga anghel ay kailangang ipahayag bago bumalik si Jesus, ang una ay nararapat din. Kung ang panahon ng paghatol ay hindi pa dumarating sa panahon ng mga apostol o ng mga repormador, at dapat na maganap sa mga huling araw bago ang ikalawang pagparito ni Cristo, ito ay tiyak na tumutukoy sa ating kasalukuyang panahon.

3. Tinukoy ng Bibliya ang dalawang magkaibang mga santuwaryo, saan matatagpuan ang mga ito?

Exodo 28:8 At ang mainam na pagkayaring pamigkis na nasa ibabaw ng epod upang ibigkis, ay gagawing gaya ng pagkayari ng epod at kaputol, na ginto, kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili. 

Exodo 28:9 At kukuha ka ng dalawang batong onix, at iyong iuukit na limbag sa ibabaw ng mga yaon ang mga pangalan ng mga anak ni Israel: 

Exodo 28:40 At iyong igagawa ang mga anak ni Aaron ng mga kasuutan, at iyong igagawa sila ng mga pamigkis, at iyong igagawa sila ng mga tiara sa ikaluluwalhati at ikagaganda. 

Karagdagang pag-aaral:

Hebre 8:5 Na nangaglilingkod sa anyo at anino ng mga bagay sa kalangitan, gaya naman ni Moises na pinagsabihan ng Dios nang malapit ng gawin niya ang tabernakulo: sapagka’t sinabi niya, Ingatan mo na iyong gawin ang lahat ng mga bagay ayon sa anyong ipinakita sa iyo sa bundok. 

Si Moises ay tinawag ng Diyos na umakyat sa Bundok Sinai upang tumanggap ng isang detalyadong plano kung paano itatayo ang isang santuwaryo (ang santuwaryo ng sanglibutang ito – Hebreo 9:1) na maaari nilang dalhin samantalang sila ay patuloy na naglalakbay.

Hebreo 9:1 Ngayon, ang unang tipan din ay nagkaroon ng mga palatuntunan ng pagsamba sa Dios, at ng kaniyang santuario, ang santuario ng sanglibutang ito. 

Hebreo 8:1 Ang kinauuwian nga ng mga bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong isang dakilang saserdote, na nakaupo sa kanan ng luklukan ng Karangalan sa mga langit, 

Hebreo 8:2 Ministro sa santuario, at sa tunay na tabernakulo, na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao. 

Hebreo 9:24 Sapagka’t hindi pumasok si Cristo sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay; kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa harapan ng Dios dahil sa atin.

Samantalang nagpapatuloy tayo sa pag-aaral ng propesiya sa Daniel 8:14, ating matutuklasan kung ano ang ibig sabihin ng paglilinis, at hindi ito maaaring tumukoy sa paglilinis ng santuwaryo na narito sa lupa, kundi doon sa makalangit. Ang makalupang santuwaryo at ang mga gawain nito ay nagtapos na sa pagkamatay ni Cristo, na sumisimbulo sa pagkapunit ng tabing ng templo sa kalahati mula sa itaas hanggang sa ibaba (Mateo 27:51; Colosas 2:14). Ang luma o ang sinaunang tipan ay pinagtibay ng dugo ng mga hayop, ngunit ang bago na “lalong mabubuting handog kay sa rito” ay sa pamamagitan ng dugo ni Cristo (Hebreo 9:23). Ang bagong tipan ay sumasaklaw para sa lahat, kabilang na sa mga Gentil na hindi kabilang mula sa lumang tipan na ginawa sa Israel. Ang layunin ng Diyos sa paggamit ng mga ritwal at mga simbolo ng paglilingkod sa santuwaryo sa Lumang Tipan ay upang magsilbing isang talinghaga ng Ebanghelyo at upang matuon ang ating pansin sa pagdating ng ating Tagapagligtas at sa Kaniyang gawain para sa atin.

Daniel 8:14 At sinabi niya sa akin, Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga; kung magkagayo’y malilinis ang santuario. 

Mateo 27:51 At narito, ang tabing ng templo’y nahapak na nagkadalawa buhat sa itaas hanggang sa ibaba; at nayanig ang lupa; at nangabaak ang mga bato.

Colosas 2:14 Na pinawi ang usapang nasusulat sa mga palatuntunan laban sa atin, na hindi naayon sa atin: at ito’y kaniyang inalis, na ipinako sa krus.

Hebreo 9:23 Kinakailangan nga na ang mga anyo ng mga bagay sa sangkalangitan ay linisin ng mga ito; nguni’t ang mga bagay ring ito sa sangkalangitan ay linisin ng lalong mabubuting handog kay sa rito. 

4. Sinasabi sa ating ng Levitico 16 ang tungkol sa Araw ng Pagtubos bilang isang “anino” tungkol sa paghatol sa mga huling araw na magaganap sa santuwaryo ng langit. Ano ang layunin ng seremonyang ito?

Levitico 16:16 At itutubos niya sa dakong banal dahil sa mga karumalan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsalangsang, sa makatuwid baga’y sa lahat nilang kasalanan: at gayon ang kaniyang gagawin sa tabernakulo ng kapisanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang mga karumalan.

At dahil sa ang seremonyang ito ay isang anino lamang ng paglilinis ng mga tao mula sa mga kasalanan na kanilang ginawa sa loob ng isang buong taon, kaya ang gawain ng paghatol ay isang literal na katuparan kung paanong ang ating mga kasalanan at ang talaan ng mga ito sa langit ay aalisin at “lilinisin” mula sa makalangit na santuwaryo. Ang salitang “itutubos” sa Leviticus 16:16, ayon sa Strong’s Concordance, ay nangangahulugan ng paglilinis, pagtatakip, pagpapatawad, pag-alis, pagiging maawain. Ang salitang paghatol sa Apocalipsis 14:7 ay nangangahulugang “kahatulan.” Gayunpaman, “wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus” na hindi nagsisilakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu Sa (Roma 8:1). Samakatuwid, ang salitang “pagtubos” para sa bayan ng Diyos ay nangangahulugang “pagtatakip, paglilinis” mula sa lahat ng mga kasalanan, at ang paghatol ay nangangahulugan na binayaran na ni Jesus ang halaga. (Tingnan ang Juan 5:24; Roma 5:18)

Juan 5:24 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan. 

Roma 5:18 Kaya kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang hatol sa lahat ng mga tao sa ipagdurusa; gayon din naman sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran, ang kaloob na walang bayad ay dumating sa lahat ng mga tao sa ikaaaring-ganap ng buhay. 

5. Atin naman ngayong ituon ang pansin sa propesiya ng Daniel 8:14. Kailan magsisimula ang paghatol?

Daniel 8:14 At sinabi niya sa akin, Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga; kung magkagayo’y malilinis ang santuario. 

Ang paghatol o ang paglilinis ng santuwaryo ay magsisimula sa katapusan ng 2300 propetikong mga taon. Tandaan, ang isang araw sa propesiya ng Biblia ay katumbas ng isang taon.

Bilang 14:34 Ayon sa bilang ng mga araw na inyong itiniktik sa lupain, sa makatuwid baga’y apat na pung araw, sa bawa’t araw ay isang taon, ay inyong tataglayin ang inyong mga kasamaan, na apat na pung taon, at inyong makikilala ang pagsira ko ng kapangakuan. 

Ezekiel 4:6 At muli, pagka iyong natapos ang mga ito, ikaw ay hihiga sa iyong tagilirang kanan, at iyong dadanasin ang kasamaan ng sangbahayan ni Juda; apat na pung araw, bawa’t araw ay pinaka isang taon, aking itinakda sa iyo. 

6. Matapos ang pangitain ni Daniel (Daniel 8:26-27), muli natin itong balikan (Daniel 9:21-23). Sinasabi ba sa atin ng Biblia kung kailan nagsimula ang propesiyang ito?

Daniel 9:25 Iyo ngang talastasin at bulayin, na mula sa paglabas ng utos na isauli at itayo ang Jerusalem sa pinahiran na prinsipe, magiging pitong sanglinggo, at anim na pu’t dalawang sanglinggo: ito’y matatayo uli, na may lansangan at kuta, sa makatuwid baga’y sa mga panahong mabagabag. 

Sa Ezra 6:14 ito ay nagsasalita ng isang tatlong beses na utos. Sa tatlong utos na ito, si haring Artajerjes ang huli at pinakakumpleto, na nagpanumbalik hindi lamang sa pagtatayo ng Jerusalem, kundi “nagpapanumbalik” ng bansang Judio noong taglagas ng 457 B.C. Ang petsang ito ay mapapatunayan ng sekular na kasaysayan.

Ezra 6:14 At ang mga matanda ng mga Judio ay nangagtayo at nangapasulong, ayon sa hula ni Haggeo na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. At kanilang itinayo at niyari, ayon sa utos ng Dios ng Israel, at ayon sa pasiya ni Ciro at ni Dario, at ni Artajerjes na hari sa Persia. 

Karagdagang pag-aaral:

Ezra 7:8 At siya’y naparoon sa Jerusalem sa ikalimang buwan, na sa ikapitong taon ng hari. 

Ezra 7:12 Si Artajerjes, na hari ng mga hari, kay Ezra na saserdote, na kalihim sa kautusan ng Dios ng langit, na sakdal at iba pa. 

Ezra 7:13 Ako’y gumagawa ng pasiya, na silang lahat na sa bayan ng Israel, at ang kanilang mga saserdote at ang mga Levita, sa aking kaharian, na nagakala ng kanilang sariling kusang kalooban na nagsiparoon sa Jerusalem, ay magsisama sa iyo. 

7. Paano sinimulan ni Gabriel ang kanyang paliwanag sa propesiya sa panahong ito?

Daniel 9:24 Pitong pung sanglinggo ang ipinasiya sa iyong mga tao at sa iyong banal na bayan, upang tapusin ang pagsalangsang, at upang wakasan ang pagkakasala, at upang linisin sa kasamaan, at upang dalhan ng walang hanggang katuwiran, at upang tatakan ang pangitain at ang panghuhula, at upang pahiran ang kabanalbanalan. 

Ang orihinal na Hebreo para sa salitang “determined –King James Version” ay nangangahulugang “cut off”. Pitumpung sanlinggo o 70 x 7 araw/taon ay katumbas ng 490 taon ay ito ay dapat putulin o hatiin mula sa simula ng 2300 taon na propesiya. Ang bansang Judio ay mayroon 490 taon upang magsisi dahil sa kanilang pagtalikod at upang maghanda para sa pagdating ng Mesiyas. Habang binabasa mo ang Daniel 9 makikita mo ang iba pang mahahalagang pangyayari na nakatala sa tsart ng propesiya, na lahat ay natupad ayon sa pagkakasulat.

8. Tunay na napaka-seryosong isipin at malaman na ang paghatol o ang paglilinis sa makalangit na santuwaryo ay nagsimula na mahigit isang daang taon na ang nakalilipas simula noong 1844. Tunay na tayo ay nabubuhay na sa mga huling yugto ng panahon. Samantalang ating nakikita ang katuparan ng propesiya ni Jesus sa Mateo 24, at sa iba pa, ano ang nararapat nating gawin?

Lucas 21:28 Datapuwa’t kung magpasimulang mangyari ang mga bagay na ito, ay magsitingin kayo, at itaas ninyo ang inyong mga ulo; sapagka’t malapit na ang pagkatubos ninyo. 

9. Sa pamamagitan ng propesiya, inihayag ng Diyos ang hinaharap bago pa ito mangyari. Bakit Niya tayo binibigyan ng ganitong kabatiran?

Roma 15:4 Sapagka’t ang anomang mga bagay na isinulat nang una ay nangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa. 

Kapag ating nakita kung paanong naganap ang mga salita ng salita ng Diyos ng wasto, pinatatatag nito ang pananampalataya at pagtitiwala sa Kaniyang mga pangako, at na sa pamamagitan ng pananampalataya ay magkakaroon tayo ng buhay.

2 Pedro 1:4 Na dahil dito ay ipinagkaloob niya sa atin ang kaniyang mahahalaga at napakadakilang pangako; upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa kabanalang mula sa Dios, yamang nakatanan sa kabulukang nasa sanglibutan dahil sa masamang pita. 

Juan 20:31 Nguni’t ang mga ito ay nangasulat, upang kayo’y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan. 

Isang kawili-wiling tala: Nagkaroon ng isang malawakang pagkamulat sa relihiyon noong mga taon bago sumapit ang 1844, at nang ang pabalita ng unang anghel ay ipinahayag ng maraming mga Adventist (mga mananampalataya sa ikalawang pagdating ni Cristo) sa buong mundo, ipinasok naman ni Satanas ang kaniyang pandaraya, na may pagtatangkang magdulot ng kawalan ng pananampalataya tungkol sa doktrina ng paglalang katulad ng nakasaad sa huling bahagi ng Apocalipsis 14:7 na nagsasabing, “magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng bukal ng mga tubig.” Nagsimula rin ang pagtanggap ng maraming tao sa teorya na nagsasabing ang tao ay nag-evolved mula sa mas mababang mga anyo ng buhay sa loob ng mahabang panahon. Si Charles Darwin (1809-1882), ay nagsimula ng kaniyang mga pag-aaral noong 1831 at sumulat ng maikling pahayag na patungkol sa kaniyang teorya ng ebolusyon noong 1842 at mas mahabang pahayag naman noong “1844”, at sa wakas ay inilathala ang kaniyang aklat, The Origin of Species, noong 1859.

“Ang gawaing ito ng pangangasiwa sa unang dako ng santuaryo ay nagpatuloy sa loob ng labing walong dantaon. Natamo ng dugo ni Kristo na nagtatanggol sa nagsisising makasalanan ang kapatawaran at pagtanggap ng Ama, gayon ma’y nanatili pa rin sa mga aklat ang kanilang mga kasalanan. Kung paanong sa santuaryo sa lupa ay nagkaroon ng isang gawain ng pagtubos sa katapusan ng isang taon, gayon din naman bago matapos ang gawain ni Kristo sa pagtubos sa sangkatauhan, ay magkakaroon ng isang gawang pagtubos sa ikaaalis ng kasalanan sa santuaryo. Ito ang gawaing nagpasimula noong matapos ang 2300 araw. Nang panahong yaon ang ating dakilang saserdote ay nasok sa kabanal-banalang dako, upang gawin ang kahuli-hulihang bahagi ng Kanyang mahalagang gawain upang linisin ang santuaryo. 

Kung paano na noong una’y nangalipat, sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga kasalanan ng bayan sa handog na patungkol sa kasalanan, at sa pamamagitan ng dugo nito’y nangalipat, sa sagisag, sa santuaryo sa lupa; gayon din naman sa bagong tipan, ang mga kasalanan ng nangagsisi ay sa pamamagitan ng pananampalataya napapatong kay Kristo, at tunay na nalilipat, sa santuaryo sa langit. At kung paano, na sa santuaryo sa lupa ang paglilinis ay nagawa sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga kasalanang dito’y dumungis, gayon din naman ang tunay na paglilinis ng santuaryo sa langit ay magaganap sa pamamagitan ng pag-aalis o pagpawi ng mga kasalanang doo’y natala. Datapuwa’t bago ito magawa, ay kailangan munang siyasatin ang mga aklat-talaan upang makilala kung sino, sa pamamagitan ng pagsisisi ng kanyang mga kasalanan at pananampalataya kay Kristo, ang nararapat sa mga kapakinabangan ng pagtubos sa kanya. Samakatuwid ang paglilinis ng santuaryo ay sumasaklaw sa isang gawaing pagsisiyasat—isang gawain ng paghuhukom. Ito’y dapat matapos bago pumarito si Kristo upang tubusin ang kanyang bayan; sapagka’t pagka siya’y pumarito na, ay dala niya ang gantimpala upang bigyan ang bawa’t isa ayon sa kani-kanyang mga gawa.” -Christ in His Sanctuary, pages 98-99.