TUMITINGIN SA ROMA ANG SANLIBUTAN – 2

Ang panahon ng malaking kadiliman sa kaalaman ay napagkilalang tumulong sa pananagumpay ng kapapahan. Nguni’t ipakikita pa rin na ang panahon ng malaking kaliwanagan sa kaalaman ay gayon din tutulong sa kanyang pananagumpay. Noong mga panahong lumipas, nang ang mga tao’y walang salita ng Diyos, at walang kaalaman sa katotohanan, ang mga mata nila ay may takip, at libu-libo ang nasilo, dahil sa hindi pagkakita sa lambat na naumang sa kanilang mga paa. Sa saling ito ng lahi ay marami naman ang nangasilaw sa matingkad na ningning ng mga haka-haka ng tao, at ng “maling tinatawag na kaalaman:”3* hindi nila nakikita ang lambat at madali silang pumapasok dito na anaki may takip ang kanilang mga mata. 

            Itinalaga ng Diyos na kilalanin ng tao na ang kapangyarihan ng kanyang pagiisip ay isang kaloob na galing sa Maykapal, at nararapat gamitin sa kapakanan ng katotohanan at katuwiran; datapuwa’t pagka iniimpok ang kapalaluan at layunin at itinataas ng tao ang kanilang sariling kuru-kuro na mataas kaysa salita ng Diyos, kung magkagayon, ang katalinuhan ay makagagawa ng lalong malaking kasamaan kaysa nagagawa ng kamangmangan. Sa ganya’y ang maling siyensiya sa kasalukuyang panahon, na siyang sumisira ng pananampalataya sa Kasulatan, ay magiging mapagtagumpay sa paghahanda ng daan upang tanggapin ang kapapahan, kalakip ang mga kaakit-akit niyang mga porma, gaya ng nangyari noong pigilin ang kaalaman sa pagbubukas ng daan upang mabunyi ito noong Madilim na Kapanahunan. 

            Sa mga kilusang ngayo’y itinataguyod sa Estados Unidos upang makuha ang pagtangkilik ng estado sa mga institusyon at mga ginagamit ng iglesya, ang Protestante ay sumusunod sa mga hakbang ng mga makapapa. Hindi lamang iyan kundi lalong higit, sila ang nagbubukas ng daang mapapasukan upang mabawi nito sa Protestanteng Amerika ang paghahari na nawala sa kanya sa Matandang Daigdig. At ang nagbibigay ng lalong katangian sa kilusang ito ay ang punong layunin na ipag-utos na ipangilin ang Linggo—isang kaugaliang ibinangon ng Roma, at inaangkin niyang tanda ng kanyang kapangyarihan. Ang diwa ng kapapahan—ang diwa ng pakikibagay sa mga ugaling makasanlibutan, ang pagpapahalaga sa mga sali’t saling sabi ng tao ng higit sa mga utos ng Diyos—ang siyang nanunuut sa mga iglesyang Protestante, at umaakay sa mga tao na itanghal ang Linggo na siyang ginawa ng kapapahan na nauna sa kanila. 

            Kung nais na maalaman ng bumabasa ang mga bagay na gagamitin sa nalalapit na paglalabanan, ay kailangan niyang tunghayan lamang ang ulat ng mga ginamit ng Roma sa ganito ring layunin noong mga panahong lumipas. Kung ibig niyang maunawa kung ano ang magiging pakikitungo ng nagtutulungang makapapa at Protestante doon sa mga tumantanggi sa kanilang mga aral, ay dapat niyang tingnan ang diwang ipinamalas ng Roma tungkol sa Sabado at sa mga nagtatanggol nito. 

            Ang mga kapasiyahang hari, ang mga pangkalahatang sanggunian, at ang mga utos ng iglesya na tinatangkilik ng kapangyarihang makasanlibutan, ay mga hakbanging sa pamamagitan nito’y nakarating ang kapangilinang pagano sa kanyang marangal na kalagayan sa Sangkakristiyanuhan. Ang kauna-unahang utos sa bayan na ipangilin ang Linggo ay siyang batas na ginawa ni Konstantino.4* Ito ang nag-utos sa mga taong bayan na magpahinga sa “kagalang-galang na kaarawan ng araw,” datapuwa’t pinahintulutan ang mga taga bukid na magpatuloy sa kanilang mga pagbubukid. Bagaman ito’y isang utos pagano sa pasimula, ay ipinasunod din ng emperador pagkarapos na siya’y maging Kristiyano sa ngalan lamang. 

            Palibhasa’y ang kapasiyahan ng hari ay di-sapat ipalit sa bilin ng Diyos, si Eusebio, na isang obispo na nagsikap na makakuha ng paglingap ng mga prinsipe, at tanging kaibigan at tagapuri ni Konstantino, ay nangatuwiran na inalis ni Kristo ang pangingilin sa araw ng Sabado at inilipat sa Linggo. Wala siyang ibinigay na isa mang patotoo mula sa Kasulatan upang patunayan ang bagong aral na ito. Si Eusebio na rin ang kumikilala na ito’y di totoo, at itinuro niya ang tunay na may kagagawan ng pagbabago. “Ang lahat ng bagay,” ang wika niya, “na tungkuling gawin sa araw ng Sabado ay inilipat namin sa araw ng Panginoon.”5* Nguni’t ang katuwirang ayon sa Linggo, na kung sa bagay ay walang pinagtitibayan noon, ay siyang nagpatapang sa tao upang yurakan ang Sabado ng Panginoon. Ang lahat na nagnais parangalan ng sanlibutan ay kumilala sa tanyag na kapangilinang ito. 

            Nang matatag nang matibay ang kapapahan, ang gawaing pagtatanghal sa Linggo ay nagpatuloy. Nagkaroon ng panahon, na ang mga tao’y nangagbubukid pagka hindi sila nagsisimba, at ang ikapitong araw ay kinikilala pa ring kapangilinan. Datapuwa’t nagpatuloy ang pagbabago. Yaong nangasa banal na tungkulin ay pinagbawalang magbitiw ng hatol sa anumang tunggaliang sibil kung araw ng Linggo. Hindi nagluwat at ang lahat ng tao, anuman ang uri niya, ay pinag-utusang huminto sa paggawa, at kung ang sumuway ay laya ang parusa’y multa at kung alipin naman ay palo. Sa huli ay ipinasiya na ang mga mayayaman ay parusahan ng pag-aalis ng kalahati ng kanilang mga lupain at sa wakas pagka nagmamatigas pa rin, ay gagawin silang mga busabos. Ang mga may kaunti lamang kabuhayan ay magdurusa sa walang-hanggang pagkatapon. 

Kinailangan din naman ang pagsasabi ng mga kababalaghan. Kabilang ng mga ibang kababalaghan ay ibinabalita na nang mag-aararo na ang isang magsasaka sa kanyang bukid isang araw ng Linggo, ay nililinis niya ang kanyang araro sa pamamagitan ng isang bakal, ang bakal na ito ay dumikit sa kanyang kamay, at dalawang taong dala-dala niya ito, “na malabis niyang ipinagdamdam at ikinahiya.”6* 

            Nang malaunan ay nagbilin ang papa, sa mga pari ng bayan na nararapat nilang payuhan ang mga hindi nangingilin ng Linggo at pagsabihan silang pumasok sa simbahan at magdasal, kung hindi ay baka may dumating sa kanilang sarili at sa kanilang mga kapitbahay na malubhang kapahamakan. Ang isang kapulungan ng iglesya ay nagharap ng katuwiran, na mula noo’y ginamit na ng marami, maging mga Protestante, na sapagka’t may mga taong tinamaan ng kulog samantalang gumagawa ng araw ng Linggo, ay walang pagsalang ito na nga ang kapangilinan. “Malinaw” ang sabi ng mga pari, “na malaki ang poot ng Diyos sa paglapastangan nila sa araw na ito.” Dahil dito’y nagkaroon ng isang panawagan na ang mga pari at mga ministro, mga hari at prinsipe, at lahat ng mga tapat na tao, ay “magsikap at mag-ingat ng buo nilang magagawa upang ang araw na ito ay maisauli sa kanyang karangalan, at, alang-alang sa ikapupuri sa Sangkakristiyanuhan, ay ipangilin ng lalong mahigpit sa panahong hinaharap.”7* 

            Nang hindi makasapat ang mga kapasiyan ng mga konsilyo, ay nilapitan naman ang mga pinuno ng pamahalaan upang gumawa ng utos na siyang sisindak sa mga puso ng mga tao, at pipilit sa kanila upang tumigil ng paggawa sa araw ng Linggo. Sa isang pulong na ginanap sa Roma, ang lahat ng unang kapasiyahan ay muling pinagtibay na may lalong kalakasan at kataimtiman. Isinama din naman ang mga ito sa kautusan ng iglesya, at ipinasunod ng mga pinuno ng pamahalaan sa halos buong Sangkakristiyanuhan.8* 

            Gayon ma’y ang kawalan ng katibayang mula sa Kasulatan sa pangingilin ng Linggo ay lumikha ng di gagaanong pagkakapahiya. Tinutulan ng mga tao ang karapatan ng kanilang mga tagapagturo na walang kabuluhan ang malinaw na pahayag ni Heoba na, “Ang ikapitong araw ay Sabado sa Panginoon mong Diyos,” upang igalang ang kaarawan ng araw. Upang mapagpunan ang kawalan ng patotoo ng Biblia, ay kinailangan nila ang ibang matalinong pamamaraan. Ang isang masigasig na tagapagtanyag ng Linggo, na dumalaw sa mga iglesya ng Inglatera nang magtatapos na ang ikalabindalawang dantaon ay sinagupa ng mga tapat na saksi ng katotohanan; at gayon na lamang ang pagkabigo ng ginawa niyang mga pagsisikap, na anupa’t umalis siya sa lupaing ito sa loob ng kaunting panahon, at gumawa ng ibang paraan upang maipasunod ang kanyang mga iniaaral. Nang siya’y bumalik ay dala na niya ang kapupunan at sa mga huli niyang paggawa ay nagkaroon siya ng lalong malaking tagumpay. Nagdala siya ng isang balumbong ipinamamarali niyang galing sa Diyos, na kinaroroonan ng kinakailangan nilang utos tungkol sa pangingilin ng Linggo, na may kalakip na mga babala upang takutin ang mga masuwayin. Ang mahalagang dukomentong ito—isang huwad na kasingsama ng doktrinang pinatutunayan—ay sinasabing nagmula sa langit, at natagpuan sa Jerusalem, sa ibabaw ng dambana ni San Simeon, sa Golgota. Datapuwa’t sa katotohana’y sa palasyo ng papa sa Roma ito nanggaling. Ang mga pagdaraya at paghuhuwad upang masulong ang kapangyarihan at kasaganaan ng iglesya ay ipinalagay ng kapapahan na ayon sa matuwid. 

            Ang balumbong yaon ay nagbabawal ng paggawa mula sa alas tres ng Sabado ng hapon hanggang sa pagsikat ng araw sa umaga ng Lunes; at ang kapangyarihan nito ay sinabi nilang pinatunayan ng maraming kababalaghan. Ibinabalita nilang ang mga taong gumawa ng lampas sa takdang oras ay dinapuan ng sakit na paralisis. Hindi harina ang nakita ng isang tao na gumigiling ng trigo, na lumalabas sa kanyang gilingan kundi dugong umaagos, at huminto ang gilingan, bagaman malakas ang agos ng tubig na siyang nagpapatakbo nito. May isang babaing naglagay ng minasang harina sa hurno nguni’t nang hanguin niya’y hindi luto, bagaman napakainit ang hurno. Ang isa naman ay nagmasa rin ng harina at naghanda ng harina upang gawing tinapay sa alas tres ng hapon ng Sabado, nguni’t nagpasiyang itabi na muna hanggang sa kinaumagahan ng Lunes, datapuwa’t kinabukasan ay nasumpungan niyang luto na ang tinapay, linuto ng kapangyarihan ng Diyos. Nasumpungan ng isang lalaking nagluluto ng tinapay pagkaraan ng alas tres ng hapon ng Sabado, nang hatiin na niya ang tinapay sa kinabukasan na may dugong dumadaloy. Sa pamamagitan ng ganyang kamangmanga’t mapamahiing katha-katha ay sinikap ng mga nagtatanyag ng Linggo na itatag ang kabanalan ng araw na ito.9* 

            Sa Eskosya, gayon din sa Inglatera, ang malaking paggalang sa araw ng Linggo ay natamo sa pamamagitan ng paglalakip dito ng isang bahagi ng dating kapangilinan. Datapuwa’t ang iniuutos na panahong ipa ngilin ay iba-iba. Ang isang utos ng hari sa Eskosya ay nagpahayag na “mula sa katanghaliang tapat ng Sabado ay dapat ibilang na banal,” at mula sa panahong iyan hanggang sa Lunes ng umaga, ay wala nang nararapat gumawa ng gawaing makasanlibutan.10* 

            Nguni’t sa kabila ng lahat na pagsisikap na maitatag ang kabanalan ng Linggo, ang mga makapapa na rin ang kumilalang Diyos ang nag-uutos ng pangingilin ng Sabado, at ang Linggo na siyang dito’y inihalili ay isang likhang tao lamang. Nang ikalabing-anim na dantaon ay ganito ang ipinahayag na malinaw ng isang konsilyo ng mga makapapa: “Dapat alalahanin ng mga Kristiyano na ang ikapitong araw ay itinalaga ng Diyos, at tinanggap at ipinangilin, hindi lamang ng mga Hudyo kundi ng lahat ng mga nagsasabing sumasamba sa Diyos; bagaman binago nating mga Kristiyano ang kanilang kapangilinan at inilipat natin sa Linggo.”11* Ang mga nanghihimasok sa banal na kautusan ay hindi walang malay sa kanilang ginawa. Tikis nilang inilagay ang kanilang sarili na mataas pa kaysa Diyos. 

            Ang isang kapuna-punang halimbawa ng pamamalakad ng Roma roon sa mga sumasalungat sa kanya ay nahayag sa matagal at madugong pag-uusig niya sa mga Baldense, na ang ilan ay nangingilin ng Sabado. Ang mga iba naman ay dumanas ng ganito rin dahil sa pagtatapat nila sa ikaapat na utos. Ang kasaysayan ng mga iglesya sa Etyopya at Abisinya ay lalong katangi-tangi. Sa gitna ng kadiliman noong madilim na Kapanahunan, ang mga Kristiyano ng gitnang Aprika ay nakaligtaan na at nalimutan ng sanlibutan, at sa malaong panahon ay tinamasa nila ang kalayaan sa kanilang pananampalataya. Datapuwa’t sa wakas ay napag-alaman ng Roma ang kanilang kalagayan, at ang emperador ng Abisinya ay madaling nadaya sa paniniwala na ang papa ay kahalili ni Kristo. Sumunod na ang mga ibang pakikiayon. Lumabas ang isang pasiya na nagbabawal ng pangingilin ng Sabado sa ilalim ng mabibigat na parusa.12*Datapuwa’t ang kalupitan ng papa ay di natagala’t naging napakabigat na pamatok na anupa’t ipinasiya ng mga taga-Abisinya na ito’y baliin. Pagkatapos ng isang kakila-kilabot na paglalabanan, ang mga Romanista ay napalayas sa kanilang mga nasasakupan, at napasauli ang dating pananampalataya. Ikinaligaya ng mga iglesya ang kanilang paglaya, at hindi na nila nalimutan ang aral na kanilang natutuhan tungkol sa karayaan, pagkapanatiko, at mapaniil na kapangyarihan ng Roma. Ikinasiya nilang manirahan sa kanilang bayan na hindi nalalaman ng ibang bahagi ng Sangkakristiyanuhan. 

            Ang mga iglesya sa Aprika ay nangilin ng Sabado gaya ng ginawa ng iglesyang makapapa bago siya lubusang tumalikod. Samantalang ipinangingilin nila ang ikapitong araw dahil sa pagtalima sa utos ng Diyos, ay humihinto naman sila sa paggawa kung araw ng Linggo dahil sa pakikibagay sa kaugalian ng iglesya. Nang umabot na ang Roma sa tugatog ng kapangyarihan, ay niyurakan niya ang Sabado ng Diyos upang pagtibayin ang araw na kanyang itinatag; nguni’t ang mga iglesya sa Aprika, na napatago ng halos isang libong taon, ay hindi nakisama sa pagbabagong ito. Nang sumailalim sila sa kapangyarihan ng Roma, ay napilitan silang magpabaya sa tunay na kapangilinan at itanghal ang maling kapangilinan; datapuwa’t kapagkarakang makuha nila ang kanilang kasarinlan, ay nanumbalik sila sa pagtalima sa ikaapat na utos.12** 

            Ang mga ulat na ito nang panahong lumipas ay maliwanag na naghahayag ng pakikialit ng Roma sa tunay na kapangilinan at sa mga nagsasanggalang nito, at inihahayag din naman ang mga paraan niya upang parangalan ang kanyang itinatag. Itinuturo ng salita ng Diyos na ang mga malasing ito ay mauulit kapagka ang Katoliko Romano at ang mga Protestante ay nagkaisa na sa pagtatampok sa Linggo. 

            Ang hula sa Apokalipsis 13 ay nagpahayag na ang kapangyarihang kinakatawanan ng hayop na may mga sungay na gaya ng sa isang kordero ay siyang pipilit “sa lupa at sa mga tumatahan dito” na sumamba sa kapapahan. —na siyang sinasagisagan ng hayop na “katulad ng isang leopardo.” Ang hayop na may dalawang sungay ay magsasabi rin naman “sa nangananahan sa lupa, na dapat silang gumawa ng larawan ng hayop,” at iuutos din nito sa lahat, “maliliit at malalaki, mayayaman at mga dukha, at mga laya, at mga alipin,” na tanggapin “ang tanda ng hayop.”13* Napatotohanan na ang Estados Unidos ay siyang kapangyarihang kinakatawanan ng hayop na may mga sungay na gaya ng sa isang kordero, at ang hulang ito ay mattutupad kapag ipinag-utos na ng Estados Unidos na ipangilin ang Linggo, na siyang inaangkin ng Roma na tanging tanda ng kanyang pamumuno. Datapuwa’t sa pagsambang ito sa kapapahan ay hindi magiisa ang Estados Unidos. Ang impluensya ng Roma sa mga lupaing kumilala noong una sa kanyang pamumuno, ay hindi pa nasisira. At ipinagpauna ng hula ang pananauli ng kanyang kapangyarihan. “Nakita ko ang isa sa kanyang mga ulo na tila sinugatan ng ikamamatay; at ang kanyang sugat na ikamamatay ay gumaling; at ang buong lupa’y nanggilalas sa hayop.”14* Ang pagkakaroon ng sugat na ikamamatay ay tumutukoy sa pagkabagsak ng kapapahan noong 1798. Pagkatapos nito’y sinabi ng propeta; “Ang kanyang sugat na ikamamatay ay gumaling; at ang buong lupa’y nanggilalas sa hayop.” Malinaw na isinasalaysay ni Pablo, na ang taong makasalanan ay mamamalagi hanggang sa ikalawang pagparito ni Kristo.15* Hanggang sa wakas ng panahon ay ipagpapatuloy niya ang kanyang gawang pagdaraya. At sinabi rin ng mamamahayag tungkol sa kapapahan, “Ang lahat ng nangananahan sa lupa ay magsisisamba sa kanya, na ang kani-kanyang pangalan ay hindi nasusulat sa aklat ng buhay.”16* Sa Europa at sa Amerika ay sasambahin ang kapapahan dahil sa paggalang sa kapangilinang Linggo, na tanging-tanging likha ng kapangyarihan ng Iglesya Romana. 

            Buhat pa nang kalahatian ng ika-19 na dantaon, ang patotoong ito ay inihaharap na sa sanlibutan ng nagsisipag-aral ng hula sa Estados Unidos. Sa mga pangyayaring ngayo’y nakikita ay namamalas ang mabilis na pagsulong na tungo sa pagkatupad ng hula. Ang mga gurong Protestante ay nagsasabi ring may pahintulot ang Diyos sa pangingilin ng Linggo, at gaya rin ng mga pinunong makapapa na kumatha ng mga kababalaghan upang ilagay sa lugar ng utos ng Diyos, sila’y walang maibigay na patotoo mula sa Kasulatan. Ang walang batayang pagsasabi na ang mga tao’y dinadalaw ng mga hatol ng Diyos dahil sa paglabag nila sa kapangilinang Linggo, ay uulitin; ngayon pa ma’y ipinipilit na ito. Ang isang kilusan upang ipagutos na ipangilin ang Linggo ay matuling na sumusulong. 

            Ang Iglesya Katolika Romana, kalakip ang lahat niyang sangay sa buong sanlibutan, ay bumubuo sa isang malaking kapisanan, sa ilalim ng pangangasiwa ng kapapahan, at itinalagang maglingkod sa mga kapakanan ng kapapahan. Ang angaw-angaw na mga kasapi niya sa lahat ng bansa ng sangkalupaan ay tinuruang mahigpit na kumilala sa papa. Maging anuman ang kanilang bansa, o ang kanilang pamahalaan, ay dapat nilang kilalaning mataas sa lahat ang kapangyarihan ng iglesya. Kahi’t nakasumpa na sila na magtatapat sa pamahalaan, sa likod nito’y nalalagay ang pangako ng pagtalima sa Roma, na nagpapalaya sa kanila sa lahat ng pangakong laban sa kanyang mga kapakanan. 

            Noong taong 1204, si Papa Inocencio III, ay sumipi mula kay Pedro II, na hari sa Aragon, ng sumusunod na di pangkaraniwang sumpa “Akong si Pedro, hari ng Aragon, ay nagpapahayag at nangangako na magtatapat at magmamasunurin magmula ngayon sa aking panginoon, na Papa Inocencio, sa mga kasumunod niyang Katoliko, at sa Iglesya Romana, at buong tapat kong iingatan ang aking kaharian sa pagtalima sa kanya, na ipagsasanggalang ko ang pananampalatayang Katoliko, at pag-uusigin ko ang mga likong erehe.”17* Itoy agpang na agpang sa mga inaangking kapangyarihan ng papa ng Roma, na “may matuwid siyang magbaba ng mga emperador sa kanilang luklukan,” at “magligtas sa mga tao sa pagkapailalim sa mga masamang puno.”18* 

            Ipinagpaunang sinabi ng salita ng Diyos ang nagbabalang kapanganiban; bayaang huwag pakinggan ito, at mapaglalaman ng daigdig Protestante kung ano ang mga layunin ng Roma sa panahong wala nang panahon pa upang makaiwas sa silo. Ang Roma ay walang imik na umaakyat sa kapangyarihan. Ang kanyang mga aral ay gumigiit sa loob ng mga lehislatura, sa loob ng mga iglesya, at sa mga puno ng mga tao. Nagtatayo siya ng matatayog at malalaking gusali at sa mga lihim na dako ng mga ito ay uulitin ang kanyang dating pag-uusig. Marahan at di-inaakala ninuman na pinalalakas niya ang kanyang mga hukbo upang itaguyod ang kanyang mga mithiin at nang siya’y makadagok pag dumating na ang ukol na panahon. Ang ninanasa na lamang niya ay ang siya’y makalamang, at ito’y ibinibigay na sa kanya. Hindi na magluluwat at makikita at madadama natin kung ano ang layunin ng Roma. Sinumang mananampalataya at susunod sa salita ng Diyos, ay magtatamo ng paglibak at pag-uusig. 

*1. J.L. von Mosheim, Insitutes of Ecclesiastical History, aklat 3, sig. 11, bah. 2, tal. 9, par. 1.

*2. Josiah Strong, Our Country, kab. 5, par. 1-3.

*3. 1 Timoteo 6:20.

*4. Tingnan ang paliwanag sa Ang Malaking Tunggalian, p. 43.

*5. R. Cox, Sabbath Laws and Sabbath Duties, p. 538. (1853.)

*6. Francis West, Historical and Practical Discourse on the Lord’s Day, p. 174.

*7. Thomas Morer, Discourse on Six Dialogues on the Name, Notion, and Observation of the Lord’s Day, p. 271. (1701.)

*8. P. Heylyn, History of the Sabbath, bah. 2, kab. 5, pangkat 7.

*9. Tingnan ang sulat ni Roger de Hoveden, Annuals, tomo 2, p. 528-530. (Palimbag ni Bohn.)

*10. Thomas Morer, Discourse on Six Dialogues on the Name, Notion, and Observation of the Lord’s Day, p. 290, 291.

*11. Thomas Morer, Discourse on Six Dialogues on the Name, Notion, and Observation of the Lord’s Day, p. 281, 282.

*12. Michael Geddes, Church History of Ethiopia, p. 311, 312.

*13. Apocalipsis 13: 11-16.

*14. Apocalipsis 13:3.

*15. 2 Tesalonica 2:8.

*16. Apocalipsis 13:8.

*17. J. Dowling, History of Romanism, aklat 5, kab. 6. pangkat 55.

*18. J.L. von Mosheim, Insitutes of Ecclesiastical History, aklat 3, sig. 11, bah. 2, kab. 2. pangkat 9, paliwanag 8.